You are on page 1of 16

Ang Wikang Filipino at ang Banta ng Globalisasyon

Ni Dr. Bienvenido Lumbera


Bulatlat.com
Upang mapagtakpan ang buktot na pakanang nag-aanyong biyaya ng
mga dambuhalang empresang nakabase sa Kanluran, may bayarang
intelektuwal na umimbento sa pariralang “borderless world” at itinapal ito sa
mapagsamantalang mukha ng kapitalismo. Sa ganyang anyo inihaharap sa
atin ang “globalisasyon” na may Utopiang ipinangangako -- isang “mundong
wala nang hangganan.” Sinasabing sa “mundong wala nang hangganan,”
pantay ang kakayahan ng bawat bansa na kamtin ang kaunlaran.
Para sa isang bansang malaon nang nabalaho sa di-pag-unlad, ang
Utopiang pangako ng globalisasyon ay tunay na katakamtakam. Naroon ang
paglaganap at pagtibay ng demokrasya. Naroon din ang paggalang at
pagsasanggalang sa karapatang pantao ng mahihina at walang
kapangyarihan. At naroon ang pagtutulungan ng lahat ng bansa upang
panatilihing malinis at ligtas ang ating kapaligiran. At naroon din ang
matagal ng minimithi ng sandaigdigan – ang mapayapang mundo na sa mga
awit pa lamang matatagpuan.
Subalit ano ba ang realidad ng “borderless world” na naglalatag sa ating
mga haraya ng maluningning na landas tungo sa maunlad at mapayapang
bukas? Sa ngalan ng anti-terorismo, mga eroplano at bomba ng Estados
Unidos na nagtatawid-kontinente at bumabagtas ng mga heyograpikal na
hangganan upang pagbantaan ang alinmang bansang nagbabalak kayang
ulitin ang kapahamakang idinulot sa New York noong 2001. At sa larangan
naman ng ekonomiya, ang paggigiit na tanggalan ng proteksiyon ng batas
ang mga kalakal na Filipino sa ngalan ng pantay na pakikipagkompetisyon.
Samakatwid, ang “globalisasyon” ay pananalakay ng mga kapitalistang
bansa ng Kanluran na naghahanap ng pamilihan para sa kanilang kalabisang
produkto. Kunwari’y binubuksan ng mga ito ang kanilang mga pamilihan sa
mga produkto ng mahihinang ekonomiya. Pero sa katunayan, hindi kayang
makipagkompetisyon ng mahihinang ekonomiya sa kanila, kaya’t sa
kalaunan nilalamon nila ang lokal na kompetisyon.
Bahagi ng pananalakay na iyan ang panghihimasok ng World Trade
Organization sa edukasyon. Ang reporma ng kurikulum na sinimulan sa
pang-akademyang taong ito ng Departamento ng Edukasyon ay malinaw na
tinabas upang isunod sa padrong globalisasyon. Tumutugon ang Basic
Education Curriculum sa pangangailangan ng mga lipunang maunlad ang
mga industriya at teknolohiya para sa mga taong marunong bumasa ng
instruksiyon at sumunod dito upang ang assembly line ay maayos na
mapakilos. Dahil isinaayos ng ating gobyerno ang sistema ng edukasyon
upang makapagpalitaw ng mga kabataang marunong ng simpleng Ingles, ng
simpleng pagkukwenta, at ng simpleng siyensiya, halos itinalaga na nito ang
darating na mga henerasyon ng kabataang Filipino sa pagiging
manggagawang ang lakas at talino ay pagsasamantalahan ng mga
dayuhang empresa dito sa Filipinas at maging sa labas ng bansa.
Nakatinda na ngayon ang sambayanang Filipino sa eksploytasyon ng
kapitalismong global. Ang teritoryo natin ay binubuksan ng ating gobyerno
sa mga empresang multinasyonal, at ang mga kabataan ay ipinapain sa
kulturang nagpapalabo sa mga tradisyong kanilang kinagisnan. Ang
kulturang ito na itinuturing na global ay humihimok sa mga itong hubdin ng
kabataan ang kanilang identidad bilang mamamayan ng kanilang tinubuang
lupa. Sa maikling salita, ibinalik na tayo ng kapitalismong global sa yugto ng
kolonyal na pagkasakop.
