You are on page 1of 17

Paggamit ng Gadgets: Mabuti o hindi?

Isinulat ni: Daniel Dave A. Cruz

Hindi ba't napakahalaga ng mga gadgets ngayon lalo na sa klase? Sa isang pindot ay

makikita mo na ang sagot sa iyong katanungan o kaya'y may litrato ka na ng kailangan mo.

Nakakatulong ang mga ito upang mas mapadali ang ating pag-aaral ngunit paano kung sa

katotohanan, ito pala ang dahilan kung bakit bumababa ang ating mga marka.

Ayon sa isang pag-aaral na ginawa nina Arnold Glass at Mengxue Kang, dalawang

psychologist sa Rutgers University sa Piscataway, New Jersey, ang mga mag-aaral sa isang klase

na pinapayagang gumamit ng mga gadget ay nakakakuha ng mas mababang marka kumpara sa

hindi gumamit nito.

Sa kanilang pag-aaral, nakipagtrabaho sila sa dalawang grupo ng mag-aaral sa kolehiyo,

kung saan pareho sila ng guro at aralin ngunit magkaiba ng araw na pwedeng gamitin ang mga

gadget.

Noong sinuri ang mga resulta ng kanilang mga eksaminasyon, nakita na mas mataas ng

limang porsyento ang mga marka nila sa mga parteng tinalakay noong bawal gumamit ng gadget.

Mas malaki naman ang tinaas noong huling eksaminasyon, kung saan humigit ito ng 13

porsyento.

Kahit ang mga mag-aaral na hindi gumamit ng gadget ay naapektuhan. Ayon kay Glass,

posibleng nakaupo sila sa tabi ng taong gumagamit ng gadget at ito ang nakaaagaw ng kanilang

atensyon.
Pero bakit bumababa ang marka kapag ginagamit ang gadgets? Ayon kina Kang, ang

mga utak ng tao ay kaya lamang pagtuonan ng pansin ang isang bagay sa bawat pagkakataon. Sa

makatuwid, hindi nito kayang magmultitask.

Kahit apektado ang ating mga marka dahil sa gadgets, hindi ito nangangahulugan na

kailangan nating tigilan ang paggamit nito. Malaki parin ang tulong ng teknolohiya, ang susi ay

nasa wastong paggamit nito.

BrainNet: Ang Hinaharap ng Brain Communication

Akala natin na sa mga pelikula at libro lamang possible ang kakayahang mag-usap ang mga tao

gamit lamang ang utak nila, ngunit mukhang ito’y magiging reyalidad na.

Nakaimbento ang mga mananaliksik sa University of Washington ng isang sistema na

ikinokonekta ang utak ng tatlong tao upang magtulungan sila sa isang laro ng tetris nang hindi
nakikita o nakakausap ang isa’t-isa. Pinangalan nila itong BrainNet, at sinabing makakatulong

ito hindi lamang sa komunikasyon ngunit pati na rin sa ating pag-iintindi sa utak ng tao.

Ang mga mananaliksik, sa pangunguna ni Andrea Stocco, ay gunamit ang kombinasyon ng

electroencephalograms (EEGs), para sa pagsukat ng elektrikal na aktibidad ng utak, at ng

Transcranial Magnetic Stimulation (TMS), na ginagamit upang impluwensyahan ang aktibidad

sa loob ng utak gamit magnetic fields.

Sa ginawang eksperimento, dalawa sa kanila ay kinabitan ng EEG electrodes sa ulo. Nakikita

nila ang mga bloke ng tetris at magpapasiya kung babaligtarin ba ito o hindi sa pamamagitan ng

pagtingin sa dalawang ilaw, isang 15Hz at 17Hz na nasa magkabilang dulo ng screen. Ang ideya

dito ay ang kakayahan ng EEG makita ang pagkakaiba ng Brain Signals ng tao kapag nakatingin

sya sa magkaibang ilaw.

