You are on page 1of 8

ARELLANO UNIVERSITY

PLARIDEL CAMPUS
53 Gen. Kalentong St., Lungsod ng Mandaluyong

Ipinasa nina:
Baitang at Seksyon:
Mga Paksa/Keywords: Pagpapakatao, Panitikan at Moralistiko
Asignatura: Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino
Guro: Bb. Realine B. Mañago

Kaugnay na Literatura:
May mahalagang papel na ginagampanan ang paaralan sa paghubog ng
mabuting asal at tamang gawi ng mga mag-aaral. Madalas ngang isinisisi sa guro ang
masama o maling asal ng isang bata. Ang palagi ngang maririnig sa isang magulang
kapag nagkakasala ang kaniyang anak ay iyan ba ang itinuturo sa iyong paaralan?
Kaya naman, may isang asignaturang naglalayong makamit ng mga mag-aaral ang
kagandahang asal.
Ang Edukasyon sa Pagpapakatao (EsP) ay isa sa mga asignaturang kabilang sa
K-12 Kurikulum ng Kagawaran ng Edukasyon o Pinaunlad na Programa ng Batayang
Edukasyon na K-12 na gagabay at huhubog sa pagkatao ng mga mag-aaral. Layunin
nitong paunlarin ang pagpapasya ng mga kabataan at maging responsable sa kanilang
kilos para sa kabutihan ng lahat. Nangangahulugang lilinangin at pauunlarin nito ang
pagkataong etikal ng bawat mag-aaral. Nilalayon nitong gabayan ang mag-aaral na
mahanap o matagpuan ang kabuluhan ng kanyang buhay at ang papel niya sa lipunang
Pilipino upang makibahagi siya sa pagtatayo ng pamayanang pinaiiral ang katotohanan,
kalayaan, katarungan at pagmamahal. Kailangang taglay niya ang limang pangunahing
kakayahan upang maipamalas ito. Ang limang pangunahing kakayahan na ito ay pag-
unawa, pagninilay, pagsangguni, pagpapasya at pagkilos (Edukasyon sa Pagpapakatao
Gabay Pangkurikulum, 2013).
Sa loob ng isang tahanang Pilipino, madalas marinig ang pahayag na ang
edukasyon ang tanging paman ng magulang sa anak. Sa ganitong pagkakataon,
pinatutunayan lamang na ang bawat pamilyang Pilipino ay may mataas na
pagpapahalaga sa edukasyon. Sa pagkamit ng isang magandang eduksyon, hindi
lamang binibigyang tuon ang pagpapanday ng isip, kailangan ding paunlarin ang
kagandahang asal para sa kabutihan ng panlahat.
Tinukoy naman ni Urbano (2017), ang EsP bilang isang asignaturang
naglalayong makakuha ang mga kabataan ng mabuting kaugaliang Pilipino. Dagdag pa
niya, layunin din nitong matutunan ng mga kabataan ang kahalagahan ng mabuting
pakikitungo sa kapwa, paggalang sa karapatang pantao, pananampalataya at opinyon
ng bawat isa.
Samaktwid, layunin ng EsP na matutunan at maipamalas ang pagpapakatao ng
bawat mag-aaral na Pilipino. Nangangahulugang ang pagpapapakatao ay may
pagpapahalagang moral at etikal na gawi.
Ang kaugalian o palagiang kilos ng isang tao ay nagbubunyag ng kanyang tunay
na pagkatao. Naipapakita niya sa kaniyang kaugalian kung siya ay mabuti o masama.
Ang kaugalian o kagawian sa Filipino ay katumbas ng ethos sa Griyego at mos o moris
naman sa Latin. Samantalang ang ethics sa Ingles ay mula sa salitang Griyego na
ethos na tumutukoy sa mga katangian, kaugalian, asal o kilos na nagmula sa pagkatao
ng isang indibidwal. Ang moral naman ay mula sa salitang Latin na mos o moris na may
katumbas na kahulugan sa ethos. Samaktwid, kung ibabatay sa pananaw ng
etimolohiya, ang etikal at moral ay magkasingkahulugan lamang (Pasco, et al., 2018).
Nakikilala ng guro ang pagkatao ng kaniyang mag-aaral batay sa kaniyang mga
naging obserbayon sa mga kaugalian nito sa loob ng silid-aralan at paano ito makipag-
ugnayan sa kapwa mag-aaral at iba pang kawani ng paaralan. Mahalaga ang
pagpapasya ng guro kung ang kanyang mag-aaral ay kumikilos nang naayon sa
itinakdang pamantayan upang makaiwas sa kapahamakan at maging isang mabuting
mamamayan.
Batay naman sa Edukasyon sa Pagpapakatao Gabay Pangkurikulum (2013),
ang etika ay isang makaagham na pag-aaral hinggil sa moralidad ng kilos ng tao at ang
moralidad naman ay sumasagot sa tanong na ano ang tama at maling kilos (Merriam-
Webster Dictionary, 2020).
Kailangang pag-aralan ang etika upang malaman ang pagpapahalagang moral
ng lipunang ginagalawan at masunod ang pamantayang moral na katangap-tangap sa
lipunan.
Sa pangkalahatan, inaasahang ang mga mag-aaral ay nakapagpapasya at
kumikilos nang may pananagutan tungo sa kabutihang panlahat. Kailangan ding
maipamalas ang pag-unawa sa mga konsepto sa pananagutang pansarili, pamilya,
kapwa, bansa o daigdig at Diyos upang mamuhay nang maayos at maligaya.
Ipinaliwanag ni Urbano (2017), ang kahalagahan ng pagpapakatao sa mga kabataan.
Sinabi pa niya na hindi lamang paaralan ang may mahalagang papel na ginagampanan
sa paghubog ng mabuting asal ng mga kabataan, pati na rin ang mga magulang,
pamilya at pamayanan ay may malaki ring gampanin:

