You are on page 1of 12

UNIBERSIDAD NG PILIPINAS - DILIMAN

BASKETBOL ANG PAMBANSANG LARO SA PILIPINAS

Huling papel para sa klase ng Fil 40 THX-1

ni:

Royce Vincent G. Perez

2012-57813

May 23, 2019

Simula noong bata pa ako, kami lang ng aking ina ang nagbabantay sa aming tindahan

tuwing Finals na sa PBA at sa NBA. Ang aking ama at ang aking kapatid kasi ay nasa
bahay at nanonood kung sino ang mananalo kahit wala roon ang tim na gusto nila.

Marami sa aming kapitbahay ang nakikinood sa amin dahil sa aming malaking

telebisyon. Madalas ay may pustahan pang nagaganap kung sino sa tingin nila ang

mananalo. Di ko na matandaan kung ilang beses nang nanalo ang aking kapatid sa

pakikipagpustahan sa iba niyang kalaro at kaibigan. Maswerte naman ako sa lagay ko

dahil kakaunti lang ang utos na ipapagawa ng aking ina dahil bihira ang nabili. Halos

buong baranggay kasi namin ang nakasubaybay sa larong iyon. Ngunit, mas gusto ng

aking ina na marami ang bibili para sulit ang aming pagbantay sa tindahan.

Tuwing bakasyon, nauuso ang mga liga ng basketbol sa iba’t ibang baranggay ng bansa.

Grupo ng mga kabataan sa iba’t ibang lugar sa baranggay ay nagsasama-sama at

makikipagsabakan sa ibang grupo para malaman kung sino sa kanila ang mas mabilis

at mas madiskarte sa larong ito. Walang bakasyon na hindi naglaro ang aking kapatid

at hindi nag-coach ang aking ama. Naging kilala na sila sa dedikasyon nila sa larong

ito. Ako naman ay madalas na naiiwan sa aming bahay upang bantayan ito dahil

manonood ang aking ina para bigyan sila ng suporta.

Lagi ngang sinasabi ng aking kapatid na “Ball is life.” Hindi ko siya masisi dahil

pangarap niyang maglaro sa PBA at makita sa telebisyon. Sumasali rin siya sa mga

training at naglalaro rin siya sa kanilang paaralan. Isa kasi ang kapatid ko sa

pinakamatangkad sa kanilang tim at marami na ang may gustong ipag-aral siya sa

Maynila para mas mahasa ang kanyang laro at baka makita ang potensyal niya na

makapaglaro sa PBA.
At dahil madalas ay nanonood lang ako habang naglalaro ang aking kapatid kasama

ang aking mga pinsan at kapitbahay, hindi maiiwasang tuksuin ako nila pati na rin ang

aking mga tito at tita. Sinasabihan nila ako na bakla raw ako dahil hindi ako naglalaro

ng basketbol. Masakit makarinig ng mga tukso galing sa kanila kaya umuuwi na lang

ako kapag dadaan na sila. Naging senyales na sa amin na kapag hindi ka naglalaro ng

basketbol o kahit manood man lang, ay tatawagin ka nilang bakla. Ang salitang bakla

ay tumutukoy kung ikaw ay kilos-babae at hindi ibig sabihin nito ay isa kang

homosekswal. Ngunit sa aking musmos na pag-iisip, naniwala ako sa kanila na baka

tama nga sila na bakla ako. Lumaki akong mahina at laging tinutukso kaya nagpakitang

gilas ako sa ibang paraan. Habang ako ay nagbibinata, natural na nagkakagusto ako sa

mga babae. Ngunit, tinatanong ko rin ang aking sarili kung bakit ako tumitingin kapag

may nadadaanan akong guwapong lalake. Hindi ko lang sigurado kung impluwensya

ng panunukso nila sa akin.

Di ko lang labis na maintindihan kung bakit nga ba sobrang nahumaling ang mga

Pilipino sa larong ito na kahit hindi tayo kantangkaran ay nilalaro pa rin ito ng

karamihan. Napakarami namang ibang isports diyan na babagay sa atin, mayroon din

tayong sarili nating isports, ngunit bakit ito pa rin ang pinili ng karamihan na laruin?

