You are on page 1of 3

Marcos Ian Dolleton A63

Sanaysay hinggil sa edukasyon at globalisasyon ng Pilipinas


Hindi hadlang ang layo ng agwat ng mga mamamayan ng mundo sa isa’t isa gayundin ang
sari-saring lahi upang lumago sa iba’t ibang aspeto ang isang bansa kung ‘di dahil sa
kapangyarihan taglay ng globalisasyon. Sinabayan ng mga Pilipino ang agos na ito buhat marahil
sa kinagisnang pag-uugali na pagtanggap nang maluwag o pagiging “hospitable”. ‘Di rin naman
natin maisisi dahil sa mga pangakong hatid nito: pag-angat ng ekonomiya dahil sa pagpapalakas
na kalakalan dulot ng naglalahukang mga bansa, magaang daloy ng komunikasyon, pagiging bukas
ng kaisipan sanhi ng pagbulusok ng kultura mula Kanluran hanggang Silangan at pabalik , mula
Hilaga hanggang Timog at pabalik, at ilang pang mga salik na nagpasilay sa mundo ang Pilipinas
bilang makabagong bayan. Higit lalo, napakahalagang bigyang-diin ang globalisasyon sa
pagpapaunlad ng edukasyon ng mga mamamayang Pilipino. Ang pagpapasinaya sa K-12 ay
sinasabing makapagtataas ng antas ng edukasyon sa Pilipinas halintulad sa mauunlad na bansa,
halimabawa’y Amerika, dahil nakaayon ito sa internasyonal na pamantayan. Ayon sa Philippine
National Development Plan (2017), ang bilang ng institusyong may lalong mataas na edukasyon
ay sampung beses nakahihigit kaysa sa ibang karatig bansa .Nagkakaroon ng malawak na ugnayan
sa iba’t ibang iskolar at akademiko sa ibang panig ng mundo ang bansa upang makapagpalit ng
bagong impormasyon na magbibigay daan din upang umunlad sa iba’t ibang larangan ang bansa
tulad sa agham at teknolohiya. Kaginhawaan nga ang paglaganap ng globalisasyon sa Pilipinas
hinggil sa edukasyon.
Bagaman ang edukasyon ay kasangkapang panlaban sa kamangmangan, hindi ito
napigilang gamitin ng mga Amerikano upang ipanglaban sa nasyonalismo ng mga Pilipino.
Inihayag ni Constantino (1959) na isang mabisang paraan ang pagbihag ng kaisipan ng mga tao
upang sila’y malupig. Dahil dito, bakas na bakas pa rin ang kultura ng mga Amerikano at maging
ng ilang dayuhang mananakop sa lipunan at siya ngayong nagpabigat sa epekto ng globalisasyon
sa Pilipinas. Nito lamang Marso, nagwakas ang pagpapasiya ng Korte Supremo nang ipatanggal
nito ang mga asignaturang Filipino sa kolehiyo. Lumutang ang mentalidad na kolonyal,
komersiyalisado, at elitista pagdating sa edukasyon na nagpaigiting sa negatibong epekto ng
globalisasyon tulad ng nabanggit ‘di lamang sa kabataan maging sa ibang antas ng lipunan. Dahil
dito nagkakaroon ng isang kabalintunaan: pinapagaan ng globalisayon ang edukasyon sa Pilipinas
ngunit pinapabigat ng edukasyon ang epekto ng globalisasyon.
Ayon sa Sapir-Whorf hypothesis, wika muna bago pag-iisip. Ibig sabihin, hinuhulma ng
wika ang pananaw ng isang tao sa realidad ng mundo. Kung gayon, nagkakaroon ng hindi
pagkakaunawaan mula murang taon pa lamang sapagkat napatitigagal ng dayuhang wika ang
kaisipang namulat sa wikang kinalakihan niya. Maaaring malito ang bata kung iba’t ibang tunog
ang kaniyang naririnig at mahirapan ito sa pagbuo ng pananaw na kung saan siya lumaki.
Mapapansing wikang Ingles ang kadalasang ginagamit bilang medium of instruction dahil kapag
sinabing globalisado marunong dapat makipagsabayan sa mga pamantayang internasyunal.
Ngunit, dahil dito, ang katangiang kolonyal na naipamamalas ay nangangahulugang mahihirapang
magkaroon ng karunungan sa pananaw ng Pilipino at mahubog ang ginagalawang kultura. Isang
katangian din ang pagiging komersiyalisado ng edukasyon sa pagdaloy ng globalisasyon dito sa
bansa. Komersiyalisado sa paraang nagiging kalakal ang edukasyon at hindi isang karapatang
Marcos Ian Dolleton A63