Makita sana ng bawat isa na ang paghubog sa mabuting


asal ng kabataan ay responsibilidad ng bawat isa at hindi ng
paaralan lamang. Darating ang araw na ang mga kabataang ito
ang tagapagmana ng ating bansa. Ilan sa kanila ay magiging
pinuno. Nawa’y magkaroon sila ng mga prinsipyong natatangi para
sa isang pinunong may mabuting asal at puso para sa mga tao.

Samaktwid, ang isang bansang may mamamayang nagtataglay ng


pagpapakatao ay nagbubunga ng isang lipunang mapayapa, maunlad, mabuti at may
respeto at mataas na pagpapahalaga sa isa’t isa.
May malaki ring tulong o gamit ang panitikan sa pag-unlad ng buong pagkatao
ng isang indibidwal dahil lumalawak ang kanyang kamalayan at pagpapahalaga sa
sarili, kapwa, lipunan, at mundong kanyang ginagalawan batay sa kaniyang binasang
akda. Humihikayat ng malalim na pag-iisip ang panitikan dahil sa katangi-tangi nitong
anyo ng karunungang may mataas na antas ng kaisipan, saloobin o damdamin, at
pananalita na matatagpuan sa mga tekstong pampanitikan gaya ng mga sinaunang
anyo ng kwento (mito, alamat salaysayin, at pabula), tula, dula, maikling kwento,
nobela, sanaysay, talumpati, at anekdota sa piling lathalain man sa pasalita o pasulat
na kaanyuan (Semorlan, et al., 2014).

Sa pagtuturo ng EsP mainam na gumamit ang mga guro ng mga akdang


pampanitikan na gumigising sa kamalayan at damdamin ng mga mag-aaral upang
suriin at tukuyin ang mensaheng nais ipabatid ng may-akdang nagtuturo ng
kagandahang asal.

Hindi kaiba sa iba pang disiplina ang pag-aaral ng panitikan dahil ito rin ay isang
prosesong debelopmental. Sa kasalukuyan, ang pag-aaral ng panitikan ay isang
pangangailangang pang-edukasyon sa halos lahat ng antas ng pag-aaral. Ang pag-
aaral nito ay gumanap o gumaganap ng iba’t ibang tungkulin, iba-iba sa bawat
panahon, lugar, at antas. Nagsimula itong maging disiplina ng pag-aaral noong
mapagtanto ng tao ang kahalagahan ng panitikan sa kanyang pagkatao. Mula noon,
ang dating behikulo lamang ng ekspresyon at manipestasyon ng pagkamalikhain ay
naging isang karunungang kailangan ng tao at kanyang sibilisasyon (Bernales, 2019).