Hindi natin namamalayan ang panibagong pagsakop sa atin dahil ang mga
sandatahang Amerikano na lumunsad sa ating mga baybayin ay mga
kaibigan daw na nagmamalasakit na pulbusin para sa mga Filipino ang Abu
Sayyaf.
Ang kapangyarihang politikal ay kusang sinususpindi ng ating
pamahalaan upang akitin ang dayong puhunan. Ang sistema ng edukasyon
ay hinuhubog upang tugunan ang pangangailangan ng mga multinasyonal.
Tunay na ang “borderless world” ay bagong maskara lamang ng
imperyalismo. Ang bagong anyo nito ay nagpapanggap na wala itong
pangangailangan sa atin, tayo mismo ang humihingi na ang kasarinlan natin
ay kanyang salakayin.
At ano naman kaya ang panlaban ng mga Filipino sa dagsa ng pananalakay
ng globalisasyon? Ano ang magagawa ng wika nina Amado V. Hernandez,
Jose Corazon de Jesus, at Lazaro Francisco? Ano ang magagawa ng mga
awiting Filipino nina Jess Santiago, Joey Ayala at Gary Granada? Ano ang
magagawa ng mga nobela nina Luwalhati Bautista, Edgardo Reyes at Ave
Perez Jacob? Ano ang bisa ng Wikang Filipino sa pagtatayo ng moog laban
sa paglusob ng mga kaisipang makapagpapahina sa tigas ng loob at tatag ng
mga makabayan?
Noong 1996, sa Copenhagen, Denmark, inorganisa ng United Nations
World Summit for Social Development ang isang serye ng mga seminar
upang talakayin ang mga kalagayang tutungo sa panlipunang pag-unlad sa
harap ng mabilis na paglakas ng global capitalism. Ganito ang isang
obserbasyong lumitaw sa seminar: Lumulubha ang agwat sa kinikita ng mga
mamamayan sa mayayamang bansa sa kinikita ng mga mamamayan sa
mahihirap na bansa. Ang agwat ng per capita income sa pagitan ng mga
bansang industrialisado at ng mga bansang papaunlad ay lumobo ng tatlong
beses mula 5,700 dolyar noong 1960 tungo 15,400 dolyar noong 1993.
Noong taong 1994-95, ang GNP per capita sa mundo ay 24,000 dolyar sa
pinakamayamang mga bansa na ang populasyon ay 849 milyon. Ang GNP
per capita sa mga pinakamahirap na bansa ay 4,000 dolyar at doon ay 3
bilyong tao ang naninirahan. Sa harap ng ganitong tiwaling kalagayan,
binigyang diin ng seminar ang pangangailangang pagtuunan ng pansin ang
kultura ng kapitalismong global, suriin ito, pagtalunan at hamunin ang
katinuan ng bisyon na gumagabay rito. Kaugnay nito, tinukoy ang
pangangailangang isangkot sa mga isyung panglipunan ang mga
intelektuwal na makitid ang pananaw at labis ang pagkakulong sa kani-
kanilang ispesyalisasyon. Dapat daw himukin ang mga ito na gamitin ang
kanilang tinig sa mga debate at diskurso hinggil sa mga problema at
tunguhin ng kontemporaryong lipunan.
Narito sa palagay ko ang ispasyo na bukas at humihinging pasukin ng
mga Filipinong tumatangkilik sa wika at panitikan. Sa ispasyong iyan
maaaring harapin at labanan ang kultura ng globalisasyon upang kalusin ang
negatibong bisa nito sa lipunang Filipino. Hindi dapat magbunga ang
globalisasyon ng panibagong pagkaalipin para sa sambayanan.
Nakalangkap sa wika at panitikang katutubo ang pinagdaanang
kasaysayan ng sambayanang lumaban sa pananalakay at pang-aalipin ng
kolonyalismong Espanyol at Amerikano. Sa tuwing pinagyayaman ang wika
at panitikang katutubo, may lakas na pinakikilos sa kalooban ng Filipino, na
magagamit na panlaban sa pang-aakit ng globalisasyon. Narito ang
kahalagahan at adhikain ng mga naunang henerasyon na hindi kayang
burahin ng Utopiang pangako ng “borderless world.” Nasa pagtayo natin at
paggigiit sa makabayang pagtangkilik sa ating wika at kultura ang lakas na
maibabangga natin sa globalisasyon, na naglalayong patagin ang landas
patungo sa walang-sagwil na pagpasok ng kapitalismong global sa ating
ekonomiya at politika.
