You are on page 1of 11

Moses, Moses

Ni Rogelio Sikat

Mga Tauhan:

Regina Calderon, 48, balo, isang maestra -Girly Cardinas

Tony, panganay niyang anak, estudyante- Thea Mae Buayan

Aida, 18, anak niyang babae, estudyante -Jennifer Mauring

Berna, 16, bunso, estudyante - Arvi Demiao

Ana, 46, matandang dalaga, kapatid ni Regina - Mary Jane Rampula

Ang Alkalde -Dyanne Pagarao

Anak ng alkalde - Ronelo Cainoy

Ang Konsehal - Caila Siton

Pulis 1 - Frecilyn Manangbao

Pulis 2 - Jayciean Simeon

Panahon: Kasalukuyan

Unang Tagpo:

ANA : Kumusta ang hiningi mong bakasyon, Regina?

REGINA: Binigyan ako, puwede ba nila akong hindi bigyan.

ANA : Dapat naman. Sa buong pagtuturo mo’y ngayon ka pa lang magbabakasyon, ano?

REGINA: Ikalawa na ito. Noong mamatay ang ama nina Aida, saka ngayon. Pupuwede akong hindi
pumasok kahit ilang buwan pa suguro, kahit isang taon. Marami akong naiipong bakasyon.

ANA : Biro mo namang mahigit na dalawampung taon ka na yatang nagtuturo. Noong dalaga ka pa, hindi
ba? Pwede ka nang magretiro.

REGINA: Sayang naman kung hindi ko matatapos ang aking serbisyo. Pero hindi ako papasok hangga’t
hindi gumagaling si Aida.
ANA : Kung sabagay.Ano nga pala ang sabi-sabihan sa eskwela? Siguro’y alam nila ang nangyayari?

REGINA: Alam. Pero ano ba ang maaasahan mo sa mga walang prinsipyong tao?

ANA : Sinabi mong tuloy rin ang demanda?

REGINA: Oo. Bakit hindi ko itutuloy? Kahit ano pa nga ang kanilang sabihin. Dapat nga raw magdemanda,
sobra naman daw talaga ang ginawa kay Aida, pero… ang dipirensiya nga lang daw, “mayor” itong
kalaban ko. Ano sa akin kung “mayor”? ngayon ba’t “mayor” siya’y libre na ang kanyang anak? Wala raw
mangyayari. Iba raw ang malakas ang nasa poder. Baka raw lalo pa tayong perwisyuhin.kababata pa’y
wala nang prinsipyo! Mga bagong tapos pa ng kolehiyo.

ANA : Ituloy mo nga. Regina, nang madala. Sobra nang talaga ang anak ng “mayor” na iyan! Ang
kailangan talaga riyan ay bitay. Tutal, bitay din siguro ang ibibigay sa lalaking iyan.

REGINA: Napakain mo na’ng aso, Berna?

BERNA : Opo.

ANA : Mabuti pa sigurong hindi tayo umalis sa Gagalangin, Regina. Siguro, kung hindi tayo lumipat dito-

REGINA: Sino ang makaaalam na dito siya magkakaganyan?

ANA : Aywan ko, Regina, pero kung minsan nga’y naiisip kong kahit yata saan tayo pumunta, sinusundan
tayo ng trahedya.

REGINA: Hindi naman sa tayo’y sinusundan, Ana. Mabuti pang sabihin mong dahil sa mga pagkakataon, o
dahil sa mga kondisyon ngayon. Ibang-iba na talaga ngayon. Aywan ko rin, Ana. Aywan ko.

Regina: Sino kaya yun Ana?

Ana: Tingnan mo nga Berna. Tama na muna yang pagbabasa mo ng comiks.

Berna: Haay.. Opo!

Alkalde: Magandang hapon po. Anjan po ba si Mrs. Calderon?

Berna: Sandali lang po... Nay, si Mayor po. Gusto kayong makausap.

Regina: Ana, Berna umakyat na muna kayo. Ako na ang bahala dito.

Magandang araw po sa inyo Mayor. Halika..pasok po kayo.

ALKALDE: Napasyal kami, Misis.

REGINA: Maupo kayo.

ALKALDE: Misis, ang kasama ko nga ho pala’y si Konsehal Collas, Atty. Collas.
Magandang “apartment” ito, a. Tingnan mo ang “Japanese Painting” nila, konsehal. Di ba ganyan ang
nakuhamo sa Tokyo?

