You are on page 1of 5

Kyla Eduardo BSHM 1-4D

2022-10532-MN-0 GEED 0032

“LISYANG NA EDUKASYON SA PAGTAMO NG KAUNLARAN AT PAGLAHO NG


PAGIGING MAKA-BAYAN”
(Epistemolohiyang Filipino at Lisyang na Edukasyon ng Pilipino)

Ang araling Filipinolohiya ang isa sa nakapagpamulat sa modernong henerasyon kung


ano ang pinagmulan ng taglay na karunungan ng mga Pilipino. Iba’t-ibang kasaysayan
at karanasan ng Pilipinas mula sa impluwensya ng iba’t-ibang salig ng mundo ang
bumuo sa taglay na katalinuhang Pilipino. Ang pag-aaral ng lisyang na edukasyon ang
siyang nagmulat sa bayan sa kung ano ang pinagdaanan ng bansa upang matamo ang
iba’t-ibang kaisipan at ang mga naging epekto nito sa kasalukuyang kalagayan ng
bansa. Bagamat nakapagbigay kaalaman ang mga bansa sa atin, naging sanhi rin ito
upang makontrol at masakop ang Pilipinas. Sa sulating ito, mauunawaan ang
kahalagahan ng kalinangan sa Filipinolohiya, makasaysayang karanasan, at kung
paano nakaaapekto ang karunungang lisyang sa pamumuhay ng mga Pilipino at sa
bansa nito.

Sa kasaysayan ng pananakop, ang mga bansang sumakop ay nag-iwan ng


impluwensya at kaalaman sa Pilipinas na hanggang sa kasalukuyang panahon ay
kinikilala. Bilang isang Pilipino na nabuhay sa modernong henerasyon, ang tanging
nakatatak lamang sa kaisipan ng marami ay ang mga masasama at kaluno-lunos na
naidulot ng pananakop, pagpapahirap at pagkait ng kalayaan at boses ng mamamayan.
Ngunit sa kabilang banda, may mga mabuti at kapaki-pakinabang rin naman na naiwan
ang kasaysayan na ito. Gaya ng paulit-ulit na nabanggit, iba’t-ibang kaalaman ang
naghalo-halo sa isipan ng mga Pilipino na naging dahilan upang mas lumawak ang
kaalaman at kaisipan ng ‘sang katauhan. Ngunit paano nga ba natin mapakikinabangan
ang mga kaalamang ito?

Ang pagsasanib ng mga karunungang natamo ng mga Pilipino sa iba’t-ibang larangan


gaya ng siyensya at sining, ay may malaking bahagi sa pagsulong ng bansa at sa
ekonomiya nito sa tulong ng diwa at gawa. Halimbawa na lamang ay ang karunungang
taglay ng mga Pilipino sa pag-unawa at pagsasalita ng wikang ingles. Dahil sa
pananakop ng mga dayuhan katulad ng Espanyol, Amerikano, at Hapon, natuto at
naihalo na nito ang iba’t-ibang wika sa sarili nitong wikang Filipino. Sa kasalukuyang
henerasyon, kilala ang mga Pilipino bilang isa sa mga bansa sa Asya na may malawak
na kaalaman sa pagsasalita ng wikang Ingles. Dahil dito, maraming dayuhan ang
tumatangkilik sa bansa, ito rin ang dahilan kung bakit mas umuunlad ang ekonomiya ng
Pilipinas sa larangan ng turismo at iba pang pangkabuhayan. Bilang isang kolehiyo sa
kurso ng Hospitality Management, mas napapadali sa amin ang makipag-ugnayan sa
iba’t-ibang uri ng tao gamit ang wikang ingles upang makapagbigay ng serbisyo batay
sa pangangailangan nito. Ito ay dahil ang ingles ay ang wika na alam ng mas
nakararami, ito ay wika na itinuturing na pinakamalaki at pinakakilala sa buong mundo.

Sinasabi rin na ipinairal ng mga bansang sumakop ang malayang kalakalan. Dahil dito
nagkakaroon ng pantay-pantay na kalayaan at kakayahan ang mga bansa pati na rin
ang Pilipinas na makipagkalakalan at maipagbili ang kanilang produkto sa buong
mundo, ito ay may malaking naitutulong sa paglago ng ekonomiya. At dahil sa pagiging
laganap ng malawakang kalakalan, mas naging modernisado ang mga imprastraktura
at transportasyon. Kaakibat din nito ang mas napadaling pakikipag ugnayan ng mga
bansa sa isa’t-isa at mas malawakang paggalugad ng mga kapakipakinabang na
kaalaman.

Gayunpaman, may negatibo rin itong naidulot, ang paglaganap ng edukasyong kolonyal
ang nagpapalayo sa mamamayang Pilipino sa sarili nitong kakilanlan. Sa pagbihag ng
mga dayuhan sa ating kaisipan, masasabi na tayo ay “isang bayan na inihiwalay sa
kaniyang kahapon”. Sa kasalukuyang panahon, kung ating susuriin, maraming Pilipino
ang mas pinipili na turuan ng wikang ingles ang kanilang mga anak. Maraming tao rin
ang kinikilala ang wikang ingles bilang isang sosyal o pang mayaman na lengguwahe
kung saan iniisip ng karamihan na mas mataas ang katayuan ng isang tao kung
magaling ito sa pananalita ng ingles. Sa sitwasyong ito, masasabi na ang mga Pilipino
ay nalalayo na sa pagiging Maka-bayan, dahil pinagsasawalang bahala na natin ang
makabayang edukasyon. Sa ganitong pag-iisip, ay parang hinahayaan na rin natin na
sakupin tayo ng mga dayuhan, dahil sinasabi na naging armas ng mga Amerikano ang
edukasyon sa pananakop ng kaisipang Pilipino. At dahil lumalaganap na ang
edukasyong kolonyal, masasabi na nagtagumpay nga ang pananakop ng mga
dayuhang ito, para na rin tayong naging isang sunud-sunuran sa kaisipang Amerikano.

