You are on page 1of 1

KUNG SINO ANG SIYANG MAY KAPANGYARIHAN AT YAMAN SIYANG HIGIT NA

PINAPAHALAGAHAN

Sa ating mundong ginagalawan ngayon, kapangayarihan at kayamanan ang siyang higit na


tinitingala ng lahat. Marami sa ating lipunan ang naniniwala na ang mga taong mas higit na nakaaangat
ang dapat na mas pinapahalagahan. Ang ganitong sistema ng pag-iisip ng marami ay hinding-hindi ko
sinasang-ayunan.

Ang kapangyarihan at kayamanan ay hindi dapat inaabuso. Hindi dapat ito ginagamit
bilang kasangkapan sa pagkakamit ng magandang imahe mula sa ibang tao. Hindi ito sapat na batayan
upang maging basehan kung papaano natin pakikitunguhan ang isang tao.

Kung ako lamang ang tatanungin, hindi nasusukat ang kahalagahan ng isang tao batay sa
kung gaano kataas ang kaniyang narating. Bawat tao ay pantay-pantay. Anuman ang kaniyang katayuan
sa buhay, mahirap man o mayaman, may kapangyarihan man o wala, nararapat na matamasa nila ang
pagpapahalagang dapat nilang taglayin bilang isang tao.

Hindi nangangahulugan na kapag ang isang tao ay mayroong taglay na kapangyarihan at


kayamanan ay karapat-dapat nang tingalain. Bakit? Ito ay sapagkat hindi lahat ng mga taong ito ay
masasabing marangal. Hindi natin masasabing mula sa mabuti ang kanilang mga mga nakamit. Maaaring
lingid sa ating kaalaman, ang iba sa kanila'y gumamit ng hindi tamang pamamaraan upang marating ang
buhay na mayroon sila sa ngayon.

Ang pagbibigay halaga sa tao ay hindi dapat ibinabatay sa kaniyang katayuan sa buhay.
Hinding-hindi ito makikita sa materyal na bagay. Ang tunay na karapat-dapat para sa pagpapahalagang
ito ay yaong mga taong marangal, nag-susumikap, may prinsipyo at walang ginagawang masama kundi
kabutihan lamang.

You might also like