You are on page 1of 4

SA MADALING SALITA

Sinasabi na ang wikang Filipino ay ang batayan ng wikang sumasalamin sa kasaysayan ng mga Pilipino. Sa
isang manunulat, mas mainam na wikang Filipino ang gamitin para mas lalong maintindihan ng tagabasa
nito. Wikang Filipino ang wikang sinilangan natin at sa paglipas ng panahon dito na nagkakaroon ng mga
sanga ang wika na meron tayo sa Pilipinas, nakadepende nalang ito sa atin kung ang tagpuan natin ay
Filipino at sasanga tayo sa ibang wika kaya nga minsan kahit na wikang Filipino ang kinagisnan mong
wika ay hindi mo maiiwasan na matutunan ang iba pang wika lalo na kung may iba pang wika na
kinagisnan ang mga magulang mo dahil sa kanila pwede mo itong matutunan at magamit sa
pakikipagkomunikasyon sa kanila at sa iba pang tao.

Maraming nagsasabing magkakalaban daw ang bawat wika na meron tayo lalo na ang wikang Filipino at
Ingles pero hindi natin alam na ang wikang Filipino ang siyang tulay para makatawid pa sa iba pang wika.
Sinabi rin sa video na maraming dokumento na nakatago sa national library na nakasalin sa wikang
Ingles at Espanyol at kaunti lamang ang dokumento na nakasalin sa wikang Filipino. Sinasabi ng mga
bagong historyador na dapat nakasalin ang mga dokumento sa wikang Filipino pero hindi mo rin naman
ito lubos na mauunawaan kung wala kang puhunan sa wikang Filipino. Karamihan sa mga Pilipino ay
hindi marunong mag Ingles pero karamihan o hindi man lahat ay marunong magsalita ng wikang Filipino
dahil alam natin na lahat tayo ay namulat sa wikang Filipino at mas madali tayong makaunawa at
makipagkomunikasyon dahil sariling wika natin ang gamit natin.

Kadalasan may mga salita sa wikang Ingles na iba ang pagpapakahulugan sa wikang Filipino kaya dito na
pumapasok ang hindi pagkakaunawaan kung ano ba talaga ang impormasyon na nais nating ipabatid sa
kanila. Kung gusto natin ng iisang nagkakaisang bansa at may bansang pagkakakilanlan, ang isa sa
instrumento ay ang pagkakaroon ng iisang wika at yun ay ang wikang Filipino. Ang wikang Filipino ang
nagsisimbolo na sa Pilipinas tayo nagmula at dito rin sumasalamin kung ano ang mga tradisyon at
kultura na meron tayo sa ating bansa. Kung wala nito maaaring magkawatak watak ang bansa na meron
tayo dahil sa hindi pagkakaunawaan. Ang ibang tao naman ay ginagamit ang wikang Ingles para
magmanipula ng ibang tao na hindi marunong umunawa ng Ingles. Halimbawa ako ay nagsasalita ng
wikang Ingles sa mga taong hindi marunong mag Ingles para masabing ako ang mas mataas sa inyo, ako
ang mas magaling sa inyo at ako ang mas matalino dahil marunong ako magsalita ng wikang Ingles pero
hindi na komunikasyon ang dahilan kung bakit mo ginagamit ang wikang Ingles, ginagamit mo nalang ito
dahil gusto mong may mapatunayan at hindi para maintindihan ka nila.

Alam natin na ang ibang tribo sa Pilipinas ay may sariling wika na ginagamit at kadalasan sila ay
minamaliit dahil nga sila ay galing sa tribo at kadalasan ang iniisip natin ay mangmang sila dahil sobrang
hirap ng buhay nila at hindi nakapag-aral kaya ang iba sa kanila ay hindi marunong magsalita ng wikang
Filipino pero kung iisipin natin dapat tayong mga may alam ang maging susi nila para maging mulat sila
sa wikang Filipino at hindi natin sila dapat maliitin at ikahiya dahil gaya lang din naman natin sila na nais
matuto at hindi mapag-iwanan. Sabi din sa video na mas mabisang gamitin ang Filipino sa pagtuturo
dahil ito ang wikang kinagisnan natin at mas magaling magpaliwanag ang mga kabataan kung wikang
Filipino ang gamit nila at isa ako doon. Para sa akin na hindi naman kagalingan mag Ingles, mas nais kong
ipaliwanag ang mga bagay na nasa isip ko kapag wikang Filipino ang gamit ko kasi dito ako mas sanay at
tsaka mas lumalawak yung ideya na nais ko ipabatid sa inyo kapag wikang Filipino ang gamit ko at mas
maraming makakaunawa sakin sa kung ano ang nais kong sabihin.

