You are on page 1of 8

Mga Tanyag na Manunulat ng Bulacan na Kumatawan bilang Pundasyon ng Wika

Cruz, Jusmyn Faith S.


Gonzales, Aldrin Ranier S.
Tuba, Kenneth Ryan C.

Abstrak
Malaking bahagi ng kasaysayan ng mga taga-Bulakan ang wikang Filipino, isang patunay
dito ay ang mga tanyang na manunulat ng tubong Bulacan. Ang layunin ng papel na ito na
bigyang tuon lamang ang mga manunulat na sina Virgilio Almario, ang tumayong komisyoner at
kumatawan ng wikang Tagalog sa komisyon ng Wikang Filipino; Francisco Baltazar o mas
kilala bilang Balagtas na tinaguriang ama ng wikang Filipino at si Marcelo H. Del Pilar na kilala
rin sa tawag na dakilang Propagandista. Hindi naitatanggi ang naging ambag ng tatlong
Bulakenyong manunulat na ito sa pagpapalaganap ng wikang Filipino kung kaya’t marapat
lamang na talakayin ang mga ito at gisingin muli ang kamalayan ng bawat isa sa kahalagahan ng
pagkakaroon ng sariling wika lalo na sa panahon ngayon kung saan ang lahat ng bagay ay
moderno at ang gawi ng mga tao ay naiimpluwensyahan na din ng mga dayuhan.

Mga Susing Salita: Wika, Virgilio Almario, Francisco “Balagtas” Baltazar, Marcelo H. Del
Pilar, Bulakenyo

Ang wika ay kasangkapan sa pagpapahayag Ayon kay Whitehead, isang edukador at


Pilosopong Ingles: “Ang wika ay kabuuan ng kaisipan ng lipunang lumikha nito.” Ibig
ipahiwatig nito na ang wika ay salamin ng lahi. Ang wika ay mga simbolong salita ng mga
kaisipan at saloobin. Ito ay isang behikulo o paraan ng paghahatid ng ideya o palagay sa tulong
ng mga salita na maaaring pasalita o pasulat. Ayon naman kay Henry Gleason, ang wika ay isang
masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na pinili at isinaayos sa paraang arbitraryo upang
magamit ng mga tao sa pakikipagtalastasan na nabibilang sa iisang kultura. Ito rin ay kaluluwa
ng bansa, pag-iisip ng isang bayan, kumakatawan sa isang malayang pagsasama-sama at sa
pagkakaisa ng layunin at damdamin. Ito ay paghahatid ng kaisipan at damdamin sa pamamagitan
ng mga salitang binibigkas. Ang wika ay isang penomenong pumapaloob at umiiral sa loob ng
lipunan at may angking kakayahang makaimpluwensya, magdikta, magturo, tumulong,
kumontrol, manakot, pumatay, magpaligaya at lumikha ng isang realidad sa kanyang
ispesipikong kakayahan.
Ayon kay Gng. Virgilio Almario ang kaniyang layunin ay iproklama ang isang wikang
pambansa batay sa pagpapahalaga na magkaroon ng ortograpiya ang isang bansa sapagkat
nararapat na magkaroon ng istandardisong paggamit ng wika, at ang istandardisyong ito ay
kinakailangan para sa tinatawag na intelekwalisasyon o kultibasyon ng isang wika, hindi
magkakaroon ng mataas na yugto ang paggamit ng wikang Filipino kung hindi ito magiging
istandardisado. Bilang mga mamamayan nararapat natin itong gamitin nang gamitin upang
maramdaman natin ang diwa ng wikang ito, at upang mapalinang at maisapuso natin ang
kasaysayan at sibilisasyon ng wikang ito. Hindi natin mabibigyang importansiya ang wika kung
pilit nating iwawaksi at patuloy na yakapin ang wikang kolonyal. Para sa susunod na henerasyon
mananatiling buhay at maunlad ang estado ng wikang Filipino, at sana sa paglipas ng panahon
makamtan natin ang tunay na kalayaan – ang kalayaan na hindi nababahiran ng sariling
pagkakulong at tuluyan ng masilayan ang gahum para sa wikang Filipino na matagal ng inaasam.
Ayon naman kay Francisco “Balagtas” Baltazar ang wika ay ang paraan ng pagkakaroon ng
komunikasyon ng bawat mamamayang Pilipino. Malaki at mahalaga ang ginampanang papel ng
wikang Filipino para kay Francisco dahil ito ang nagsilbing midyum niya para ilahad ang
kanyang saloobin sa mga nangyayare sa ating bansang Pilipinas sa pamamagitan ng debate o
balagtasan, sa mga tula at kwentong kanyang nilikha. Mga kwentong nag bigay sa ating mga
Pilipino ng ideya kung gaano talaga kahalaga ang ating wikang Filipino. Kagaya nalang na dito
sa ating bansa na puno ng mga dayuhan na patuloy na lumalason sa mga utak ng mga Pilipino at
iniimpluwensyahan tayo na mas tangkilikin ang kanilang wika kaysa sa wikang Filipino na
sariling atin. Pero ang mga iyon ay hindi naging hadlang kay Francisco para impluwensyahan
tayo at mag-iwan ng kaalaman sa mga Pilipino ang kahalagahan ng Wikang Filipino.
Ayon naman kay Gat. Marcelo H. Del Pilar ang wika ang magsisilibing ilaw dahil ito ay
naging gabay para makita ng mga mamamayang Pilipino ang ginagawang mali ng mga kastilang
prayle sa ating bayan. Ang wika ay isang mahalagang aspeto ng bawat kultura. Kasangkapang
ginagamit ni Marcelo upang tuligsain ang mga Kastilang mapang-abuso sa lipunang kanilang
kinagagalawan. Ang pagsilang ng wika ay nagbibigay buhay sa sibilisasyon. Sa pamamagitan
nito, malinaw na nailalarawan ang bawat karanasan at damdamin ng bawat tao. At sa
pagkakaroon ng sariling wika ay lubusang naipapahayag ni Marcelo ang tama sa nakararaming
mamamayan at sa mga kaisipan nito.

