You are on page 1of 1

Salazar, Charisma Nathalie R.

BSA – 1201
ANG WIKANG FILIPINO AT ANG BANTA NG GLOBALISASYON
Analisis
Ayon sa pagdedepina ni Dr. Lumbera, ang globalisasyon ay pananalakay ng mga
kapitalistang bansa ng Kanluran na naghahanap ng pamilihan para sa kanilang kalabisang
produkto. Ito ay sumasaklaw sa iba’t ibang aspekto ng lipunan at buhay ng tao. Sa ekonomiya,
nagkakaroon ng mas malayang pagdaloy ng puhunan, lakas paggawa, kalakal at iba pa. Sa
politika ay mas nagiging madali at sistematiko ang pakikipag ugnayan. At sa iba pang mga
aspekto ng ating lipunan.
“Mundong wala nang hangganan”, ang Utopiang ipinangangako ng globalisasyon para sa
bansang umuunlad na naglalayon na mapagtibay ang demokrasya, magkaroon ng pagkapantay
pantay at pagtutulungan ang bawat bansa upang mapanatili ang kalinisan at kaligtasan ng
kapaligiran, at higit sa lahat ay magkaroon ng kapayapaan sa bawat bansa. Ngunit, ito ba ang
nakikita sa ating bansa? Humihina at nabubura na ang ating pambansang pagkakakilanlan.
Naroon din na nalulugi ang mga lokal na namumuhunan dahil mas tinatangkilik ang mga
produktong tatak kanluranin. Ang sistema ng edukasyon ay hinuhubog upang tugunan ang
pangangailangan ng mga multinasyonal. Ang teritoryo natin ay binubuksan ng ating gobyerno
multinasyonal, at ang mga kabataan ay ipinapain sa kulturang nagpapalabo sa mga tradisyong
kanilang kinagisnan. Sa maikling salita, ibinalik na tayo ng kapitalismong global sa yugto ng
kolonyal na pagkasakop.
Sinasabi na maaaring harapin at labanan ang kultura ng globalisasyon upang kalusin ang
negatibong bisa nito sa lipunang Pilipino. Mahalagang kasangkap ng panlipunang kapital ang
wika na ang gamit ay gawing episyente o mabisa ang mga transaksyon sa isang ekonomiya.
Dahil ito ay instrumento na namamagitan sa mga tao, may kakayahan itong maging susi sa
integrasyon ng isang lipunan, hindi lamang isang instrumento na nag aayos at namamagitan, ito
rin ay isang instrumento na nagpapatatag at maaaring magpaunlad sa ating bansa. Tinatanggap
natin na ang globalisasyon ay lalo pang lalaganap sa buong daigdig. Ngunit sa paglaganap nito sa
ating bansa lalo nating magagamit ito sa ating kapakanan kung isasabay ito sa pagpapaunlad ng
wikang Filipino. Ang mas mahigpit na pagpapahalaga sa sariling wika ay nauuwi sa pag ani ng
mga biyaya ng globalisasyon sa mas marami nating mamamayan. Dahil dito, hindi lamang
nagiging wika sa globalisasyon ang wikang Filipino, magiging tunay na susi ito sa kaunlaran.

You might also like