You are on page 1of 9

ARALIN 2

ANG PAGTATAGUYOD NG WIKANG PAMBANSA SA EDUKASYON


AT MAKABULUHANG DISKURSO SA IBA’T IBANG LARANGAN
NG KOMUNIKASYON AT PANANALIKSIK

Ang bahaging ito ng aralin ay tumatalakay sa wikang pambansa,


ang Filipino, kahalagahan nito sa edukasyon, at papel nito sa pagbuo
ng makabuluhang diskurso sa iba-ibang larangan ng komunikasyon at
pananaliksik. Kikilalanin din sa bahaging ito ang iba’t ibang mga
samahang nangunguna at tagapagtaguyod ng wikang Filipino.

Maikling Kasaysayan ng Wikang Pambansa

Sa aklat ni Veneranda S. Lachica (1998), ang Pilipinas ay dumaan


sa mahabang proseso upang magkaroon ng wikang pambansa.
Maliwanag na nakasaad sa Saligang Batas ng 1936, nabuksan ang
landas sa pagsisimula ng pagtatatag at pagpapaunlad ng isang tunay
na wikang pambansa. At sa Bisa ng Batas Komonwelt Blg. 184,
naatasan ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) na ngayo’y kilala
bilang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na magsagawa ng
pananaliksik, gabay at alituntunin sa pagpili ng wikang pambansa.

Sa gitna ng maraming pagtatalo, pagsasaliksik at pagsusuri sa


isinagawang pag-aaral ng SWP, nakabuo sila ng isang pasya at
itinagubilin sa Pangulong Manuel L. Quezon noong Nobyembre 9, 1937
na gawing saligan ng wikang pambansa ang katutubong wikang
Tagalog. Napili nila ang wikang ito dahil sa 1) maraming mga aklat at
babasahing nakasulat sa wikang Tagalog; 2) higit na nakararaming
mga mamamayang Pilipino ang gumagamit ng wikang ito; 3) nasa
Maynila ang sentro ng kalakalan at Tagalog ang wikang ginagamit sa
pakikipagkalakalan. Bunga nito, kasabay ng pagdiriwang sa
kamatayan ni Dr. Jose P. Rizal, idineklara ni Pang. Manuel L. Quezon sa
Bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 na ang wikang
pambansa ng Pilipinas ay nasasalig sa Tagalog.

Sa walang sawang pagsubaybay at magagandang panukala ni


Pang. Manuel L. Quezon sa wikang pambansa, tinagurian siyang “Ama
ng Wikang Pambansa” at sa inspirasyong ipinakita niya,
nakapagpalimbag ng kauna-unahang Balarilang Pilipino ang SWP
noong Disyembre 9, 1939. Ang aklat na ito ay bunga ng walang
kapagurang pag-iisip ng “Ama ng Balarilang Pilipino” na si Lope K.
Santos.

Noong Agosto 13, 1959, ang Kalihim Jose P. Romero ng


Kagawaran ng Edukasyon ay nagpalabas ng Kautusang
Pangkagawaran Blg. 7 na nagsasaad na kailanma’t tutukuyin ang
wikang pambansa, ang salitang Pilipino ang gagamitin. Dito
nagsimulang mawala ang salitang Tagalog na nakagawiang ikabit sa
wikang pambansa.

Mula noon, ang mga pangulo ng Pilipinas ang nanguna sa


paggamit ng salitang Pilipino. Si Pang. Diosdado Macapagal ang
nagpasimunong awitin ang Pambansang Awit ng Pilipinas sa wikang
Pilipino sa pamamagitan ng Kautusang Tagapagpaganap noong
Nobyembre 14, 1962. Si Pang. Ferdinand Marcos naman ang
nagtadhanang isatitik sa Pilipino ang lahat ng gusali at tanggapan ng
pamahalaan noong Oktubre 24, 1967. Lalo pang tumatag ang wikang
pambansa nang baguhin ni Pang. Marcos ang Saligang Batas ng 1936
sa pagtatag ng Kumbensiyong Konstitusyunal sa Panahon ng Martial
Law. Sa binuong Saligang Batas ng 1973, isinaad sa Artikulo XV, Seksyon
2 at 3 na ang Batasang Pambansa ay magsasagawa ng isang hakbang
tungo sa pagpapaunlad at pormal na paggamit ng Pilipino, hanggat
hindi binabago ang batas, ang Ingles at Pilipino ang mananatiling
opisyal na wika ng Pilipinas.