KONSEHAL: Masinop ang “ apartment” nila, “Mayor”.

ALKALDE: Ito ang sasabihin ng “comadre” mo na “Cozy”. Malaki siguro ang upa ninyo, Misis sa
“apartment” na ito.

REGINA: Sa amin ho ito, inaakupa lang namin ang unang pinto.

ALKALDE: Dispensa, Misis! Dispensa. “An honest mistake”. Tingnan mo nga naman, konsehal, sa kanila
pala ito.

KONSEHAL: “Must have gotten a loan from the GSIS”.

REGINA: Teka lang po, Mayor. no po ba talaga ang sinadya mo dito? Masyado niyo naman po pinapansin
ang aming bahay. Para po ba ipaurong sa akin ang demanda, “Mayor?”

ALKALDE: Para - - para tayo’y magkausap.

KONSEHAL: Ang totoo niyan, Misis, si “Judge” Joaquin ang nagmungkahing magkausap kayo, na kung ako
ang tatanungin, ay siyang pinakamabuti ninyong gawin.

REGINA: Mahusay pala kayong magpalaman sa mga salita, konsehal.

ALKALDE: Misis, kami’y naparito, unang-ana’y para magdiskargo. Alam kong mabigat itong aming
inilalapit sa inyo, kaya naman ako’y makumbabang naparito sa inyo upang- upang wika nga’y ihingi ng
tawad ang ginawa ng aking anak.

REGINA: Akala ba ninyo’y makukuha sa paghingi-hingi ng tawad ang ginawa ng inyong anak?

ALKALDE: Alam ko, alam ko, Misis.

REGINA: Ganoon pala’y bakit hindi natin ipaubaya sa husgado?

ALKALDE: Si Misis- -

REGINA: Kayo ba’y may anak na babae, “Mayor?”

ALKALDE: Alam ko ang itatanong ninyo. Mayroon. Tatlo. Paano kung isa sa kanila ginawa iyon?

REGINA: Paano kung ang pinakamamahal ninyo sa tatlong anak na iyan ay ginahasa ng aking anak?

ALKALDE: Natural namang mararamdaman ko ang katulad ng nararamdaman ninyo ngayon, Misis.

REGINA: Hindi ko itinatanong kung ano ang mararamdaman ninyo. Ano ang gagawin ninyo? Tatahimik ba
kayo? Magdedemanda ba kayo? Ano ang gagawin ninyo? Kung sabagay, sino nga ba naman ang
matapang na mangangahas na – “mayor” kayo.
KONSEHAL: Sa ganitong anggulo natin tingnan, Misis, umabot na rin lang sa ganito. Malinaw kong
nakikita ang inyong punto. Ngayo,y kauumpisa pa lamang nang kaso. Di ba ninyo inaalala ang inyong ana

k? Kung itutuloy ninyong talaga ang demanda, ang kauna-unahang gagawin para mapatunayang ginahasa
siya ay ang ipaeksamen siya. Hindi mo maiaalis sa abugado ng kabila na hingin iyan, ipaeksamen siya.

ALKALDE: Kawawa rin ang inyong anak. Ang ibig kong sabihi’y—

REGINA: Para patunayan kung siya’y ginahasa o hindi? Kung hindi kayo kumbinsidong ginahasa nga ang
aking anak ay bakit narito kayo?

ALKALDE: Para - - para huwag na ngang umabot diyan,Misis.

REGINA: Legalismo ninyong mga abugado!

KONSEHAL: Wala tayong magagawa, Misis. Ganyang talaga.

REGINA: Tusuhan, patalinuhan, pasinungalingan, diyan, diyan, kayo magaling!

KONSEHAL: Sa ilalim ng batas, walang kasalanan ang isang tao hangga’t hindi siya napapatunayang
nagkasala.

REGINA: Magandang dahilan ninyong mga abugado!

KONSEHAL: Hindi ba kayo naaawa sa kanya? Hindi ba ninyo inaalala ang kanyang kinabukasan? Sa
kasalukuya’y hindi pa masyadong bulgar ang nangyari per---

REGINA: Mababando rin na ang anak ng “mayor” ang gumahasa sa kanya!

KONSEHAL: Hindi kayo praktikal, Misis.

REGINA: Anong hindi praktikal?

KONSEHAL: Halimbawa nang napatunayang nagkasala ang anak ni “Mayor”-na aywan ko kung kailan,
siguro’y tayo na rin mismo ang maiinip – ano naman ang inyong makukuha?