Ang wika at panitikan natin ay buhay na katibayan ng ating kultura at
kasaysayan. Ipinapagunita nito na mayroon tayong mga karanasan at
kabatirang natamo sa ating pagdanas ng kolonisasyon at sa ating ginawang
paglaban sa paghahari ng mga dayuhan.
Hindi natin tinatanggihan ang paghatak ng hinaharap kung iyon ay
magdadala sa atin sa tunay na pag-unlad. Subalit ang identidad ng isang
sambayanan ay hindi naisusuko nang gayon-gayon lamang. Nakatatak ito sa
kamalayan hindi ng iisang tao lamang kundi sa kamalayan ng buong
sambayanan. Kung hinihimok tayo ng globalisasyon na magbagong bihis,
itinuturo naman ng ating kasaysayan na ang pinagdaanan natin bilang
sambayanan ay laging nagpapagunita na may sariling bayan tayo, may
minanang kultura at may banal na kapakanang dapat pangalagaan at
ipagtanggol kung kinakailangan. Sandatahin natin ang ganyang kamalayan
tungo sa ikaluluwalhati ng Filipino bilang nagsasariling bayan.

Bulatlat.com
===
This paper was presented by Dr. Bienvenido Lumbera at the workshop on
education last March 1 at the auditorium of the College of Mass
Communication, University of the Philippines Diliman.
ANG MGA LIRIKO NI GARY GRANADA BILANG REPLEKSYON NG
PULITIKA, NASYONALISMO AT KALAGAYAN NG BANSA
October 23, 2014 at 8:10 PM
ANG MGA LIRIKO NI GARY GRANADA BILANG REPLEKSYON NG
PULITIKA, NASYONALISMO AT KALAGAYAN NG BANSA
(bahagi ng pananaliksik ni Joel Costa Malabanan)
Binary contrast o dalawahang pagtutunggali ang ipinapakita ng liriko sa
awiting “Bahay” at “Manggagawa” sa pagitan ng mga mahihirap at
mayayaman. Sa
awiting “Bahay” ay pinagkumpara ni Gary Granada ang labinlimang mag-
anak na
nagsisiksikan sa isang barung-barong na sira-sira at sa isang mansyon na
halos walang
nakatira. Binigyang diin niya sa awit na kahit ang Maylikha ay posibleng
magtaka kapag
nakita ang tirahan ng mga mahihirap nating kababayan na inilarawan bilang
“pinagtagpi-
tagping basurang pinatungan ng bato / hindi ko maintindihan bakit ang
tawag sa ganito ay
bahay?” Sa awiting “Manggagawa” naman ay binigyang diin ang pagiging
manhid ng mga
kapitalista sa karaingan ng mga manggagawa lalo pa sa usapin ng pagtataas
ng kanilang
suweldo. Matindi ang sumbat ng huling saknong ng awit na may sumusunod
na linya:
“Samantalang may isang panginoong may kapital/ ang nagdiwang at
nagdaos ng hapunan
at kabilang sa hapag ng panauhing pandangal / ang tanyag at ang banal sa
ating lipunan/
halos ang bawat isa’y makapangyariha’t matagumpay/ dahilan sa isang
taglay na
katangian / ang matibay na loob na magsawang mabusog / habang may
nangangatog
sa hapdi ng tiyan.” Ganitong-ganito ang kalagayan sa pagitan ng mga
manggagawang
kontraktuwal sa ating lipunan at sa mga kapitalistang nagkakamal ng yaman
mula sa lakas-
paggawa ng manggagawa. Kung mas marami sana ang gagamit ng kantang
“Bahay” at
“Manggagawa” sa mga guro ng paaralan ay mas mailalapit nila ang
reyalidad sa kanilang

mga estudyanteng ipinaghehele ng eskapismo mula sa pinagkakaabalahan


nilang social
network.