Sa panahon ng Rehimeng Aquino, 1986, ang anumang may


kaugnayan kay Marcos ay pilit na itinatakwil kabilang na dito ang
Pilipino bilang kinilalang wikang pambansa. Nang maratipika ang
Saligang Batas ng 1986, maliwanag na tinukoy sa Artikulo XIV, Seksiyon 6
nto na ang pambansang wika ng Pilipinas ay Filipino. Ayon pa rin sa
Konstitusyong ito, habang ang Filipino’y nililinang, lalo itong pauunlarin
at pagyayamanin batay sa mga umiiral na mga wikang katutubo at
iba pang wika.

Noong 1997, nilagdaan ni Pangulong Fidel V. Ramos ang


Proklama Blg. 1041 na nagtatakda na ang buwan ng Agosto taon-taon
ay magiging Buwan ng Wikang Filipino na nagtatagubilin sa iba’t ibang
sangay/tanggapan ng pamahalaan at ng mga paaralan na
magsagawa ng mga gawain kaugnay sa taunang pagdiriwang.

Ang Filipino Bilang Wikang Pambansa

“Itinuturing ang wika bilang saplot ng


kaisipan, dungawan ng kultura ng lipunang
pinag-ugatan at ginagalawan, gayunman,
mas angkop marahil sabihing ang wika ay ang
saplot-kalamnan, ang mismong katawan ng
kaisipan at kultura”
-Thomas Carlyle

2 | Modyul 1 A n g W i k a , W i k a n g P a m b a n s a a t
K a h a l a g a h a n N i t o s a E d u k a s y o n
Malinaw na ipinapahayag ng kataga ni Carlyle na ang wika ay
sumasalamin sa kaluluwa ng isang indibidwal na ang bawat tunog na
lumalabas sa kaniyang bibig ay naglalarawan ng kaniyang katangiang
emosyonal at espirituwal. Ito ang simbulo ng kaniyang damdamin, ng
kaniyang pag-iisip, ng kaniyang pagkakilanlan.

Ang Pilipinas ay isang bansang may mamayang gumagamit ng


iba’t ibang wikain. Ang ilan sa mga pangunahing wikaing umiiral at
ginagamit sa iba’t ibang panig ng kapuluan ay Tagalog, Cebuano,
Ilocano, Hilingaynon, Bikol, Waray, Kapangpangan Pangasinense at iba
pa. Ang pagkakaroon ng maraming wikain sa ating bansa ang dahilan
kung bakit kinakailangan nating magkaroon ng isang wikang
maituturing nating lahat na mamayang Pilipino na tatak ng ating
pagka-Pilipino. Kailangan ng anumang bansa na magkaroon ng
identidad sapagkat ito ang sagisag ng kanilang pagkalahi, ng kanilang
kalayaan at dignidad.

Ang ating wika na dati’y kilala sa tawag na Pilipino na batay sa


Tagalog at ngayo’y Filipino na batay sa isinasisaad ng ating bagong
Konstitusyon ay napasukan ng mga salitang likha ng karanasang
pambansa ng mga Pilipino at ng mga impluwensiyang pandaigdig.

