You are on page 1of 6

Pangalan: Vanessa Marie Castro Reyes

Seksiyon: IV-BSci.Ed.
Gawain: Isang maikling kwento ng may paglalarawan para sa Ged Fil 02
Isang Araw na Hiram
At hayan na siya, sukbit sa isang kamay ang maliit niyang lukbot na sumasabay sa saliw
ng kaniyang mala-modelong paglalakad. At hawak sa kabilang kamay ang kanyang cellphone na
paboritong dapuan ng makukulit niyang tingin na waring may kinasasabikang maapuhap. Hayan
na siya! Suot ang lilang laso na nakadaragdag sa kintab ng kanyang mahahabang buhok at
nakakatakot na anyo ng mapupungay niyang mga mata. Hayan na siya! Kasabay ng kanyang
pagdating ang tunog ng kanyang pagpadyak gamit ang makinang niyang sapatos na nag-uunahan
sa pagbagsak sa matiising lupa dahilan ng biglaang pagtigil ng patuloy na mga dada,
nagpupunitang mga papel, nagbibigatang buntong hininga, at nakabibinging halakhak ng klase. At
biglang bumuka ang kanyang mapupula at tila nang-aakit niyang mga labi sabay sabing,
“Ay! Bakit ang tahimik?” At nagsimulang maging tampulan ng asaran ang binibining
kararating lamang.
“Uy! Naka takong siya!” Hindi niya pinansin ang kabi kabilaang asar sa kaniya ng mga
masisiglang kaklase niya, naupo siya at nagbigay ng ngising puno ng tamis at kagandahan ng
kalooban.
Makalipas ang ilang minuto ay nagsimula ng umalingawngaw ang tunog ng bell.
*kriiiiiiiiiiiiiiiiiing! Kriiiiiiiiiiiiiiiiing! Kriiiiiiiiiiiiiiiiing!* Dahilan para magsibalikan sa
pagkakaayos ang klase para sa susunod na leksiyon.
Klase na! ngunit siya parin ang malayang tumatahak sa bawat sulok ng aking murang
isipan. Maya-maya, dumapo ang atensyon ng aming guro sa maamo niyang mukha. Nagsalita siya,
ang bawat salitang binibigkas niya ay parang dagundong ng malalaking tambol ang kapares sa
aking dibdib. Ang tunog na namumutawi sa kanyang mga labi ay parang saliw ng musikanhg
nakakapagpa-payapa ng aking kalooban. Ang bawat galaw ng kamay niyang humahaplos sa
hangin ay tugma sa mga impormasyong kanyang sinasalita.
Siya si Violet na umaalo sa nais magwalang diwa ko. Siya si Violet na nakakapagpa tahan
sa nais ng bumigay na kalooban ko. Siya sa Violet na siyang ninanais ng puso, isip at buong
pagkatao ko.
Siya si Violet, isang babae na sa likod ng kanyang makapukaw tinging mga mata ay
nagbabadya ang mga luhang nagpupumilit na kumalas at bumuhos anumang oras. Si Violet na sa
likod ng mga kurbang gumuguhit sa kanyang mga labi ay mga makaagaw buhay na mga salitang
nais niyang isumbat sa taong dahilan ng kanyang pagdurusa. Si Violet na sa likod ng matatag at
mabibigat na padyak ay mga tuhod na nagpipigil sa pagbagsak at pagdapa sa mga lupang handa
siyang saluin at aluin anumang oras. Sa likod ng mabuting kalooban ay ang sumisigaw niyang
galit at nag aapaw na inis sa taong sanhi ng hirap na dinaranas niya.
Siya si Violet, ang taong mas pipiliing manahimik at magkimkim kaysa makasira at
makasakit ng karamdaman ng iba. Magaling magtago, mahilig magkubli sa nagtataasang kurtina,
at malimit humimlay sa kama niyang punung-puno na ng alat. Isa siyang duwag na nais
maghimagsik at gumanti sa pagdating ng tamang posisyon ng mga kamay ng orasang siya mismo
ang lumikha. Siya si Violet na minsan nang naging mundo ko. Siya si Violet na minsan ng naging
akin at mananatili sa aking puso anuman ang mangyari.