REGINA: Hustisya.

KONSEHAL: Hustisya. Ang tingnan ninyo’y ang panig ng inyong anak. Iyan ang isipin ninyo.

REGINA: Halos labingwalong taon mong pinalaki, inalagaan, kung maaari’y ipakatagu-tago mo,
pinakaingat-ingatan mo, at pagkatapos, nag-aabang lamang ng bus na pauwi galing sa eskwelahan ay
bigla na lamang aagawin ng anak ninyo, dadalhin sa motel, sasaktan doon, paglalaruan, pag-aaliwan! At
pagkaraan niyan, pagkaraan niyan paparito kayo sa aki’t sasabihin ninyong ako’y maging praktikal! Hindi
babaing damputin ang anak ko. Makakaalis na kayo. Hindi ko iuurong ang demanda.

ALKALDE: Alam kong malaking perwisyo ang nagawa ng aking anak sa inyo – ibig kong
tanggapin ninyo ang kahit kaunting tulong na ito –

KONSEHAL: “ That check is for ten thousand. Pay to cash. Be practical.”

REGINA: Ano to?? Hindi ko kailangan ng pera at ng awa niyo! Hustisya sa anak ko ang kailangan ko! Ano
ba ang akala mo sa amin? Mukha ba kaming pera? Kung wala kayong magandang magandang idudulot sa
kasong ito, lumayas kayo sa pamamahay ko.. Layas!!

ALKALDE: Sa buong buhay ko, Konsehal, ngayon pa lang ako nasampal. Pero hindi bale. Dinadaan ko
kayo sa pakiusapan pero gusto ninyong magkademonyuhan. Pasensiyahan tayo. Ituloy ninyo!

REGINA: Akala ng mga taong iya’y sila ang batas.

TONY: Sa kasalukuya’y sila nga, Inay.

REGINA: Lalabas din ang katotohanan at mananaig ang katarungan!

TONY: Iyan ang itinuturo ninyo sa “Government”.

REGINA: Mananaig din ang katarungan.

TONY: Kay gandang sabihin! “Justicia” o justicia poetica”? Hustisyang talaga o hustisyang Diyos-ko-bahala
ka na?

REGINA: Kailangang maputol ang ganito!

TONY: Paano?

REGINA: Hindi ako titigil hangga’t hindi siya nabibilanggo!

TONY: Tatlo lamang ang nagkakaroon ng hustisya dito sa atin. Iyong malalakas, iyong makapangyarihan,
iyong mayayaman. Kung simple kang tao, mahina ka. Kung mahirap ka, lolokohin ka, tatakutin ka,
pasensiya ka, magtiis ka. Kadalasang nagkakasama-sama pa iyan: lakas, kapangyarihan, yaman.

Regina: lalaban ako Tony..lalaban ako.

Tony: isang simpleng batas, isang kautusan o kahatulang inihabilin ng Diyos kay Moses sa itaas ng
bundok sa gitna ng kulog, ng kidlat, ng usok at ingay ng pakakak. Sapagka’t hindi ba sinabi sa Exodus na
“buhay sa buhay”. Itong nangyari kay Aida ay masahol pa sa pagkamatay. Ngayon, ito ang mga
kahatulang nararapat nating sundin: “mata sa mata, ngipin sa ngipin… apoy sa apoy , sugat sa sugat, latay
sa latay”. Ito ang aking gagawin: gaganti ako: ako ang gaganti sa kanya.

REGINA: Gaganting paano?

TONY: Papatayin ko siya.

REGINA: Tony!
TONY: Basta Nay, ako ang bahala.

ANA: Ninenerbiyos na naman si Aida, Regina.Nanlalamig mula pa kanina. Parang takot na takot. Nakabili
na ba ng gamot?

REGINA: Ang gamot nga pala. Tony ibili mo naman ng gamot si Aida.

TONY: May kukunin lang po ako at lalakad na ko.

ANA: Alam mo ang pupuntahan mong botika?

REGINA: Magtaksi ka na.

ANA: Umuwi ka kaagad. Kailangan ni Aida iyan.

REGINA: Kinakabahan ako, Ana.

ANA: Sa pagkakapunta rito ni “Mayor”? Huwag mo na intindihin iyon.

REGINA: Kay Tony, Ana. Ibang-iba na siya ngayon.

BEN: Nay, Umalis na ang kuya?

REGINA: Oo. Bakit?

BEN: May dala siyang baril.

