You are on page 1of 3

Sa Kabilang Dako ng Gusali

Perez, Mordekkai V.

Ayan na. Kaya ko ‘to.

Natagpuan ko nalamang ang aking sarili sa isang lugar na mala-gubat. Maririnig mo


ang lagaslas ng hangin sa mga dahon ng puno, at mga insekto sa basang damo.
Nagulat ako nang marinig ko ang isang malakas na tunog at kalabit sa aking tabi. “Tara
na at magsisimula na.”

Sa dagat-dagatang tao sa loob ng gusali, pilit kong hinanap ang kakaibang panaginip
na nahagip ng aking mga mata. Sa una naming tagpo, pilit ko ring hinabol ang kanyang
mga tingin. Umaasang mahuli siya na nakatingin din sa’kin.

Humanap ako ng paraan para mas mapalapit ako sa kakaibang pangarap na yun. ‘Di ko
maalis sa aking isipan ang kimukutitap na tala sa kanyang mga mata at puyo sa
kanyang mga maputing pisngi.

Papunta na ako sa aming kwarto noong makita ko ang isang lalaking kumakaway sa ‘di
kalayuan. Biglang nawala. Sino kaya iyon?

Palunok-lunok at papunas-punas ng pawis sa noo, kabado at parang may mga paru-


paro sa tiyan ko. Ano na ba’ng nangyayari? ‘Di ko alam. Mabilis ang mga pangyayari.
Pilit na sinusundan ang tunog na tumatawag pansin sa aking mga tainga. Naramdaman
ko ang malambot na kamay ng isang binata na panay ang satsat. Ano bang ginagawa
nito? Bakit hinahawakan ang kamay ko? Tanong sa sarili. Sabi niya dito lang kami sa
tabi niya. Matapos ang ilang sandali, nasilayan na ang pinagtipong mga tao. Ako na
nasa kulay kahel.

Mga ilang sandali ng pagtatagal ko sa mala-gubat na lugar, napansin ko ang isang


kakaibang panaginip. Malakas ang pakiramdam kong may nagmamasid. Para
mapalagay ang aking damdamin, minarapat ko nang sundan ito ng tingin. Malikot kung
kumilos, palakad-lakad. Alam niyang nakatingin ako sa kanya. Kaya ngumisi at dali-dali
siyang lumapit at tinanong ang aking pangalan. ‘Di ko na naririnig ang mga tao sa aking
paligid, matapos niyang tanungin ang aking pangalan. Interesado siya! Interesado siya
sa akin! Ang kakaibang panaginip!

Anong klaseng pangalan ba ‘yun? Panghapon ba iyon? ‘Di nagpatinag ang nag-aalab
na damdamin. Mas lalong lumakas ang loob. Patuloy na pinagmamasdan ang
kakaibang pangarap sa kabilang dako ng gusali.

‘Di na maalis sa isipan ang litrato ng kakaibang pangarap. Lahat sila’y nakapapansin sa
aking pagngisi, pagngisi ng mga mata at ang natutunaw na pakiramdam sa tuwing
siya’y nasisilayan. Ako’y nanghihina.

Kahit mahamog at malamig, sabik na sabik bumangon nang marinig ang malakas na
tunog.‘Di na hinintay ang tapik ng katabi. Patuloy ang panginginig ng aking mga
kalamnan sa tuwing nasisilayan ang kakaibang panaginip.

Ako’y manghang-mangha sa kakaibang panaginip. Patuloy na pinagmamasdan. Kahit


sa malayo, kitang-kita. Malinaw na malinaw.

May isang beses pang lumapit ang aking kakilala at kinuhanan ng litrato.’Di na ako
makapaghintay na makauwi at mahawakan ang computer.

Naglalaro sa aking isipan ang sandaling tinanong niya ang aking pangalan. Dali-daling
naisip ang isang bagay na magiging tulay sa aming pagkakakilanlan.
Friend request accepted. Unang pag-uusap. Ngunit bigla nalang nanlamig, nawala,
naglaho. Anong problema ‘nun?

‘Di kita nakita noon, pero nakita mo ako? Ah sorry. Kilala mo ba si…

Ah oo, oo…

Umurong bigla ang dila, mga salita’y nakulong sa tikom na bibig. Pilit na kumakawala sa
aking isipan. Mga pagsisisi, pagluluksa, para bang may namatay.

Naroon ako sa mala-gubat na lugar.

Naroon ako sa ‘di kalayuan.

Naroon ako sa kabilang dako ng gusali.

Naroon ako sa harap mo, sa kabilang dako ng gusali.

Naroon ako nang banggitin mo ang pangalan mo, sa kabilang dako ng gusali.

Naroon ako sa mahamog at malamig na umaga.

Naroon ako sa dagat-dagatang tao, sa kabilang dako ng gusali.

Naroon ako nang kuhaan ka ng litrato.

Naroon ako, sa kabilang dako ng gusali.

Wakas.

You might also like