You are on page 1of 5

WISYO NG KONSEPTONG FILIPINOLOHIYA

ni Bayani S. Abadilla

Buod
Makahulugan at mabigat ang sinisimbolo ng pamagat ng tekstong ito. Hindi
lamang ito pagtatanong sa ating mga sarili kung nasa tamang wisyo ba ang
konseptong Filipinolohiya o hindi? Kundi ito ay pagtatanong kung ano ang
wisyong kaganapan ng ating wika, edukasyon, at konseptong pam-Pilipino. Ang
Filipinolohiya ay ang pilosopiya, lohika, at paninindigang Pilipino ng mga
Pilipino. Isang konseptong pumupukaw sa ating mga pusong maka-bayan.
Konseptong tumatalakay sa atin bilang mga Pilipino na mula sa ideyolohiya at
kaisipang Pilipino.

Ang reyalidad ng lipunang Pilipino: isang masalimuot na pangyayari sa ating


sariling bayan. Ang ating lipunan ay higit na nilamon, nilalamon, nakadepende
at patuloy na dumdepende sa malawak na impluwensiya ng iba't ibang
dayuhang sumubok na sirain at sakupin ang ating bayang sinilangan. Sa ilalim ng
kanilang mga kapangyariha'y walang bilang ang mga Pilipino sa mataas na antas
ng lipunan at tayo ay ipinanganak upang manatili sa ibaba bilang kanilang mga
alipin. Nawala ang diwa ng pagiging isang bayan pagkat lapastangan silang
yumurak sa reputasyon ng mga Pilipino. Sumailalim ang buong bayan sa
kapangyarihan ng mga prayleng halang ang mga kaluluwa. Prayloraksya. Kailan
pa tayo pumayag na maging sunod-sunuran sa mga prayleng kanilang sariling
relihiyon lamang ang kinikilala? Kailan pa tayo yumukod sa mga prayleng halos
sambahin ang kanilang mga sarili't kapangyarihan? Marahil ay hindi na ito dapat
itinatanong, sapagkat nangyari na. Sapilitang pinayukod at pinasunod ng mga
mapandustang dayuhan ang ating lahi. Tinanggalan nila ng saysay ang buhay ng
bawat Pilipinong napasailalim ng kanilang mapang-abusong kapangyarihan.
Hindi nagtatapos sa pang-aalipusta't pang-aalipin ang lahat. Ang mga sinasabing
dugong bughaw na sarado ang kaisipan para lamang sa kanilang sariling bayan
at diyos ay buong loob tayong ipinagbili sa ibang lahi: Ang mga Amerikano. Ito
ay matapos silang supilin ng mga pusong nag-aalab ng mga Pilipino na handang
mag-alay na buhay sa ngalan ng pambansang kasarinlan. Natalo sila. Hindi man
nila ipinakita ang kanilang pagkatalo, ngunit ang mga dokumentong nakatala sa
kasaysayan ang nagpapakita ng kanilang pagbagsak dahil na rin sa kanilang
sariling pagkakamali sa pagiging gahaman at pagtatraydor. Pagkalaya sa mga
dayuha'y luminang ng isang Konstitusyong pumapaloob sa mga pundamental na
karapatan ng bawat Pilipino bilang mga sosyo-pulitikal na mamamayan.