“Class, magkakaroon tayo ng isang simpleng aktibidad sa araw na ito kung saan kailangan
niyong gumawa ng isang liham para sa isang taong mahalaga sa inyo, ang liham na ito ay malaya,
maari niyong isulat lahat ng inyong saloobin, lahat ng gusto niyong malaman ng taong yaon, lahat
ng mga nais niyong isumbat sa taong yaon. Gawin ninyo ang liham na ito sa natitirang higit
tatlumpung minute ng ating klase”. Matapos sabihin ng aming guro ang tungkol sa aming gagawin,
ang maaliwalas at masiyahin niyang mukha ay napalitan ng blankong ekspresyon at tila walang
emosyon niyang tinitigan ang papel niyang puti at lilang panulat. Kinabahan ako bigla.
“Pre, anong nangyayari kay Violet? Bakit siya ganyan?” bulong ko sa katabi kong lalaki
na mukhang adik sa kulay pula niyang buhok, may malaking bilog na kakalaw-kalaw sa butas ng
kanyang tainga, kusot kusot na uniporme at mga matang halos lumuwa na.
Napahilamos ako ng mukha sabay dabog sa mesa ng upuan ko ng wala akong nakuhang ni
isang salita o galaw mula sa pinagtanungan ko. Tumayo ako at akmang kakalabitin na sana ang
balikat ni Violet ng biglang may babaeng humarang sa daraanan ko at naunahan ako sa pag-kalabit
ng balikat ni Violet.
“V! Tulala ka na naman! Wag mo munang isipin ang nangyari. Gumawa ka na ng liham
mo, tumatakbo ang oras” Sambit ng babae kay Violet. Mukha namang bumalik sa reyalidad si
Violet at tarantang hinarap ang susulatang papel.
“Oo Tine! Wala akong ibang iniisip, naghahanap ako ng taong susulatan ko” nagpapalusot
niyang sagot. Ngumiwi si Tine, yung itinawag ni Violet kanina sa babae at umalis na. Mukhang
nakahalata.
“Anong nag-iisip ng taong susulatan ka diyan! Eh kanina ka pa nakatulala at malalim ang
iniisip diyan eh!” Napatakip ako sa bibig ko, napalakas ang pagkakasabi ko. Sa biglaang pagharap
ni Violet ay tumalikod ako agad at naglakad pabalik sa upuan ko. Mukha namang hindi niya
nahalata kung sino ang nagsalita. “haaaaay!” napa buntong hininga ako sa takot at pagka lusot ko.
Gaya ng ginagawa ni Violet at ng iba ko pang mga kasama sa klase, hinarap ko na ang
papel ko at nagsimula ng sumulat ng liham.
Minamahal kong Violet,
Araw-araw nagpapasalamat ako sa Diyos sapagkat nandiyan ka at pinagkaloob niyang
makilala kita. Bawat hibla ng maiitim at makikintab mong buhok at bawat bakas ng ginagawa
mong paglakad ay sapat na para makapagpatibok ng puso kong sintulin ng mga kabayo sa isang
karera. Hindi ko malaman kung paano mo iyon nagagawa. Napapailing na lamang ako sa tuwing
nararamdaman ko ang dibdib kong dumadagundong sa tuwing nakikita kita.
Nitong mga nagdaang araw, napapansin ko ang madalas mong pagkatulala, pagka lamya
at paglungkot sa tuwing nakikita kitang magisa. Hindi ko maapuhap sa aking isipan kung bakit ka
nagkakaganyan Violet, kung maari lamang angkinin ang dinaramdam mo ay matagal ko ng
ginawa, kung maari ko lang hawiin ang mga ulap sa likod ng iyong mga mata para sana wala ng
tumulong luha mula sa mapupungay mong mga mata, gagawin ko, kung maaari lamang ay
burahin ko na ang kung anong bumabagabag sa isipan mo, ginawa ko na. Ngunit, ni lapitan ka
nga nababahag pa ang buntot ko. Ni hawakan ang kamay mo at patahanin ka sa tuwing nakikita
kitang lumuluha, hindi ko magawa. Pasensya kana.
Pero Violet, pinapangako ko sa iyo ng magmula ngayon, nandito na ako para sa iyo, di
kita iiwan at tatalikuran anuman ang mangyari. Mahalin mo man ako o hindi lagi mong
tatandaang may masasandalan ka. At ako yun, iisang tawag mo lang darating ako. Pangako yan.
Kaya wag ka ng malungkot. Kung ano at sino man yang dahilan ng pagpatak ng luha mo, hayaan
mona. Move forward ika nga. Be happy 

Nagmamahal,
Steph
Sa mismong pagpatid ko sa patuloy na umuukit kong panulat ay tumunog na ang bell. Bago
kami magsiuwi ay nagbigay ng instruksiyon an gaming guro.
