Narito ang isang alamat na nagpasalin-salin sa bawat henerasyon
ng mga taga-Limay. Ito ay isang halimbawa ng “kuwentong- bayan”: “…Isang gabing umuulan nang tawirin ng limang katao ang kalawakan ng Manila Bay patungo sa Bataan. Dala nila sa ginamit na bangka ang imahe ni San Francisco de Assisi. Sa laot na sila inabot ng malakas na bagyo kaya sila’y napilitang lumunsad sa isang di-natukoy na bahagi ng Limay. Ang lima, dahil sa tono ng kanilang pagsasalita, ay hininalang mga Bisaya. “Hinintay muna ng lima na tumila ang malakas na ulan bago nila tinangkang lisanin ang Limay. Datapwa’t sa tuwing sila’y magtatas ng kanilang layag ay muling nagbabalik ang malakas na ulan. Nanatili sila sa dalampasigan sa kahihintay na pag-alis ng bagyo. “Sinabi ng pinuno ng lima na ‘tila ayaw na tayong paalisin ni San Francisco sa lugar na ito kaya makabubuti yatang huwag na tayong umalis at dito na lamang manirahan.’ “Matagal na nag-isip ang apat niyang kasamahan. Hindi naman naglaon ay nakabuo din ang mga ito ng pasiya. ‘Tama. Tama. Dito na lamang tayo tumigil. Magtayo ng mga kubo at dito na tayo manirahan.’ “Naunang kinuha ng pinakapuno ang imahe ni San Francisco at nagsabing ‘dito natin igawa ng kapilya si San Francisco para siya nating gawing patron.’ “Matapos pag-usapan ang mga susunod na gagawin ay tinungo ng lima ang gitnang bahagi ng lugar at piniling mabuti kung saan sila makakapanirahan. Agad nilang itinayo ang kapilya ay inilagay sa altar nito ang imahen ng patron. “Dahil sa limang katao na ito ay natatag ang isang bayan sa Bataan: ang Limay, na hinango sa bilang ng mga unang katao na nanirahan sa nasabing lugar. Nadagdag lang sa salitang ‘lima,’ ang salitang ‘ay’ dahil madalas itong kakabit ng malutong na punto ng limang Bisaya.”