You are on page 1of 2

VALENZUELA, Shanley D.

09/11/2023
Replektibong Sanaysay

Wika ng Malaya

Matagal na panahon na ang nakalipas mula noong ako’y musmos pa lamang na may
payak na isip at pamumuhay. Bilang bata, isa sa mga katangian ko ay ang pagiging madaldal.
Walang kwento na aking narinig ang di ko babanggitin sa iba, at kung ako ay may iniisip, hindi
ako magdadalawang isip na ihayag ito sa iba. Marahil ay kailangan kong ibahagi na ang unang
salitang lumabas sa aking bibig ay ang salitang ‘mama’. Di nagtagal, sumunod ang salitang
‘papa’, at pagkatapos ay ang salitang ‘opo’. Filipino ang aking inang-wika. Ito ang wikang
sinasalita ng aking mga magulang at ng kanilang mga magulang. Ito rin ang wikang aking
kinalakihan. Sa pagtubo ng ilang ngipin ay natuto akong magsabi ng ‘no’, ang unang salitang
Ingles na aking natutunan. Sa katunayan, madalas kong nagamit ang salitang ito sapagkat
bukod sa kadaldalan, kilala rin ang puslit na Shanley sa dami ng kanyang kaartehan.

Nang lumaon ay tumuntong ako sa eskwelahan, dala ang aking kadaldalan, ang kalidad
na nakatulong upang ako’y makapagpakitang gilas sa klase at magkaroon ng maraming
kaibigan. Nasiglahan ako sa pagkatuto at lahat ay aking kinaibigan, mapa-kaklase o guro man.
Kahit bata pa ay lagi akong sigurado sa nais at hindi ko nais at madali kong napupuna kung ano
ang tama sa mali. Gayunpaman, bilang payak ang aking pag-iisip, nagtiwala ako na lahat ng
tinuturo sa paaralan ay tama at makabubuti para sa pag-unlad ng aking kaalaman.

Sa mga asignatura bukod sa Filipino at Araling Panlipunan, Ingles ang naging wikang
panturo. Iisa lamang ang asignatura sa wikang Filipino ngunit ang Ingles ay itinuro sa
dalawa:‘Reading and Comprehension’ at ‘Language and Phonics’. Unang kinabisado ang
alpabetong Ingles bago ang alpabetong Filipino. Kahit sa asignaturang ‘Writing’, Ingles ang
ginamit. ‘Sleeping line’ at ‘standing line’ sa halip na ‘pahiga’ at ‘patayo’. Ang mga hugis, kulay,
oras at salapi ng Pilipinas, bilang paksa sa Sipnayan, ay itinuro sa Ingles. Natutunan ko na
lamang ang mga salitang ‘bente’ at ‘alas-siyete’ sa pakikisalamuha sa mga tao sa bahay at
kalye. Ang mga aklat at pagsusulit sa Agham at Sipnayan ay nakasulat din sa wikang Ingles.
Dahil sa lahat ng ito, naitanim sa aking isipan na ang mag-aaral na matatas sa wikang Ingles ay
higit na mahusay sa akademikong larangan kumpara sa mag-aaral na hindi gaanong matatas
dito.

Bilang bata ay hindi ko mamarapating tanungin kung bakit. Bakit ganoon ang patakaran
sa eskwelahan? Ako ay Pilipinong nag-aaral sa Pilipinas ngunit bakit Ingles ang basehan ng
aking dunong? At bakit karamihan ng asignatura ay tinuturo sa wikang banyaga? Bilang bata,
hindi sumagi sa aking isipan na napaka-kolonyal pa rin ng sistema ng edukasyon, dahil ang
hangad ko lang noon ay daigin ang aking mga kaklase at makatanggap ng maraming parangal
sa eskwelahan.

Dahil sa hangad kong ito ay talagang nagpursigi akong mag-aral ng Ingles. Nagbunga
naman ang aking pagsisikap dahil laging mataas ang aking mga grado, bagamat habang
tumatagal ay kapansin-pansing lalo akong tumatahimik, maraming iniisip ngunit hindi
nagsasalita. Ang madaldal na si Shanley ay tila nawalan ng boses. Marami siyang natututunan
ngunit hirap siyang ibahagi ito sa iba. Mabilis siyang magbasa ngunit kay tagal niyang magsulat,
laging hinahanap ang tamang salita.

