You are on page 1of 2

CulturEd: Philippine Cultural Education Online

Home

About CulturEd Philippines

Publications

Announcements

Culture Based Higher Education Programs

Philippine Cultural Education Program (PCEP) Online Form

PCEP Digital Kwiz

Sagisag Kultura

Kilusáng Propagánda

Ang Kilusáng Propagánda ay isang kilusang itinatag sa Espanya noong 1872–1892 ng mga Filipinong
ilustrado sa Europa. Ilan sa mga kasapi nitó ang mga ilustradong sina Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena,
Marcelo H. del Pilar, Mariano Ponce, at magkapatid na Juan at Antonio Luna. Isa sa mga pangunahing
layunin ng kilusan ang pagkakaroon ng pantay na pagtingin at karapatan sa mga Español at mga Filipino,
pagkakaroon ng representasyon ng Filipinas sa Cortes (ang kongreso ng España), sekularisasyon ng mga
parokya, pagbubuo ng sistema ng edukasyon na labas sa impluwensiya ng mga fraile, paglansag ng polo
(sapilitang paggawa) at vandala (sapilitang pag-bibili ng mga produkto sa pamahalaan), pagkakaroon ng
batayang kalayaan sa pagpapahayag.

Nabuo ang kilusan dahil sa paglago ng diwang nasyonalista sa kamalayan ng mga Filipinong nakapag-aral,
na pinaigting ng mga pangyayaring pangkasaysayang tulad ng pagbitay sa tatlong pari na sina Mariano
Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora. Higit kaysa mga layuning politikal, nabuo ang kilusan para sa mga
tunguhing higit na pampanitikan at pangkultura. Naglabas silá ng pahayagang La Solidaridad na unang
inilimbag sa Barcelona noong 15 Pebrero 1889. Unang editor nitó si Graciano Lopez Jaena at hinalinhan
ni M.H. del Pilar. Dito inilathala ang mga tuligsa nilá sa katiwalian sa kolonya ng Filipinas. Bukod sa mga
ilustrado, nalathala din dito ang ibang kaalyado ng mga Filipino, gaya ni Ferdinand Blumentritt––isang
Austrianong heograpo at etnologo na nakilála at naging kaibigan ni Rizal sa Alemania.

Español ang wika ng diyaryo dahil higit na target na mambabasá ng mga Propagandista ang mga taga-
España at upang maimulat ang mga ito sa mga abuso at korupsiyong nagaganap sa Filipinas. Palihim na
iniluluwas sa bansa mula sa Europa ang mga isyu ng pahayagan, at palihim ding binabása ng mga
edukadong kababayan ng mga Propagandista. Lumabas ang huling isyu ng pahayagan noong 1895.
Samantala, nanamlay at tuluyang namatay ang kilusan matapos ang pagkakahuli kay Rizal at nang
mabuwag ang La Liga Filipina. Sinundan ito ng Katipunan ngunit tungo sa higit na rebolusyonaryong
layunin—ang ganap na kalayaan ng bansa at pagpapatalsik sa mga kolonyalistang Español. (ECS)

You might also like