You are on page 1of 1

Dekolonisasyon: Ang Epektibong Lunas sa Donya Victorina Syndrome

Ni: Maria Angelica Q. Gabasa

Naranasan mo na bang gumamit ng wikang Ingles upang intimidahin ang iyong kabangayan?
Madalas, ginagawa ito ng iilan sa atin upang ipakita sa ating mga kaaway na mas matalino at nakaaangat
tayo sa kanila. Ngunit ang pag-iisip na ito ay nagpapakita lamang kung gaano kaliit ang tingin natin sa
ating sariling wika. Marahil, ang pag-iisip na ito ay bunga ng napakahabang panahon ng pananakop ng
mga banyaga. Ikinintal nila sa ating mga isipang mas nakakaangat ang kanilang wika at kultura habang
ang kultura at wikang Filipino ay sinadya para lamang ikahiya at pagtawanan. Pinaniwala nila tayong ang
wikang Filipino ay walang silbi at hadlang lamang sa pag-unlad ng ating bansa. Kung kaya, lumaki
tayong mas hinahangaan at pinapalakpakan ang mga taong mahusay sa wikang banyaga habang
binabalewala ang mga taong mahusay sa wikang Filipino. Lumaki tayong mas tinatangkilik pa ang wika
at kultura ng ibang bansa habang pinagtatawanan ang sariling atin para lamang masabi nating kabilang
tayo sa kanila. Nagpapatunay lamang ang mga itong hanggang ngayon, hindi pa rin tayo tunay na malaya
mula sa mga dayuhang mananakop sapagkat maging sa kasalukuyang panahon, nakakulong at
ikinukulong pa rin natin ang ating mga sarili sa rehas na ginawa ng mga banyaga.
Gaano man katayog ng rehas na ginawa ng mga dayuhan, hindi nila mababago ang katotohanang
pantay-pantay ang lahat ng wika—maging wikang banyaga man ito o wikang katutubo. Kahit sabihin pa
ng karamihan na hindi na kailangang gamitin ang wikang Filipino sapagkat wikang Ingles naman ang
ginagamit upang makisabay sa globalisasyon, hindi nila mababago ang katotohanang mahalaga ang
wikang Filipino para sa mga Pilipino. Ito ay dahil sinasalamin ng ating wika ang ating sariling kultura at
pagkakakilanlan. Sa pamamagitan nito, nakikilala ng mga tao kung sino tayo, na siyang nagpapatunay na
tayo at ang ating wika ay magkabigkis. ‘Ika nga nila, “Walang Pilipino kung walang wikang Filipino.”
Bukod pa rito, ang ating sariling wika lamang ang pinakaepektibong paraan upang ang lahat ng Pilipino,
saan mang pulo nagmula, ay magkaintindihan at magkaisa. Ito rin ang magsisilbing tulay sa pagkatuto ng
hindi lamang ng mga modernong Pilipino kundi pati na rin ng mga katutubo, dahil sa pamamagitan ng
pagtangkilik sa wikang katutubo bilang paraan ng pagtuturo, mas tiyak at epektibo ang pagkatuto. At
kapag ang lahat ay nabigyan ng pagkakataong matuto, nabibigyan din natin ng pagkakataon ang ating
bansang umunlad.
Kailangan tayo ng ating mga katutubong wika upang ang mga ito ay hindi maglaho. Gano’n din
tayo sa kanila, kailangan natin ang wikang Filipino at ang mga katutubong wika upang tayo ay
magkaunawaan, magkaisa, matuto, at umunlad. Ito rin ang siyang patuloy na nagpapaalala sa ating
pinagmulan at pagkatao. Kung kaya, sama-sama nating iwaksi ang kolonyalismong pag-iisip. Kumawala
tayo sa rehas ng pagkaalipin mula sa impluwensyang banyaga at simulan na nating turuan ang ating mga
sariling bigyang halaga at mahalin ang kultura at wikang Filipino. Panahon na para ang kultura at wika
naman ng Pilipinas ang palakpakan at ilagay sa pedestal. Ang tanong, handa ka na ba para gawin ang mga
ito?

You might also like