You are on page 1of 3

Name: Dinn Glea Marie B.

Caday
Course and Year: BA Philosophy/ 4th Year
Subject: Contemporary Philosophy
Teacher: Fr. Ramil Nerio

PAGTUKI:PAG-IIBANG URI & KRITIKAL NA PAGGAMIT NG MEDYA

Sino ka ba?

Kapag nakatingin ka sa salamin at malayo sa mala-teleskopiyong mata ng ibang tao, kaya


mo pa rin bang magpakatotoo at manindigan? Bumalik tayo sa ating binhi na pinagsibulan at
pinagmulan, sa imahen ng ating mga sarili na malayo sa porma na itinakda para basehan ng
ibang tao,at itanong muli, "ako pa ba, ito?" Pakiramdaman ang sarili at makinig sa manipis na
tinig na nagmumula sa panloob na sarili, “gusto ko ba talaga ito?” o ginusto ko lamang dahil
alam kong ito ang marahuyang aspekto na itinakda ng sistema ng medya, at kahit mapait man,
pinilit nating ibahin ang "ako" para lamang sa pagtanggap ng ibang tao. Nakakakaba naman
talagang umiba lalo pa at lahat ay dapat sentralado; nakakatakot yakapin ang tunay na ako dahil
baka hindi tayo aprubado; nakakawindang ang kumaliwa kung lahat ay papuntang kanan, at
mahirap lumingon sa harapan kung lahat ay nakatalikod; kung gayon, hindi mo ba napapansin
na para tayong tuta na nanghihingi ng senyas mula sa kaniyang amo? Iniiba natin ang ating sarili
para pasado sa panlasa ng lipunan, at maging sunod-sunuran sa patakarang pinagbigkis lamang
ng iilan.

Ang media ang boss ko– isa sa ito sa mga tema ng mga nakararaming kabataan ngayon.
Naiwawala nila sa medya ang kanilang kalooban o "loob" dahil nagpapadala sila sa gayuma ng
medya na tila bang lagi nilang idinidikit ang kanilang kalooban sa dami ng numerong naka-puso
sa kanilang larawan o post. Maging ang kanilang pagpapahalaga sa mga bagay-bagay (valuation
of things) ay nadidikta ayon sa napapanahong ganap sa loob ng mga aplikasyong pang-media.
Masusuri natin ang ating pag-iibang sarili o paggawa muli ng sarili “recreated self” sa ating mga
pamantayan sa pananamit, pagdidikta ng kagustuhan, at pagiging hindi totoo sa ating mga
interest. Kagaya na lamang ng pagbili natin ng mga damit na hindi natin gusto pero dahil nauuso
ang estilo kung kaya’t binibili at ibinabalandira natin, pagbili ng aquaflask, paggamit ng mga
salitang hindi mahagilap sa diksiyunaryo, at pagbili ng mga hindi kinakailangang kagamitan.
Tayo ay nagpatianod at nagpabudol para lamang makitampok sa kung ano ang uso. Hindi ito
gawaing maka-masa, ito lamang ay isang penomena na madalas ay naka-angkla sa kategoryang
pang-etilista. Makikita ito sa mga estitikong ekspresyon at artistikong pahayagan.

Kilala mo pa ba ang iyong sarili, ang iyong reyalidad? O natuto ka ng matulog sa gabi sa
pag-aakalang ikaw na ang taong ipinapakita mo sa iyong peysbuk? Kapag binura mo ang mga
filter/kolorete sa iyong mukhang larawan, kaya mo bang akuin ang iyong sarili bilang ang iyong
sarili? O mas nangingibabaw ang kahihiyan? Iyan ang mapanganib: ang pagkanlulo sa mismong
pagkatao. Kung dahil lamang sa takot at walang-hanggang pag-aalinlangan na baka hindi tayo
matanggap, kung kaya't patuloy tayo sa pamemeke ng ating pagkakakilanlan sa birtwal na
mundo, baka tayo mismo ang maging biktima ng sarili nating patibong.

Mapagpanggap.

Mandaraya.

Manlilinlang.