Inilalagay o iniuugnay ng mga mambabasa ang kaniyang sarili sa mga pagsubok


o tunggaliang nararanasan ng mga tauhan sa akda. Nakapagbibigay ng pasya ang
mambabasa kung ang naging kilos ng tauhan ay mabuti o masama batay sa kaniyang
pansariling pananaw.

Ayon sa pag-aaral ni Pantić (2006), sa kabila ng kahirapang mailantad at


maipaliwanag ang bisa ng panitikan sa isip at damdamin ng mga mambabasa,
kakikitaan pa rin ang bisa ng panitikan sa kaasalan na nagtuturo ng wastong gawi o
kilos sa mga mambabasa at nagpapahayag ng moralidad na nakabatay sa konteksto ng
grupo o lahing kinabibilangan ng may-akda.

Maaaring magkaiba ang pagpapahalagang moral ng may-akda at mambabasa,


kung ang dalawa ay magkaiba ng pamantayang moral. Kaya naman, mahalagang
alamin ng guro ang reaksyon ng mga mag-aaral matapos basahin ang akda at ang
kabisaan nito sa kanila upang matukoy ang pagkatao o pagpapahalagang moral ng
mga mag-aaral, nang sa gayon ay maituwid ang mga maling persepsyon o pananaw at
maiayon sa pamantayan ng panlahat.

Nagiging mas makatao ang isang mambabasa dahil sa mensaheng kanyang


natanggap mula sa may-akada na may kapangyarihang magpakilos at magpabago ng
pananaw. Kung gayon, napakahalaga ng pag-aaral ng panitikan sa pagtuturo ng
edukasyong pagpapakatao sa bawat mag-aaral (Khan, 2014).
Makapangyarihan ang akdang binabasa dahil nagkakaroon ng panibagong
pananaw o pagtingin ang isang mambabasa. Maaaring maging daan ito upang baguhin
ng mga mambabasa ang nabatid na kamaliaan sa kaniyang gawi o kilos matapos
mabasa ang isang akda.

Batay sa pagdulog moralistiko, itinuturing na ang mga akdang pampanitikan ay


may layuning magbigay aral sa mga mambabasa. Masasabing ang pagdulog na ito ay
ekstensyon ng pagdulog humanismo dahil sa pagbibigay halaga ng mga humanista sa
pagpapanatili ng integridad at dignidad ng tao bilang nilalang na may kakayahang mag-
isip (https://www.coursehero.com/file/p1baka5/Moralistikong-Pagdulog-Gamit-ang-
pagdulog-moralistiko-itinuturing-na-ang-mga/).

Sa pangkalahatan, bawat panitikan ay may pagpapahalagang moral na


nakabatay sa paniniwala ng may- akda. Maaaring ang mambabasa ay sumang-ayon o
sumalungat sa may-akda depende sa kaniyang paniniwala.

Samaktwid, ayon sa teoryang moralistiko, may aral na taglay ang teksto. Batay
sa pananaw na ito, ang akda ay nagsisilbing batayan ng mga kaisipang magtuturo sa
tamang pagpili at pagbuo ng mga desisyon sa buhay na ayon sa pamantayan ng
itinakda ng moral. Ang mga ideya ay tumutulong sa pagkilala sa mga bagay na
tinatanggap sa lipunan: kung ano ang tama at mali, ang mabuti at masama. Ang
impluwensya ng akda ay ipinakikita sa naging ugali o asal at panuntunan sa buhay na
taglay ng mahahalagang tauhan sa akda. Ang akda ay salamin ng mga kapintasan at
kagandahang dapat taglayin ng pagkatao na nagbibigay diin sa gantimpalang nakalaan
sa pagsunod sa batas ng kabutihan sa mundo. Ipinalalagay ng mga tagapagtaguyod
nito na ang manunulat ay isang taong nagtataglay ng maraming kaalaman. Ginagamit
ng manunulat ang akda bilang instrumentong maaaring paghanguan ng mga aral na
gagabay sa pang-araw-araw na buhay at pagdedesisyon ng kanyang mambabasa.
Kung gayon, maaari niyang dalhin ang kanyang mambabasa sa mabuti o masamang
gawi (https://www.coursehero.com/file/27118801/Moralistikodocx/).

