You are on page 1of 3

Ang “Miseducaton” ng Mag-aaral na Pilipino Noon at Ngayon

Jahnina Myrrh Arellano Saoy


INTEFIL, ABCO - LFPS01

Malaon nang nangyayari ang “miseducation” sa ating bansa lalo na kung ang pag-uusapan ay
pambansang kasarinlan, wika at kultura. Sa kasalukuyang panahon ng social media, dahil
laganap ang pagkalat ng samo’t saring impormasyon, maging totoo man ang mga ito o hindi,
masasabi nating isa ito sa pinakamalaking balakid sa tamang pagkatuto. Dahil sa impluwensyang
dulot nito, marami sa mga salita ng mga kabataan ngayon ay di-angkop sa paggamit. Nalihis na
rin sa tamang values at pagpapahalaga ang mga Pilipino. .Gayundin, dahil dito hindi na rin
matukoy nang matuwid kung ano na nga ba ang nangyari sa ating kultura.

Maliwanag pa sa sikat ng araw ang nagaganap na ‘miseducation” sapagkat kung hindi gayon,
dapat sana’y bilingual o may kasanayan sa parehong paggamit ng Filipino at Ingles ang Pinoy.
Bakit nga ba Tag-lish kung makipagtalastasan ang Filipino? Ang sagot, dahil hindi niya kayang
magsalita ng diretsong Ingles. Huwag sanang masasaktan o magagalit ang mga ‘sosyal” o ang
sinumang sadyang Tag-lish lamang ang nais na paraan sa pakikipag-usap, hindi ko ibig sabihing
hindi nila kayang magsalita ng diretsong Ingles. Karamihan sa atin ay walang kumpiyansa sa
paggamit ng wikang Ingles. Bakit? ‘ka mo. Ang katunayan, kung ang sarili nga nating wika na
gamit pa natin simula nang tayo ay nagkaisip, hindi natin napag-aralan at natutunan, iyon pa
bang wikang banyaga ay mauunawaan natin at magagamit nang ganap at walang sablay?

Sabi nga ni Prof. Renato Constantino sa kanyang artikulo, “A foreign language is an impediment
to instruction. Instead of learning directly through the native tongue, a child has first to master a
foreign tongue, memorise its vocabulary, get accustomed to its sounds, intonations, accents, just
to discard the language later when he is out of school.” Dagdag pa niya, “We find it an ordeal to
communicate with each other through a foreign medium, and yet we have so neglected our native
language that we find ourselves at a loss in expressing ourselves in this language.”
Subukin mong magbigay ng sulating Filipino sa ating mga mag-aaral at mapapansin mong
karamihan sa kanila ay di makapagpapasa ng mahusay na akda dahil na rin sa kakulangan sa
kaalaman sa wikang ito. Bihira lamang ang mga Pilipinong magsasabing mahal nila ang sariling
wika. Marahil, nakita na ito noon pa ni Gat Jose Rizal nang sabihin niyang, “Ang taong hindi
marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda.” Hindi ito
implikasyon ng kawalan ng pagmamahal sa bansa o patiotismo kundi ito ay resulta ng naging
karanasan ng mga Pilipino sa ilang daang taong pananakop at impluwensya ng mga banyaga.

Napakalaking pinsala ang nagawa ng kolonyalismo sa ating bansa. Lalo pa, dahil ipinabahala
natin sa mga banyaga ang edukasyon ng mga kabataang kinabukasan ng ating bayan, nawalan ng
kasarinlan ang mga Pilipino. Makikita natin ang sentimyento ng sumulat ng artikulo sa kanyang
pahayag na, “The education of the Filipino must be a Filipino education. It must be based on the
needs of the nation and the goals of the nation.”

Sa kabilang banda, hindi ako sang-ayon sa inilahad ni Prof. R. Constantino tungkol sa kanyang
panghihinayang na pangunahin sa ekonomiya ng Pilipinas ang agrikultura, at ang pagiging
industriyalisado ng bansang Pilipinas ay ang higit na mahalaga para sa kanya. Hindi masama ang
hangarin nating maging katulad ng mga bansang maunlad sa larangan ng industriyalisasyon.
Marahil ang pagkakaroon ng makabagong pamamaraan at sistema upang umusad ang agrikultura
sa ating bansa ay maaari nang ibilang na industriyalisasyon, lamang hindi dito nakatuon ang
pansin ng ating mga tagapamahala.

Sa ganang akin, sekondaryo lamang dapat sa layunin ng Pilipinas ang paggawa ng mga produkto
o manufacturing, sapagkat ang ating bansa ay mayaman sa lupaing pang-agrikultura. Kung ang
agrikultura ay binigyan ng unang prioridad ng ating mga tagapanguna, nasa tugatog sana ang
Pilipinas sa buong mundo pagdating sa mga produktong agrikultura. Hindi maikakailang ang
pagtatanim at ang mga produktong hango rito ay isa sa mga pangunahing pagkaing kailangan
saan mang dako ng mundo. Kung mabibigyan ng sapat na edukasyon, suporta at pondo ang mga
magsasaka, hindi malayong maging angat ang Pilipinas sa ibang bansa. Kung napahahalagahan
lamang ang mga magsasaka at ang kanilang pamilya, higit na maraming kabataang Pilipino ang
mag-aaral bilang mga agrikulturista at higit sanang angat ang ating mga sistemang
pang-agrikultura kaysa ibang bansa. Kung magkagayon, magkakaroon ng patas na halaga ang
ating pera kumpara sa dolyar at magkakaroon ng patas na turing ang mga bagay o produktong
kailangan nating angkatin mula sa ibang bansa.

Sa pag-abante ng teknolohiya kabilang na ang pagsilang ng iba’t ibang medium o paraan ng


pagpapakalat ng mga impormasyon katulad ng telebisyon at iba pa, masakit mang aminin, ang
naging kapalit ng huwad na tagumpay ay ang masamang impluwensya ng Hollywood, social
media at kung anu-anong mga babasahin at ang maling pagkatuto ng mga Pilipino dahil sa
natabunang murang kaisipan ng mga kabataan, idagdag pa ang epekto nito sa mga matatanda na
dapat sana’y mga mabuting halimbawa sa mga bata.

Kailangan natin ng malawakang pagbabago sa ating edukasyon sa pamamagitan ng


pagpapaigting ng pagbabantay sa mga isinusulat na kurikulum simula sa pinakamababang antas
hanggang sa kolehiyo kung nais nating maibalik ang patriotismo at ang naisalbang Inang-bayan
noong panahon ng mga bayani. Iwaksi natin ang mga aklat ng banyaga at sumulat ng sarili
nating kasaysayan na ang bida ay hindi banyaga kundi ang Pilipino. Kailangan nating muling
mag-aral upang maging ganap na gurong Pilipino para sa ikauusad ng kulturang Pilipino at hindi
sa ikamamatay nito. Sapagkat ang bansang walang matukoy na kulturang angkin ay isang
bansang walang kasarinlan.

You might also like