Kasaysayan ng Bulacan
Ang Bulakan ay isa sa mga lalawigan ng Pilipinas na matatagpuan sa Rehiyon 3 o Gitnang
Luzon. Mayroon itong tatlong lungsod, San Jose del Monte, Malolos na siyang kabisera nito at
Meycauayan. Matatagpuan ang Bulacan sa hilaga ng kalakhang Maynila. Natuklasan ng mga
mangingisda ang lugar na ito bago pa dumating ang mga Kastila sa bansa.
Nanggaling sila mula sa baybayin ng Maynila at lumipat sa lupaing ito kung saan mataba
ang lupa at napapaligiran ng ilog at batis. Lumaki ang bilang ng mga naninirahan dito at ngayon
ay kilala na bilang lalawigan ng Bulakan. Pinaniniwalaang mula sa salitang "bulak" (kapok) o
tinipil na salitang "bulaklak". Maaaring tumutukoy noon ang "Bulakan" sa pook na may
maraming tanim na bulak o bulaklak. Ang paglagda sa kasunduan sa Biyak-na-Bato ang isa sa
mga mahahalagang bahagi ng kasaysayan ng Bulakan. Ang lalawigang ito ay isa sa mga
lalawigang nag-alsa sa mga Kastila. Ang simbahan ng Malolos at Simbahan ng Barasoain ang isa
sa mga naging punong himpilan ni Pangulong Emilio Aguinaldo at ng kanyang batasan.
Kilala ang mga taga-bulacan bilang Bulakenyo at kalimitang ginagamit nilang salita ay tagalog
samantalang ang ilang mga mamamayan sa hilagang bahagi nito ay nagsasalita sa wikang
Kapampangan. Kilala rin ang Bulacan sa mga dakilang manunulat na may ambag sa larangan ng
wika ginamit nila ang kanilang mga akda bilang sandata upang mapayaman ang sarili nating
wika kabilang at kilala rito sina Fransico “Balagtas” Baltazar na tubong Bigaa,Bulacan, Marcelo
H. Del Pilar, tubong Cupang,Bulacan at Virgilio Almario na tubong San Miguel, Bulacan.