Di ko maintindihan dahil hindi ako nahilig sa kahit anumang laro noong bata pa ako.

Madalas kasi akong hinihika tuwing ako ay napapagod kaya pinagbawalan ako na

makipaglaro lalo na kung ito ay labis na nakakahingal. Upang aking maintindihan kung

paano nagsimulang umikot ang mundo ng aming pamilya sa basketbol, aking tinanong

ang aking kapatid at ama. Sinubukan ko ring lumapit sa mga kaibigan, kapitbahay, at

sa mga kalaro ng aking kapatid para tanungin sila kung bakit sa tingin nila mahal ng

mga Pilipino ang larong ito. Nagtanong din ako sa aking mga kaibigan kung bakit sa
tingin nila ito ang larong pinili ng masa. Aking tatanungin rin kung meron silang

kaparehong karanasan o may mga kwento sila ng panunukso dahil hindi naglalaro ng

larong ito. Ikukumpara ko ang kanilang sagot sa mga babasahin at artikulong isinulat

ng mga dyornalist.

Ayon sa aking kapatid, nagustuhan niya ang basketbol dahil sa hilig ng mga tao sa

larong ito. Naimpluwensyahan lang siya at inaaya na makipaglaro tuwing walang klase.

Hindi rin daw kasi mahirap maghanap ng court o mapaglalaruan dahil hindi naman

kailangan ng malaking espasyo para makalaro. Kailangan lang ng bola at ring upang

makapaglaro nito. Ayon din sa kanya, maraming bersyon ang larong ito at hindi naman

kailangang gayahin yung normal na laro na may oras. Madalas, kapag sila ay naglalaro

ay paunahan lang makakuha ng puntos na depende kung gaano nila gustong magtagal

ang laro. Hindi rin daw kailangan ng espesyal na damit para dito dahil kahit nakatsinelas

at pambahay na damit ay makakalaro ka na. Hindi rin daw kailangang kompleto ang

tim para makalaro. Tinanong ko rin siya kung mayroon ba siyang ibang nilalarong

isports at ang sabi niya ay wala na. Ngunit, may konting alam siya sa valibol at sa futbol.

Di raw siya makapaglaro nang maayos at mapahusay ang kanyang laro sa mga isports

na ito dahil hindi ito nilalaro ng aming mga pinsan at kapitbahay. Mahirap din daw

makahanap ng paglalaruan nito lalo na sa futbol. At ang huli niyang sinabi kung bakit

niya ito nagustuhan ay dahil nga sa kanyang pangarap na makalaro sa PBA.

Parang ginaya ng aking ama ang sagot ng aking kapatid. Ito raw kasi ang kinalakhan

niyang laro dahil mabilis lang ito at madaling makahanap ng mapaglalaruan at ng mga

kalaro. Dahil siya ay naging coach na nang ilang taon, alam na niya ang iba’t ibang

kadahilanan ng mga batang tinutulungan niyang hasain ang kanilang potensyal sa


larong ito. Sabi niya na kahit daw kulang sa tangkad ang karamihan ng mga manlalaro

niya, napakadesidido nilang maturuan dahil sa mababaw pa nilang kaligayahan. Ang

maka-shoot lang ng three-points ay maipagyayabang na nila sa kanilang pamilya at mga

kalaro. Nagiging isang pamilya rin daw ang tim dahil kailangang sabay sila mag-ensayo

at kailangang magpakiramdaman tuwing nasa laro. Nais din daw nilang maging kilala

sa larong ito sa pagtanda nila. Naging kilala rin daw kasi ang aking ama sa buong

baranggay namin dahil ilang beses na siyang naging MVP o Most Valuable Player

noong kabataan niya. Gusto niya rin daw tumulong sa mga bata at ang kanilang

pangarap.