Sabi nga nila, “ang wika ng isang bansa ay masasabing siyang


kaluluwa na nagbibigay buhay. Ito ang daan at nagsisilbing tulay
upang magkaroon ng ugnayan at mapagdugtong-dugtong ang mga
watak-watak at hiwa-hiwalay na pulo ng ating bansa. Sa
pamamagitan ng wikang Filipino, nagkakaroon ng pagkakaisa at
pagkakaunawaan ang mga mamayang Filipino. Ito ang nagsisilbing
pagkakilanlan nating mga Filipino na siyang nagpapabago at
humuhulma sa pagkatao nating mga mamayang Filipino. Ito ang
batayan ng ating kultura at sandalan ng pag-unlad ng ating bansa.
Nararapat lamang, kung gayon, na huwag nating ikahiya maging
anuman ang ating wika mapa-Ilocano, Cebuano, Tagalog, Hilingaynon,
Bikol, Waray, Kapangpangan, Pangasinense at iba pang wikain, isa
lamang ang ipinapahiwatig nito, na tayo ay Pilipino, may mayamang
kultura. Iba-iba man ang ating wika, iisa ang nananalaytay sa ating
dugo’t diwa, diwang makabansa, dugong Pilipino, tatak Pilipino, tatag
ng bansang Pilipinas.

(Bahagi ng talumpati ni Dr. Francisca S. Nicolas sa pagdiriwang ng Buwan ng


Wika 2018 sa Florentino Camaquin Integrated School, Vintar, Ilocos Norte)

3 | Modyul 1 A n g W i k a , W i k a n g P a m b a n s a a t
K a h a l a g a h a n N i t o s a E d u k a s y o n
Ang Filipino Bilang Makabuluhang
Diskurso sa Edukasyon at Pananaliksik

Marami nang mga pag-aaral na nasusulat sa wikang Filipino ang


mga nalimbag sa mga refereed na babasahin. Marami na ring mga
pag-aaral ang nagpapatunay na ang wikang Filipino ay hindi pahuhuli
sa larangan ng pananaliksik sa iba’t ibang disiplina. Ginagamit na rin
ang Filipino bilang midyum sa pagtuturo ng agham, matematika,
teknolohiya, agham panlipunan at marami pang ibang mga disiplina.
Ang paggamit ng Filipino sa mga nasabing larangan ay dumaan sa
mga puspusang pag-aaral. Bunga ito ng mga pananaliksik na
nagpapatunay na ang wikang Filipino ay maaaring gamitin sa
pagtuturo sa iba’t ibang disiplina.

Ayon sa mga dalubhasa na nagsusulong ng Filipino, mapapairal


ang maka-Filipinong pananaliksik sa pagpili ng mga paksa sa konteksto
ng kalagayang pang-ekonomiya at pampulitika ng bansa. Nararapat
lamang kung gayon, na maging makabuluhan at mapanghamon ang
mga paksang sasaliksikin dahil ang pananaliksik ay para sa kapuwa at
sa lipunan hindi para sa sarili lamang. Dagdag pa nila, ang mga
makabuluhan at mapanghamong mga paksang pananaliksik na
nasusulat sa Filipino ay lalong makapagpapaangat sa pagtingin ng
mga mag-aaral sa wikang Filipino. Sa pamamagitan ng pagpili ng wika
sa pananaliksik, maiuugnay ang personal na aspirasyon ng mga mag-
aaral para sa bayan (The Varsitarian, Nov. 30, 2015).

Isinusulong na ng mga malalaki at kilalang mga pamantasan lalo


na sa kalakhang Maynila ang paggamit ng wikang Filipino sa mga
pananaliksik. Hindi lingid sa lahat na ang Pamantasang De La Salle,
Unibersidad ng Sto. Tomas, Unibersidad ng Pilipinas, Far Eastern University
at Phillipine Normal University ang mga nangunguna sa paglulunsad ng
mga pananaliksik papel. Ang mga nabanggit na mga pamantasan ay
may sari-sariling refereed journal na naglilimbag ng mga saliksik
kaugnay sa mga pag-aaral hindi lamang sa wikang Filipino kundi
maging sa mga araling Filipino.