Ang natitirang tao ay kinabitan ng TMS cap na magbibigay sa kanya ng direksyon kung anong

gagawin. Ang TMS cap ay gagawa ng isang Magnetic Pulse sa occipital lobe, ang parte ng utak

responsible sa ating mga nakikita, upang bumuo ng phosphenes, ang mga ilaw na nakikita natin

kahit wala naman talagang ilaw.

Sa ibang mga trials, pinalitan ng mga mananaliksik ang impormasyon ng sender para malaman

kung kaya bang malaman ng tao ang pinagkaiba ng tama sa hindi, at nagpakita ito ng magandang

resulta. Sa kabuuan, nakakuha sila ng AVERAGE ACCURACY LEVEL na 81.25 porsyento.

Kahit ang BrainNet ay hindi pa talaga katiwa-tiwala, dahil mabagal at hindi pa nasusubukan sa

mas maraming tao, inaasahan nila na mapapalawak pa nila ito upang makaimbento ng mas

magandang paraan ng pakikipag-usap para sa kinabukasan.


“Our results raise the possibility of future brain-to-brain interfaces that enable cooperative

problem solcing by humans using a social network of connected brains.,” ani nina Stocco.

Pilipinas: Kahandaan sa Harap ng Kalamidad

"Preparedness is the only way we can combat a natural disaster"

- John Quintan

Tunay nga naman na ang pagiging handa sa lahat ng oras ang makapagliligtas sa tao pagdating sa

mga sakuna. Tulad sa Japan, ang lahat ng tao roon ay may disiplina at naturuan na kung paano

maililigtas ang kanilang mga buhay sa panahon ng kalamidad simula pa noong mga bata pa sila.

Kung sa Pilipinas naman, kadalasa'y hindi handa ang mga mamamayan nito at kahit ang

pamahalaan ay hindi gaanong kahanda pagdating sa pagsasagip ng mga tao at marami pang mga

aspekto. Ang mga Pinoy naman ay hindi laging nabibigyan ng mga impormasyon ukol sa

darating na mga sakuna o kalamidad sa bansa. Kulang sa disiplina at mga kagamitan na

ginagamit sa mga sakuna kaya hindi rin nagiging handa ang mga Pilipino sa mga kalamidad.

Pero gaano nga ba kahanda ang Pilipinas lalo na sa larangan ng disaster preparedness?
Ayon sa isang pananaliksik, ang Pilipinas ay nangunguna sa listahan ng disaster prone country sa

buong mundo. Isa sa mga dahilan kung bakit lapitin ang Pilipinas sa mga sakuna o kalamidad

lalo na sa mga lindol at tsunami ay ang pagiging kabilang ng bansa sa "Pacific Ring of Fire".

Ano nga ba ang "Pacific Ring of Fire"?

Ang Pacific Ring of Fire ay isang bahagi ng mundo na matatagpuan sa Karagatang Pasipiko na

nagdudulot ng mga pagyanig ng lupa sa mga bansang nakapalibot dito tulad ng New Zealand,

Chile, Japan, at marami pang iba. Dito nagmumula ang 90% ng mga lindol na nararanasan ng

buong mundo at nasa 15% ng mga lindol na ito ang nagdulot ng pinakamalakas na mga pagyanig

ng lupa na naitala sa kasaysayan.

Sumunod na dahilan naman ang Climate Change. Ito ang pagbabago ng klima dahil sa patuloy na

pagtaas ng mga greenhouse gases sa ating atmospera na kung saan ito ang lalo pang nagpapainit

sa mundo. Ang epekto ng Climate Change ay lalo nang nararamdaman ng mga tao dahil sa unti-

unting pagtaas ng temperatura ng mundo. Makikita rin ang epekto ng pag-init ng mundo dahil sa

pagkatunaw ng mga "ice glacier" sa North at South Pole, panunuyo ng mga lupain at paglaganap

ng mga sakit tulad ng Malaria.