Bagama't lumaya sa mga dayuhang mananakop, ang ating bayan ay hindi pa rin
tuluyang malaya mula sa mga dayuhan. Kolonyalismo ang siyang bumubuhay at
nagpapasiklab ng baga ng diwa ng mga dayuhan. Higit nilang binago ang kultura
at pamumuhay ng Pilipino. Nag-iwan sila ng kani-kaniyang epekto sa
pamamagitan ng kung ano ang mayroon sila. Ang mga Espanyol ay gumamit ng
relihiyon, at edukasyon naman ang sa mga Amerikano. Sa kanilang pag-alis ay
hindi na nila muling natanggal sa pagkakayapos ng mga Pilipino ang kanilang
relihiyon at paniniwala, gayundin ang wikang ginamit para sa edukasyong mula
sa kanila. Ang ating kaalaman, mula sa pundamental hanggang sa propesyonal
na pag-aaral ay mula sa kolonyal na pamamaraan ng pagtuturo. Wala ring takas
ang gobyernong sumasakal sa ating bansa. Gobyernong kolonyal na ideyalismo
at pamamalakad ang gawi. Isang pamunuang umungkat lamang ng
pagbabalangkas ng mga batas mula sa ibang bayan. Ang diwa ng pamumuhay
ng ating mananakop ang siyang nabubuhay sa ating bayan. At sa paglipas ng
panahon ay patuloy na lumalala ang sakit ng ating lipunan. Patuloy itong
nalulumpo pagkat ang paang pundasyon ay tinatanggal. Ang kalinangang
panlipunan at pang-ekonomiya ay halos hindi makilala. Ang bawat balangkas ng
pagpapatakbo ay may bakas ng kolonyalismo. Palaging nakadepende sa kung
ano ang iniwan sa atin. Patuloy na ginagawa ang mga bagay na natutunan sa
iba, at halos talikuran kung ano ang itinuro ng bayang sinilangan. Mamamayan
ang siyang dapat na bumubuo ng kasaysayan ng bayan ngunit hindi ito
nangyayari dahil silang mga nakaluklok sa posisyon ang siyang bumubuo at
namimili kung ano ang isasama sa malawak at patuloy na umuunlad na
kasaysayan ng Pilipinas. Wika ang siyang sumisimbolo sa pambansang
kasarinlan, kalayaan, katarungan, atkabayanihan. Tanging wika natin ang may
sapatna lakas at kakayahan upang pagbuklurin ang ating mga mamamayan.
Wika, na sa pagdaan ng mahabang panahon ay unti-untingnakalilimutan at
nawawalan ng bias dahil sa patuloy na pagsamba sa mga wika ng dayuhan.
Nagiging palpal ang diwa ng pambansang paglago. Ang pag-akap sa wikang
Ingles ay lumabis at nangyaring ito'y naging basehan ng katalinuhan at
kalinangan ng mga mamamayan.

Sa kabila ng labis na pagbabago sa ating kultura, nariyan ang mga Pilipinong


hindi nawaglit sa kanilang mga puso ang pagpapahalaga sa pinagmulan ng talino
ng bayan. Ang karunungan ay nagmumula sa paggawa, sa pagkilos, at pag-alam.
Talino ng bayan ang siyang nagpapakita ng mahusay na paggamit nitong mga
karunungang hinango mula sa mga kakayahang intelektuwal at bayolohikal ng
mga Pilipino. Isa lamang itongpatunay na may sarili tayong kakayahan ng
pagtuklas at pagkatuto kahit na wala ang mga midyum na mula sa mga
dayuhan.

Parehong pamamaraan sa kung paano tayo ginapi ng mga dayuhan. Ang


paghiwalayin at pag-awayin ang siyang magkakadugo, bago sakupin nang sa
gayo'y mahihina ang lahatng puwersang Pilipino. Ang mga palpal na dayuhang
katuruan na nagbigay ng malalayong pagkakaiba at malapyudal na hatian ay
patuloy na dumadaloy sa isipan ng mga Pilipino. Tinuruan nila tayong hatiin ang
ating lahi sa dalawang partido o grupo para sa lahat ng bagay. Tinuruan nila
tayong pagtaksilan ang sariling mga kapatid at ang Inang Bayan. Tinuruan nila
tayong yapusin ang kanilang katurua't ipagsawalang bahala ang katuruang
Pilipino mula sa mga Pilipino para sa mga Pilipino. Higit nating mai-uugnay ang
balangkas ni Dr. Zeus Salzar tungkol sa Pantayong Pananaw. Pumatutungkol
man ito sa kasaysayang Pilipino na dapat ay mula sa mga Pilipino at isinulat
para sa mga Pilipino, ito ay sumasalamin sa makabayang pagpapahalaga sa kung
ano ang mayroon tayo. Ito ay ang pagpapakita na ang ating kaalaman ay hindi
kinakailangan ma-impluwensiyahan ng mga dayuhan. Ipinapakita nito
natayo,bilang mga Pilipino ay ang dapat at higit na umaalam sa kung sino at ano
ba tayo bilang mga mamamayan ng bansang Pilipinas.
Ang tekstong ito ay pumapaloob sa mga pagkakamali natin sa paglinang at
pagpapaunlad ng edukasyon at kaalaman ng bawat mamamayan.
Nagsimulatayong matuto mula sa mga dayuhang guro at sa lumaon ay ang
kanilang pamamaraan na ng pagtuturo ang siyang ginagamit. Ang bawat pinag-
aaralan ay palaging tungkol sa ibang bansa, kung minsaly sa buong mundo, at
madalang kung masinsinang mapag-aaralan kung ano ang meron ang ating
nakakaawang bayan. Nalilinang man ay nananatiling marurunong na tanga.
Propesyonal sa larangan ngunit bulag sa reyalidad ng lipunan. Ang Pilipinas ay
isang malaking pagawaan ng mga propesyonal na silang ipinansasabak sa global
na kalinangan, ngunit ang mga kaisipa'y para sa sariling interes lamang.
Nakalilimutan ang bayan, ang pinagmulan, ang dapat na pinagsisilbihan.