Aking tinanong naman ang mga kalaro ng aking kapatid kung bakit sa tingin nila mahal

ng mga Pilipino ang basketbol. May mga nagsabi na hindi raw kasi nakakayamot

panoorin kasi laging may nangyayari. Mapapasigaw at mapapahiyaw ka raw talaga

kapag nananalo o natatalo ang tim na iyong sinusuportahan. Minsan, napupunta pa raw

sa awayan kapag nagkakapikunan. Naaalala ko rin na nakipagsuntukan pa ang aking

kapatid at sa kalaban nilang tim dahil sa pang-aasar at pamimisikal nilang dalawa sa

laro. Ayon naman sa iba, di raw kasi mahirap intindihin ang laro. Napakasimple lang

ng mga kailangang gawin kaya kahit sino ay matutuwang manood. May isa namang

nagsabi na dahil daw sa mga guwapong manlalaro ang dahilan kung bakit mahal ng

mga Pilipino, lalo na raw ang mga kababaihan, ang basketbol. Sabi rin niya na dagdag

pogi points daw ito lalo na sa crush niya habang siya ay naglalaro.

At noong nakapagbasa-basa na ako ng mga artikulo tungkol sa kultura ng basketbol sa

Pilipinas, aking napansin na maraming pagkakapareho ang sinabi ng aking kapatid at

ama.Ayon sa artikulo ng Philstar, mabilis, dinamiko, at nakaka-engganyong panoorin


ang basketbol kaya ito gusto ng masa. Madali rin daw kasi itong laruin at hindi

problema ang lugar at kasuotan sa larong ito. Dagdag naman ng Nike News kung bakit

matagal na itong nilalaro ng mga Pilipino, simula pa noong 1910, panahong sinakop

tayo ng mga Amerikano, dinagdag nila sa kurikulum ang basketbol sa mga eskwelahan

para sa mga babae, at beysbol at track and field naman sa mga lalake. Simula noon ay

umusbong na ito at nahumaling na ang buong bansa sa larong ito.

Noong nalaman ko na dapat pala mga babae ang naglalaro ng basketbol, sinabi ko sa

sarili ko na dapat mga bakla ang naglalaro nito. Nakapagtataka lang kung paano nabuo

ang pag-iisip ng karamihan na ang basketbol ay isang sukat ng pagkalalake. Ako ay

nagtanong sa aking mga kaibigan dito sa UP kung may alam silang kwento o may

pareho silang karanasan ko na tinutukso na bakla dahil hindi naglalaro ng basketbol.

Hindi na ako nagulat na may kapareho akong karanasan sa isa kong kaibigan sa aming

organisasyon. Sabi niya na matagal na rin daw siyang tinutukso ng kanyang mga

kapitbahay dahil hindi siya naglalaro nito. Sabi ng kanyang tito na ang lambot daw kasi

niyang gumalaw at iyong basketbol ay tutulungan daw siyang tumigas ang

pangangatawan at maging agresibo. Di raw siya nahumaling dito dahil masyadong

pisikal ang laro. Takot daw siyang makipagbanggan at baka mabagok ang kanyang ulo.

Sagot daw ng kanyang tito na duwag daw siya at hindi raw iyon maganda kapag ikaw

ay lalake. Kailangang matapang ka at matigas ang pangangatawan mo. Pero sabi ng

kaibigan ko na mas mahalaga raw sa kanya ang talino kaysa sa lakas kaya ipinakita niya

ang kanyang husay sa paaralan. Wala pa akong makitang pag-aaral o artikulo tungkol

sa sukatan ng pagkalalake ang basketbol. Ngunit sa aking palagay ay may punto naman

ang sinasabi ng kanyang tito. Puro kung ikokompara mo ang lagay ng basketbol sa

buong mundo, pumapangalawa lang ito sa futbol, ayon sa Philstar News.


Dagdag naman ng VOA News, ginagamit din ng mga lokal na pulitiko ang basketbol

sa kanilang pangangampanya. Magpapatayo sila ng mga court na may pangalan o litrato

nilang nakapaskil kung saan man kaya. Magpapaliga raw sila sa mga kabataan para

makaiwas sila sa masasamang bisyo at sa droga. At dahil umiikot ang mundo ng mga

Pilipino sa basketbol ay magpapaloko na lang sila at iboboto sila. May mga bitamina at

pagkain ding pampatangkad para maging lamang sa kalaban. At dagdag ng Nike News,

dahil sa kasikatan ng mga manlalaro ng PBA, nagiging modelo na rin sila sa mga

billboard ng kung anu-anong produkto. Nakakatuwang isipin na sinakop na ng

basketbol ang halos lahat ng aspeto ng kultura ng pagiging isang Pilipino. Ito ay naging

isang relihiyon na sa iba. Sabi ng Nike News, 40 milyong katao (40% ng populasyon

ay nakapaglaro na ng basketbol. At ayon sa 2008 Sponsorship Intelligence Report, 81%

ng populasyon sa siyudad ay mahilig sa larong ito, at sa halos 50% nito ay panatiko

talaga. Dahil dito, ginamit na nila ang larong ito para ibenta ang sarili o kung ano mang

produkto dahil sa sakop nito.

