You are on page 1of 2

‘Aanhin mo ang banyagang wika, kung ang sariling wika ay di mo matalima’ ang pahayag na

ito ay sadyang makatotohanan sa lahat ng makababasa. Wika ang pondasyon ng isang bansa,
nagbubuklod sa lahat ng mga nasasakupan nito, sagot sa lahat ng suliranin, ang ating pagkakakilanlan,
at ang ginagamit sa pagtamo ng edukasyon. Sa pagdaan ng maraming taon masasabi nating tila
umuusad ng paurong ang ating wikang Filipino. Bakit ito nangyayari? ginagamit naman ito sa
paaralan, sa pang-araw-araw na pakikipagtalastasan, sa mga argumento. Paanong nahantong ang
Filipino sa ganitong posisyon.

Mula sa panahon ng pananakop hanggang sa kasalukuyan ang sistema ng edukasyon sa ating


bansa ay naging malaking malaki at popular sa lipunan. Mas pinagtutuunan ito ng pansin kayat bawat
tao ay nahuhumaling at mas tinatangkilik ito. Isa na ito sa pangunahing pangangailangan ng isang
indibidwal upang makatamo ng maayos at payapang pamumuhay pag-tanda. Nakabatay narin dito
ang tinatawag nating ‘social class’, kung wala kang pinag-aralan wala kang alam at nasa baba
kalamang taliwas kung may pinag-aralan ka. Edukasyon narin ang nagpapatakbo ng ating ekonomiya.
Paano ko ito nasabi? Simple lang naman, dahil ito sa mentalidad na naitatak na sa ating utak mula
pagkabata. Na kailangang mag-aral ka para magkaroon ka ng magandang trabaho at makamit mo ang
lahat ng nais ko. Tila pareho narin ito sa ideyang kung wala kang pinag-aralan hindi ka na produktibo.
Edukasyon na nga ang sukatan sa iyong pagkatao ngayon. Aminin mo man o hindi ang ideyang ito ay
pinaniniwalaan ng karamihan mahirap lamang sambitin.

Sa laki ng responsibilidad ng edukasyon nararapat lamang na gampanan nito ng maayos ang


kanyang tungkulin sa mag-aaral, lipunan, at daigdig. Isa sa pinaka krusyal nitong tungkulin ay ang
hubugin ang paniniwala at tungkulin ng isang tao. Ito nga ang gumagabay sa atin sa lahat ng ating
kayang gawin at mga gagawin. Kayat isang pagkakamali lamang nito ay kita na sa lahat ng larangan.
Nakalulungkot mang isipin ngunit ang edukasyon din ang sumisira sa isang bansa. Sa kadahilanang
ang pundasyon nito ay kolonyalismo. Masasabi itong kolonyalismong edukasyon dahil sa mga
ideyang naituturo sa loob ng silid aralan. Ang edukasyon ang humuhubog sa ating pangarap. Isa sa
mga pangarap na ito ang makapagtrabaho sa ibang bansa, at ang magkaroon ng sapatos galing sa
dayuhang bansa dahil sa ito ay mas orihinal. Tinuturuan tayo kung paano magsalita ng mga bayagang
wika upang maging ‘competent’ at mas maging ‘matalino’. Kaya pala ang katalinuhan ay nasusukat na
kung magaling kang mag-ingles. Sinisira nito ang totoong pundasyon ng ating pagka-Pilipino. Inaakit
ng edukasyon na tangkilikin ang mga banyagang lengwahe na nagdulot sa unti-unting paglayo natin sa
sariling wika. Ilan lang ba ang asignatura na itinuturo sa paaralan na may wikang Filipino? Tanging ang
asignaturang Filipino lamang diba? Halos lahat ng mga librong mababasa mo sa silid-aklatan ay puro
nakalimbag sa ingles kahit na Pilipino ang may-akda. Minsan may polisiya pang kailangang magbayad
ng limang peso kapag sasambit ng Filipino sa loob ng klase. Ano bang mali sa paghahayag ng
damdamin gamit ang wikang atin? Ang mga ganitong gawain ang nagdadala ng wikang banyaga sa
tuktok habang natatapakan ang wikang Filipino. Ang powerpoint ay nakasulat sa wikang ingles kahit
na ESP ang asignaturang tinatalakay.

Ang talamak na gawaing ito ng edukasyon ay hindi natin napapansin dahil kinakain tayo ng
sistema. Naitatak na sa ating isipan na mas may dating kung ang mga post natin sa online ay nasa
wikang Ingles. Nakagisnan na nating gumamit ng hello sa halip na magandang araw o kumusta ka.
Nakabaon narin sa ating mga buto na ang talumpating ingles ng mga politiko ay mas magandang
pakinggan kesa sa wikang Filipino.

Ang edukasyon naman ay para sa lahat, wala naman masamang magtamo ng edukasyon para
sa sariling kaunlaran. Ngunit ang baluktot nitong pundasyon ang pumapatay sa ating pagka-
makabayan. Kung patuloy itong ganito ay asahan mo nang walang hinaharap ang wikang pambansa.
Sabi nga nila mas mabuting malaman ang sanhi ng pagkamatay ng puno bago sisihin ang may-ari.
Tungkulin nating pangalagaan ang lahat ng mga iniwan ng ating mga ninuno, kayat dapat nating gawin
ang lahat upang pahalagahan ito. Wag nating hayaang ang edukasyon ang maging daan sa pagkasira
nito. Hindi ko sinasabing hindi na dapat mag-aral, ngunit gamitin natin ang edukasyon upang
mapaunlad pa ang ating sariling wika.

You might also like