Marami na ring mga kilalang mga samahan ang nagsusulong sa


wikang Filipino hindi upang maging wika ng pakikipagtalastasan
lamang kundi maging wika ng pananaliksik. Katunayan halos lahat ng
mga pamantasan sa ating bansa ay nagdaraos na ng mga

4 | Modyul 1 A n g W i k a , W i k a n g P a m b a n s a a t
K a h a l a g a h a n N i t o s a E d u k a s y o n
kumperensiya sa pananaliksik na sinasabayan ng mga paglalahad o
presentasyon ng mga naisakatuparang pag-aaral na nasusulat sa
wikang Filipino. Isang paraan ito upang maibahagi ang mga
natatanging nasaliksik sa iba’t ibang rehiyon at upang mapalawig na
rin ang paggamit ng wikang Filipino sa pagsulat daan sa
pagpapalawak ng karunungan at intelektuwalisasyon ng Filipino. Sabi
nga ni Dr. Luna Sicat Cleto, propesora sa UP at isang nobelista:

“Kailangang magkaroon ng pagpapahalaga sa


wikang Filipino, kailangang kanlungin at alagaan ito.
Isinusulong din ang pagsasalin sa Filipino ng mga pag-
aaral na nasusulat sa wikang Ingles at marami na ring
pag-aaral ang naisagawa kaugnay nito. Inilalahad
ang mga saling ito sa mga pambansang kumperensiya
upang maibahagi at tularan ng iba.”

Marami na ring mga pamantasan sa mga probinsiya ang


tinanggap at ginagamit ang Filipino para sa mga pag-aaral.
Katunayan sa Paaralang Graduwado ng Mariano Marcos State
University, Lungsod ng Laoag, ay marami ng mga pag-aaral na
nasusulat sa Filipino. Hindi lamang bunga ng mga tesis o disertasyon
kundi mga pag-aaral na pinundohan mismo ng nasabing pamantasan.
Bunga ng mga pag-aaral na ito ay mga aklat sa wika at panitikan

Pinangunahan din ng Komisyon sa Wikang Filipino ang


pamamahagi ng mga pondo sa iba’t ibang mga pananaliksik na may
kaugnayan sa iba’t ibang mga wikain sa Pilipinas. Layunin nito na lalo
pang mapayabong ang wikang pambansa at upang makilala ang
mga natatanging kultura ng bawat rehiyon. Samakatuwid, masasabing
malayo na ang narating ng wikang Filipino sa larangan ng pananaliksik.

Ang Pagtataguyod ng Wikang Pambansa


sa Edukasyon

Noong sumakop ang mga Amerikano (1898-1946). Ang itinatag


na sistema ng edukasyon noon ay monolinggwal. Samakatuwid, iisa
ang ginagamit na wika, ang wikang Ingles.

Sa panahon ng Komonwelt (1935-1945). Ang sistema ng


edukasyon ay nabago naging bilinggwal. Dalawa ang ginagamit na
wika, ang wikang Ingles at ang wikang pambansa, ang wikang Filipino.
Ginamit ang wikang Filipino sa pagtuturo sa mga mag-aaral ng

5 | Modyul 1 A n g W i k a , W i k a n g P a m b a n s a a t
K a h a l a g a h a n N i t o s a E d u k a s y o n
sekundarya at elementarya. Nahati ang mga asignaturang itinuro sa
mga antas na ito. Ang isang pangkat ay itinuro sa Ingles at ang isang
pangkat ay itinuro sa wikang Filipino.

Filipino Ingles
Wika Wika
Panitikang Pilipino Panitikang Ingles
Araling Panlipunan Mathematics
Agham

Noong 2013, biglang nabago ang kurikulum. Lahat ay nanibago


sa K-12. Ang programang ito ay naisabatas at malaki ang naging
pagbabago sa larangan ng edukasyon. Pinairal mula Kinder hanggang
ikatlong baitang ang Mother Tounge Based – Multilingual Education o
MTB-MLE. Sa madaling sabi, ang unang wika ang ginagamit bilang
panturo at bilang hiwalay na asignatura mula kinder hanggang ikatlong
grado, samantalang ang Wikang Filipino at Ingles ay itinuro bilang
magkahiwalay na asignatura rin mula Grade 4 hanggang Senior High
School.