Buwan ng Agosto 2016, tumuntong ako sa mataas na paaralan. Kapapalaganap pa


lamang ng K-12 at malaking isyu pa ito sa akademya. Noong panahong iyon, pinagdiriwang ang
Buwan ng Wikang Pambansa at ang tema ayon sa KWF ay “Filipino: Wika ng Pambansang
Kaunlaran”. Tinanong ang aming klase kung paano namin naintindihan ang tema. Ako ay
naguluhan. Paano naging wika ng kaunlaran ang Filipino kung simula’t sapul pa lamang ay
hindi ito ginagamit sa pagpapaunlad ng bansa? Sa bansang naglalayong maging Amerika, kung
saan pinaparangalan ang mga ‘English-speaking’, kung saan nakasulat sa Ingles ang mga
batas at ngalan ng mga ahensiya, kung saan binibigay ang edukasyon sa wikang Ingles, kung
saan ang mga pananaliksik sa STEM ay nakasulat sa Ingles, mapagpanggap kung sabihing
Filipino ang “wika ng pambansang kaunlaran”.

Layunin daw ng K-12 na makasabayan ang mga paaralan sa ibang bansa at mabigyan
ng kalamangan ang manggagawang Pilipino. Sa pamamagitan nito, mapapaunlad daw ang
Pilipinas, ngunit ano ang nangyari? Nagluluwas tayo ng mga manggagawa, bumibili ng
produkto at teknolohiya ng ibang bansa, at umaasa sa turismo upang patakbuhin ang
ekonomiya ng malalayong isla. Sa halip na pahabain ang nabigong solusyon, dapat nating
pagnilayan ang kasalukuyang lagay ng edukasyon sa bansa at kung paano ito napapahamak
ng de-intelektwalisasyon ng Filipino. Sinasalamin ng kasulukuyang kulturang dulot ng pagtutok
sa Ingles sa paaralan ang nanunuot na kanser sa lipunan, ang kaisipang kolonyal na patuloy na
bumibihag sa ating bayan. Tunay bang nakikinabang tayo sa globalisasyon? Hindi kaya ay lalo
lang napagsasamantalahan ang ating bansa dahil dito?

Marahil kulang sa kaalaman ang mga namumuno sa sektor ng edukasyon o kaya ay


sadyang inaatim ang bulok na sistema upang mapagsamantalahan ang kamangmangan ng
masa at ang mahina nating identidad. Isa ang tiyak—may kasalukuyang krisis sa edukasyon na
kailangang tutukan at matugunan sa lalong madaling panahon. Ugat ito ng marami pang
suliranin sa Pilipinas tulad ng kakulangan sa mga doktor at nars, nababantaang seguridad, at
unti-unting gumuguhong demokrasya.

Hindi mawari kung ano ang kahihinatnan ng edukasyon sa bansa lalo ngayong kinitilan
pa ito ng malaking badyet at nasa pamumuno ng lider na kulang sa pag-unawa, ngunit
nananatili akong umaasa para sa pagbabago, upang sa wakas ay makalaya na tayo sa bigkis
ng kolonyalismo at tuluyang umunlad bilang bayang makatarungan, mayaman, at malaya.
Pangarap ko rin para sa bawat mag-aaral na ang edukasyong kanilang kinukuha ay siyang
makapagbibigay sa kanila ng boses sa lipunan at kasangkapan upang matahak nila ang
anumang landas nang hindi natatakot at lalong hindi inaapi. Upang mapagtagumpayan ito,
kinakailangang matutunan nating yakapin ang sarili nating pagkakakilanlan, gamitin ang sarili
nating wika, at pagyamanin ang kaalamang Pilipino, dahil ang Filipino ay hindi wika ng api. Sa
halip, ito ay wika ng malaya.

You might also like