Ay ayaten ka! Inaro ta ka! Kaluguran da ka! Gihigugma ta ka! Namomotan ta ka!
Mga katagang paulit-ulit kong sinabi
Ngunit iyong pag-unawa’y nanatiling nakakubli Mga katagang sa puso’y itinanim Alaala ma’y binura ngunit puso ang nagkimkim Iba’t ibang wika, iisa lang ang kahulugan Isang kahulugang nagbigay ng saya Ngunit kalauna’y sakit sa puso ang kinahinatnan Wika nga ba ang dahilan? O ang pusong nagmamahal na di nahagkan.
Mahal, sinabi mo noon na ako ang dahilan ng iyong buhay
Buhay mong maputla’y naging makulay. Mga pagtataka’y napalitan ng kasagutan, Mga kasagutang matagal nang hinanap nang sapilitan.
Ang sabi mo pa nga
Nang isang araw na tayo’y kumain sa kwek-kwekan Matagal nating pagsasamay kailanma’y di mo malilimutan, Mga kasiyahang ating pinagsaluhan Ay kailanma’y mananatili sa iyong puso’t isipan.
At mahal, naniwala ako,
Naniwala akong tunay ang iyong pagmamahal Naniwala akong lahat ng kilos at galaw mo’y bukal Naniwala ako, naniwala akong tayo’y magtatagal
Ngunit ano itong aking nalaman?
Nakakita ka lang ng mas malaman, ako’y iyo nang iniwan. Pinagpalit mo ako nang biglaan At para bang ikinahihiya mong pagkakilala nati’y malaman.
Di ka na muling humarap pa,
Di ka na muling humarap pa para man lang magpaalam Di ka na muling humarap pa nang sa huling sandali’y ako’y iyong matitigan Di ka na muling humarap pa at tuluyan mo na akong kinalimutan.
Napakasakit na makita kang tumatawa’t masaya sa piling niya
Napakasakit na ang dating pagmamahal ay napunta na sa iba. Ngayo’y pagtataksil na lamang ang iyong alaala Pagtataksil sa isang taong nagmamahal Pagtataksil sa mga pangarap na iniwan Pagtataksil sa mga alaalang nasilayan Pagtataksil sa wikang kinagisnan Pagtataksil sa bayang sinilangan.
Dahil sa iyong pagtataksil, ang pangarap ko’y naging malabo
Pangarap na sana’y mabuo itong bansang Filipino Isang bansang iisang wika ang natatamo Isang bansang may nagkakaisang mga Filipino.
Mahal, ikaw ay isang Filipino
Ngunit Ingles ang winiwika mo. Mahal, ikaw ay isang Filipino, Ngunit kilos at galaw mo’y pawang pang-Koreano.
At marahil, gulong-gulo ka na kung sino ako
Marahil kinalimutan mo na ako, Mahal, ako ito, ang wika mo Wikang katutubong ipinagmamalaki mo noon Ngunit ngayo’y itinatago mo na lamang sa kahon. Wikang katutubong nagbuklod sa inyo noon, Ngunit dahil nakatago’y dahilan na ng pagkakaroon ng separasyon. Wikang katutubong ipinaglaban upang makamit Ngunit ngayo’y kalayaang diwa’y ipinagkakait.
Ngunit katulad ng isang tunay na nagmamahal
Umaasa pa rin ako, Umaasang darating ang panahon Na bubuksan mong muli ang kahon Panahon na muli mo akong ipagmamalaki Sa karatig bansang nagmamalaki, Panahong ako muli’y mamahalin Upang manatili sa puso’t isip nang mariin.
Naniniwala pa rin ako
Na mga pangarap nati’y magdurugtong At bubuo ng isang bansang matatag Isang bansang di patitinag Isang bansang iisa ang wika Dahil ang Filipino ay para sa Filipino.