Professional Documents
Culture Documents
Ang Balagtasan ay isang pagtatalo sa pamamagitan ng pagtula. Nakilala ito noong panahon na ang Pilipinas ay
nasa ilalim ng Amerika, batay sa mga lumang tradisyon ng patulang pagtatalo gaya ng Karagatan, Batutian at
Duplo. Bago pa man masakop ng mga dayuhan ang ating bansa mayaman na sa tradisyong tulang sagutan sa iba’t
ibang rehiyon ng Pilipinas. May tinatawag na patulang Balitao ang Aklanon maging ang Cebuano, isang biglaang
debate ng lalake at babae. Sagutan naman ng kinatawan o sugo ng dalawang pamilyang nakikipagnegosasyon sa pag-
iisang dibdib ng dalaga at binata ang Siday ng mga Ilonggo at Pamalaye ng mga Cebuano. Sa mga Subanen naman ay
sa inuman isinasagawa ang sagutan. Ang unang bahagi ng ganitong gawain ay pagtikim ng alak kung saan
nalalaman ang papel na gagampanan ng bawat isa, ang mga tuntunin at iba pang bagay na dapat isaalang-
alang. Ang Balagtasan ay isang makabagong duplo. Ang mga kasali sa duplo ay gumaganap na nasa isang korte na
sumisiyasat sa kaso ng isang hari na nawala ang paboritong ibon o singsing. May gumaganap na piskal o tagausig,
isang akusado,at abogado. Ito ay magiging debate o sinasabing tagisan ng katuwiran sa panig ng taga-usig at
tagapagtanggol at maaaring paiba-iba ang paksa. Bagamat ito ay lumalabas na debate sa pamamaraang patula,
layunin rin nito na magbigay-aliw sa pamamagitan ng paghahalo ng katatawanan, talas ng isip, na may kasamang
mga aktor sa isang dula. Ang Balagtasan ay ginamit ng mga manunulat upang maipahiwatig ang kanilang palagay sa
aspetong politika at napapanahong mga pangyayari at usapan. Nabuo ang konseptong ito sa isang pagpupulong. Ang
nangungunang mga manunulat noong Marso 28, 1924, sa tanggapan ni Rosa Sevilla sa Instituto de Mujeres
(Women's Institute), Tondo, Maynila. Ito ay naganap bilang paghahanda sa pagdiriwang ng kaarawan ng dakilang
makata na si Francisco Balagtas o Araw ni Balagtas sa darating na Abril 2. Iminungkahi ni G. Jose Sevilla na
tawagin itong Balagtas. Hinunlapiang “an” ang pangalan kaya naging Balagtasan na ang tawag dito. Ang unang
Balagtasan ay nangyari noong Abril 6, 1924. Tatlong pares ng makata ang nagtalo na gumamit ng iskrip. Ang
pinakamagaling sa mga nagbalagtasan ay sina José Corazón de Jesús at Florentino Collantes, kaya naisipan ng mga
bumuo na magkaroon ng isa pang Balagtasan para sa dalawang kagalang-galang na makatang ito, na walang iskrip.
Ginawa ito noong Oktubre 18, 1925 sa Olympic Stadium sa Maynila. Si Jose Corazon De Jesus ang nagwagi bilang
unang Hari ng Balagtasan.Nakilala si Jose Corazon de Jesus bilang si "Huseng Batute" dahilan sa kaniyang angking
kahusayan sa Balagtasan noong 1920. Mula noon hanggang ilang taong makalipas ang Ika-2 Digmaang Pandaigdig,
naging paboritong aliwan ang Balagtasan. Gumawa pati ang mga makata sa ibang mga wika sa Pilipinas ng sarili
nilang bersyon, gaya ng Bukanegan ng mga Ilokano (mula sa apelyido ng makatang Ilokanong si Pedro Bukaneg at ng
Crisostan ng mga Pampango (mula sa pangalan ng Pampangong makata na si Juan Crisostomo Soto). Sa pagdating
ng mga Amerikano sa bansa sumulpot ang mga samahang pampanitikang nakabatay sa paaralan kung hindi
magkakaroon ng pagkakatong mapabilang sa mga samahang pampanitikan. Ang Balagtasan ay karaniwang may
mga paksang pinag-uusapan ng tatlo katao. Ang mga kalahok ay inaasahang magaling sa pag-alala ng mga tulang
mahahaba at pagbigkas nito ng may dating (con todo forma) sa publiko. Ang takbo ng tula ay magiging labanan ng
opinyon ng bawat panig ( Mambabalagtas). May mga hurado na magsisiyasat kung sino sa kanila ang panalo o ang
mas may makabuluhang pangangatuwiran.