INTELEKTUWALISMO AT WIKA

Noong sinakop tayo ng mga mananakop ay naisabuhay natin ang iba’t ibang impluwensiya nila katulad
na lamang ng relihiyon, edukasyon, estruktura, lipunan, ekonomiya, kultura at pati wika. Kaya dahil dito
mas natuto pa tayo sa mga bagay na nakaugalian nila kaysa sa sariling atin at minsan pa nga ay mas
binibigyan natin ng mataas na pagpapahalaga ang mga ideya na nakuha natin sa ibang bansa kaysa sa
sarili nating mga ideya. Palaging itinuturo sa paaralan ang mga ideya, kasaysayan at kultura ng mga
kanluranin samantalang sa atin ay hindi natin napag-aaralan ang pantas ng pilosopiya at agham
panlipunan. Kaya ang kinakalabasan ay mas maalam pa tayo sa kung anong nangyayari sa ibang bansa
kaysa sa nangyayari sa mismong bansa natin dahil ito ang ipinamulat sa atin simula noong sakupin nila
tayo at hindi ito maalis-alis sa atin hanggang sa kasalukuyan.

Hindi natin binibigyan ng importansiya ang mga kababayang nakapag-ambag sa ating bansa. Kaya pansin
ko din na mas kilala pa ng mga

Pilipino ang iba’t ibang mahuhusay na tao sa ibang bansa kaysa dito sa Pilipinas at minsan pa nga ay
kinakahiya pa ng mismong mga Pilipino ang mga taong malaki ang naging ambag sa kaysaysayan ng
Pilipinas. Marami sa atin ang walang pagpapahalaga sa minanang kasaysayan at wala tayong kakayahan
na makakuha ng inspirasyon o maging kritikal man lang sa minanang ito. Madalas kong naririnig hindi
lang sa mga estudyante kundi pati na rin sa normal na tao ang mga katagang “ang kasaysayan ay
nakalipas na, hindi na kailangan balikan pa.” Kaya maraming tao ang hindi alam ang katotohanan sa
ating kasaysayan dahil mismong tayo sa sarili natin ay ayaw mamulat tungkol dito. Kung hahayaan natin
ang ating mga sarili na tuklasin at matutunan kung ano ang mga nakapaloob dito ay makakatulong rin
tayo sa pagbabago ng gusot na sistema ng nakaraan.

Sa sistemang pang-edukasyon, nililinlang tayo ng mga pelikula o mga palabas na napapanood natin sa
ating telebisyon na gumagawa ng simpleng pormula sa isang personal na problema. Hindi natin
binubusisi kung ano ang katotohanan dahil hindi natin tinuturing na importante ang problemang
panlipunan. Kaya tatanda tayo na hindi nakikilala ang mga likhang intelektuwal. Alam naman natin na
likas sa mga Pilipino ang makuntento sa mga bagay na nalalaman nila pero hindi sila nakakasigurado
kung lahat ng ito ay totoo. Mas magandang magsiyasat tayo at alamin kung ano ang tamang solusyon na
hindi lamang makakatulong para sa sarili natin kundi pati na rin sa ating lipunan katulad ng mga
Pilipinong nagsisiyasat at tinitiyak na tama at magkakaugnay-ugnay ang kanilang natutuklasan sa ating
lipunan. Sila ang ang nagbibigay kaalaman at kaayusan mula sa luma.

Ang mga taong may pera lamang ang nakakatamo ng mataas na kaalaman. Hanggang sa ngayon ay
umiiral pa rin ang ganitong sistema kung saan mas pinapahalagahan ang mga mag-aaral na mayaman
kaysa sa mahihirap dahil nga sila ay may pera. Sa paggamit lamang ng pera nila ay makukuha nila ang
mga impormasyon at trato na gusto nilang makuha. Kaya hindi nagkakaroon ng patas na pagtingin sa
mahihirap at mayayaman dahil ang iba ay mas nasisilaw sa pera kaysa sa patas na ipamahagi ang mga
kaalaman na dapat malaman ng mga estudyante. Ang pag-iwas sa anumang uri ng pakikisangkot ay
siguradong pipigil sa anumang tendensiya tungo sa malalim na pag-iisip at tunay na intelektuwalisasyon.

