You are on page 1of 5

Filipino Wikang Mapagbago!

Isang Liham Patula

-Jason A. Sebastian

Kasabay.

Kasabay nang banayad na patak ng ulan

Ang pagpapakawala ko sa tinta ng aking panulat

Upang isambulat ang halimaw na nagkukulong sa aking isipan.

Kasabay.

Kasabay ng malambing na musikang

Nanunuot sa aking pandinig sa kwartong ako lang mag-isa

Aking isinaletra ang mga katagang naglalaro, mga salitang nagpupugmiglas na makawala.

Kasabay.

Kasabay ng matinding kalungkutan

At nang pagdaloy ng mga luhang di mapigilan

Isinatula ko ang damdaming nais iparamdam

Sa taong nakalimot na nang lubusan.

Kasabay.

Kasabay nang pagdalaw ng mga ala-alang

Paulit-ulit na nagbabalik sa akin sa nakaraan

Ay nilapatan ng panulat ang papel na siyang

Parating nagiging sandalan sa tuwing ako’y nasasaktan.


Nagtatanong.

Nasaan ka na ba?

Ako ba’y di mo na naaalala?

Ikaw ba ay masaya na sa piling ng iba?

Nagtatanong.

Ano ba ang wala ako na mayroon siya?

Hindi pa ba sapat lahat ng sakripisyo ko

At nagawa mo kong ipagpalit sa kanya?

Wala na ba akong halaga sa iyo?

Wala na ba akong halaga sa iyo

Oh mamamayang Pilipino?

Ako! Ang iyong Inang Wika

Ang iyong Inang Wikang Mapagbago!

Ay nagsusumamo.

Nagsusumamo.

Gumising ka Pilipinas

Hilamusan ang mga matang minumuta at lingunin

Ang bakas ng kahapon kung saan

Ako, sa tulong ng mga bayaning may pusong wagas,

ay naging sandatang nagpalaya, nagpatakas

At pumatid sa kadenang nakagapos sa kamay mong nagpupumiglas,


Nagtataka.

Nalimutan mo na ba ako, o Mahal Kong Pilipinas?

Ako! Ang Wikang Mapagbago

Na nagpabago sa takbo ng kasaysayan mo sa mundo

At bumuo, bumuo ng mga pangarap na gumuho

Sa kamay ng mga dayuhang mapang-abuso

Ay tila nalimot na ng bayan kong pinipintuho.

Nawawala.

Nasaan ka na nga ba Oh Pilipinas?

Malayo na nga yata ang iyong narating

At ako ay hirap mo nang lingunin

Tila kasabay yata nang pagpagting

Sa tanikala’y nalimot mo na rin

Ang pagmamahal at pagpapahalagang dapat inuukol mo sa akin.

Naghahanap.

Naghahanap ng mga kasagutan

Sa mga katanungang walang pumapansin man lamang

Mamamayang Pilipino, wala ka na ba talagang pakialam?

Ang lahat ba’y iyo nang nalimutan?

Masakit.

Masakit man pero ipapaalala ko ang ating nakaraan

Upang pukawin ang diwa mong nahihimlay


At isasalaysay ko ang lahat ng nagaganap sa kasalukuyan

Nang maramdaman ng manhid mong puso ang katotohanan.

Ako .

Ako ang iyong wika ay minsang kinasangkapan

Ni Rizal, Del Pilar, Luna at iba pang makabayan

Laban sa mga dayuhang naghahari sa ating bayan

Hanggang sa makamit ang kalayaan.

At matapos ang mahabang panahon, matapos akong gamitin ay kalilimutan mo na lang?

Ako

Ako ay isa lamang sa isandaan at pitumpu’t isang wika sa iyong bansa

Pero nakapamumukod tangi at pinagpala

Dahil si Manuel L. Quezon ay nagtalaga

Sa isang komprehensyong ako ang iyong magiging pambansang wika.

Ibinase sa Tagalog na naging Pilipino at kalauna’y

pinangalanan ng bago ang iyong lingua-franca.

Ako.

Ako na bumuhay sa iyong panitikan

Patula, patuluyan man o pantanghalan

Na nagbibigay ng kaligayahan

At nagpapalaganap ng kapayapaan

Tila baga unti-unti nang pinapatay sa kasalukuyan.


Ako.

Ako na naging bahagi na ng iyong eskwela

Bilang asignatura

Ay inaaayawan ng karamihan, binabalewala.

Nalipasan na ba ako ng panahon?

Iniwanan ng kultura’t tradisyon?

I want na malaman mo

That Tom Jones na akira sa pagpapahalaga mo

Eow phoez, musta nah, miz qoe nha u

I wish na pahalagahan mo ang existence ko.

Batid ko.

Batid ko na ang mga iyan ay bahagi ng pagbabago

Pero sana sumagi sa isip mo

Na ako pa rin ang ako na nakilala mo

Na bagamat may mga pagbabago ay ako pa rin ang dating ako

Ang wikang naghele sa iyo sa mapangarap mong mundo.

Ako pa rin ang ako na nagpalaya sa iyo sa kamay na bato.

Ako pa rin ang ako na naghatid sa iyo sa kasalukuyan at mas maunlad mong estado.

Minamahal kong Pilipinas, ako pa rin ang ako sa kabila ng mga pagbabago.

Minamahal kong Pilipino, ako pa rin ang ako, Ang Wikang Mapagbago

Ang hiling ko lamang pahalagahan, mahalin at gamitin mo ako ng wasto.

Huwag mong lilimutin, ikahihiya at taas noong ipagmalaki mo sa mundo na ako ang wika mong
mapagbago! Nagmamahal. Wikang Filipino.

You might also like