Si Kara at Mara ay kambal na anak ni aling Marta at
Kardo. Sila ay naninirahan sa isang baryo. Ang kanilang tahanan ay napaliligiran ng mga puno, halaman at bulaklak. Maririnig mo rin ang mga huni ng ibon sa paligid at ang tahol ng aso nilang si bantay. Si Kara at si Mara ay kambal ngunit, bata pa lang sila ay kapansin-pansin na ang pagkakaiba ng kanilang pag-uugali. Si Kara ay masipag, mapagbigay at matulungin. Si Mara naman ay tamad, madamot at hindi tumutulong sa mga gawain. Isang araw, pagod na dumating ang mag- asawang Kardo at Marta galing sa bukid. Itinigil ni Kara ang paglilinis at agad na sumalubong upang magmano sa mga ito. “Mano po Inay, mano po itay”, wika ni Kara. “Kaawaan ka ng Diyos anak”, wika ni Mang Kardo. Nasaan si Mara anak? Wika naman ni Aling Marta. Bago pa sumagot si Kara ay lumabas ng silid si Mara, humikab na tila ba inaantok at ang kamay ay nasa tiyan. “Inay, Itay, nagugutom na ako, hindi makapagluto si Kara at hinihintay ang inyong pagdating.” Mahabang pahayag ni Mara. “Narito at dala na namin ang lulutuin para sa hapunan” sabi ni aling Marta. “Matutulog muna ako, pakigising nalang ako kung nakaluto na kayo,” maktol na sagot ni Mara. Napapa-iling na sinundan ng tingin ng mag-asawang Marta at Kardo si Mara. “Inay” tawag pansin ni Kara sa ina. “Tutulong na po ako sa pagluluto” dugtong pa niya. “Salamat naman anak, kami talaga ay pagod din” Sabi ni mang Kardo. Sa kusina makikita ang mag-inang Kara at Marta na nagluluto para sa kanilang hapunan. ‘‘Anak salamat naman at tinutulungan mo ako, alam kong pagod ka din sa eskwela at napuna kong naglinis ka din ng ating tahanan’’ mahabang wika ni Aling Marta habang minamasdan ang paghihiwa ng anak sa mga rekado ng ulam na lulutuin. “Inay, masaya po akong nakakatulong sa gawaing bahay, lalo na sa pagluluto, marami po akong natututunan” masayang sagot ni Kara sa ina. Araw-araw ay ganoon ang tanawin sa tahanan nina Mang Kardo at Aling Marta. Marami pang natutunan si Kara na gawaing bahay lalo na sa pagluluto. Sa kabilang banda ay kabaliktaran ang nangyari kay Mara, siya ay nanatiling tamad at kaya naman kahit anong gawaing bahay ay hindi niya alam lalo na sa pagluluto. Sumapit ang bakasyon ng mga bata, Nagprisinta si Kara na sasama sa bukid upang doon kahit paano ay makatulong din sa magulang. Si Mara ay nagpaiwan sa bahay dahil wala naman daw siyang maitutulong. Pagkaalis ng kanilang magulang kasama si Kara ay masayang pumunta sa kusina si Mara. Nakita niya doon ang kanilang agahan na iniwan ng mga magulang para sa kaniya. “Napakasarap talaga pag ganito nakahain na at kakain nalang ako”, nakangiti niyang sambit sa sarili. Pagkatapos niyang kumain ay nanood siya ng Telebisyon. “Ang sarap talaga pag mag-isa ka lang at wala sina inay at itay, walang mag-uutos”, wika niya sa kanyang sarili,”Kaya lang dapat naiwan si Kara para may gagawa ng gawaing bahay”,dugtong pa nia. Lumipas ang mga oras at nagutom muli si Mara, ngunit dahil hindi niya alam magluto ay pinagpasyahan niyang maghintay sa pagdating ng kaniyang mga magulang. “Mahirap pala ang maiwan sa bahay, lalo at wala kang alam sa mga gawain” malungkot niyang wika sa sarili. Naisip ni Mara ang mga panahon na tumutulong si Kara sa kanilang mga magulang. Batid niyang dahil doon ay natuto ang kanyang kakambal sa mga gawaing bahay. Ang mga utos at pagpapaalala ng kanilang magulang ay makabubuti rin sa kanila. May lungkot man at pagsisi, walang nagawa si Mara kundi hintayin ang pagdating ng kaniyang mga magulang. Habang naghihintay ng oras, sinubukang maglinis ni Mara, naghugas at nagligpit siya ng pinagkainan. “Hindi naman pala nakakapagod”, masaya niyang wika sa sarili. Nang matapos siya sa kaniyang ginagawa ay nagwalis siya ng kanilang bakuran. Matatanaw ang pagdating nina Mang Kardo, Aling Marta at Kara. Nang matanaw ni Mara ang magulang, patakbo niya itong nilapitan, kinuha ang kamay ng Ama at Ina. “Mano po Inay, mano po Itay”, magalang niyang wika. Mahigpit niyang niyakap ang mga magulang at napaluha. Hindi man nagsalita ang anak, dama naman ng mag-asawa ang nais iparating ng anak. Nagagalak nilang niyakap ito. Lumapit na rin si Kara at maligayang niyakap ang kambal. “Halika na sa loob anak at magluluto na ako ng ating hapunan”, masiglang wika ni aling Marta. “Maari po ba akong tumulong? Nais ko rin matutong magluto ‘nay”, wika ni Mara sa kanyang ina. “Kara magpahinga ka muna, ako muna ang tutulong kay nanay”, wika niya sa kanyang kapatid. Nakangiti ang buong pamilya sa pagpasok ng kanilang tahanan.