Nakabaon na sa kasaysayan ng Pilipinas ang basketbol kaya parte na ito ng identidad

natin pati na sa ating kultura. Natamaan na nito ang halos lahat ng aspeto ng

pamumuhay nating mga Pilipino. Nais kong alamin kung maaari bang bansagang ito

bilang Pambansang Laro ng Pilipinas, Pambansang Laro sa Pilipinas o Pambansang

Laro ng mga Pilipino. Tumingin ako ng mga opisyal na pambansang sagisag ng ating

bansa at mayroon lang tayong apat: sampaguita bilang pambansang bulaklak, narra

bilang pambansang puno, Philippine Eagle bilang pambansang ibon, at Philippine Pearl

bilang pambansang hiyas o perlas. Itong mga ito ay naiproklama na sa ating batas.
Ngunit ano ang mga kadahilanan kung bakit ang mga bagay na ito ang naging sagisag

ng ating bansa?

Maaari lamang mabansagan ang isang bagay, nilalang, o kung anuman, dapat nitong

kinakatawan ang mga tradisyon at mga ideyal natin at kailangan nitong ihatid ang mga

prinsipyo ng ating soberanya at pagkakaisa bilang isang bansa. Masasabi natin na ang

basketbol ay kumakatawan sa mga tradisyon at mga ideyal natin. Nakasanayan na ng

nakakarami na manood ng basketbol. Taun-taon, may mga ligang nagaganap sa bawat

baranggay. Tinuturuan ng mga ama ang kanilang mga anak, lalo na kung lalake, kung

paano maglaro nito at minsan nagiging isang diskurso ang simpleng kwentuhan.

Tinuturuan tayo nito na maging masaya sa paglalaro o panonood ng mga laro, manalo

o matalo man ang sinusuportahan nating tim. Nagkakaisa rin tayo sa pakikinood ng

PBA o kaya ng NBA lalo na kung Finals Season na. Ngunit hindi nito naihahatid ang

prinsipyo ng ating soberanya dahil ito ay bigay lamang sa atin ng mga kolonyal na

Amerikano. Dito na nagkulang ang basketbol para mabansagan itong Pambansang

Laro.

Ngunit ako ay gumawa ng isang onlayn surbey na naglalaman ng mga katanungan tulad

ng mga aktibidad na ginawa nila na may kinalaman sa basketbol, kung sang-ayon ba

sila na dapat sariling atin ang Pambansang Laro, at kung sang-ayon ba sila na bansagan

ang basketbol bilang Pambansang Laro at bakit. Ipinasagot ko ito sa mga 50 na katao

sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Iba’t ibang uri ng mga tao ang sumagot, may mga bata,

mga ka-edad ko, at mga may katandaan na, kasama na rin ang iba’t ibang kasarian. Ito

ay para makakuha ng iba’t ibang pananaw sa usaping ito. Ang aking datos na nakuha

ay makikita sa mga talahanayan sa ibaba.


Kasarian

Babae 12

Lalake 37

Iba pa 1

Edad

17 at pababa 2

18 - 24 35

25 - 30 9

31 at pataas 4

Rehiyon

1 11

3 2

4-A 12

5 2

6 1

10 1

12 1

CAR 5

NCR 15

Ang kanilang mga aktibidad na may kinalaman sa basketbol ay nagbibigay sa atin ng

ideya kung gaano sila ka-interesado sa larong ito. Mapapansin sa talahanayan sa ibaba
na higit sa kalahati ang nakapanood na ng laro sa telebisyon o sosyal midya, at mga

ligang pambaranggay o sa paaralan.