Ang laging binibigyang halaga ay ang wikang dayuhan, tradisyon at kapangyarihan sa kasalukuyan. Ang
ating mga pasya ay nakabatay sa ating pakikitungo sa iba pang mga bansa. Ingles ang binibigyang
prayoridad sa edukasyon at negosyo. Sinasanay tayo sa wikang banyaga para maging matagumpay sa
kalakalan sa iba pang bansa.

Kaya maraming mga Pilipino ang mas pinapahalagahan at pinag-aaralan ang pagsasalita ng wikang Ingles
lalo na ang mga taong nangangailangan ng trabaho dahil pagdating sa pakikipagpanayam sa kanila ay
kailangan nasa wikang Ingles ang gamitin at kung hindi ka bihasa sa pagsasalita ng Ingles ay maaaring
bumagsak ka sa ebalwasyon ng panayam sa iyo tungkol sa trabaho. Ang wikang Ingles ay hindi nagbunga
ng kaunlaran sa ating bansa maliban sa mga nagtatrabaho sa mga dayuhang kumpanya bagkus ito
lamang ang nakapagpigil ng pag-unlad ng maraming Pilipinong hindi marunong makaunawa ng wikang
Ingles. Sa kagustuhan nilang sanayin ang mga Pilipinong magsalita ng wikang Ingles ay hindi nabibigyan
ng oportunidad ang iba pang mga Pilipino na hindi marunong sa wikang ito na makapagtrabaho kaya
naman hanggang sa ngayon ay lalo silang naghihirap dahil sa sistema na nakasanayan natin.

Ang paggamit ng wikang banyaga bilang wikang panturo ay sagabal lamang sa pag-iisip dahil dapat
munang masanay ang mga mag-aaral sa bawat tunog, tono at balangkas ng pangungusap. Naging ugali
na ng mga estudyante na ang mahalaga sa kanila ay magsagot at makapasa sa pagsusulit para lang
makatapos sa kinuhang kurso. Napipigil ang malayang pag-iisip dahil iba ang wikang panturo sa wikang
ginagamit sa labas ng klase. Kaya naman mapapansin natin na kapag nagkakaroon ng pagtaas ng kamay
sa pagsagot ay kaunti lamang ang mga estudyanteng nagtataas dahil ang iba ay nahihiya na baka
magkamali sila ng baybay ng mga salita sa pangungusap kapag wikang Ingles ang kanilang ginamit at
maraming asignatura sa paaralan na nakasalin sa wikang Ingles kaya wala ka talagang magagawa kundi
piliting pag-aralan ang pagsasalita ng wikang Ingles para lamang makasabay sa daloy ng klase. Kaya
naman imbes na matuto at maging masaya ang isang estudyante sa kanilang pinag-aaralan ay mas iniisip
nalang nila na makapasa dahil sa hirap sila sa pag-intindi sa wikang Ingles kaya nawawalan pa rin ng
saysay ang mga inaaaral ng mga estudyante.
Ang paggamit ng sariling wika bilang instrumentong mapaglaya at nagbibigay kapangyarihan ay isang
mahalagang hakbang tungo sa layuning makabansa dahil kung may sarili tayong wika ay maaaring mas
magkakaisa tayo dahil magkaintindihan tayo at may iisa tayong layunin, ito ay ang pag-usbungin pa ang
wikang Filipino, pagyamanin ang mga kulturang kinagisnan natin at maging mulat sa katotohanan sa
kasaysayan ng ating bansa. Ang universal approach ang paraan na dinibelop ng University of the
Philippines na kung saan may pagdebelop ng isang wikang pambansa para sa Pilipinas. Ang wikang
Filipino ang sumisimbolo ng pagiging isa at Pilipino natin kaya dapat natin itong pangalagaan at mas
bigyan ng importansiya lalo na para sa mga susunod pa na henerasyon.

You might also like