You are on page 1of 5

Pangalan: Elisha Therese V.

Montemayor
Student number: 202220563
Repleksyong Papel # 1
Ang Aking Relasyon sa Filipino

Sa unang paksa pa lang, marami na akong natutunan tungkol sa pinagmulan ng wika at ang
teoretikal na panig nito. Nagbago at lumawak ang aking pananaw at nagbago kung paano ko
tignan ang wika at ang sitwasyon nito sa bansa. Sa huli, andami kong napagtanto. Kasama dito
ang mga impormasyon na nakaka “wow ngayon ko lang yan napansin” at repleksyon sa relasyon
ko sa wikang Filipino.

1. Napagtanto ko na ang wika ay walang lohikal na pangangatwiran kung paano ito nabuo.
Ito ay isang biological instinct. Bago ko nabasa ang impormasyon na ito, matagal ko nang
pinag iisipan, kung paano nga ba nagmula ang wika at ang komunikasyon. Ayon sa mga
teoryang nabasa ko, ang karaniwang katangian ng mga ito, ang pagiging instinktibong
aksyon. Nakakatuwa lang na bilang social creatures, nakakapag hanap pa rin tayo ng
paraan upang mailahad ang damdamin natin. Hindi lamang sa pansariling ekspresyon
kundi na rin sa pakikipagsalamuha sa ibang komunidad.

2. Napagtanto ko na ang mahusay na paggamit ng wika ay kadalasang ginagamit upang


maitago ang isang mahinang mensahe. Isang halimbawa dito ang hilig ng mga Pilipino na
magsalita sa wikang Ingles, upang magmukhang matalino ang nagsasalita ngunit ang
laman naman ng mensahe ay hindi kaakit-akit. Inaamin ko na isa ako sa na biktima nito.
Katulad nung nakaraang semestre, kumuha ako ng Speech 30. Hindi ko pinaghandaan ng
maaga ang aking talumpati. Kinulang ako sa pananaliksik sa napiling paksa at napag
isipan ko na lang na idaan ito sa pagbigkas. Pinuri ako sa kategorya na yun ngunit
nahatak ang grado dahil lamang sa mensahe. Upang maging mahusay sa wika,
kinakailangan na gamitin ito sa pang araw-araw na komunikasyon at hindi lamang
umaasa sa teoretikal na pag-unawa. Halimbawa, itinuturo ang wikang Ingles sa paaralan
ngunit kung hindi naman ginagamit ng bata ang wikang ito sa kolokyal na komunikasyon,
hindi nila mahahasa ang kanilang kakayahang magsalita gamit ang wika na iyon.

3. Napagtanto ko na ang pagpili ng pambansang wika ay nagdulot pa ng dibisyon kaysa sa


kabutihan. Noong pitong-gulang hanggang labing-apat na taong gulang ako, hindi ako
ganun ka apektado. Hindi ko pa naiintindihan kung bakit ikinigagalit ng mga komunidad
ang pagpili sa Tagalog bilang pambansang wika. Ika nga, ito ang napili ng ating mga
pinuno, kundi sundin na lang natin ang desiyon nila. Habang binabalikan ko ito, ang
aking lumang pananaw ay napaka iresponsable at ignorante. Parang ipinahayag ko na
walang kwenta ang mayamang kultura at wika na hindi Tagalog at ang kabihasnan ng
mga etnolinggwistikong grupo. Hindi natin masisisi kung hindi nila nakikita ang Wikang
Tagalog na parte ng kanilang identidad. May karapatan silang magalit- at bilang mga
nahalal na pinuno ay dapat mag kompromiso upang matugunan ang ating layunin ng
nagkakaisang bansa.

4. Napagtanto ko na ang aking relasyon sa wikang Filipino ay parte pala sa phenomenon na


anomie. Pinalaki ako sa wikang Ingles, sa ilalim ng paniniwala ng aking magulang na
makakatulong ito sa aking kinabukasan. Ayon sa tatay ko, isang edukadong Pilipino sa
Ingles ay pormula ng pagtatagumpay. Ngunit, pagdating ko sa paaralan, ginawa akong
katatawanan ng mga kaklase ko dahil lamang sa aksent ko sa Filipino. Pagdating ng
hayskul, tuluyan nasira ang relasyon ko sa Filipino. Ika nga, nagka inferiority complex ako
na ramdam ko pa rin hanggang ngayon. Pumasok naman ako sa UP na nanghihinayang
magsulat at magsalita sa wikang pambansa, dahil lamang sa takot na ako’y husgahan.