Mga Aktibidad

Nakapanood na sa telebisyon / sosyal midya 38

Nakapanood na sa mga ligang pambaranggay o sa paaralan 30

Nakapaglaro bilang pampalipas oras 21

Nakasali na sa mga ligang pambaranggay o sa paaralan 7

Nakapaglaro ng mga mobile o computer games 17

Nakabili na ng mga gamit o produkto na may kinalaman dito 14

Kinuha bilang PE 1

Nakapag-organisa ng laro o nakipagtulungan na maisagawa ang laro 1


Aking sunod na itinanong kung sang-ayon ba sila na kailangang sariling atin ang

Pambansang Laro ng bansa at 35 sa mga sumagot ay sang-ayon dito sa kadahilanang

kailangan may sariling identidad tayo. Ang 15 na hindi sang-ayon ay may dahilang

hindi raw tayo sumusuporta ng mga lokal na produkto, marami ang naglalaro nito, dito

magaling ang mga Pilipino, at mahirap daw alamin kung paano natin masasabi kung ito

ay sariling atin.

At ang huli kong tinanong ay kung sang-ayon ba silang tawagin ang basketbol bilang

Pambansang Laro. Mas dumami ang hindi sang-ayon dito, sa bilang na 37, dahil sa mga

dahilang ito ay isang banyagang laro kaya hindi nito sinisimbolo ang kultura ng

Pilipinas. Ang 13 na sang-ayon ay nagsasabi na ito ang pinakasikat na laro sa bansa, na

kahit saan sa bansa ay may court, at magaling tayo sa larong ito.


Aking itinanong din kung ano pa ang mga laro o isports ang nilalaro nila upang

malaman kung mayroon ba silang nilalarong katutubong laro. Makikita sa talahanayan

sa ibaba na ang mga nilalaro nila ay puro banyaga rin.

Laro / Isports

Volleyball 20

Badminton 19

Lawn Tennis 1

Table Tennis 3

American Football 1

Soccer 1

Bowling 1

Swimming 2

Surfing 1

Weight-lifting 1

Running 1

Polo 1

Tae Kwon Do 2

Muay Thai 3

Cheerleading 1

Yu-Gi-Oh! (Cards) 1

Arnis, sipa, at sungka ay ilan lamang sa mga isports na nagmula sa ating bansa ngunit

hindi man lamang nabibigyan ng sapat na pansin para makilala ng karamihan sa mga

Pilipino. Ang mga ito ay may pasok din sa kriterya para bansagang Pambansang Laro

ngunit ang mga ito ay dahan-dahang ipinapalaganap pa lamang.


Hindi pa nga siguro handa ang ating bansa para magkaroon tayo ng isang Pambansang

Laro na tatangkilikin ng karamihan. Ang basketbol pa lamang ang larong naging parte

ng ating tradisyon. Hindi nga sa atin nagmula ang larong ito pero ginawa natin itong

atin. Naging kilala na tayong mga Pilipino sa larong ito. Ang basketbol ay hindi ang

Pambansang Laro ng Pilipinas kundi ito ang Pambansang Laro ng mga Pilipino.

Sources:

Henson, Joaquin M. “Why Filipinos Love Basketball.” Philstar.com, 26 Mar. 2016,


www.philstar.com/sports/2016/03/22/1565867/why-filipinos-love-basketball.

“Inside Access: Basketball's Deep Roots in the Philippines.” Nike News, 5 Feb. 2013,
news.nike.com/news/inside-access-basketballs-deep-roots-in-the-philippines.

Stevenson, Jim. “Basketball Remains a Huge Part of Philippines Culture.” VOA,


VOA, 28 Oct. 2010, www.voanews.com/a/basketball-remains-a-huge-part-of-
philippines-culture-106202968/166556.html.

Alba, R. A. (2009, August 28). In Focus: Official National Symbols of the


Philippines. Retrieved May 23, 2019, from https://ncca.gov.ph/about-culture-
and-arts/in-focus/official-national-symbols-of-the-philippines/

Dumaraos, G. (2017, September 02). Local Filipino Sports You Should Know
About. Retrieved May 23, 2019, from
https://theculturetrip.com/asia/philippines/articles/local-filipino-sports-you-
should-know-about/

You might also like