Isa pang dahilan kung bakit maraming kalamidad ang bumibisita sa bansa ang mga karagatang

nakapaligid sa bansa. Nakapwesto ang bansa malapit sa equator kung saan direktang tumatama

ang sikat ng araw kaya't ang mga karagatang nakapalibot sa bansa ay mainit na isa sa mga
kailangan upang makabuo ng isang bagyo. Ito ang dahilan kung bakit 20 bagyo ang kadalasang

dumarating at pumapasok sa Philippine Area of Responsibility o bahagi ng Karagatang Pasipiko

na kinakailangang bantayan ng Pilipinas.

Ano nga ba ang ibig sabihin ng disaster preparedness? Ang disaster preparedness ay tumutukoy

sa mga hakbang o mga dapat gawin bago, at sa panahon ng pagtama ng kalamidad, sakuna o

hazards at maging sa pagkatapos ng isang kalamidad. Ito rin ay para mabawasan ang mga

maaaring idulot ng mga kalamidad sa isang bansa tulad ng pagkasira ng mga imprastraktura,

mga ari-arian at maging sa buhay ng mga tao. Ang mga maaari pang gawin sa disaster

preparedness ay ang pagtukoy kung saan maaaring mangyari ang isang kalamidad para maibsan

ang maaaring mga epekto nito sa tao. Sa tulong ng National Disaster Risk Reduction and

Management Council (NDRRMC), nagiging posible ang lahat ng ito. Pero, paano nga ba nabuo

ang ahensyang ito?

Noong panahon ni dating Pangulong Marcos, sa bisa ng Presidential Decree No. 1566, binuo ang

ahensyang National Disaster Coordinating Council (NDCC) na naglalayong makapagresponde sa

mga kalamidad na nangyayari sa bansa. Makalipas ang dalawang dekada, nabigyan ng

pagkakataon ang mga lokal na pamahalaan na mamuno pagdating sa mga kalamidad na maaaring

tumama sa kani-kanilang mga lugar kaya't nagkaroon na ng mga Local Disaster Coordinating

Council sa bawat lungsod at probinsya sa Pilipinas upang mas paigtingin ang mas maayos at mas

mabilis na pagresponde sa mga taong naapektuhan ng kalamidad. Hanggang sa dumating ang

taong 2009, nagkaroon na ng batas na papalit sa PD 1566 ni Pangulong Marcos, at ito ay


NDRRMC. Sa tulong ng apat na ahensya ng pamahalaan -- Department of Interior and Local

Government (DILG), Department of Science and Technology (DOST), Department of Social

Welfare and Development (DSWD), at National Economic and Development Authority (NEDA),

naisasagawa nang maayos ang mga plano sa disaster management at disaster preparedness ng

bansa.

Isa sa mga kalamidad na nagbigay ng matinding delubyo sa Pilipinas at maging sa ibang bansa

ay ang bagyong Yolanda o Haiyan. Nag-iwan ito ng kalunos-lunos na mga nasirang ari-arian,

mga namatay, mga nasirang imprastraktura na nag-iwan ng matinding trahendya sa mga Pilipino

lalo na sa kabisayaan. Ayon sa naitalang datos ng NDRRMC, 5, 670 ang bilang ng namatay, 1,

761 ang nawawala, at 26, 233 ang mga nasaktan sa nasabing kalamidad. Umabot naman sa P34.3

bilyon na halaga ng mga nasirang imprastraktura at ari-arian.

Isa naman sa pinangangambahan ngayon na kalamidad ay ang “The Big One”. Ano ba ng “The

Big One”? Ito ang 7.2 magnitude earthquake na maaaring mangyari kung sakaling gumalaw ang

West Valley Fault sa Metro Manila at sa mga karatig lugar nito. Kung ibabase ito sa kasaysayan,

lumalabas na tuwing ika-400 taon gumagalaw nang malakas ang nasabaing fault. May

posibilidad na umabot sa 34,000 ang masasawi, at maaaring umabot sa 100,000 ang mga taong

masusugatan sa pagguho ng mga gusali, batay sa isinagawang pag-aaral ng Japan International

Cooperation Agency (JICA).