dapat tinatamasa ng bawat mamamayang Pilipino. Ang pagtataas ng tuition fees ng mga
pamantasan sa pribadong sektor at maging ng mga state universities ay maaaring dahilan upang
mahirapang makipagsabayan ang Pilipinas sa globalisasyon. Kapag mataas ang halaga ng
edukasyon, hindi magiging bukas sa iba ang pagkakataong makakuha ng degree at
makapagtrabaho. Bagaman naisakatuparan na ang libreng tuition fees sa mga state universities,
hindi pa rin maiaalis na may ilang mga suliranin pa ring dapat tugunan tulad ng suweldo ng mga
guro, mga kakulangan sa pasilidad, at iba pa. Bukod dito, isinasaalang-alang na nakaayon sa
pangangailangan ng multinasyonal na mga kumpaniya ang edukasyon sa Pilipinas at mas
lumilinang ang ekonomiya ng mga kumpaniya sa ibang bansa kaysa sa industriya rito sa Pilipinas
sa ganiyang sitwasyon. Isa pa, may mga kurso na mas kinakailangan sa ibang bansa tulad ng mga
vocational at technological courses kung kaya’t nagiging factory ng mga murang lakas paggawa
ang Pilipinas. Dagdag dito, nabanggit kanina na mataas ang bilang ng higher education institutions
ngunit, kakaunti ang bilang ng mga mananaliksik, siyentista, at ilang mga akademiko sa iba’t ibang
larangan dahil sila-sila napipilitang lumuwas ng bansa upang tugunan ang nais ng mga kumpaniya
sa labas ng Pilipinas. Hindi sila masisisi sa pag-alis sapagkat mataas ang suweldo roon at suportado
pa sila ng pamahalaan sa kanilang larangan. Sa kabilang dako, elitistang maitutring ang edukasyon
dito sa Pilipinas. Kapag maghahanap ang Pilipino ng trabaho, karaniwang inuusisa ang kaniyang
pinagtapusang kolehiyo upang gawing batayan sa kaniyang kakayahang maibibgay niya sa
kumpaniya. Halimbawa, kapag nakapagtapos sa Pamantasan tulad ng University of the Philippines
(UP) ay nangangahulugang mataas ang antas ng edukasyong nakuha mo samantala sa mga hindi
kilalang pamantasan ay huhusgahan ka agad sa iyong kakayahan. Ito’y nagkakaroon ng
diskriminasyon sa paghanap ng trabaho dahilan upang magkaroon ng unemployed at
underemployed na mga mamamayan at nagpapakita lamang na ang edukasyon ay hindi pantay sa
lahat.
Manapa, nagkakaroon ng tinatawag na misedukasyon ang ganitong mga mentalidad sa mga
Pilipino lalong lalo na sa magmamana ng kinabukasan. Napipiit sa kung ano ang bago ang
edukasyong mayroon sa Pilipinas dahilan upang hindi umunlad ang sariling karunungan.
Halimbawa nito ay ang pagiging intelektuwalisado ng wika. Kakaunti lamang ang mga pag-aaral
o pananaliksik na nasa wikang Filipino dahil nga’y mas nabibigyang-pansin ang mga Kanluraning
mga pag-aaral o pananaliksik. Hindi lumalawak ang pang-unawa natin sa sarili nating pananaw
sapagkat gumagamit tayo ng perspektibong nakaayon sa Kanluran. Hindi natin mapipigilan ang
pagdaloy ng globalisasyon sa ating lipunan sapagkat nakaugat na ito sa kasaysayan. Pasalamat dito
ay nakilala ng Pilipinas ang mga kalakasan nito at gayundin ang kahinaan. Kung kaya, marapat na
magsimula ang pagbabago sa pagkintal sa mga isipan ng tao na kailangang palakasin at pagtibayin
pa ang karunungan sa maka-Pilipinong pananaw dahil sa edukasyon ay maaaring malinang ang
kinabukasan ng bansa ngayon, at sa hinaharap.
Marcos Ian Dolleton A63

Mga Sanggunian:
Education in the Philippines. (2019, April 16). Retrieved from
https://wenr.wes.org/2018/03/education-in-the-philippines
Sapir-Whorf Hypothesis - an overview | ScienceDirect Topics. (n.d.). Retrieved from
https://www.sciencedirect.com/topics/psychology/sapir-whorf-hypothesis.
Constantino R. (1959). The Filipinos in the Philippines and Other Essays. Malaya Books, 1966),
39-65

You might also like