“Ang ipapasa niyo sa akin bukas ay ang sipi ng mga liham niyo. Nais kong sabihin sa inyo
na ibibigay niyo ang orihinal sa taong sinulatan ninyo. Yun lang at maari na kayong umalis”
Pagkasabi at pagka-alis ng aming guro ay nagsireklamo ang mga kaklase ko. Hindi daw anya nila
maibibigay ang liham sa kanilang sinulatan sapagkat naglalaman ito ng mga kaisipan na hinugot
nila sa kailaliman ng kanilang nararamdaman. Mga duwag! Napailing nalang ako sa halo halong
emosyong ipinakikita ng mga kaklase ko.
Sa kabila ng ingay sa klasrum, nagsimula akong maglakad papalapit kay Violet para
maiabot ang aking liham. Akma kong iaabot ang liham ng bigla siyang tumayo at lumakad palabas
ng klasrum.
“Teka Violet! San ka pupunta? May klase pa tayo!” Hindi niya ako pinansin at nagpatuloy
sa paglalakad. Baka iaabot niyaa ng liham niya? Pero baka kung ano ding gawin niya!
Tinakbo ko ang bag ko sa upuan ko at dali daling lumabas para habulin siya, bitbit sa aking
kamay ang liham para sa kanya. San kaya ito pupunta?
Tahimik ko lang siyang sinusundan. Hawak niya ang liham na ginawa niya. Balisa siyang
naglalakad, Nasa iisang direksyon ang tingin at nilalakaran. Hinayaan ko siyang maglakad lamang
ng maglakad sa takot na baka may mahalaga at malalim siyang iniisip. Naaawa na ako sa kanya,
mataas pa naman ang suot niyang sapatos, baka mamaltos siya kakalakad, magdadalawang oras
na kaming paikot ikot dito sa daan. Pinagtitinginan na siya ng mga tao. Halos matapilok at madapa
na siya sa lakas ng bangga sa kanya ng mga nakakasalubong niya. Mukha na siyang lantang gulay
at wala ni isang sulok sa kanyang mukha ang kakikitaan ng emosyon.
Maya-maya, bigla siyang tumigil kasabay ng pagtulo ng luha sa kanyang mga mata.
Umiiyak siya sa daan. Ilang saglit ay lumuhod siya sanhi ng pagtama ng tingin ng bawat taong
nakapaligid sa kanya sa daan. Puno ng pagtataka ko siyang pinagmasdan gaya ng mga tao sa
paligid niya. Walang maglakas loob na umawat, walang may gustong lumapit sa humahagulgol na
si Violet. Mistula akong estatwa sa kinatatayuan ko. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman
ko, parang tinutusok ng malalaking karayom ang puso ko. Nasasaktan ako sa nakikita ko na parang
ako ang dahilan kung bakit siya nagkakaganyan. Hindi ko siya malapitan at mapatahan,
naramdaman ko ang paghipo ng kasalanan sa aking katawan. Sobra ko na ba siyang mahal kaya
ako nagkakaganito?
Makalipas ang ilang minutong pagkaka estatwa ko ay naihakbang ko na ang aking mga
paa. Bawat hakbang ay mistulang nakakapaso. Ang pakiramdam ko ay naglalakad ako sa
nagbabagang kalsada palapit sa kanya. Ambigat ng bawat hakbang na ginagawa ko. Nakakuyom
ang kamao ko, galit ako sa sarili ko. Wala akong karapatang lapitan siya. Pakiramdam ko’y nasa
akin ang dahilan ng pagkalungkot ni Violet. Akmang hahawakan ko sana ang balikat niya at aaluin
siya ng bigla siyang tumayo at naglakad sa panibagong direksyon. Naiwan akong may pagtataka
nang hindi niya ako pinansin. Inisip ko na lamang na mabigat ang nararamdaman niya kaya siya
nagkaka ganoon. Sinundan ko siya. Halos sumabog ang dibdib ko sa lakas ng kabog ng puso ko,
bigla na lamang akong nakaramdam ng kaba.
Makalipas ang tatlumpong minutong paglalakad, tumigil na siya. Nakaharap siya sa
tarangkahan ng isang malaking bahay. Nakakatakot ang anyo nito. Mukhang walang nakatira at
inabandona na. Binuksan niya ang tarangkahan kasabay ng muling pag-agos ng kanyang mga luha,
anong gagawin niya dito? Pinagmasdan ko siya sa di kalayuan para di niya ako makita. Nagtungo
siya sa likuran at doon na humagulgol ng pagkalakas lakas. Kaharap niya ang isang libingan. Yan
siguro ang dahilan ng pighati niya. Nalungkot ako sa nakikita ko. Halos hukayin na niya ang
libingan kasabay ng pagsambit niya sa mga katagang, “Bakit?” paulit ulit na bakit ang
namumutawi sa labi niya. Hindi na si Violet ang nakikita ko. Hindi na maaliwalas ang kanyang
mukha, madumi na ang suot niya at maraming lupa ang kanyang mga kamay.