Ano nga ba ang maaring gawing pag-hahanda bago pa man dumating ang mga kalamidad o

sakuna? Ilan sa mga maaaring paghahanda ay ang mga sumusunod: pag-iimbak ng maraming

pagkain; pagkakaroon ng malinis na tubig, mga malilinis na damit, mga nakahandang baterya sa

flashlight at pagkakaroon ng radyo, first aid kit para sa mga masusugatan, nakacharged na mga

cellphone at mga kandila o lampara kung sakaling mawalan ng kuryente o “brownout” sa isang

lugar. Mahalaga ang pakikinig sa radyo at panonood ng telebisyon para sa mga balita upang sa

gayon ay magkaroon tayo ng kamalayan tungkol sa kalamidad o sakuna at maging sa mga

nagyayari na rin sa iba pang mga lugar. Ang pinakamahalagang bagay sa lahat ang hindi

pagpapanic para mas manatili ang malinaw na pag-iisip kung ano ba ang dapat na gawin bago,

habang at pagkatapos ng kalamidad upang makaligtas sa mga darating na kalamidad o sakuna.

Gaano nga ba talaga kahanda ang Pilipinas lalo na sa disaster preparedness? Ayon kay Carlos

Padolina, deputy executive director ng Citizens Disaster Response Center (CDRC), ang tangi

lamang napaghahandaan o napagtutuunan ng pansin sa bansa ay ang emergency response kung

saan ang mga tao ay naihahanda lamang sa aktuwal na panganib sa mga kalamidad at kung

talagang grabe ang magiging pinsalang dulot ng isang kalamidad. Ayon din sa CDRC, kailangan

na mas bigyang pansin ang pagtugon sa buong disaster management (pre-disaster, during the

disaster at post-disaster), na mas lalong bigyang tugon ang kahandaaan bago maganap ang isang

kalamidad o ang disaster preparedness. Kasama na rito ang makaiwas at pagbawas sa maidudulot

ng kalamidad o disaster mitigation.


Kahit na madaling mahulaan ang kalamidad sa bansa dahil sa dadalwa lamang ang panahon sa

Pilipinas, ‘di na maikakaila na mas malaking pondo ang kinakailangan sa disaster preparedness,

kaysa pondo na ginagamit sa emergency response/assistance.

Talagang ang mga kalamidad ay dumadating nang ‘di inaasahan. Mapaaraw man o mapagabi.

Hindi lahat ng kalamidad ay kaagad na nalalaman kung kailan ba ito darating, saan tatama at

gaano kabagsik ang dala nitong delubyo sa isang bansa. Kaya’t dapat na laging maghanda sa

lahat ng oras. Maging mapanuri at mapagmatyag sa kapaligiran upang makaligtas sa mga

darating na mga sakuna o kalamidad sa bansa.


Pag-iwas ang Sagot

"You are what you eat."


Laganap na ang mga sakit na kaugnay ng kawalan ng pag-iingat ng tao sa kanyang kinakain,

dagdag pa ang hindi pag-eehersisyo at mga sedentaryong kilos. Dahil sa kawalan ng pag-iingat

ng tao, iba't ibang sakit ang nakukuha ng tao tulad ng mga sakit sa Bato.

Nagsasala ng dumi at sobrang tubig sa katawan ang Bato o "Kidney" sa ingles. Inilalabas nito

ang mga dumi sa pamamagitan ng ihi. Sa kabila ng mahalagang gampanin ng ating mga bato,

iba't ibang sakit ang idinudulot ng maling pagpili ng pagkain na nagiging dahilan kaya't hindi

nagagampanan ng mga bato ang tungkulin nito. Ayon sa ABS-CBN News, ilan sa mga sintomas

ng sakit sa bato ay lagnat, panghihina, pangangatog, hirap sa pag-ihi, pagkahilo at hirap sa

paghinga. Upang maiwasan ang mga sintomas na ito, ano nga ba ang mga dapat gawin upang

hindi magkaroon ng sakit sa bato?

