You are on page 1of 2

INA, SADLAK NA KAMI SA DUSA…

Richard P. Moral, Jr.

(Paawit mula sa Awit ng Magsasaka sa YouTube)


Araw, gabi aking minamasdan binhing itinanim sa mumunti kong bukiran.
Umaawit ang aking damdamin, ngumingiting palay, malapit ko nang anihin.
Tulungan kaming sana’y tangkilikin, tayong lahat, palay nami’y bilhin. Bawat
butil, dugo’t pawis alay namin. Ang dalangin ko’y nawa’y inyong dinggin…
*******

Sadlak na kami sa dusa, matagal na.


Nakalublob sa putik ang aming mga paa.
May kadena, may alambre.
Pilit naming itinataas ngunit mabigat.
Mabigat ang batong nakapatong sa aming mga paa.
Mabigat ang patong sa ulo naming magsasaka.

Narinig namin ang hiling ni Kaka Tonying nang mag-agaw ang liwanag at
dilim,
Sinambit ni Baday sa bulalakaw ang isang munting dasal. Dinig namin. Rinig
namin.
Nang tumilaok ang manok, nang napunit ang dilim sa hardin ni Lolo Karding,
binulong niya ang isang mithiin.
Hindi ako nagkakamali nang sumilip sa langit si Lola Grasya upang sumambit
ng pagpapala.
Sumipol sa hangin si Badong upang tawagin ang alimuom ng lupa.
Dinig namin ang bawat pagdaing, latigong lumalatay sa aming mga dibdib.
Dinig namin ang bawat pagdaing, bunto’t paging humahataw sa aming mga
binti.
Ang mga lihim na iyak, dinig namin na sana bukas…na sana bukas…

Ina, sadlak na kami sa dusa.


Nakalubog na kami sa putik ng pang-aalipusta.
Ina, hindi na namin kaya.
Hindi na namin kayang magtimpi, magpanggap na kakampi.
Sinasaid na ng gobyerno ang aming lakas,
Hinihigop na ng mayayamang mala-hudas.
Ina, habang may hininga pa kaming mga anak mo.
Habang nakangudngod pa ang aming mga labi sa lusak mo.
Matauhan sila sa kanilang pagiging epokrita.
Matauhan sila habang pumipintig pa ang pusong aba.

Huwag nilang baratin ang bawat palay mo, daing ni Kaka Tonying sa
takipsilim.
Huwag nilang kamkamin upang iturok sa dibdib mo ang bahay na bato,
sambit ni Baday sa bulalakaw.
Huwag nilang gawing piso ang bawat hibla mo,
Hindi mamiso ang aming dugo. Ang aming mga pangarap ay hindi lamang
tiglimang piso.
Huwag nilang gawing pulubi ang bawat magsasaka.
Huwag nilang hintaying aalingawngaw ang karit, ang itak,
At bubuhos ang dugo sa lupa mo, Ina.

Lakad, pigil.
Takbo, lakad.
Lakad, masid, tingin sa malayo, lakad.
Hinto, upo, tayo, lakad.
Pigil ang bawat paghinga.
Pigil ang bawat paghapo.
Ang galit, ang sakit, ang daing,
Ang hagupit, magtimpi.
Hanggat kaya, hanggat puwede pa.
Para sa’yo Ina, tigil muna. Timpi muna.

(awit) pasan namin, pagkain ng daigdig, magsasakang api, hindi niyo ba


naririnig, buhay namin ‘di matutulad sa iba, paraisong bukid ang tangi
naming ginhawa. Patuloy ako na ‘di magpapatinag, kapit-kamay kaming
magsasaka. Bigyan kami ng kahit kunting pag-asa.

Timpi muna, kahit sobra na.


Tiglimang piso ang aming benta.
Timpi muna kahit ayaw na.
Lugi sa pataba, may buwaya pa.
Tiis muna kahit di na kaya,
May dagdag pakonsuwelo ang mga langa!
Tiis-tiis muna daw sabi ni Cynthia.
Kaya pa ba namin, Ina?

Sadlak na kami sa dusa, Ina.


Namatay si Aling Puring nang walang pera sa bulsa.
Inismiran ni Don Teong kahit nagmakaawa.
Pampagamot sa bitukang nabutas dahil walang kain,
Dahil walang makain, kahit nanggagapas ng pagkain.
Dahil walang laman ang sikmura kahit tagapagdala ng kanin.
Namatay si Aling Puring ni singkong duling ay walang nakuha sa kanyang
pananim.
Ina, kaya mo pa ba? Sadlak na kami sa dusa.

Mamayang hatinggabi,
Sa kalsada, nag-usap-usap na ang bawat isa.
Tanang magsasaka.
Magkikita kami, papayagan mo ba, Ina?
Sasamahan mo ba kami sa aming pagdurusa?
Sa paghahanap ng hustisya?

(Paawit mula sa Awit ng Magsasaka sa YouTube)

Araw, gabi aking minamasdan binhing itinanim sa mumunti kong bukiran.


Umaawit ang aking damdamin, ngumingiting palay, malapit ko nang anihin.
Tulungan kaming sana’y tangkilikin, tayong lahat, palay nami’y bilhin. Bawat
butil, dugo’t pawis alay namin. Ang dalangin ko’y nawa’y inyong dinggin…

You might also like