Virgilio Almario: Ang Punong Komisyoner at kinatawan ng wikang Tagalog ng Komisyon


sa Wikang Filipino
Si Virgilio Almario ay mas kilala sa tawag na Rio Alma, siya ay ipinanganak sa San
Miguel, Bulacan noong Marso 9, 1944. Siya ay nagtapos na may antas sa kursong A.B. Political
Science sa Unibersidad ng Pilipinas, siya ang utak sa likod ng pangalawang matagumpay na
kilusan ng modernismo sa larangan ng Literaturang Filipino. Si Virgilio Almario ay naging
Punong guro ng College of Arts and Letters sa Unibersidad ng Pilipinas. Siya ay isang
manunula, literary historian, translator at isang kritiko, na kung saan binuhay at inimbentong
muli ang tradisyonal na porma ng patulang Filipino, kahit na siya pa ang nag kampeon sa
patulang modernismo. At siya rin ay naging Chairperson of Nation Commission for Culture and
the Arts. Siya rin ang tumayong mukha ng manunulat sa Pilipinas, isa sa pinaka determinadong
manunulat na gumagamit ng bakal na panulat na may kasamang katotohanan, mapagkunwari at
kawalan ng katarungan na ginamit niya upang patamaan ang mga baluktot ang paniniwala at ang
pamamalakad. Isa rin si Almario sa pinakamasigasig na iskolar at kritiko sa panitikan ng
Pilipinas, lalo na sa panulaang Tagalog. Noong 1972, inilathala niya ang “Ang Makata sa
Panahon ng Makina”, isang kalipunan ng mga panunuring pampanulaan.
Sinundan pa ito ng mga pag-aaral hinggil sa kasaysayang pampanulaan at mga panaliksik
tungkol sa katutubong tradisyon ng pagtula, kabilang ang “Taludod at Talinhaga” (1965;1991),
“Walong Dekada ng Makabagong Tulang Pilipino” (1981), “Balagtasismo Versus Modernismo”
(1984) at “Panitikan ng Rebolusyon”(1993). Si Virgilio Almario ay kilala sa pagsulat ng mga
tula na naging kasangkapan upang makapaglahad siya ng opinyon na tungkol sa isang sitwasyon.
Inilathala niya noong 1967 ang kaniyang unang koleksyon ng mga tula. Lahat ng nailathala
niyang tula bago matapos ang ika-20 siglo ay tinipon ng U.P. Press at inilimbag sa dalawang
tomong “Una Kong Milenyum” (1998). Siya ay maraming tulang nilikha halimbawa na rito ay
ang Watawat, Laro, Ang Bungi ni Ani at Di na Tayo Umiibig Tulad Noon.
Ang estado ng wikang Filipino ayon kay Virgilio Almario, ay isa sa mga layunin na
iproklama ang pagkakaroon ng isang wikang pambansa batay sa katutubong wika ay yung
lunggati na aspirasyon na ang wika na ito ay maging sagisag para mag buklod ng mga Pilipino,
pangalawa ayon sa pahayag ni Almario ”Kaya rin naming naisip ito noong isang taon ay
nagkaroon ng Summit Conference for Peace na ginawa namin sa Bukidnon at dito inimbitahan
namin ang mga pangkating etniko sila ang aming kinausap at higit isang daang pangkatin ang
nanduduon sa ating komperensya. Doon lumabas na ang naturang problema ng mga “Lumad”
natin ay ang lahat ng dokumento tungkol sa kapayapaan ay nasa wikang Ingles, kahit daw ang
mga papel ng pag rehistro sa kanila ay nasa Wikang Ingles at kung sila ay may kaso kailangan
nila lagi na may kasamang abugado na makikipag inglisan sa kabilang panig habang sila ay
nakatanga lang at hindi naiintindihan ang mga nangyayari kaya ang kanilang hiling ay baka
dapat Wikang Filipino ang dapat gamitin kaysa sa Ingles dahil higit nilang maiintindihan kung
ano ang nangyayare kung ito ay nasa Filipino kesa sa Ingles, tayo ay hindi magkaisa dahil ang
wikang gamit natin ay hindi magkatulad kaya kung tayo ay magkakaisa na iisang wika na kung
saan ay tagalog lang ang ating gagamitin ay mas maganda ang pagkakataon na magkaroon ng
political unity ang ating bansa. Kung ang pag uusapan ay ito ba ay ginagamit ng mamamayan
natitiyak na ito ay ginagamit na ng halos lahat ng tao sa Pilipinas magmula sa Batanes hanggang