Sinasalamin ng panitikan ang masalimuot na lipunan. Binibigyang gabay ng


panitikan ang mga mambabasa sa kanilang araw-araw na desisyon o pagpapasya
upang gumawa ng tama o mabuti.

Dapat lamang na mailahad ng mga manunulat ang pamantayang moral sa


kanilang isinulat. Ipinahayag ni Belvez (2000), ang gamit ng pagdulog moralistiko sa
panitikan:

Sa pagdulog moralistiko, pinag-aaralan ang panitikan at may


pagtatangkang gamitin ito bilang instrumento ng pagbabago ng tao
at lipunan. Hindi sapat na ilahad lamang ang panitikan bilang
salamin ng buhay. Ilahad ito bilang isang malikhain at masining na
kaparaanan ng manunulat na maipakita ang mga kaisipang moral,
halaga ng tao at ang kanyang karangalan at kadakilaan.
Binibigyang diin sa pag-aaral ng akda ang layuning dakilain at pahalagahan ang
kabutihan, at itakwil ang kasamaan na batay sa moralistikong pananaw. Hindi sapat sa
pag-aaral ng akda o panitikan na ginagamitan ng pagdulog moralistiko tungo sa
pagpapakatao ang pagbibigay tanong ng guro na anong aral ang nakuha sa akda?
Dapat alamin na hindi nilikha ang masinig na panitikan upang mangaral lamang at
lantarang ituro sa mambabasa ang wasto o tama. Kailangang suriin at pagtimbang-
timbangin ang lakas at kahinaan, ang tatag at karupukan ng mga tauhan sa harap ng
mga pagsubok sa kanyang pakikipagsapalaran sa buhay (Belvez, 2000).

Kahit na ang tao ay humaharap sa matinding pagsubok, kailangan pa ring


manaig ang pagpapahalagang moral at paunlarin ang kaniyang pagpapakatao para sa
kabutihang panlahat. Lahat ng lipunan ay may itinakdang pamantayang moral na
nararapat sundin ng mga taong kabilang dito.

Sa pag-aaral na isinagawa ni Eriman (2007) binanggit ang limang maikling


kuwentong Hiligaynon na mayaman sa pagpapahalagang moral na makabuluhan pa
hanggang sa ngayon, mayaman sa kulturang maaaring pagyamanin at may
pagpapahalaga sa larangan ng edukasyon. Batay sa sinuring kuwento, binuo ang
limang kagamitang pampagsasanay na isinaalang-alang ang mga sumusunod: layunin,
paksa, kagamitan, pokus ng pagpapahalaga, at pagtataya. Sinuri ang mga napiling
kuwento ayon sa Moralistikong pagdulog na nagbibigay-tuon sa bisa sa asal, bisa sa
isip, at bisa sa damdamin.

Kailangang matukoy ng guro sa EsP ang angkop na akdang pampanitikang


gagamitin sa pagtuturo ng isang aralin ayon sa itinakda ng kurikulum.