Ang Pilipinas ay kilala dahil sa agrikulturang yaman nito, ngunit unti-unti na rin nasisira
ang katiwasayan ng kabukiran. Dahil sa pakikipagsabayan ng Pilipinas sa impluwensya
ng industriyalisasyon ng ibang bansa, nagkakaroon ito ng negatibong epekto sa sektor
ng agrikultura. Ang mga lupain na dapat ay para sa agrikultura ay nababago na ng
industriyalisasyon. Dahil sa kaisipan ng pilit na pag-unlad, maraming kabuhayan na rin
ang nasisira sa bansa. Dahil dito, masasabi natin na tayong mga Pilipino ang mas
pinipili na makisabay sa lakas ng ibang bansa kaysa mas bigyang pansin ang mga
sariling suliranin. Ang pamahalaan ay marapat na mas bigyang kahalagahan ang
kalagayan ng bansa bago magpalupig sa modernisasyon.

Ang unti-unting paglaho ng kaisipang Pilipino ay mananatiling suliranin na hindi


masolusyunan kung mananatili tayo na pikit sa katotohanan. Ang kakulangan sa
suporta ng pamahalaan ang mas lalong tumutulak sa lokal na pamayanan upang mas
tangkilikin ang mga kayang tugunan ng mga dayuhan. Halimbawa nalamang ang
paglipat ng mga Pilipinong propersyonal sa ibang bansa, kung saan mas makakakuha
sila ng mas malaking sahod kumpara sa Pilipinas. Maraming Pilipino ang nakapagtapos
ng pag-aaral sa Pilipinas ngunit sa ibang bansa mas pinili mag trabaho, dahil dito mas
yumayabong ang ekonomiya ng ibang bansa kaysa sa sariling bansa. May mga tao rin
na mas tinatangkilik ang produkto ng ibang bansa sa paniniwala na mas matibay at mas
may magandang kalidad ito, sahalip na tangkilikin ang produktong lokal. Ang ganitong
pag-uugali ang nakapagpapalayo sa atin upang maging isang Maka-bayan.

Sa pangkalahatan, ang kolonyalisasyon ay may positibo at negatibong epekto sa bawat


isa at sa pangkalahatan. Maraming tao ang naging mas maunlad gamit ang lisyang na
kaalaman. Dahil, ang mga kaalamang ito ay laganap at mapakikinabangan sa
maraming bansa. Ang lisyang na edukasyon ay tumulong sa karamihan upang mas
umunlad bilang indibidwal na may mas malawak na kaalaman. Kung ikukumpara sa
sinaunang kaalaman, masasabi nga natin na may malaking naiambag ang lisyang na
edukasyon sa Pilipinas sa iba’t-ibang larangan. Pati na rin sa bansa bilang
pangkalahatan, ang industriyalisayon ang mas nakapagpayabong ng ekonomiya ng
Pilipinas, isa sa mga dahilan kung bakit lumalawak rin ang pangkabuhayan ng mga
Pilipino. Ngunit hindi pa rin ito sapat upang masabi na tuluyang umuunlad ang isang
bansa. Hindi uunlad ang bansa kung buburahin ang sarilin kultura at naunang
kasanayan sa pamumuhay ng mga mamayang Pilipino. Hindi umuunlad ang Pilipinas
sa sarili nito, dahil ang mga dayuhan ang mas nanginginabang sa paglaganap ng
lisyang na edukasyon. Dahil sa bawat pagsasabuhay natin dito, mas kinikilala natin ang
impluwensya ng mga dayuhan.

Sa kasalukuyang panahon, tayo ay may malayang kakayanan na upang pumili ng mga


desisyon na may malaking epekto sa bansa. Tayo ay maaari nang lumihis sa
impluwensya ng mga dayuhan. Ngunit kung susuriin, tayo na mga Pilipino na mismong
ang nagpupumilit na makisabay sa kakayahan ng mga dayuhan. Mas pinipili ng mga
Pilipino na talikuran ang kasanayang Pilipino at maging tinatawag na makabagong
Amerikano. Gayunpaman, masasabi ko na mahirap na talagang lumihis sa
makabagong kasanayan, lalo na bilang isang mamamayan na nabuhay sa
kasalukuyang henerasyon, kung saan mas lumaganap na ang lisyang na edukasyon.
Ngunit marami pa rin paraan upang ibalik ang kakilanlan ng mga Pilipino, kailangan
lang natin maging matalino sa pagpasya at mas pahalagahan ang kulturang Pilipino.

Hindi na tayo nakatali at kontrolado ng mga dayuhan, ngunit mas pinili natin na manatili
sa mga impluwensyang kanilang naiwan. At sa panahong ito, kung hahayaan natin na
mabuhay sa lisyang na edukasyon lamang, masasabing kinalimutan na nga ng
karamihan ang pagiging maka-bayan. Dahil sa mga reyalisasyong ito, may katanungan
na nabuo sa aking isipan, “Ano na nga ba ang Pilipinas ngayon kung walang lisyang na
edukasyon?”
Batayang Ginamit:

Ang Lisyang Edukasyon ng Pilipino. Renato Constantino. (Malayang Salin ni Luis Maria
Martinez)

You might also like