Alinsunod sa pagbabago ng basic education curriculum,


nagpatupad ang Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (CHED) ng
pagbabago sa general education curriculum (GEC) sa kolehiyo,
kabilang dito ang pagtatanggal ng asignaturang Filipino at magagamit
lamang ang asignaturang ito para sa mga estudyante na
nagpapakadalubhasa sa Filipino.

Ang CHED memo 20-2013

Ang CHED Memorandum Order No. 20- 2013 ay pinamagatang


“General Education Curriculum: Holistic Understandings, Intellectual and
Civic Competencies.” Ito ay inilabas ng Komisyon sa Lalong Mataas na
Edukasyon o Commission on Higher Education (CHED) noong Hunyo 28,
2013.

Batay sa nasabing memorandum na ito, ang asignaturang Filipino


ay hindi na ituturo sa mga estudyante pagkatungtong nila ng kolehiyo
dahil naipatupad na ang programa ng K-12. Nasa memorandum din
na ang mga General Education Courses ay ituturo na lamang sa Senior
High School, sa mga estudyante ng Grade 11 at Grade 12. Kabilang
dito ang asignaturang Filipino.

Dahil sa pangunahing isyu na dulot ng CHED memo 20 series of


2013, nabuo ang isang alyansang tinatawag na “Tanggol Wika” na
binubuo ng mga guro at propesor, kung saan ang isa sa kanilang mga

6 | Modyul 1 A n g W i k a , W i k a n g P a m b a n s a a t
K a h a l a g a h a n N i t o s a E d u k a s y o n
layunin ay ang pagpapanatili ng pagtuturo ng asignaturang Filipino sa
kolehiyo.

Tinutulan ng maraming mga guro at iba’t ibang mga samahang


tagapagtaguyod ng wikang Filipino ang desisyon ng Commission on
Higher Education (CHED) na alisin na ang asignaturang Filipino sa
kurikulum ng mga kolehiyo at unibersidad sa Pilipinas. Sa isang
panayam, inihayag ni David Michael San Juan, propesor sa
Departamento ng Filipino sa De La Salle University, at isa sa mga pinuno
ng alyansa, na nanganganib na bumaba ang kalidad ng wikang
pambansa kapag inalis ang asignaturang Filipino sa mas mataas na
antas ng edukasyon. Dagdag pa niya:

1. Bata pa ang wikang pambansa at hindi pa ito ganap na


intelektuwalisado o nagagamit sa iba’t ibang larangan.

2. Upang maging ganap ang intelektuwalisasyon nito,


nararapat lamang na pagbutihin at palawakin pa ang pagtuturo
nito sa lahat ng antas, lalo na sa kolehiyo.

3. Pag tinanggal ang Filipino sa kolehiyo, maraming mga guro


ang maaapektuhan at mawawalan ng trabaho.

Ang Pakikibaka ng Iba’t ibang Samahan


sa Wikang Filipino

Hindi lamang Tanggol Wika ang nakibaka upang mapawalang


bisa ang CHED Memo 20, 2013. Marami pang mga samahan o mga
kilalang lupon, organisasyon, o asosasyon na tumutol sa memorandum
na ito. Ilan sa mga samahan o tagapagtaguyod ng wikang Filipino ang
nakibaka para sa pananatili ng asigaturang Filipino ay:

1. Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Ang KWF ay nilikha ng Batas


Republika Blg. 7104 na iniatas ng Saligang Batas ng Pilipinas, na
magsagawa, mag-ugnay at magtaguyod ng mga pananaliksik
para sa pagpapaunlad, pagpapalaganap, at preserbasyon ng
Filipino at ng iba pang mga katutubong wika ng Pilipinas.

2. Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino


(PSLLF). Isang propesyonal na organisasyon na lumilinang sa
mahusay na paggamit ng wikang Filipino, pangunahing
edukasyon at pananaliksik. Isa rin ito sa kasaping organisasyon ng
TANGGOL WIKA.