Di naglaon ay tumahan siya, kinuha niya mula sa kanyang bag ang liham na ginawa niya,
nalungkot muli siya. Nagsalita siya, “Ito, para sa iyo ito, pinagawa kami ng liham para sa pinaka
importanteng tao sa aming buhay. Iiwan ko to. Basahin mo, mahal na mahal kita” hinalikan niya
ang liham at ibinaba sa libingan. Nakaramdam ako ng kirot ng marinig ang mga salitang mahal na
mahal kita mula sa kanyang labi. Tila mga batong pumukol sa akin ang mga salitang yaon. Di
nagtagal matapos niyang ilapag ang liham ay inayos niya ang sarili at naglakad paalis.
Gusto ko siyang sundan ngunit hindi ko maalis ang tingin sa libingang pinanggalingan
niya. Muli ay naramdaman ko ang bilis ng tibok ng puso ko habang papalapit ako sa libingan.
Patuloy ang isip ko sa pag-iisip ng mga bagay bagay. Gulong gulo ang isip ko. May pumipigil sa
loob ko na tingnan ang libingan ngunit patuloy ang binti ko sa paglalakad.
Ilang sandali pa lamang ay hinarap ko ang libingan. Napatitig ako sa mga letrang nakaukit
sa lapida. Na blanko ang isip ko at walang ibang nagawa kundi titigan ang mga letrang
nagpabagsak ng damdamin at binti ko. Napaluhod ako. Napasapo ako sa dibdib kong nagwawala
kasabay ng walang humpay na pag-agos ng luha ko sa nakita ko. Ang bawat letra ay dumudurog
sa puso at kaluluwa ko, S-T-E-P-H ang ngalan ng nakalibing. Steph Villareal na siyang natatanging
pangalang taglay ko. Wala akong magawa, nanghihina ang buong katawan ko. Hindi ko alam ang
ginagawa ko. Sinasabunutan ko ang ulo ko, ilang beses na hinilamos ko ang mukha ko, sinuntok
ko ang libingan sa harapan ko, sinusuntok ko ang sarili ko. “Ako! Ako ang dahilan ng matinding
lungkot at pighating nararamdaman niya!” P***I** steph! Anong ginawa mo? Ang tanga ko!
Sinaktan ko ang babaeng mahal na mahal ko at mahal na mahal ako! Wala akong magawa.
Sa patuloy na pagluha ko ay nahagip ng paningin ko ang liham na ginawa ni Violet na
nakapatong sa aking sariling libingan. Buong lakas kong inabot ang liham sa kabila ng panghihina
at pagluha ko. Marahan ko itong binuksan at binasa, bawat salita sa liham na ito na sulat kamay ni
Violet ay pinapatay ang aking kaluluwang tanging meron ako ngayon.
Mahal kong Steph,
Labis ang pagkabalisa ko sa iyo sa oras na ito. Hindi ako makahanap ng akma, tama at
saktong salita sa kung ano ang nararamdaman ko sa bawat araw at oras na hindi ko maramdaman
ang presensiya mo. Na kahit kailan ay hinding hindi na kita makakasama at makikita pang muli.
Bakit? Iniwan mo na lang ako ng biglaan, walang paalam at walang kaalam-alam. Paano
na ako ngayong wala ka na sa tabi ko? Kay aga mo akong iniwan. Matinding pighati at sakit ang
tanging iniwan mo sa akin. Ang sakit! Ang sakit sakit! Sa tuwing naaalala kita, higit pa sa sampung
beses ang pagkadurog ng puso ko. Alam mo na mahina at marupok ako, madaling masaktan pero
iniwan mo na lamang ako ng biglaan. Nasaan na ang pangako mong mananatili ka sa tabi ko,
sasaluin ang bawat luhang papatak sa mata ko? Nasaan ka ngayon? Alam mo bang sobra akong
nasasaktan? Nasaan ang pangako mong ipagtatanggol ako sa mga kaklase nating nambubuska sa
akin? Nasaan kana ha? Ano? Nasaan ka? Ikaw na ngayon ang hinahanap hanap ko dahil wala
kana! Ikaw na ang dahilan ng bawat patak ng luha ko sa gabi! Ikaw na ang dahilan ng sakit na
nararamdaman ko! Wala na ang ang taong nagtatanggol sa’kin Steph! Wala na ang taong
nagbibigay sa akin ng dahilan upang patuloy na mabuhay. Ang sakit lang isipin!
