You are on page 1of 4

Wikang Filipino: Susi sa Ating Kaunlaran

Chadwick

Sa isipan ng nakararami ang pagiging mahusay sa wikang Ingles ang

nagiging batayan para masabi na intelehente o maalam ka. Kung kaya’t mas

nabibigyan ng pagpapahalaga ang wikang Ingles kumpara sa wikang Filipino. Oo,

masasabi natin na mas madalas natin gamitin ang wikang Ingles sa paghahanap ng

trabaho at pakikipagtalastasan sa ibang tao na nasa ibang lugar o bansa upang mas

madali nila tayong maunawaan. Ngunit hindi ito sapat na dahilan upang mas gamitin

ang wikang banyaga kaysa sa sarili nating wika na siyang unti-unti na nating

napapabayaan.

Napakahalaga talaga ng paggamit ng wikang Filipino dahil ito ay sumisimbulo

sa ating mga Pilipino at sumasalamin ito sa ating lipunan. Ang wikang Filipino rin ay

ang pinakamahalagang aspeto ng kultura ng bawat Pilipino. Ito ang nagsisilbing

basihan upang ang mga mamamayang Pilipino ay mapaunlad at mapabuti ang

kanilang kabuhayan. Ito’y nagpapakita ng pagkakaisa dahil ginagamit ang wikang

Filipino sa pakikipag-usap upang magkaintindihan sa anumang transaksyon sa isang

pamilya o maging sa isang komunidad man. Ang wikang ito ang nagsisilbing tulay

upang ako, ikaw at kahit sino man na may dugong Pilipino ay pwedeng magkaisa

upang mas lalong lumalim at lumawak ang ating kaalaman, karunungan, at

kakayahan bilang mamayang ng bansa.


Ang paggamit ng ating sariling wika ay nakatutulong din upang maipakita

natin ang ating karunungan at kakayahan. Pwede nating gamitin ang ating wika sa

pagsusulat ng mga kanta, pagdidirek ng pelikula, pagsusulat ng nobela,

pakikipagtalastasan at iba pa. Isang magandang halimbawa diyan ay si Brillante

Mendoza. Si Brillante “Dante” Mendoza ay isang tanyag na Pilipinong direktor ng

indie film sa Pilipinas. Ang kaniyang mga pelikula ay nakakakuha ng maraming

parangal sa ibang bansa. Kabilang na dito ang Best Director sa 62nd Cannes

International Film Festival. Sariling wika ang ginamit ni Brillante Mendoza sa mga

pelikula na ginagawa niya. Ngunit bakit kinukuha pa rin ng ibang bansa ang kanyang

mga likha? Ito ay dahil lutang ang galing niya sa pagdidirihe ng pelikula. Ang pokus

ay hindi lamang nakasentro sa wikang ginamit bagkus sa mismong pagganap ng

mga aktor sa nasabing palabas. Hindi naging hadlang ang wika sa pagbubuo niya

ng pelikula. Lumutang ang galing ng mga aktor sa pag-arte dahil walang language

barrier at dahil dito mas lalo nilang napakita ang kanilang kahusayan. Ito’y

nagpapakita na kapag sariling wika ang ginamit, mas komportableng gumawa at

mag maipamamalas ang galing. Marami rin ang mga katulad ni Brillante Mendoza na

ginagamit ang ating sariling wika upang ipamalas ang kanilang galing at talento sa

buong mundo. Nakakatulong ito upang pagyamanin pa ang ating wika para mas

marami pang tao ang gumamit at tumangkilik nito.

Bilang mga Pilipino nararapat lang nating pagyamanin ang ating sariling wika.

Ipakita natin sa buong mundo na tayo ay likas na malikhain at talentado. Sa bawat

aspeto ng pakikipagsapalaran natin maging sa ibang panig ng mundo. Saan man

tayo mapunta wag natin kakalimutan ang ating sariling wika. Lagi nating tandaan

ang sinabi ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal na “Ang hindi marunong
magmahal sa sariling wika ay higit pa sa mabaho’t malansang isda” Huwag nating

hayaan na ang mga maling persepsyon at kuro-kuro ng mga tao ukol sa paggamit

ng wikang Filipino ang maging dahilan upang mahiya tayo na gamitin ito.

Sa halip na mahiya tayo, ipagmalaki natin at mahalin natin ng buong puso ang ating

sariling wika na Filipino, hindi lamang sa salita kundi sa gawa. Ipakita natin sa lahat

na gamit ang ating wika kaya nating maging matagumpay sa lahat na bagay na ating

nais makamtan at maging halimbawa tayo sa mga susunod pang henerasyon upang

tayo ay tularan nila at bigyan sila ng magandang halimbawa at gawin tayong

inspirasyon. Patunayan natin sa kanila na ang karunungan ng isang tao ay hindi

nababase lamang sa pagsasalita ng wikang dayuhan partikular na ang wikang

Ingles, bagkus ang mas mahalaga ay ang pagpapakita natin ng talino at kahusayan

sa pamamagitan ng paggamit ng ating sariling wika.

Kaya’t sana mabuksan ang ating isipan kung paano natin ituturing ang ating

wika sapagkat tunay na ang wikang Filipino ay daluyan ng karunungan at kakayahan

dahil dito nahuhubog ang bawat Pilipino na naayon sa kanilang kultura at prinsipyo

bilang isang Pilipino na namumuhay na naayon sa kanilang kultura at prinsipyo. Dito

rin nagsisimula ang pagkakaintindihan, pagmamahalan, at pagbibigayan ng tao.

Dahil kung ating iisipin, kung walang wikang Filipino, paano na magkakaintindihan

ang bawat mamayang Pilipino? Kung walang wikang Filipino, papaano na

makikipagtalakayan at makikipagkwentuhan sa ating kapwa tao? Kung kaya’t ito’y

nagpapahiwatig na dahil sa wikang Filipino, ang ating karunungan at kakayahan ay

nagagamit upang ating makamtan ang ating inaasam–asam sa buhay. Kaya’t

pahalagahan natin ito at laging pagyamanin. Ano man ang ating marating sa buhay,
huwag nating kakalimutan na bilang Pilipino maipapakita natin ang ating talento dahil

sa ating wika. Lagi natin itong isapuso saan man tayo makarating. Ito rin ang

nagsisilbing kaluluwa ng isang bansa. Kaya naman sana tayo ay magtulong-tulong

at magkaisa sa pagpapalaganap ng ating wika at pahalagahan natin ito ngayon at sa

mga susunod pang panahon.

You might also like