OBTEC-M-1-3 FILIPINOLOHIYA OPTIMISMO: SUSI SA PAGPUKAW NG KATAPANGAN AT KATATAGAN Katapangan. Isang katangian na nakikita’t nararamdaman sa puso ng bawat Pilipino; makaluma man o moderno. Ito’y isa sa mga natatanging pambansang katangian na naghihiwalay sa atin sa iba pang mga lahi at kultura, at buong puso nating ipinapakita at ipinagsisigawan sa mundo. Ang ating lahi’y tanyag sa pagkakaroon ng kalakasan ng loob. Saan man tayo inaanod ng tadhana, at anumang dagok ang idinadala ng buhay sa atin, nananatili tayong matapang, para sa ating mga sarili, sa ating mga pamilya, at higit sa lahat, para sa ating bayan.
Bukod pa sa katapangan, tayo ay kilala rin bilang matatag na mga tao.
Bilang mga Pilipino, hinding-hindi maiiwaksi sa ating indibidwal na identidad ang pagkakaroon ng matibay na kalooban at masugid na mga kilos. Lahat ng ating ginagawa ay nagmumula sa malakas na simbuyo ng ating damdamin, dedikasyon, at pagtitiyaga. Samakatuwid, mahihinuhang ang mga Pilipino ay hindi basta-bastang lahi, tayo ay lahi na tumitibay sa paglipas ng panahon, tulad ng mga nagtatayugang bato sa ating mga kabundukan, at nagngangalit na mga bulkan sa katubigan at kalupaan. Ang ating mga natatanging katangian ay mapapansin pa rin naman hanggang ngayon. Ngunit, sa paglipas ng mga taon, ang mga ito’y humihina kung ikukumpara sa nakaraang mga henerasyon.
Alam ng bawa’t Pilipino, na ang ating bansa ay minsan nang nasakal sa
mahigpit na hawak ng mga dayuhang bansa tulad ng Espanya, Amerika, at Japan. Sa loob ng maraming taon, ang boses ng ating mga ninuno’y tinanggal, at ang kanilang mga mata’y tinakpan. Ngunit, sa pamumuno ng di-matatawaran at matatapang na indibidwal ng ating kasayayan, ay nakamit natin ang kalayaang ating pinakamimithi.
Kabilang sa mga indibidwal na ito ay si Gat Andres Bonifacio, ang
tinaguriang “Ama ng Himagsikan at Rebolusyong Pilipino.” Si Gat Andres ay ipinanganak na may kaya. Ang kanyang ina ay kalahating kastila, kung kaya’t naranasan niyang magkaroon ng pribadong tagaturo. Ngunit, sa edad na katorse (14), kasabay ng pagkawala ng kaniyang mga magulang, ay ang pagkawala ng kaniyang prebelihiyong makapag-aral. Ngunit nanatiling matatag si Gat Andres, sa pagsisikap at pagtitiyaga, humanap siya ng paraan upang turuan ang kaniyang sarili at naging clerk-messenger sa isang kompanyang Aleman. Kalauna’y naging miyembro siya ng La Liga Filipina at Kataastaasan, Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) o mas kilala sa modernong katawagan na Katipunan, na naglalayong mapagkaisa ang mga Pilipino upang magkaroon sila ng sapat na edukasyon at kaalaman, maisulong ang pagkakapantay-pantay, at mabawi ang bansa laban sa matinding hawak ng mga dayuhan. Si Gat Andres ay naging Supremo ng KKK at dinala ang pangkat sa maraming tagumpay. Tunay ngang nararapat siyang ituring na isa sa mga bayani ng bansa, dahil siya ay nagsisilbing inspirasyon sa kaniyang henerasyon at sa kasalukuyang henerasyon. Ang buhay ni Gat Andres Bonifacio ay maikukumpara sa buhay ng maraming Pilipino sa kasalukuyang konteksto. Ang Filipinas ay isang bansang puno ng positibo at negatibong mga katangian. Kabilang sa mga negatibo ay ang panlipunang isyu ng kahirapan, na ayon sa iba’y nag-uudlot sa hindi pagkakapantay-pantay, at ang hindi pagkakaisa.
Kung sa nakaraang mga henerasyon ay kilala ang mga Pilipino bilang
mga indibwal ng pagkakaisa, pag-asa, lakas, at tibay. Ngayon ay bitbit na natin ang sagisag ng pagkakawatak-watak, kapaguran, kahinaan, at karupukan. Ang modernong mga Pilipino ay binago ng panahon, at pinaghina ng mga hamon ng buhay.