sa Tawi-Tawi, nalibot na ni Almario ang lahat ng pook sa Pilipinas at kahit kailan hindi siya
gumamit ng Ingles. Nag tatalumpati siya lagi sa Filipino at pinakikinggan naman siya ng mga tao
at sa kanyang paglilibot ay nadidinig niya ang mga kabataang naglalaro na wikang Filipino din
ang gamit pati nag uusap sa parke o kaya ay nakasakay sa bus. Napakalaki na ng naging
paglaganap na ang paggamit ng wikang pambansa hindi lang dahil sa paaralan kundi dahil din sa
mass media, ang tawag sa linggwistik na ito ay lingua franca ibig sabihin wika na ng bayan ang
wikang Filipino kahit magkaibang dialekto pa ang magkatagpo gagamitin nila ang Filipino
bilang wika.”
Noon pa man ito na ay sinasabi at palaging ipinaalala sa atin ng isa pang Tanyag na
Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan na si Virgilio Almario o Rio Alma na,
“Kailangang-kailangan na natin ang Filipino sa edukasyon at opisyal na talastasan. Pero ayaw
nating harapin ang tawag ng taumbayan”. At sinabi niya na ang pag gamit ng ortograpiya ay dati
na ngunit ito ay nahinto lamang dahil sa mga malolokong tao na iniipit ito, pero ngayong naupo
na siya sa Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) na isang ihensya na may kinalaman sa wika
nating mga Pilipino; ninanais ni Virgilio Almario na gamiting muli ang ortograpiya upang mas
mabigyang kaalaman ang mga bagong henerasyon nng tungkol sa ating wika at sa tamang
paggamit nito.
Francisco “Balagtas” Baltazar: Ama ng Wikang Filipino
Si Francsico “Balagtas” Baltazar ay ipinanganak noong Abril 2, 1788 sa Panginay, Bigaa
(ngayon ay Balagtas) Bulacan. Bunsong anak nina Juan Baltazar at Juana dela Cruz. Siya ang
lumikha ng Florante at Laura, at tinaguriang William Shakespeare ng Pilipinas dahil sa kanyang
malaking ambag sa literaturang Filipino. Tinaguriang "Hari ng Makatang Tagalog" at "Prinsipe
ng Balagtasang Tagalog" si Balagtas ay nagsulat ng mga tula, awit, komedya, at korido na siyang
nagdala sa kaniya sa pinakamataas na bahagdan sa dambana ng mga makatang Tagalog. Dahil sa
kanyang katanyagan bilang manunulat, ang kanyang pangalan ay naukit sa katagang ating
ginagamit sa pagtukoy sa panunulang "Balagtasan". Bilang pasasalamat sa kanyang naiambag sa
bansa, ang kanyang bayan ay sinunod sa kanyang pangalan na isa sa pinakamaunlad na bayan sa
probinsiya ng Bulacan. Si Francisco Balagtas ay kinikilala bilang isa sa pinakadakilang tao na
sinilang sa kaniyang bayan sa Bulacan. Muling pinaalalahanan ng Komisyon sa Wikang Filipino
ang mga Pilipino sa pagkilala ng kahusayan at kadakilaan ng tanyag na makata na si Francisco
“Balagtas” Baltazar, kaugnay ng pagdiriwang ng anibersaryo ng kanyang kapanganakan. Dapat
maipaalala ang mga bagay na nakalilimutan na ng madla na makabubuti para sa kanila, sa usapin
ng bansa, panitikan at pambansang pagkakakilanlan,” saad ni Michael Coroza, tagapangulo ng
Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas. Ibinahagi ni Coroza na ipinamalas ni Balagtas sa mga
akda nito ang pagtatanghal ng mga pag-uugali sa Pilipinas at ipinakita ang mapanghimagsik na
paraan ng mga mananakop sa pang-aapi sa mga Pilipino. Mahusay na nagamit ni Balagtas ang
wika at literatura para imulat ang sambayanan sa nangyayari sa lipunan. Sa mga akda ni
Balagtas, tulad ng “Florante at Laura”, naipakalat ni Balagtas ang mensahe na pagmamalabis at
paghihimagsik laban sa malupit na pamahalaan, maling pananampalataya, masasamang
kaugalian, at mababang uri ng panitikan. Hindi lamang ang pakikipagtagaan o pagpatay sa
kalaban ang pamantayan para hiranging bayani ang isang tao. Sa halip, maaari ring ituring at
kilalanin na bayani ang isang tao tulad ni Balagtas na may malaking impluwensiya sa