Ang awiting “Dam” naman ay naglalaman ng protesta sa mga development
projects ng gobyerno na nagwawasak sa kapaligiran at sa pamumuhay ng
mga
katutubo. Sa ngalan ng huwad na kaunlaran / Ang bayan ay sa utang
nadiin / At ito na ang kabayaran /Ang kanunununuang lupain / Ang mga
eksperto'y nagsasaya / At nagpupuri at sumasamba / Sa wangis ng diyus-
diyosan nila / Ang dambuhalang dam. Taong 1989 nalikha ang awit na
halaw sa pakikipaglaban ng mga katutubo sa Cordillera na tumutol sa
pagtatayo ng Chico Dam. Noong Abril 24, 1980 ay nagbuwis ng
buhay si Macliing Dulag, isang lider ng mga katutubong Kalinga na
pinaslang ng mga militar dahil sa pagtutol nito sa Chico Dam na wawasak
sa kalikasan at sa kanilang pamumuhay. Napigil ang pagtatayo ng dam at
ang kamatayan ni Macliing Dulag ay naging simbolismo ng kabayanihan at
ngayon ay ipinagdiriwang bilang “Araw ng Cordillera”. Ang kantang “Dam”
ni Gary Granada ay hindi lamang awit na nagpapakita ng pagmamahal sa
bayan kundi awit rin na nagpapakita ng pagmamahal sa kalikasan.
Hanggang ngayon, ang mensahe ng awit ay patuloy pa ring nanunumbat
habang walang pakundangan rin ang pagwasak sa kapaligiran kapalit ng
kaunlaran.
Maiuugnay naman sa kalagayan ng mga manggagawa ang nilalaman ng
kantang
“Hatinggabi sa Picket line” na literal na tumatalakay sa mga manggagawang
nagwewelga.
Nagpapakita ng realismo ang refrain ng awit na may linyang “Hangga’t
manggagawa’y
nakagapos / ang welga’y hindi matatapos/ hangga’t naghahari ang pera’t
baril / ng mga
uring naniniil” at nagpaaalala sa pinaslang na labor leader ng Nestle na si
Diosdado
Fortuna noong Setyembre 22, 2005 at sa pakikibaka ng mga manggagawa
ng Philippine
Airlines noong Setyembre 30, 2011. Ang mga ganitong tema ng awit ay
mainam na
gamitin upang mamulat ang mga estudyante hinggil sa kalagayan ng mga
manggagawa sa
Pilipinas at hindi nalalayo sa mga akdang pampanitikan na matatagpuan sa
mga
panghayskul na aklat sa Filipino tulad ng kuwentong “Aklasan” ni Brigido
Batungbakal,
“Ang Dyanitor” ni Aurelia Vicente at “Gutom” ni Clodualdo del Mundo. Ang
mga
kuwentong ito, tulad ng mga awit ni Gary Granada ay repleksyong ng
kalagayan ng mga
mahihirap nating kababayan sa lipunan na dapat magkaroon ng puwang sa
mga talakayan
sa klase sa hayskul man o sa kolehiyo.
Ang mga awiting “EDSA” at “Kanser” ay kapwa inilabas ni Gary Granada
noong
1989 at kasama sa album na “Ugat: Pagsamba at Pakikibaka Vol. 2” na isa
sa
pinakamatapang na album na kanyang inilabas. Ang liriko ng “EDSA” ay
pagtuligsa sa
kawalan ng pagbabago pagkatapos na mapatalsik si Marcos at mailuklok sa
puwesto si
Pangulong Cory Aquino. Ayon sa awit, “Ang EDSA’y tulad ng paglaya natin
sa mga
Kastila/ sa halagang dalawampung milyong dolyar/ sa anyo ng demokrasya
ay angkop at
kasyang-kasya/ ang base militar at sandatang nukleyar.” Malinaw na ginamit
ni Gary
Granada ang kasaysayan para maikumpara sa Treaty of Paris noong 1898
ang EDSA
Revolution noong 1986 na ayon sa awit ay simbolismo ng huwad na
kalayaan. Sa panitikan,
ganito rin ang tema ng kuwentong “Ugat” ni Genoveva Edroza Matute kung
saan ang
pangunahing karakter na si Lolo Tasio ay nais nang umalis ng Pilipinas nang
mapagtanto
niya na wala namang naganap na pagbabago sa kalagayan ng bansa
pagkatapos
ng EDSA Revolution. Samantala, ang kantang “Kanser” naman ay
tumatalakay sa sakit ng
lipunan partikular sa pagsasamantala ng mga mayayaman sa mahihirap na
ang salosyon ay
“totoong rebolusyon”. Lumilitaw na ang awit ay bahagi rin ng pagtuligsa sa
huwad na
kalayaang natamo ng sambayanan matapos na mapatalsik ang diktaturya ni
Marcos.
