You are on page 1of 3

Ang Alamat ng Pilipinas

Noong unang panahon wala pang tinatawag na bansang Pilipinas. Mayroon lamang na
maliliit na pulo. Noong hindi pa rin ito bahagi ng mundo, may nakatira ritong isang
higante. Ang kuweba niya ay nasa kalagitnaan ng Dagat Pasipiko. Kasama niyang
naninirahan ang kanyang tatlong anak na babae, sina Minda, Lus at Bisaya.

Isang araw kinakailangang umalis ang amang higante upang mangaso sa kabilang
pulo. Kailangang maiwan ang tatlong magkakapatid, kaya pinagsabihan niya ang tatlo.

Huwag kayong lalabas ng ating kuweba, ang bilin ng ama. Diyan lamang kayo sa loob
dahil may mga panganib sa paligid. Hintayin ninyo ako sa loob ng kuweba.

Opo, Ama, sagot ng tatlong dalagita.

Nang makaalis na ang amang higante, naglinis ng kanilang kuweba ang


magkakapatid. Inayos nila itong mabuti upang masiyahan ang kanilang ama. Subalit
hindi nila katulong sa paggawa si Minda. Hindi masunurin ito sa ama. Lumabas pala si
Minda at namasyal sa may dagat. Hindi man lamang nagsabi sa mga kapatid.

Tuwang-tuwa si Mindang naglalaro ng mga along nanggagaling sa gitna ng


dagat. Namasyal siya at hindi niya napansin na malayo na pala siya sa tabi ng
dagat. Habang siya ay naglalakad, isang malaking malaking alon na masasabing
dambuhala ang lumamon kay Minda. Nagsisisigaw siya habang tinatangay ng alon sa
gitna ng dagat.

Tulungan ninyo ako! sigaw ni Minda. Narinig nina Lus at Bisaya ang sigaw ni
Minda. Abot ang sigaw sa kuweba. Tumigil ang paggawa ng dalawa.

Si Minda, humihingi ng tulong! sabi ni Lus na nanlalaki ang mga mata sa pagkagulat.

Oo nga. Halika na! yaya ni Bisaya. Bakit kaya?

Mabilis na tumakbo sila sa may dagat. Tingin dito, tingin doon. Nakita nilang
sisinghap-singhap sa tubig ang kapatid.

Hayun sa malayo! sigaw sabay turo ni Lus.

Hindi marunong lumangoy si Minda, a, sabi ni Bisaya. At tumakbo na naman ang


dalawa. Umiyak na si Lus.

Bahala na! sagot ni Bisaya.

Mabilis nilang nilusong si Minda. Malalim pala doon. Inabot nila ang kamay nila sa
kapatid. Naku, pati sila ay nadala ng dambuhalang alon.

Kawag, sipa, taas ng kamay, iyak, sigaw at walang tigil na kawag. At sa kasamaang palad
ang tatlong anak na babae ng higante ay hindi na nakaahon.
Nang dumating ang higante nagtataka siya kung bakit walang sumalubong sa
kanya. Dati-rati ay nakasigaw sa tuwa ang tatlo niyang anak kung dumating siya. Wala
ang tatlo sa kuweba. Ni isa ay wala roon.

Saan kaya nagtungo ang tatlo kong anak? tanong niya sa sarili. Saan kaya? Lus, Bisaya,
Minda!

Walang sagot! Hinanap niya sa paligid. Wala roon. Pinuntahan niya ang ilang malapit
na pulo. Ni anino, wala.

Baka kaya may pumuntang ibang tao at dinala silang pilit? sabi ng higante sa sarili.

Biglang umalon ulit nang malakas at dumagundong. Napalingon ang ama. At nabuo sa
isip niya na baka nalunod ang tatlo. Dumako pa siya sa malayo. At hindi nagkamali ang
ama. Nakita niya ang labi ng ilang piraso ng damit na nakasabit sa isang bato. Para tuloy
niyang nakita ang tatlong kamay na nakataas at humihingi ng saklolo. Naalala niyang
bigla na hindi niya pinayagang lumabas ang mga ito. Ni hindi sila natutong
lumangoy. Tumalon sa dagat ang higante. Sa isip lamang pala niya ang larawan ng
tatlong kamay na nakataas. Nawalan siya ng lakas.

Mga anak! Ano pa? Wala na! himutok ng ama. Nawalan na ng ganang
kumain. Tumayo. Umupo. Tumingin sa malayo. Isa-isang hinagod ng tingin ang bawat
munting bato at kahoy sa malayo. At sa pagod at hapis napahilig sa isang bato at
tuluyang natulog. Mahabang pagkatulog ang nagawa ng kawawang higante.

Nang magising ang higante kinusot ang mata. May nakita siyang wala doon
dati. Tumayong bigla at tiningnang mabuti.

Ano ito? saan galing ang tatlong pulong ito? Sila kaya ang tatlong ito? tanong sa
sarili. Lalong lungkot ang naramdaman ng amang ulila.

Ang tatlong pulong ito! Sina Lus, Bisaya at Minda ito! ang sabi niyang malakas.

At buhat noon tinawag na Luson, Bisaya at Mindanaw ang tatlong pulo. Dito nagmula ang
bansang Pilipinas. Nasa gawing timog sa Asya. Bahagi ito ng Pilipinas sa katimugang
bahagi ng Asya.

Araling Moral: Gampanan ang tungkulin sa kapatid. Sumunod sa nakatatanda o


magulang. Ito ang hinihingi ng kalakaran sa lipunan.

Sanggunian: Reyes, Lucia M. and Cortez, Lilia R. Ang Alamat ng Pilipinas. Manila: Integrated
Publishing House, 1989.

You might also like