5. Napagtanto ko na malaking tulong ang mass media sa pag-aaral ng wika. Madali ito
kunin ang atensyon ng mga manonood at nagbibigay ng pagkakataon upang silipin ang
wika at kultura base sa pinapalabas. Halimbawa dito, nung nakaraan, walang
kaalam-alam ang aking ina sa kultura at wika ng mga Koreano. Pagkatapos ng mga
tatlumpu’t limang kdrama, may gamay na siya sa wikang Korean. Hindi man siya
mahusay sa paggawa ng mga komplikadong pangungusap, ngunit gamay niya ang
karaniwang salita at mga simpleng pangungusap. Base naman sa aking karanasan,
pinalaki ako sa mga cartoon na gamit ang wikang Ingles. Dagdag na rin ang pagiging adik
sa Youtube at pinapanood ang mga paborito kong content creators na Amerikano.
Dagdag ko na rin na lumaki ako na pinagsasabihan ng mga tao sa paligid, na upang
matutunan ko ang isang wika, ay kinakailangan ko magbasa ng libro. Bilang isang
manlilikha, wala ito sa interes ko dahil ang puso ko ay naghahanap ng mga cartoon at
komiks. Nakakatuwa na nakikita na nila ngayon ang epekto nito at kung gaano kalakas
ang mass media. Kaya’t gusto ko maging isang direktor ng animated na palabas upang
makatulong sa pag aalaga ng wikang pambansa at upang gumawa ng mga edukadong
Pilipino sa wikang Filipino.

Upang maisabuhay ko ang mga natutunan ko sa taas, ito naman ang aking mga resolusyon at
mga aksyon na balak kong gawin upang matupad ang aking mga layunin.

1. Hindi na ako matatakot sa paggamit ng Filipino sa pamamagitan ng paggamit nito. Isa sa


mga pilosopiya upang maging mahusay sa isang bagay ay kinakailangan natin makatikim
na mabigo. Huwag tayong matakot dito, ito ay normal lamang. Ilang beses ko nang
sinasabi na ginugusto kong maging mahusay sa Filipino ngunit hindi ko naman pinipilit
ang sarili ko na galugarin ang wika. Karagdagan dito, nangangako ako na makinig sa mga
kritisismo upang matuto ako sa aking pagkakamali at wag ito tignan na isang atake sa
aking mga kakayahan.

2. Pagbubutihin ko ang aking kahusayan sa sining sa pamamagitan ng praktis. Kung gusto


kong maging direktor ng isang animated na palabas, kailangan ko muna maging magaling
sa aking industriya. Ngunit, hindi lang nagtatapos dun. Maaari ko nang simulan itong
aksyon habang nasa kolehiyo pa ako. Pwede ko nang simulan ang paglikha tungkol sa
kultura at wika natin. Wala pa akong kakayahang gumawa ng mga animated na palabas
pero marunong naman ako gumawa ng mga librong pambata. Makipag tulungan ako sa
mga manunulat na magkaparehas ang layunin namin.

3. Mas maging sensitibo ako sa aking pananaw tungkol sa mga panawagan ng mga
komunidad na hindi gumagamit ng wikang Tagalog sa pamamagitan ng pananaliksik,
pakikipag-ugnayan sa komunidad, at pag-aralan ang kanilang kultura. Ipinanganak at
pinalaki lamang ako sa lungsod ng Quezon City. Dagdag pa dito na hindi gaano mahilig
ang pamilya ko bisitahin ang iba’t ibang lugar ng Pilipinas. Dahil dito, hindi ako nalantad
sa iba’t ibang mayamang kultura at wika sa bansa. Kahit na ganito ako pinalaki, hindi ito
pwede maging dahilan para maging ignorante at pagpapabaya ng mga kapwa Pilipino.
Buti na lang nasa digital age na tayo at makakasagip ako ng impormasyon gamit lamang
ng cellphone o laptop ko.

4. Aayusin ko ang pag-aaral ko sa asignaturang Fil 40 sa pamamagitan ng paglalaan ng oras


at pagsisikap upang hindi lang makapasa kundi matuto. Madaling ibaliwala lamang ang
isang GE at tignan ito bilang isang hadlang para mag-saya sa mga majors ng isang
estudyante. Inaamin ko na wala sa plano ko na kunin ang Fil 40 para sa midyear, kung
pagbabasihan natin ang plano ko, ang asignatura na ito ay nakalaan pa sa huling taon ko
sa unibersidad. Ngunit, ako’y pinagpala at nailagay ako sa klase na laging bukas sa
diskurso at binibigyan ng pagkakataon upang mapag aralan ng mabuti ang wika natin.
Kaya’t tinitignan ko ito bilang oportunidad upang mapabuti ko ang sarili ko. Para
mailapat ang mga araling ito upang lumawak ang aking kaisipan at pananaw bilang isang
estudyante, manlilikha, at higit pa sa lahat, isang Pilipino.

5. Magbabasa ako ng mga libro tungkol sa pinagmulan ng wika at komunikasyon sa


pamamagitan ng pagbisita ng silid-aklatan sa unibersidad. Naging interesado ako
pagkatapos basahin ang ilang readings tungkol sa posibleng pinagmulan nito. Gusto kong
makahanap ng mga pananaliksik na naglalahad pa ng mga impormasyon tungkol sa mga
teorya na ito. Yung problema ko lang, hindi ko alam kung saan ako magsisimula o kung
anong libro ba ang kailangan ko munang basahin. Maaari kong tanongin kung ano po ang
rekomendasyon ninyo?

You might also like