You are on page 1of 2

KASAYSAYAYN NG MALABON

Ang Malabon o sa ganap na katawagan nitong Lungsod ng Malabon ay isang lungsod sa Kalakhang
Maynila. Ayon sa senso ng taóng 2015, tinatayang 365,525 ang populasyon nito. Isa ito sa mga
lungsod na may pinakamakapal na populasyon sa rehiyon dahil sa kabuuang lawak nito na 15.96
na kilometro kwadrado.
Bilang nasa hilaga lamang ng Maynila, ang kalakihan ng bayang ito ay natutuon sa paninirahan at
pangkapamuhayan. Nasa timog at silangang hangganan ng Malabon ang Caloocan, sa kanluran
ang Navotas at sa hilaga ang Valenzuela. Nasa hilagang-kanlurang bingit naman nito ang bayan
ng Obando sa lalawigan ng Bulacan.
Ipinapalagay ng alamat na galing sa pinaikling salitang "maraming labóng" ang pangalang
"Malabon" dahil sagana ang lugar sa ganitong uri ng usbong. Itinatag ang bayan ng mga paring
Agustino noong ika-21 ng Mayo, taóng 1599 sa tawag na "Tambobong" bilang isa sa mga visita o
maliliit na pamayanan ng Tondo. Nanatili ito sa saklaw ng pamamahala ng Lalawigan ng Tondo
mula taóng 1627 hanggang 1688.
Mahalaga ang naging papel ng Malabon sa ekonomiya sa pagtatapos ng ika-19 na siglo dahil sa
pagkakatatag ng kumpanyang La Princesa Tabacalera sa taóng 1851 at ng isang kumpanyang
pang-asukal nang taóng 1878. Pinangasiwaan ang La Princesa Tabacalera sa ilalim ng Compañia
General de Tabacos de Filipinas na pag-aari ng Kaharian ng Espanya. Pinangunahan naman ng
nasabing kumpanyang pang-asukal ang kalakalan ng pinong asukal sa bansa.
Unang nailimbag ang pahayagang La Independencia sa Asilo de Huérfanos ng Malabon kung saan
dinala ang mga batang naulila sa salot ng taóng 1882.
Ganap na ginawang munisipalidad ng bagong-tatag na Lalawigan ng Rizal ang Malabon noong
ika-11 ng Hunyo, taóng 1901 sa bisa ng Philippine Commission Act No. 137. Nang maipahayag
ang Act No. 942 pinag-isa ang Malabon at Navotas sa ilalim ng isang bagong pamahalaan. Noong
ika-16 ng Enero, taóng 1906 pinagbukod ng Act No. 1441 ang mga bayan bilang dalawang
magkahiwalay na munisipalidad ng Rizal. Naging unang alkalde ng Malabon si Agustin Salamente
na isang Kastilang mestiso buhat sa Cavite. Si Vicente Villongco ang naging unang Pilipinong
alkalde ng Malabon. Nangyari ang mga ito sa simula ng pamumuno ng mga Amerikano.
Nanatiling isang munisipalidad ng Rizal ang Malabon hanggang ika-7 ng Nobyembre, taóng 1975
sa bisa ng Atas ng Pangulo Blg. 824 nang maging bahagi ito ng Kalakhang Maynila. Naging ganap
na lungsod ito noong ika-21 ng Abril, taóng 2001, 407 taon ang nakalipas mula sa pagkakatatag.

HEOGRAPIYA
Isa ang Malabon sa pinakamataong lungsod sa Pilipinas, at ang mababang lupain nito ang
nagdudulot ng madalas na pagbaha, lalo na kapag tag-ulan at kapag umapaw ang mga ilog at
tubig sa saplad. Ang apat na lungsod sa CAMANAVA ay madalas maapektuhan ng mga
magkakaugnay na ilog dito, isa na rito ang Ilog Tullahan.
Ang mga ilog dito ay dating nalalayagan at pangingisda ang dating pangunahing ikinabubuhay ng
mga mamamayan dito. Dating malawak, malalim, at may maayos na katangian ang tubig ng ilog
na madalas na pinagkukuhan ng iba't ibang uri ng mga isda, na mahalagang bahagi pinagkukuhan
ng pagkain ng mga tao dito. Ang mga puno, palay at mga gulay ay dating tumutubo sa paligid ng
ilog. Subalit, ang mga lupaing agrikultural na ito ay napalitan ng bakuran ng mga industriya, at
naging tahanan ng libu-libong mga maralita na gumawa ng mga barong-barong ng walang
pahintulot.
Sa mga nagdaang mga taon, lumala ang mga pagbaha, na nagiging madalas at mataas.
Pinakaapektado ay ang mga kabahayan sa mga pamayanan na nasa o malapit sa dalampasigan.
Naging makipot at maliit ang mga ilog sa paglipas ng mga taon, at ang kakayahan nitong pigilan
ang tubig ay nabawasan.

You might also like