May mga paalala ang mga eksperto ng ritemed.com sa mga tao upang mapanatiling malusog at

ligtas sa sakit ang ating mga bato. Una na rito ang pag-inom ng walo hanggang sampung baso ng

tubig sa isang araw. Ayon dito, ang regular na pag-inom ng tubig ay makatutulong upang

maiwasan ang impeksyon sa bato. Isa pang paraan upang maiwasan ang mga sakit sa bato ay

pagkain ng gulay at prutas na mayaman sa Vitamin C. At sa huli at kadalasang nakaliligtaan ng

marami ay ang pag-eehersisyo dahil natutulungan nitong mailabas ang dumi at taba na nasa

katawan.
Ayon naman kay Dr. Gideon Lasco ng kalusugan.ph, may mga pagkain na dapat iwasan upang

mapanatiling malusog ang ating mga bato. Ang pagtigil sa paninigarilyo at pagbawas ng iniinom

na alak ay isa sa mga paraan upang makaiwas sa sakit sa bato. Ayon sa ilang pag-aaral,

nakatutulong ang pagtigil sa paninigarilyo upang hindi lumala ang kasalukuyang sakit sa bato.

Dapat ring iwasan ang pagkain ng maaalat na pagkain. Ang mga pagkaing maaalat tulad ng mga

pagkain na maraming toyo at patis, daing, tuyo, keso, mga artipisyal na pampalasa, karne, at iba

pa ay nagdudulot ng sakit sa bato at nakapagpapalala pa kung sa kasalukuyan ay nakararanas na

ng karamdaman dito. Dagdag pa ni Dr. Gideon Lasco, iwasan din ang pagkain ng mga pagkaing

mayaman sa Saturated Fat o mga tabang kadalasang mula sa hayop. Ilan sa mga pagkain na puno

ng Saturated Fat ay ang mga sumusunod: karne, mantekilya, keso, mga biscuit, mga junk food, at

iba pa. Sa halip na kumain ng mga nabanggit na pagkain, mas mainam kung Avocado, mga

isdang dagat tulad ng salmon at tuna, mani at iba pang mga pagkaing buto, at iba pang pagkain

na mayaman sa Unsaturated Fats na kadalasang matatagpuan sa gulay at prutas.

Tunay na kalusugan ang siyang totoong kayamanan. Ang pag-iwas sa mga pagkain, gawain at

kilos na nagdudulot ng sakit sa tao ang siyang tunay na sagot sa paglaganap ng iba't ibang

karamdaman.
Agham sa Paaralan

"Congratulations because we finally reached to a point where we have the opportunity to

celebrate the beauty of science and technology."

Totoo nga ang pahayag na sinabi ni Charlie Fababaer, punong-guro ng Pasig City Science

High School (PCSHS) dahil sa iba't ibang mga aktibidad at programang naging dahilan upang

maging matagumpay ang Buwan ng Agham na may temang "Science for the People: Liberating

Education Through Innovations" na ipinagdiwang noong buwan ng Setyembre, taong 2018.

Nagsimulang tumanggap ng mga miyembro ang mga club na pang-agham tulad ng

Chemistry Club nina Roque Travero Jr. at Romeliza Perez, Biology Club nina Cayetano

Almendarez at Laurice Buenavidez, Physics Club nina Villa-Michelle De Vera at Mark Angelo

Loreto, at Electronics and Robotics Club nina Ma. Allen Secretario, Paul Jansen Romano, at

Gloria Saldivar. Bukod sa pagbubukas ng mga clubs, nagpaligsahan ang mga pangkat na may

elektibong agham sa kanilang mga itinayong booths mula Sept. 24-26. Ang mga booths na

Robotics, Fusion, Ecology, Petit Monde, World of Anatomy, My Chemical Aromance, Voyage,

Zoom, at Mechascape ay maglalaban-laban sa pamamagitan ng paramihan ng estudyanteng

bumisita sa kanila. Nagwagi ang booth ng "Fusion" ng mga pangkat ng Tiros at Vanguard, na

sinundan naman ng "Electro" ng mga pangkat ng Midas at Sputnik.