pagmumulat ng kamalayan ng mga bayani at karaniwang Pilipino sa tulong ng kanyang mga
akda. Kabilang sa mga bayani na namulat sa mga akda ni Balagtas sina Jose Rizal, Andres
Bonifacio, Emilio Jacinto, at Apolinario Mabini dahil dito makikita na malaki ang impluwensiya
ng akda ni Balagtas.
Ang wika ang nagiging tulay upang magkaroon ng pagkakaintindihan at komunikasyon sa
bawat isa. Ito rin ang nagiging daan upang ipagtibay ang samahan ng iba’t-ibang etnisidad. Ang
paggamit ng Filipino bilang pambansang wika ang nagbubuklod sa mga karatig isla upang
maging isang nasyon. Mahalaga ang ginagampanang papel ng wika upang maipamalas ng
manunulat ang kanyang husay sa pagpapahayag. Ang kaalaman niya sa paggamit ng wastong
balarila at mayamang talasalitaan ay makatutulong upang maging maayos ang paglalahad ng
napiling paksa. Ang lahat ng naiisip ng manunulat, ang husay ng napiling paksa, at dahilan ng
kanyang pagsulat ay balewala kung hindi niya maisusulat ang mga ito gamit ang wikang batid ng
kanyang nais sa mambabasa.
Marcelo H. Del Pilar: "Dakilang Propagandista”
Ang Propagandista ay ang tawag sa kilusang propaganda noong panahon ng Espanyol.
Ang Propaganda naman ay ang paglaganap ng mga ideya, impormasyon, o tsismis para sa
layunin ng pagtulong o pinsala sa isang institusyon. Isa sa kilalang Propagandista at Pangunahing
lider ng Kilusang Propaganda, dakilang makata’t manunulat, si Marcelo H. del Pilar kilala rin
siya bilang ang “Dakilang Propagandista”, si Marcelo Hilario del Pilar Gatmaitan ay isinilang
noong 30 Agosto 1850 sa Cupang, Bulacan, sa isang mariwasang pamilya nina Don Julian
Hilario at Blasa Gatmaitan. Idinagdag niya sa pangalan ang apelyidong “del Pilar” ng kaniyang
lola bilang pagsunod sa Batas Claveria noong 1849.   Estudyante pa lamang ay aktibo na siya sa
mga usaping pampolitika. Naging puspusan ang kaniyang pagkilos bilang repormista noong
1882. Itinatag niya kasama ang isang Español ang bilingguwal na ”  Diariong Tagalog”. Ginamit
niya ang husay sa pagtula at pagtatalumpati para batikusin ang gobyernong kolonyal sa
pamamagitan ng duplo at pagsasalitâ sa sabungan at pista. Ilan na rito sa mga gawa ni Marcelo
Del Pilar ay ang sikat na tula na “Dasalan at Tocsohan.” Ito’y isang akdang nakakatawa dahil
ipinapakita dito kung paano sobrang kakaiba o kabaliktaran ang ginagawi ng mga prayle noon sa
kanilang mga sinasabi sa mga Pilipino. Kitang-kita dito ang matinding kabalintunaan ng
pagiging “banal” ng mga prayle noon sa Pilipinas. Subalit sa isang banda, nakakalungkot din ang
akda at kung mababasa mo ito at ilalagay mo ang sarili mo sa kalagayang panlipunan noon sa
Pilipinas, masasabi mong nakakapukaw ito ng isipan at damdaming mapanghimagsik dahil
binigyang diin sa akdang ito ang mga panlilinlang at pagsasamantalang ginagawa noon ng mga
prayle sa mga Pilipino.
Naging mahalaga ang Wikang Filipino para kay Marcelo Del Pilar dahil ito ay naging
susi upang magkaroon ng mga ideya, impormasyon ang mga Pilipino ukol sa pagkukunwari ng
mga pari at makamit ang katarungan laban sa mga pang-aabuso ng mga pari inatake niya ang
pagkapanitiko at pagkukunwari at ipinagtanggol sa korte ang mga mahihirap na biktima ng
diskriminasyon dahil sa kanilang lahi, kaya tinaguriang siya bilang Dakilang Propagandista dahil
sa mga isinulat niya katulad na lamang ng “Aba Ginoong Barya” na kung saan ay
pumapatungkol sa mga pari sa Pilipinas, ginamit ni Marcelo Del Pilar ang wikang Filipino dahil
hindi lahat ng Espanyol sa Pilipinas ay nakakakaintindi ng wikang Filipino at ito na rin ang
naging tulay upang maipalaganap sa Pilipinas ang kabaliktarang sinasabi ng mga Espanyol na
pari sa ginagawa nila.