Ang ganitong gawi ng mga Pilipino ay patuloy na nilalabanan ng mga kabataang


mag-aaral. Kinu-kondena ang kabihasnang kolonyal upang malinang ang
pambansan kabihasnan. Ito ay pagpapakita ng labis na pagmamahal sa ating
wika. Ang siyang umiibig sa wika ay umiibig rin sa bayan, na handang i-alay ang
lahat maging ang sariling buhay upang mapanatiling buhay ang mayamang
kultura ng mga Pilipino. Ang paglaban ay hindi lamang dapat na nagmumula sa
mga kabataan, maging ang mga gurong pinagmumulan ng mga kaalaman ay
dapat na makiisa sa laban upang baguhin ang bakuktot na Sistema ng
paglilinang sa ating pambansang kaisipan.

Hindi natin maabot ang rurok ng tagumpay hanggat hindi natin natututunang
unahin ang kapakanan ng bayan. Hindi tayo aangat kung mananatili tayo sa
kanilang Sistema at pamamalakad. Hindi tayo matututong tumayo sa ating
sariling mga paa kung hindi natin unang yayakapin kung ano at sino tayo. Ang
mga Pilipinong kaalaman, kabihasnan at karunungan ay dapat na nagmumula sa
mga Pilipino at patuloy itong palalaguin, pagyayamanin at lilinangin para sa
bawat Pilipino. Ang pagpapahalaga sa kapilipinuhan nating lahat, gayundin sa
Filipinolohiyang nagbibigkis sa atin ang siyang dapat na magning-ning nang higit
sa lahat. Malubha na ang pinsala ng maling paraan ng pagkatuto at
kinakailangan ang pakikiisa ng lahat upang muling maisa-ayos ang mga
napinsala at upang maiwasan ang mapaminsalang pamamaraan ng pagtuturo.
Walang masama sa pag-aaral ng wika ng mga dayuhan. Higit ang wikang Ingles,
sapagkat ito ang nag-iisang wikang nagtutulay sa bawat mamamayan ng
daigdig. Ito ang wika ng pagkakaisa ng bawat estado, ito ang nagpapatunay na
ang sentral na kalakaran ay nasa maayos na kalagayan. Hindi masamang isama
ang dayuhang wika sa paglinang ng kaalaman. Alam nating huhubugin ng mga
wikang ito ang bawat mamamayang Pilipino ngunit panatulihin natin ang
pagiging epektibong maalam. Maging mga propesyonal sa iba't ibang larangan
habang pinananatiling hbukas ang mga mata sa mga nangyayari sa bayan.
Mahirap nang gamutin ang sakit ng lipunan, ngunit hindi ito dapat hinahayaang
lumala. Patuloy tayong maniwala na ang Wikang Filipino ay ang wika ng
pagkakaisa na siyang magiging pinakamabisang lunas para sa sakit na dinadanas
ng ating bayan. Masyado nang maraming sugat at saksak ang pambansang
kalinangan, at walang ibang gagamot at magpapahilom nito kundi tayong mga
anak ng bayan. Ang paglalagay ng bayan sa tuktok ng lahat ay isang paraan
upang mahalin ang bayan sapagkat naniniwala akong ang taong nagmamahal sa
bayan ay taong higit na nirerespeto ang sarili at iniibig ito. Hindi natin pwedeng
ibigay ang mga bagay na wala tayo. Pag-ibig sa sarili para sa pag-ibig sa bayan.

You might also like