Konseptwal na Balangkas

Ang gabay sa pagpili at pagbasa ng akdang gagamitin sa pagtuturo ng EsP ay


pangunahing nakasalig sa konsepto ng pagiging moral. Sinusoprtahan ang konseptong
ito ni Percorino (2006) ukol sa halaga ng pagiging moral ng tao. Una, ayon sa
sosyolohikal na pananaw, kung wala ang konsepto ng pagiging moral hindi magiging
maayos ang pamumuhay ng mga tao dahil magiging magulo at masalimuot ang
ugnayan ng mga tao sa isang lipunan. Samakatwid, kumikilos ang tao nang may
pananagutan sa lipunang kanyang kinabibilangan. Pangalawa, batay naman sa
sikolohikal na pananaw, mahalaga ang moralidad dahil nagkakaroon ng
pagmamalasakit ang tao sa kaniyang sarili at kapwa dahil binibigyan niya ng pansin ang
iniisip o paghuhusga sa kaniya kilos o gawi ng kanyang kapwa. Malaki ang naging
pagpapahalaga ng tao sa kaniyang reputasyon o dignidad at paghahatol ng batas sa
mga maling gawi o hindi naaayon sa itinakdang pamantayan ng lipunan. Nagkakaroon
ng mataas na pagpapahalaga sa paggawa ng mabuti at pagsunod sa sinasabi ng
konsenya. Kaya naman, ang tao ay nagbabago dahil may nag-udyok na mabago o
mabuo ito. Panghuli, sa pananaw ng teolohikal, binibigyang halaga ang magiging
buhay pagkatapos ng kamatayan. Mayroon iba’t ibang paniniwala ang bawat relihiyon
ukol sa gantimpalang matatamasa sa paggawa ng mabuti o kaparusahan sa paggawa
ng masama.

Mula sa mga konsepto ng pagiging moral, pagtutuunan ng pansin sa pag-aaral


na ito ang mga pagpapahalagang moral na dapat masuri at makita sa loob ng mga
akdang pampanitikang gagamitin sa pagtuturo ng edukasyon sa pagpapakatao.

Una, pagmamahal sa Diyos (Love of God), ang pagkilala sa kadakilaan at


kapangyarihan ng Diyos ay pagkilala sa dignidad at kalikasan ng tao. Pangalawa,
Pagpapahalaga sa Katotohanan (Love of Truth), ang katotohanan ay maaaring tuklasin
ng tao dahil sa kanyang karunungan at kagustuhan. Ang pag-iisip ng tao ay may
kapasidad na magsuri, magmunimuni at timbangin ang katotohanan ng bawat bagay.
Ang katotohanan ay hindi nagbabago kahit magbago man ang panahon. Pangatlo,
Paggalang sa Buhay (Respect for Life), ang buhay ay dakilang kaloob ng Diyos sa tao.
Ang paggalang dito ay paraan ng pagpapahalaga at pagmamahal sa Diyos. Pang-apat,
Paggalang sa Kapangyarihan (Respect for Authority), ang unang tatlo sa sampung utos
ng Diyos ay tungkol sa paggalang sa kapangyarihan ng Diyos. Siya ang nagbigay ng
buhay kaya nararapat lamang na sambahin at igalang Siya. Ang pang-apat na utos ay
paggalang sa mga magulang. Ang mga magulang ay nararapat na igalang dahil sila
ang umalalay sa mga anak. Paggalang sa mga magulang dahil sila ang paraan at
tinatawag na kasama sa paglikha ng tao sa mundo at paggalang sa mga pinuno ng
bayan dahil sila ang namumuno sa kaayusan at kabutihan ng lahat. Panlima sa mga
pagpapahalagang moral ay ang Panggalang sa Sekswalidad (Respect for Human
Sexuality), ang pagiging mabuting lalaki at mabuting babae ay sukatan ng mabuting
pagkatao. Walang kahinatnan ang dunong at yaman kung walang paggalang sa
sekswalidad at sekswalidad ng iba. Ang pagiging marangal na tao ay nababatay sa
kung paano ka kumilos ayon sa kasarian. Panghuli, Wastong Pamamahala ng mga
Materyal na Bagay (Responsible Dominion Over Material Things), naunang likhain ng
Diyos ang lahat ng bagay, may buhay o wala kaysa tao kayat ang tao ang siyang
ginawang tagapangasiwa ng mga ito. Ang tao ay lilipas sa mundong ito ngunit
mananatili ang mga bagay sa mundo.