Ang Mahalagang Papel ng Wika


Sa kabuuan ang wika ay may malaking kontribusyon at importansiya sa bawat isa, lalong
lalo na sa mga manunulat na aming tinalakay makikita rito na kanilang pinahahalagahan ang
wika at malaki ang mga naiambag nila rito. Malaki ang ginampanan ng wika upang magsilbing
tulay sa katotohanan. Ginamit ng mga manunulat ang kanilang husay sa pagsusulat upang
maipakita sa tao ang kahalagahan nito at ginamit din nila ito upang maihayahag ang nangyari sa
kasaysayan noon. Naging pundasyon ang wika upang mailahad ng mga manunulat ang kanilang
mga nais. Ayon kay Virgilio Almario “bilang mga mamamayan nararapat natin gamitin nang
gamitin ang wikang Filpino upang maramdaman natin ang diwa ng wikang ito”. Para kay
Francisco Balagtas “ang wika ay ang paraan ng pagkakaroon ng komunikasyon ng bawat
mamamayang Pilipino”. Ayon naman kay Marcelo H. Del Pilar “ang wika ang magsisilibing
ilaw dahil ito ay naging gabay para makita ng mga mamamayang Pilipino ang ginagawang mali
ng mga kastilang prayle sa ating bayan”. Sa huli, manunulat man o hindi ang mahalaga ay
bigyang pansin, mahalin at higit sa lahat gamitin ang sariling wika natin.
MGA SANGGUNIAN:

Cristobal, Joseph. (2015). Sagisag Kultura. nasa


https://philippineculturaleducation.com.ph/baltazar-francisco-balagtas/
Culture Laboratory Philippines. (2015) Marcelo H. del Pilar nasa
https://philippineculturaleducation.com.ph/del-pilar-marcelo-h/
Guerrero, Airamae A.(2017). Ang Kabayanihan ng Literatura at Impluwensiya ni Balagtas. nasa
http://balita.net.ph/2017/04/03/ang-kabayanihan-ng-literatura-at-impluwensiyanibalagtas/
Fbclid

Militante Jonathan. (2014). Kagandahan ng Bulacan. nasa http://bulacan0.blogspot.com/


Planet Vibration Inc. (2019) Marcelo H. del Pilar | Dakilang Propagandistam
nasa https://mgabayani.ph/marcelo-h-del-pilar/
Salcedo, Chrissha Belle (2014) “Dasalan at Tocsohan” ni Marcelo H. Del Pilar” nasa
https://handiog.wordpress.com/2014/10/11/dasalan-at-tocsohan-ni-marcelo-h-del-pilar/

You might also like