Kung alam ko lang! Kung alam ko lang na ang batang yaon ang magiging dahilan ng
masakit na paghihiwalay nating dalawa, hindi ko na lang sana siya itinuro at hindi ko nalang
sana inutos na kunin mo siya para dalhin sa mesang kinauupuan natin ng araw na yaon. Kung
alam ko lang na kasali siya sa sindikato na ang layon lamang ay bumawi ng buhay, sana hindi ko
nalang siya pinansin at kinaawaan. Kasalanan ko ito Steph! Kasalanan ko to! Ni hindi man lang
nabigyan ng hustisya ang pagkawala mo. Steph, miss na miss na kita. Bawat bagay at mga
pagkakataong nasasagupa ko sa araw-araw ay nagpapaalala lamang ng mga masasayang araw
na kasama kita. Ni hindi ko na kayang kainin ang ice cream na paborito ko sapagkat larawan
nating nagsasaya ang pinapaalala nito. Gusto kong kumain ulit nun kasama ka pero di na maaari.
Ang sakit!
Masaya ka na ba kung nasaan ka man? Kasi ako nasa punto parin ako ng buhay na hindi
ko matanggap na wala ka na, Steph! Hindi madaling kalimutan ang isang katulad mo. Araw-araw
kong tinatanaw ang upuan kung saan ka palaging nakaluklok sa bawat klase natin. Lagi kong
inaasahan na sana isang araw matanaw ko ulit ang mga mata mong sa akin lang nakatingin at
mga labi mong bumibigkas lamang ng mga salitang para lang sa akin. Steph, ang hirap! Ang
sakit! Lagi kong nilalakad ang lugar kung saan huli tayong nagkasama ng masaya. Paikot ikot
lang ako doon at sa huli ay napapasalampak nalang ako sa lupa kung saan kita nakitang
nakahandusay at wala ng buhay. Wala akong ibang naiisip kundi ikaw, hindi ako magawang
lapitan ng mga nakakakita sa akin upang aluin sapagkat paulit ulit ko din namang ginagawa yaon.
Steph! Mahal kita. Mahal na mahal na nasa punto na ako ng buhay na hindi ko kayang mabuhay
ng wala ka. Pero ano to? Buhay nga ako pero heto, walang saysay ang lahat ng ginagawa at
pinapangarap ko kung wala ka sa piling ko, ikaw lang ang iniisip ko, ikaw lang ang
pinaghuhugutan ko ng lakas ng loob para magpatuloy. Namamatay ako sa bawat oras at araw na
di kita kasama, Steph.
Ang sakit lang isipin na wala ka na, Steph. Isang lalake na minsan kong nakilala, na
uunaawa sa babaeng tulad ko. Lalake na magmamahal sa akin kahit sino pa man ako. Masakit,
oo napakasakit isipin na wala ka na. Wala ka na sa buhay ko. Na ni-presensya mo na hinahanap
hanap ko ay hindi ko na madama! Na pati ang pagmamahal mo, tuluyan ng nawala na hindi ko
man lang inaasahan. Hindi ko alam kung paano ko pa maipagpapatuloy ang buhay na ito kung
wala ka sa piling ko. Hindi ko alam kung paano at kung saan ako magsisimulang muli. Ngunit
kahit ano pa man ang mangyari, mamahalin at mamahalin kita. Hindi ang kamatayan mo ang
magiging dahilan upang mawala ang pagmamahal ko sa iyo.
Nagmamahal at patuloy kang mamahalin,
Violet
Matapos kong basahin ang liham ni Violet ay unti unti akong nawalan ng lakas, hanggang
sa humandusay ako sa lupa. Nanlalabo ang aking mga mata, unti unti ay di ko na maramdaman
ang aking buong katawan, nawalan ako ng bigat at nakaaninag ako ng isang pigurang itim bago
nagsara ang walang buhay kong mga mata.
“Tapos na ang isang araw na hiniram mo” Yan ang wika ng pigurang itim at kasabay nito
ay ang biglang pag ihip ng hanging tumangay sa walang malay at pakiramdam kong katawan.

Ipinasa Kay,
Ginoong John Acosta Furuc

You might also like