You are on page 1of 4

Gatbunton, Zairene D Formative Assessment 1

Sec 65 June 22, 2023

Ang wika ay mayroong iba’t ibang gampanin sa buhay ng isang tao. Una, ang wika ang

susi sa komunikasyon. Isa itong kasangkapan upang maisaad ng isang tao ang kaniyang saloobin,

kaisipan, ideya, at damdamin. Ito rin ay maaring gamitin para sa pakikipagkalakalan na lubos na

esensyal sa isang bansa upang mas mapaunlad ang ating bansa dahil ang pakikipagkalakalan ay

nagbubukas ng oportunidad sa mga negosyante dito sa bansa makapagbenta ng sarili natin

produkto sa mga banyaga at nagbibigay daan din ito na makapag angkat tayo ng produkto ng iba.

Isa pa, dahil sa wika ay nagiging matagumpay ang kalakalan kung saan ang mga bagong

kaalaman at teknolohiya na wala sa bansa ay naibabahagi sa atin na isa pang susi sa pag-unlad ng

bansa. Pangalawa, ang wika, partikular ang pambansang wika, ay mahalagang kasangkapan sa

pagbuo ng ating identidad. Ang wika ay isang repleksyon ng ating kultura, tradisyon, at

paniniwala. Kung walang wika, hindi natin masisigurado na ang kulturang ginagisnan natin ay

maipapasa ang magiging buhay pa rin sa mga susuod na henerasyon dahil ang wika ang

kasangkapan o behikulo upang mapagpasa-pasahan ang mga kultura, tradition, at kasaysayan

(Zalmay, 2017). Sa pamamagitan ng wika at komunikasyon ay mas napapalawak din natin ang

ating pang-unawa at nabibigyan natin ng halaga ang iba’t ibang kultura sa loob ng bansa at pati

na rin sa kultura ng ibang mga nasyon. Sa madaling salita ay ito ay isang kasangkapan para sa

pakikipag-ugnayan.

Nabanggit kanina ang napakahalagang tungkulin ng wika. Katulad nga ng nabanggit ay

susi ito sa pag-unlad ng isang bansa. Ngunit katulad nga ng isang katanungan na iniwan ni

Andrew Gonzalez (2009), sino nga ba ang dapat nating gawing modelo? Ang bansang Indonesya

na binibigyang halaga ang kanilang sariling wika, o ang bansang Singapore na tuluyan nang
gumamit ng salitang banyaga ngyunit makikita naman na isa ito sa mga nangungunang bansa sa

mundo? Sa aking palagay ay hindi naman masama ang paggamit ng ibang wika, tulad ng Ingles,

sapagkat ito ay nagbubukas ng maraming oportunidad. Ngunit dapat ay siguraduhin nating hindi

pa rin natin kalimutan at bigyan pa rin natin ng halaga ang sariling atin. Ngunit kung mapapansin

nga ngayon, mas nabibigyang importansya ang wikang Ingles. Ngayon, sa paaralan, makikita

natin na kadalasan ay nasa lengguwaheng Ingles ang mga pinapasang “output” ng mga

estudyante. Isa pang halimbawa ay sa paaralan namin dati kung saan ipinatupad ang “english

speaking policy,” na kapag nagsalita ng tagalog ang isang estudyante, kailangan nito magbayad

at katumbas ng isang salita ay piso. Dagdag pa na ngayon nga ay nasa diskusyon na ang

pagtanggal ng asignaturang mother tongue sa elementarya (Almendras, 2023). Hindi naman

masamang ituro ang wikang Ingles ngunit hindi rin naman tama na ipasawalang bahala nalang

nating ang ating lengguwahe. Oo, hindi naman maitatanggi na patuloy pa rin namang ginagamit

ng mga Pilipino ang pambansang wika sa pang araw-araw, ngunit ang katanungan ay sapat na

nga ba ito? Dapat nalang ba tayo huminto dito? Sa tingin ko ay hindi dahil kailangan pa rin natin

bigyang importansya na pagyamanin pa ang sarili nating wika dahil kung mapapansin, marami

pa ring mga salita sa Ingles na walang direktang salin sa Filipino. Kung nais ng bansa na

makipagsabayan sa mga karatig na bansa, dapat ay bigyan pansin din natin ang ating wika. Isa

pa, ang pagbalewala sa saili nating wika, sa isang punto ay nababawasan ang ating nasyonalismo

dahil nga ang wika ay nakakonekta sa ating kasaysayan, kultura, at identidad.

Ayon sa Diliman Information Office (2018), “Walang bansang umuunlad nang walang

sariling wika at panitikan.” Sinasabi dito na marapat nating protektahan at pagyabungin pa ang

wika. Maaring ang bansang Singapore ay maunlad ngayon, mayaman ang kanilang ekonomiya,
ngunit paano ang kanilang identidad? Kapag mas pinagyaman pa natin ang ating wika ay

magagamit na natin ito bilang midyum sa pagtuturo kung saan ang mga hindi marunong ng

salitang Ingles ay mabibigyan ng pagkakataon na matuto at maari rin na maging mas epektibo

ang paggamit ng wikang Filipino sa edukasyon sapagkat ito ay alam ng lahat ng Pilipino. Isa pa,

kung mayaman ang ating wika ay maari na isalin ang mga kaalaman mula sa ibang bansa sa

ating sariling wika na magreresulta sa paglawak ng kaalaman ng mga mamamayan.

Ngayon, makikita na unti-unti na nakakalimutan ng bawat Pilipino ang kahalagahan ng

sarili nating wika. Mas nagiging dominante ang wikang Ingles sa bansa. Muli, hindi masama ang

paggamit nito ngunit huwag naman sa natin baliwalain ang Filipino na nagsisilbing

pagkakailanlan ng bansa. Kung mananatili na mayroong kolektibong pagkakakilanlan ang bansa,

ito ay magsisilbing pundasyon ng nasyonalismo na magdudulot ng pagkakaisa at pagtutulungan

ng mga mamamayan upang maabot ang mga adhikain ng bansa. Kung kaya’t importante na

patuloy pa rin natin itong gamitin. Manghikayat ng iba na pag-aralan ito at pagyamanin dahil sa

oras na makamit ito ay tuloy tuloy na rin ang pag-unlad ng bansa. Gamitin natin ang ating mga

boses upang ipaglaban ang wikang pambansa at huwag na natin hintayin na mapalitan ito ng

wika ng iba.
Mga Sanggunian:

Almendras, R.J.B. (2023, April 29). Pagtanggal sa Mother Tongue Bilang Asignatura,

Pinag-aaralan ng DepEd. The Lance.

https://thelance.letran.edu.ph/Home/ReadMore/1802.

Diliman Information Office. (2018, December 10). Panatilihin at Pagyamanin ang Wikang

Filipino at Panitikan sa Kolehiyo Pahayag ng UP Diliman University Council.

https://upd.edu.ph/panatilihin-at-pagyamanin-ang-wikang-filipino-at-panitikan-sa-kolehiy

o-pahayag-ng-up-diliman-university-council/.

Gonzalez, Andrew. (2009). Ang Kahalagahan ng Wikang Pambansa sa Pagbubuo ng

Kakanyahang Pilipino. Philippine E-journals. https://ejournals.ph/article.php?id=7949.

Zalmay, K. (2017, February 11). Language and identity. The News.

https://www.thenews.com.pk/print/185439-Language-and-identity.

You might also like