Ang awiting “Pablong Propitaryo” ay sinulat ng Palanca awardee na si Tom
Agulto
ngunit nilapatan ng musika at inawit ni Gary Granada. Tinalakay sa awit ang
abusadong
panginoong maylupa, pulitiko at propitaryo na si Pablo. Kagaya sa Kabanata
IV ng “El
Filibusterismo” kung saan pinaslang ang paring si Padre Clemente na
kumamkam ng lupa
ni Kabesang Tales, binaril rin at napatay ang mapagsamantalang si Pablong
Propitaryo:
“Tingga ay naglagos sa dibdib, sa utak/ sinong walang puso kaya ang
umutas?” Ang
ganitong eksena ay nagtataglay ng element ng Marxismo kung saan ang
dahas ang tanging
solusyon upang wakasan ang pagsasamantala. Ganito ring solusyon ang
ginamit ni Efren
Abueg sa kanyang kuwentong “Ang Kamatayan ni Tiyo Samuel” kung saan
ang balisong
ni Felipe ang kumitil sa mapagsamantalang si Tiyo Samuel. Sa konteksto ng
lipunang
Pilipino, nananatiling pinakamatandang kilusan sa Asya ang armadong
pakikibaka ng New
Peoples Army sapagkat tanging dahas lang ang pinaniniwalaang nalalabing
paraan sa mga
magsasaka at mahihirap nating kababayan na kasapi nito.
Satiriko naman ang kantang “O Kay Sarap” at “Holdap” na parehong
tumatalakay
sa kalagayan ng pamahaalaan. “Hindi tumatanggap ng lagay ang mga pulis/
Ang record ng
ating militar, kay linis-linis/ kay bilis pa ng serbisyo ng pamahalaan/ walang
under the
table dito sa ating bayan”, ang tila nakalolokong paglalarawan sa Pilipinas.
Ito ay
kabaligtaran ng kalagayan ng bansa at isa lamang ilusyon lalo pa at patuloy
ang katiwalian
sa PNP at ang mga militar ang inaakusang nasa likod ng pagdukot sa
aktibistang sina Jonas
Burgos, Karen Empeno at Shirlyn Cadapan. Laganap pa rin ang sistemang
lagay na siyang
isa sa pangunahing ugat ng korapsyon. Ang liriko naman ng kantang
“Holdap” ay may
linyang “Nanakawan na at naholdap si Juan/ ngunit ang nagnakaw pa nasa
pamahalaan”
na patama ni Gary Granada sa mga pulitikong nasangkot sa katiwalian
subalit patuloy na
nagwawagi sa eleksyon. Ang ganitong mga tema ng awit, kung palaging
maririnig ng mga
ordinaryong tao ay magtutulak sa kanilang mag-isip at maging mapanuri sa
nagaganap sa
lipunan. Sa paaralan naman, ang pagsusuri sa liriko ng mga awit na tulad ng
“Holdap” at
“O Kay Sarap” ng mga estudyante ay magpapatalas sa kanilang pag-iisip at
magpapahusay
ng kakayahan nilang mangatwiran sa pagpapaliwanag ng mensahe. Higit sa
lahat,
makatutulong ang mga ganitong awit upang mamulat ang mga kabataan sa
mga
isyung panlipunan na tuwiran at hindi tuwirang nakaaapekto sa kanilang
pamumuhay.
Kung ang islogan ng gobyerno ni Gloria Macapagal Arroyo ay ‘strong
republic” at
kung ang kay Pangulong Benigno Aquino III naman ay “daang matuwid”,
ginamit rin ni
Gary Granada ang musika upang batikusin ang islogan ni dating pangulong
Fidel Valdez
Ramos na Philippines 2000 sa awit na gayon din ang pamagat. Sa liriko ng
kantang
“Philippines 2000” ay inilahad ni Gary Granada ang linyang “Gutom ay
huwag intindihn/
sakit ay huwag indahin/ manalig ka sa gobyerno/ brown-out, demolition,
basura at
inflation/ tiyaga at konti pang sakripisyo/ magtiis sa sahod, ilang taon na
lang/ eto na ang
NIChood, isang igkas na lang/ welcome to the future: Philippines 2000!”