REGINA: Baril?

BEN: Huwag ko raw sasabihin sa inyo. Sa malaking kahon sa ilalim ng kama niya kinuha.

REGINA: Diyos ko, ano kaya ang kanyang gagawin?

ANA: Siguro naglalalabas ng gabi iyan.

REGINA: Anong ginagawa?

BEN: Hinahanap ang anak ng”mayor”. Hindi ko na siya nakikitang nag-aaral kung gabi. Baka hindi na siya
maging “scholar” sa susunod na semestre.

REGINA: Bakit ba ngayon mo lang pinagsasabi yan para naman mabalaan ako agad?

ANA: Papanhik na ako. Pumanhik ka na rin. Iwan mo ng bukas iyang ilaw. Halina, Regina. Matulog ka
na,ikaw nga ang pagod. Ben, abangan mong pagdating ng kuya mo.
(Mananatiling nakaupo sa sala si Regina, nababaghan, hindi makapaniwala. Pagkuwa’y kikilos siya,
tatayo, maglakad-lakad, nakayuko at magkadaop ang palad. Mauupo siyang muli pagkaraan. Sa kanyang
harap, pagkaraan ng ilang saglit makikita niya si Tony).

TINIG NI TONY: Walang mangyayari sa demanda niyo, Inay.

Alam ko na ang aking gagawin. Gaganti ako. Papatayin ko siya.

REGINA: Tony!

TABING

(Sa pagbubukas ng tabing, makikitang nakaupo si Regina, nakapikit, naiidlip, ang isang kamay ay nasa
katangan ng upuan at nakasapo sa noo, ang isa’y nasa kanyang kandungan. Sa labas, maririnig ang
manaka-nakang pagdaraan ng taksi. Sa labas din, maririnig ang pahagok na ingay ng trak na
nangongolekta ng basura at ang pagkala-kalantog ng mga inihahagis na lalagyan ng sukal).

(Mula sa itaas ay bababa si Aida, nakaputing damit-pantulog, nakalugay ang buhok at nakatapak.
Nakikita niya ng naiidlip na Ina nguni’t hindi ito gigisingin. Tutuloy siya sa komedor, bubuksan ang ilaw at
may hahanapin sa kabinet. Matatabing niya ang isang bote ng gamot at ito’y mababasag. Magigising si
Regina).

REGINA: Sino iyan? (Lalabas, makikita si Aida na nakadukdok sa mesa)

Aida!

AIDA: Ang gamot, Inay?

REGINA: Si Tony? Wala pa?

AIDA: Bakit po?

REGINA: Bumili ng gamot. Anong oras na ba?

AIDA: Pasado alas-dos na po siguro.

REGINA:Umaga na. Saan kaya nagsuot ang Antoniong ito? Sinabi namang agahan at kailangan –

AIDA: May nabasag po akong bote.

AIDA: Hindi ako makatulog, Inay.

REGINA: Alam ko na! Gusto mo ba ng --- gatas, anak?

AIDA: May dugo kayo, Inay.

REGINA: Saan?

AIDA: Hayan.
REGINA: Saan?

AIDA: O, akala ko’y may dugo sa inyong palad.

REGINA: Wala.

AIDA: Akala ko’y mayroon.

REGINA: Ano ba ang gagawin ko? A, gatas. Gatas nga pala.

AIDA: Ang bait-bait ni kuya.

REGINA: Mahal na mahal ka nga niya.

AIDA: Noon, noon naisip ko, kung makakapag-asawa ako, sana yung katulad niya. Mabait at mapag-alala.

REGINA: Oo. Saan kaya nagpunta itong Toniong ito? Siya, siya panhik ka na.

AIDA: Kayo?

REGINA: Hihintayin ko siya. Ano na kayang oras?

AIDA: Umaga na.

REGINA: Umaga na?

(Papanhik si Aida. Maiiwan sa komedor si Regina, may nakalaylay ngayong mga hibla ng buhok sa noo.
Nakatayo siya, wala na ang antok, parang namamalik-matang nakatingin sa pinto.

(Isang taksi ang pasagadsad na hihinto sa kanilang tapat. Mapapasugod si Regina sa pinto. Kakalapag ang
pinto ng taksi. Iingit ang pintong bakal. Lalabas si Regina.)

REGINA: Tony! Ano’ng nangyari sa iyo?

(papasok sila, halos yakap ni Regina si Tony na sapo ang duguang kaliwang balikat. Mapapaupo si Tony sa
sala, hawak ni Regina).