Ginanap rin ang ikaapat na Sci-Olympics kung saan ang mga estudyante ay hinati sa

sampung pangkat at nagpagalingan sa agham sa mga estasyong kinakailangan ng parehong lakas

at talino nitong Sept. 28.

Bukod sa Sci-Olympics, ay naglaban-laban ang mga pangkat sa isang cookfest, kung saan

kailangan ng bawat pangkat na magluto ng isang lutong Pinoy na may sangkap na "green apple."

Hindi kailanman maitatanggi ang halaga ng agham lalo na sa mga mag-aaral. Patunay nito

ang mga aktibidad na patuloy na sumasariwa sa malaking ambag ng agham sa ating lipunan.

Leptospirosis: Banta ng Tag-ulan

Ulan - Isang kalagayang pang-atmospera kung saan nagkakaroon ng pagbuhos ng patak ng tubig

mula sa mga ulap. Maituturing na isang biyaya ang ulan subalit sa kasalukuyan, ito'y nagdudulot

ng pangamba lalo na't malimit ang pagbaha sa iba't ibang lugar. Dulot ng pagbaha, samu't saring

sakit ang lumalaganap, isa na rito ang Leptospirosis.

Ayon sa isang panayam kay Health Secretary Francisco Duque, ang Leptospirosis ay isang sakit

na dulot ng mikrobyo na nagmumula sa ihi ng ilang mga hayop, partikular na ang ihi ng daga.

Ayon kay Dr. Freddie Gomez, nakukuha ang nasabing sakit sa paglusong sa baha, pagkain at

lupa na kontaminado ng ihi ng daga at iba pang hayop.


Batay sa panayam, malalaman na may Leptospirosis ang isang tao kung ito ay nagpakita ng mga

sintomas gaya ng mataas na lagnat, pananakit ng ulo, panginginig, pagsusuka, pagsakit ng tiyan,

at pamumula ng mata subalit sa ilang mga kaso, hindi nararamdaman ng mga biktima ang mga

nabanggit na sintomas.

Kadalasang tumataas ang kaso ng Leptospirosis tuwing tag-ulan kung kailan napapadalas ang

paglusong sa baha ng mga tao dahil sa malawakang pagbaha.

Tinukoy din sa panayam ang mga barangay na nagpakita ng mataas na bilang ng mga pasyenteng

may Leptospirosis: Concepcion, Malabon; Addition Hills, Mandaluyong; Northbay Boulevard,

Navotas; Pinagbuhatan, Pasig; at iba pang mga lungsod sa Parañaque, Quezon City at Taguig.

Umabot na sa 411 kaso ng Leptospirosis ang naitala ng Department of Health o DOH, kabilang

ang 76 na namatay, mula Enero 1 hanggang Hulyo 31. Nagmula ang 49 na kaso sa Quezon City,

kung kaya ang nasabing lungsod ang may pinakamataas na kaso ng naturang sakit na sinundan

ng mga lungsod ng Taguig na may 21 kaso, Pasig na may walong kaso at ng Malabon,

Mandaluyong, Navotas, at Parañaque na may tig-anim na kaso.


Kasalukuyang namamahagi ng mga gamot at iba pang kagamitang medikal ang DOH upang

siguraduhing handa sila sa pagtaas ng kaso ng Leptospirosis.

Payo ni Health Secretary Duque, dapat magpatingin o magpakonsulta sa doktor ang mga taong

madalas lumusong sa baha, may sugat man o wala. Dagdag pa niya, ang mga lokal na

pamahalaan ay nararapat na magsagawa ng mga solusyon upang maiwasan ang lalo pang

pagdami ng kaso ng Leptospirosis.

Tanda ng kalusugan ang kalinisan. Panatilihin nating malinis ang ating paligid lalo na ang ating

sariling tahanan at bakuran. At higit sa lahat, mas mabuting nang umiwas sa sakit kaysa bigyang-

lunas ito.

You might also like