Future ang
salitang ginamit sapagkat 1996 nang isulat ang awit subalit natapos ang
termino ni FVR
ngunit nanatiling pangako ang kanyang islogan. Walang ipinagkaiba ang
islogan ni GMA
na “strong republic” sa islogan ni FVR na magiging “newly industrialized
country” na ang
Pilipinas pagkatapos ng taong 2000. Dahil dito, magagamit rin ang kantang
“Philippines
2000” upang suriin naman ang katotohanan o kasinungalingan sa
pangakong “tuwid na
daan” ng kasalukuyang pamahalaan.
Ang awiting “Values Education” ang pinakamatapang na awit na nilikha ni
Gary
Granada bilang protesta sa dayaan sa halalan noong taong 2004. Sa genre
na reggae at
kasama ang tinig nina Noel Cabangon, Cooky Chua at Popong Landero,
masarap
pakinggan ang awit at may liriko na “ Huwad na eleksyon kick-back at
kumisyon/ Suhol,
lagay, Graft and corruption/ Ano ang solusyon , ang sabi ng leksyon/ Ika’y ay
values
education huwag kang mandadaya/ Huwag kang magsinungaling, ang mga
panata/ At
pangako’y tuparin/ Huwag kang manggugulang/ Huwag kang
magsasamantala/ Huwag
kang manlalamang ng iyong kapwa/ Gloria Huwag kang manggu-Gloria!”.
Ginamit ng
awit na metonomiya ang pangalang “Gloria” bilang katumbas ng pandaraya
at siyempre,
hindi pinatugtog sa mga radyo ang awit kundi sa mga kilos-protesta laban sa
rehimen ni
Gloria Macapagal Arroyo. Ang huling bahagi ng awit ay nagbibigay ng payo
sa mga
nakikinig na matuto sa kasaysayan ng ating bayan sa pamamagitan ng
lirikong “Ang
pahalagahan/ Kailangan ng bayan/ Bahay, pagkain, kalusugan/ Makapag-
aral,
trabahong marangal/ Hustisya at kapayapaan / Ngunit inuuna ng gobyerno
ang utang/
Pinatitindi pa ang logging, mining, at digmaan/ Dahil di malaya sa dikta ng
dayuhan/
Lalong lumalala ang kahirapan/ Gloria! Huwag kang manggu-Gloria/ Huwag
kang mang-
e-Erap, Ramos, Cory Marcos, Gloria, Huwag kang manggu-Gloria!”. Batay sa
awit,
walang ipinagkaiba ang gobyerno ni GMA sa mga nakaraang adiministrasyon
sapagkat
hindi nito natugunan ang mga pangunahing serbisyong kailangan ng bayan
at sa halip ay
inuna pa ang pagbabayad ng utang sa IMF-WB at ang paglalala ng problema
sa logging,
mining at digmaan na nagaganap pa rin sa kasalukuyan.