Malaking aspekto ng ating buhay ay impluwensiyang dala ng ating socio-ekonomikong


relasyon. Hindi natin maipagkakaila na natali tayo sa isa’t isa at tayo ay nabibigkis ng
pangkombensyunal na kalakaran o tinatawag na “standard”. Sa ating paninirahan sa birtwal na
mundo, tayo ay nahilig sa pag-iisip na mas marikit, mas kaakit-akit at mas kapuri-puri.
Gumagawa tayo ng kakaibang bersyon ng ating sarili na para bang ipinupusta natin sa tadhana na
kapag tayo ay bigyan ng oportunidad, iibahin natin ang ating anyo, hulma, porma, at mismong
pagkatao. Hindi lamang natin basta-basta isinasalin ang ating sarili pero tuluyan nating binabago
ang ating naturang bersyon na nahihiwalay na tayo sa tunay na "ako".

Naisip ko, para tayong mga libro na gustong mapansin ng mga namimili kung kaya’t
napopokus ang ating sarili sa estitikong bahagi kagaya na lamang ng pagpapaganda ng pabalat
(cover page). Nakatuon nawa ang ating isip sa pagpapaganda ng nasa loob; ating mga pahina,
nilalaman at teksto. Ngunit dahil sa kagustuhan nating mapabilang sa kategorya at tunay na
itinatangi, hindi natin namamalayan ang mga modipikasyon at pag-iiba na ating ginagawa sa
ating pagkatao mismo. Wala tayong kamalayan sa ating mga ginagawang pagbabagong-uri o
kung meron man, isinasantabi natin sapagkat higit ang ating pagnanasa na tangkilikin at mahalin.
Hindi lamang iyon, nakakahanap tayo ng kaginhawaan sa pamamagitan ng pag-iiba ng ating
sarili dahil natutulungan nitong takpan ang ating mga imperpektibo at kahinaan. Ngunit, diba
likas lamang sa tao ang magkamali at manghina? Ang pagkakaroon ng “recreated self” ay
masasabing nagpapalakas ng ating paniniwala sa ating kaniya-kaniyang sarili dahil
naisasalarawan natin ang ating ideyal na pananaw sa ating mga sarili. Oo, ito nga ay may
mabuting naidudulot pero huwag nating kaligtaan na tanggapin ang reyalidad at huwag lumayo
sa binhi ng ating pagkatao. Ang pinakataksil na aksiyon ng isang tao ay ang pagtalikod sa sarili.

Hindi rin ako pabor sa pagkakaroon ng mga algorithm bias na nangyayari online. Ang
mga algorithm ay madalas na binuo gamit ang datos mula sa nakaraan, kung saan ang mga bias
ay maaaring maging bahagi ng datos na ito. Kung hindi ito nauunawaan o hindi tinutukoy, ang
mga algorithm ay maaaring magpatuloy na magpakalat ng bias at diskriminasyon sa mga
desisyon na kanilang ginagawa. Pagsasapubliko ng personal na impormasyon - Sa mga online
platform, ang mga algorithm ay nagbibigay ng mga personal na rekomendasyon at mga ad,
basahin o mga impormasyon na base sa mga personal na datos. Sa maling mga kamay, ang mga
impormasyong ito ay maaaring magamit para sa mga layunin ng panloloko, pagnanakaw ng
pagkakakilanlan, o pagsisimula ng cyberbullying.

Idadagdag ko lamang, malawak ang saklaw ng medya sapagkat pati ang ating kalayaang
pampolitika na pagkilatis at pumili nang naaayon sa kung ano ang tama at nararapat ay
namamanipula, nakokontrol, at nakukulayan ng malisya. Ang mga impormasyong naililimbag
para sa publiko ay pawang hating-bilog ng katotohanan at dagdag-bawas sa kung ano talaga ang
kasaysayan. At kung ang mambabasa ay hindi kritikal sa bawat tekstong nababasa online,
manghihingalo at tiyak na magiging kritikal ang kalagayan ng bansa sa kamay ng mga taong
walang-kamalayan! Dapat bumuo at magtatag tayo ng isang makabagong samahan ng mga
responsableng mambababasa na siyang maging mga tagapagtaguyod ng katotohanan. Suriing
mabuti at ipalaganap ang buong datos, at huwag lamang kumiling sa iisang punto para makabuo
ng rasyunal at bukas na diyalogo at makagawa ng isang banghay na may kabuluhan para sa
ikabubuti ng lahat. Ang paglangoy natin sa karagatan ng medya ay nangangailangan din ng ating
konsiderasyong pang-etikal dahil hindi tayo iresponsable sa ating paglangoy. May mga paalala at
babala na siyang magaganyak sa atin sa ating maraton, tandaan na lumalangoy tayo kasama ang
ating kapwa, kaya naman huwag sana natin silang lunurin ng misimpormasyon at
disimpormasyon.

You might also like