3. Tanggol Wika. Tanggol Wika o Alyansa ng mga tagapagtanggol


ng Wikang Filipino. Isang organisasyong na nangunguna sa

7 | Modyul 1 A n g W i k a , W i k a n g P a m b a n s a a t
K a h a l a g a h a n N i t o s a E d u k a s y o n
pakikibaka laban sa CHED Memo 20-2013. Ang mga kasapi dito
ay mga propesor, estudyante, manunulat, at mga aktibista.
Nabuo ang alyansang ito bunga ng pagtanggal ng CHED sa
Filipino sa bagong kurikulum.

4. Anakbayan. Organisasyon ng mga katutubong Filipino. Global


ang sakop ng kanilang samahan.

5. KWF at PSSLF. Nagsanib na alyansa. Ayon kay, Virgilio Almario,


isang National Artist at dating tserman ng Komisyon sa Wikang Filipino,
ang aksyon ng CHED ay isang bayolasyon sa konstitusyon ng Pilipinas
dahil ayon sa konstitusyon, hindi lamang natin dapat ideklara ang
wikang Filipino bilang pambansang wika kundi dapat nating
palaganapin ang wikang ito. Sinusuportahan ito ng Pambansang
Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino sa pamamagitan ng
pagpetisyon sa panukala ng CHED. Ayon naman sa grupong Tanggol
Wika, nararapat na panatilihin ang asignaturang Filipino sa bagong
kurikulum upang maisulong ang makabayang edukasyon. Tinututulan
naman ng grupong Anakbayan ang pagsulong ng CHED memong ito
dahil makakaapekto sa pagkamakabayan ng mga mag-aaral at
makapagpapatibay sa pagkahilig sa mga bagay-bagay na nabibilang
sa mga banyaga. Ito rin daw ay makakaapekto sa kasaysayan ng
bansa.

Ang mga petisyon at paglalaban para sa pagpapanatili ng


Filipino sa mga kolehiyo ay naging matagumpay sapagkat napanatili
ang asignaturang ito sa General Education Curriculum ng CHED
hanggang Taong Panuruan 2019. Subalit tinuldukan na ng Mataas na
Hukuman ang petisyon ng iba’t ibang samahan na nagtataguyod sa
Filipino. Inilabas nila ang kautusan na nagsasaad na tuwiran ng
tatanggalin ang Filipino bilang general education subject sa kolehiyo.
Magkagayon man, umaasa pa rin ang mga naturang samahan na
maibabalik ang Filipino sa kolehiyo. Narito ang ilang mg dahilan kung
bakit nagpetisyon ang mga samahang nabanggit:

Mga dahilan kung bakit kailangang ibasura ang CHED Memo 20,
s.2013? Ito ang sagot ni Bienvenido Lumbera na iprinisenta ng
Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.

1. Mahalaga ang wikang pambansa sa pagbuo ng kurso sa iba’t


ibang larangan ng komunikasyon at pananaliksik.

2. Bilang isang mamamayan sa Pilipinas, mahalagang gamitin


natin ang wikang pambansa, ang Filipino.

8 | Modyul 1 A n g W i k a , W i k a n g P a m b a n s a a t
K a h a l a g a h a n N i t o s a E d u k a s y o n
3. Ang wikang Filipino ang ginagamit natin sa berbal na
komunikasyon at sa pagsusulat.

4. Ang paggamit natin sa ating sariling wika ay hahasa sa ating


kakahayang-pangkomunikatibo.

5. Ang paggamit ng wikang Filipino ay nagdudulot ng


pagyabong o pag-unlad sa ating sariling wika.

6. Ang pagpapaunlad sa ating sariling wika ay magdudulot ng


makabuluhang diskurso sa iba’t ibang larangan ng
komunikasyon at pananaliksik. Kung hindi ginagamit ang
wikang Filipino sa komunikasyon, wala tayong makabuluhang
diskurso.

9 | Modyul 1 A n g W i k a , W i k a n g P a m b a n s a a t
K a h a l a g a h a n N i t o s a E d u k a s y o n

You might also like