AIDA: Kuya?

REGINA: Ano’ng nangyari sa iyo?

(Sesenyasan siya ni Tony na huwag maging maingay).

TONY: Pinatay ko ang anak ni Mayor! Aalis tayo rito, Inay. Dali! Gisingin ninyo sina Ben.

AIDA: Tiya Ana! Ben! Ben!

REGINA: Hindi, Tony. Hindi tayo aalis. Susuko ka.

TONY: Inay!
REGINA: Bigay mo sa akin ang baril.

TONY: Kailangan ko ito, Inay. Tiyak nila akong papatayin. Madali silang makagagawa ng dahilan.

REGINA: Susuko ka, Tony.

TONY: Inay, Inay---

REGINA: Ibang krimen yan Tony.

TONY: At ako’y kriminal?

REGINA: Pinatay mo siya.

TONY: Nariyan na sila!

REGINA: Susuko ka, Tony.

Pulis 1: Calderon, alam naming anjan ka!

Hayan siya!

REGINA: Maayos siyang susuko,”Mayor”. Hayan, nariyan ang aking anak, arestuhin ninyo.

(Pagtutulung-tulongan ng mga pulis si Tony. Malakas na mapapatili si Aida.Pagkabaliti kay Tony, may
kakadyot dito, may sisipa, may papalo, may dadagok. Mapapaluhod si Tony, at makalawang
makapagpapaputok si Regina bago maagaw ng isang pulis ang kanyang baril. Babagsak si Tony).

ALKALDE: Bakit mo binaril?

REGINA: Kapag sinaktan ng ibang bata ang ating anak, at tayo’y walang magawa sa nanakit sa kanya, di
ba ibinubuhos natin ang parusa sa ating anak? Ang sabi ninyo’y aarestuhin ninyo ang aking anak ano ang
inyong ginagawa?

PULIS1: Inaaresto!

REGINA: Inaaresto? Sinasaktan niyo siya eh, wala siyang kalaban-laban!

PULIS II: Dadalhin namin sa presinto!

REGINA: Dito pa lamang ay pinapatay na ninyo!

PULIS II: Kalokohan!

PULIS I: Paano’y nanlalaban!

REGINA: Nanlalaban?

PULIS II: “Resisting arrest!” Ha-ha-ha!


PULIS I: Nagtatangkang tumakas!

REGINA: O! O!

ALKALDE: Pinatay niya ang aking anak!

REGINA: Kayo ang batas kapag inyong anak!

PULIS I: Dadalhin namin sa husgado!

REGINA: Husgado, anong husgado?

PULIS II: Bakit ba marunong ka pa sa husgado?

PULIS I: Sa hustisya!

REGINA: Hustisya! Hustisya! Alam ba ninyo ang kahulugan ng hustisya? Kayo, “Mayor” alam ba ninyo ang
kahulugan niyan?

(Ubus-lakas siyang sasampalin ng alkalde at siya’y babagsak. Mapapayakap sa kanya si Ben).

Alkalde: Posasan iyan.

PULIS I: Masyadong makatuwiran!

REGINA: Hindi ninyo nalalaman, “Mayor”, ang kahulugan niyan. Hindi ninyo nalalaman. (Malakas) Kayo,
lahat kayo, hindi ninyo nalalaman ang kahulugan niyan!

PULIS II: Binaril mo ang sarili mong anak!

PULIS I: “Parricide!”

ALKALDE: Pananagutan mo ito.

PULIS II: Halina! Halina! Sa presinto!

PULIS I: Doon ka makipagdebate.

ALKALDE: Dalhin ninyo!

REGINA: (napoposasang ilalabas): O, dalhin ninyo ako kahit saan. Sa presinto, sa korte, sa husgado, kahit
saan! Dalhin ninyo ako kahit saan. Pananagutan ko ang pagkamatay ng aking anak. Ako ang pumatay sa
aking anak!

(Papalakas) Pinatay ko ang aking anak! Sasabihin ko sa lahat na pinatay ko ang sarili kong anak. Pinatay
ko ang aking anak!
(Lalabas sila. Maiiwan sina Ana, Ben, at Aida. Kapuwa nakatingin sa bukas na pinto sina Ben at Ana,
sinusundan ng tingin ang mga nagsilabas. Nakalupasay sa isang tabi si Aida at umiiyak. Nasa kanyang
kinabagsakan si Tony).*

You might also like