Bago pa nilikha ni Gary Granada ang kantang “Values Education” ay may
nauna na siyang awit na nilikha noong 2001 na ang pamagat ay “Mga Kanta
ni Goryo” at
kinatatampukan ng mga tono ng mga pangunahing traditional songs sa
Pilipinas gaya ng
“Atin Cu Pung Singsing,” “Pamulinawen,” “Sarung Banggi” at marami pang
iba. Ang
nakatutuwa sa liriko ng awit ay ang paglalahad ni Gary Granada ng mga
pangunahing
isyung panlipunan sa paraang nakatatawa (novelty) at nakaaaliw. Ang mga
tinuligsa sa
awit ay ang “bangkang papel” ni GMA, money laundering ni Ping Lacson,
ang mga
nawawalang load sa kompanyang Smart, Globe at Sun, ang sabwatan ng
mga militar at
Abu Sayaff at ang mga pangakong hindi natutupad sa pamahalaan ni GMA
matapos na
patalsikin sa pagkapangulo si Joseph Estrada noong taong 2001. Narito ang
bahagi ng
liriko ng awit sa tono ng kantang “Bakya Mo Neneng”: “ SONA ni Gloria
bongga at
madrama/Ngunit may bakas pa ng mga dating SONA/ Parang kamukhang
SONA ni Cory/At SONA ni Ramos at SONA ni Estrada/ Ang ganda-ganda Ng
SONA ni Gloria/ Ng SONA ni Cory at ni Ramos at Estrada/ Di naman kaya
ang SONA ni Gloria/ Ay kanyang kinopya sa SONA ng tatay niya!”. Ibig
sabihin, iba’t iba man ang naging pangulo ng bansa magmula 1986
hanggang 2001 ay wala namang nagbago sa kalagayan ng bansa. “Paulit-
ulit ang kwento/ Papalit-palit ng tao/ Pare-parehong gobyerno /
Mamamaya’y ginagantso/ Manggagawa’t magbubukid/ Kinakapos,
nagigipit/ Kinikita nila ay kay liit-liit/ Samantalang si gobernor/Si
congressman at senador/ Yumayaman by serving the poor!” ang dagdag pa
ng awit nagpapakitang wala naman talagang naging pagbabago sa bansa
kahit pa dalawang beses na naganap ang EDSA Revolution. Nagbago
lamang ang mga pangalan ng mga pinuno subalit nanatiling baon sa
kahirapan ang sambayanang Pilipino.
Hindi rin nalalayo ang isinasaad ng kantang “Dahil sa Hirap ng
Buhay” na naglalahad naman ng mga suliranin ng mga Overseas Filipino
Workers (OFW) na napipilitang umalis ng bansa upang bigyan ng
magandang buhay ang kanilang pamilya subalit kung minsan ay
napapahamak lamang tulad ng sinapit ni Flor Contemplacion noong Marso
17, 1995 na nabitay sa Singapore. Malungkot ang katotohanang sinabi ng
liriko ng awit: “Habang karamihan ay aba/ ang mayama’y yumayaman pa/
Dahil sa hirap ng buhay”.
Subalit hindi naman lahat ng nalikhang kanta ni Gary Granada ay
nagpapakita ng pagtuligsa sa pamahalaan. Ang kantang “Sinisintang Bayan”
na inawit ni Bayang Barrios at ang “Tagumpay Nating Lahat” na pinasikat
ni Lea Salonga ay nagpapakita ng nasyonalismo at pagbibigay puri sa
lahing Pilipino. “Taglay ko ang hiwaga ng Silangan /At saan mang bayan o
lungsod/
Maging Timog, Hilaga at Kanluran/ Ang Pilipino ay namumukod/ Sama-sama
nating
abutin/ Pinakamatayog na bituin /At ang aking tagumpay/ Tagumpay ng
aking lahi/
Tagumpay ng aking lipi/ Ang tanging minimithi at hinahangad/ Hangad ko'y
tagumpay
nating lahat!” ang positibong mensahe ng kantang “Tagumpay Nating
Lahat”. Hango
naman sa Cebuanong awit na “Buhi sa Kanunay” ang melodiya ng
“Sinisintang Bayan” na
nagsisilbing panawagan sa mga Pilipino: “Sa lupang sagana/ Aba ang
karamihan/
Kung kaya kasama/ Ng buong sambayanan/ Sa digmang payapa/At digmang
digmaan/Ilulunsad, iluluwal/ Ang maunlad na bayang may dangal. Nasa
pagkilos ng sambayanan ang paglikha ng isang lipunang maunlad at
marangal. Ang ganitong mga liriko ay hindi matatagpuan sa alinmang
komposisyon ni Ryan Cayabyab, Rey Valera at kahit ng mga iniidolong
tulad nina Ely Buendia, Bamboo o Rico Blanco. Pinatatag nito ang
posisyon ng mananaliksik na talagang dapat pag-aralan ang mga awit ni
Gary Granada bilang yaman ng ating panitikan, musika at kultura. Kahit si
Freddie Aguilar na nakilala sa kantang “Anak” , “Ipaglalaban Ko”, “Bayan
Ko” at maging si “Florante de Leon” na lumikha ng mga awit gaya ng
“Ako’y Pinoy”, “Handog” at “Upuan” ay kukulangin kapag ikinumpara ang
kanilang mga nalikhang kanta sa lawak at dami ng mga awiting makabayan
na nalikha ni Gary Granada.

You might also like