Samaktwid, ang konsepto ng moral na pinagtuunan ng pansin ng pag-aaral na


ito ay ang anim na pagpapahalagang moral na magiging batayan sa pagsusuri ng
akdang gagamitin sa pagtuturo ng EsP. Makatutulong ang mga konseptong ito upang
maging matagumpay ang pag-aaral. Isa ito sa magiging lunsaran upang lubos na
makilala ang tunay na katangian at pagkatao ng mga tauhang matatagpuan sa
kwentong ginamit sa pag-aaral. Ang mga nabanggit na konsepto ang naging basehan
ng mananaliksik sa pagsusuri ng mga piling akdang pampanitikan Masasabi ng
mananaliksik na sa mga kathang ito ay matatagpuan ang mga mahahalagang aral at
pagpapahalagang maikikintal na maging gabay ng tao upang tunguhin ang tamang
landasin at mamuhay tungo sa pagpapakatao.

Sanggunian:
Bernales, Rolando A., Cordero, Maria ElmaB., Balagat, Ruth B., Golloso, Helen E.
2019. Panitikan ng pilipinas kasaysayan at pagsusuri. Lungsod ng Malabon:
Mutya Publishing House, Inc.

Belvez, Paz M. 2000. Ang sining at agham ng pagtuturo. Lungsod ng Quezon: Rex
Printing Bookstore, Inc. https://books.google.com.ph/books?id=-
KZ1UKGzemkC&dq=moralistiko&source=gbs_navlinks_s. Pebrero 15, 2020.

Dawsom, Miles Menander. Brown, Edmund R. 2011. The wisdom of confucius. Literary
USA: Licensing, LLC.

Dinglasan, Resurreccion D. 2005. Kritisismong pampanitikan: mga piling kwento ni


ponciano b.p. pineda. Lungsod ng Maynila: Rex Book Store.

Edukasyon sa Pagpagpapakatao Gabay Pangkurikulum. 2013.


https://www.google.com/url?sa=t&source=web&rct=j&url=https://www.deped.gov.
ph/wp-content/uploads/2019/01/ESP-
CG.pdf&ved=2ahUKEwj8saOCzc3nAhWUyosBHY-
DCX8QFjAKegQIARAB&usg=AOvVaw2xf4QyJjZzcmKugNIVH0Tk&cshid=15815
65449559. Pebrero 13, 2020.

Eriman, Edgar A. 2007. Pagsusuri sa limang piling maikling kuwentong hiligaynon gamit
ang pagdulog moralistiko at ang paglinang ng kagamitang pampagtuturo.
http://mis.wvsu.edu.ph/librarium/pub/results/302. Pebrero 15, 2020.

Khan, Nargis. 2014, March. Role of literature in moral development. International


Journal on Studies in English Language and Literature (IJSELL) Volume 2, Issue
3, 8. https://www.arcjournals.org/pdfs/ijsell/v2-i3/2.pdf. Pebrero 15, 2020.

Merriam-Webster Dictionary. Merriam-Webster, Inc. 2020.

https://www.coursehero.com/file/p1baka5/Moralistikong-Pagdulog-Gamit-ang-pagdulog-
moralistiko-itinuturing-na-ang-mga/. Pebrero 15, 2020.

https://www.coursehero.com/file/27118801/Moralistikodocx/. Pebrero 15, 2020.

Pantić, Nataša. 2006. Moral education through literature.


https://www.researchgate.net/profile/Natasa_Pantic/publication/47394106_Moral
_education_through_literature/links/53d378360cf228d363e97842/Moral-
education-through-literature.pdf. Pebrero 15, 2020.

Pasco, Marc Oliver D., Suarez, Venusto F., Rodriguez, Agustin Martin G. 2018. Ethics.
Lungsod ng Quezon: C & E Publishing, Inc.
Pecorino, Philip. 2006. Computers, information technology, the internet, ethics, society
and human values. Queensborough Community College, CUNY.
https://www.qcc.cuny.edu/SocialSciences/ppecorino/CISESHV_TEXT/Chapter-3-
Ethics/ch-3-Basis-for-Morality.html. Pebrero 29, 2020.

Semorlan, Teresita P., Semorlan, Adrian P., Mariño, Felina C., Fernandez, Edena C.
2014. Ang panitikan at kulturang pilipino. Lungsod ng Quezon: C & E Publishing
Inc.

Urbano, Aida G. 2017. Edukasyon sa pagpapakatao.


https://www.pressreader.com/philippines/sunstar-
pampanga/20170403/281621010180460 Pebrero 13, 2020.

You might also like