Kahirapan. Karamihan sa mga Pilipino ay mahihirap, at nabubuhay sila na
iniisip kung papaano nila maitatawid ang araw-araw na hindi nagugutom ang kani-kanilang mga pamilya. Dahil sa kakulangan sa pera at suporta, ang iba ay napupuwersang pumasok sa mga ilegal na mga gawain, na nagiging sanhi ng iba pang mga problema sa lipunan. Nang dahil rin sa kahirapan, maraming mga bata ang hindi nabibigyan ng pagkakataong makapag-aral at napagkakaitan ng oportunidad na mapatunayan ang kanilang mga sarili sa lipunan. Kung ikukumpara ang mga epekto ng kahirapan sa kasalukuyan at sa henerasyon ni Gat Andres, halos wala itong pinagkaiba. Ang mga tao sa laylayan ay namamatay sa laylayan, at ang mga taong may kapangyarihan, ay namamatay bitbit ang kanilang kayamanan. Sa kontekstong ito, mahihinuhang ang pag-ahon sa kahirapan ay nakasalalay sa daanang tatahakin ng isang indibidwal, sapagkat ni ang gobyerno, ay walang matibay na solusyon para rito.
Pagkakawatak-watak. Isa rin ito sa isyu na laganap sa ating lipunan, gaya
sa henerasyon at karanasan ni Gat Andres. Ang ating bansa, sa kasalukuyan, ay sumasailalim sa isang estado ng pagkalito, ang mga tao ay iba-iba ang mga katotohanang pinaniniwalaan at pinapanigan, at bilang epekto, nahahati tayo at nagiging magulo ang ating lipunan. Mas lumalala ang hindi pagkakaisa ngayon dahil sa pag-usbong ng teknolohiya. Nang dahil sa social media at iba pang mga di-mapagkakatiwalaang pinagkukunan ng impormasyon ng mga tao, nababaluktot ang katotohanan at walang habas na iwinawaksi ang sariling kasaysayan. Sa kasamaang palad, karamihan sa mga nagpapakalat ng mga maling impormasyon ay iyong mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral, hindi marunong magberipika at walang kaalaman sa pagkilala ng katotohanan sa huwad. Ang masaklap pa rito, kadalasan sa kanila ay nagpapakalat ng mali- maling impormasyon hindi para sa intensyong makapagbigay-kaalaman sa iba, kundi para hikayatin ang mga tao na kumampi sa ideyang isinusulong nila, at batikusin ang mga kritikong hindi sumasang-ayon rito. Dahil sa mga taong ito, ang mata ng inosenteng mga Pilipino ay namamantsahan ng mga walang katotohanan at walang sapat na bantayan na lente ng pananaw; isang bagay na magdadala sa atin sa tuluyang pagkakawatak-watak natin bilang isang nasyon. Ngunit, sa kabila ng mga negatibong isyung lumalaganap sa ating bansa, huwag nating kaligtaan ang isang natatanging positibong katangian na ni minsa’y hindi nawala sa puso ng bawa’t Pilipino; ang pagiging optimismo. Naniniwala ako, na mababago pa natin ang bulok na sistemang patuloy na sumisira sa tapang, at tibay nating mga Pilipino. Maaari tayong makapulot ng mga aral sa buhay ng mga matagumpay na mga bayani ng ating bayan, katulad ni Gat Andres Bonifacio. Nalampasan niya ang mga hamon sa kaniyang buhay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng positibong pananaw at paniniwala sa kaniyang sarili. Kung matututo lamang tayong lahat na tingnan ang buhay sa isang lente ng optimismo, at maniwalang makakaya nating lampasan ang mga pansamantalang pagsubok, magiging matagumpay tayo sa pagsasabalik ng tapang at tibay sa puso at isipan ng bawa’t Pilipino. At bilang epekto, napupukaw tayo nitong kalimutan ang ating personal, panlipunan, politikal at panrelihiyong pagkakaiba-iba at tuluyang magkaisa.
Sa kasalukuyan, hawak ng mga Pilipino ang personal at pambansang
kalayaang matagal nang pinangarap para sa atin ng ating mga ninuno. Ngayon, ang desisyon kung saan at papaano gagamitin ang kalayaang ito, ay nakasalalay sa ating mga kamay. Huwag nating hahayaan na ang ating kawalan ng kumpiyansa sa sarili, at hindi pagkakaisa, ang maging dahilan ng pagigiging alipin natin sa mga taong mas makapangyarihan pa sa atin, o mas malala, sa ibang bansa.
Upang maisulong ang ating panlasak na misyon at bisyon para sa ating
mga sarili at sa ating minamahal na bansa, nangangailangang pukawin ng bawat Pilipino ang kanilang panloob na “Andres Bonifacio”; ang naglalagablab na tapang, di mapapantayang talino, at ang dedikasyon na isulong ang kaayusan at kapayapaan upang lahat tayo ay mamuhay ng masaya at matiwasay, malayo sa pangamba at kaguluhan.