You are on page 1of 6

Ano Ang Saysay ni Rizal sa Kabataan Ngayon?

Cerise Crudo-Guerrero
~~~
“Tell it to your children,
And let your children tell it to their children,
And their children to the next generation.”
Joel 1:3 (Old Testament)

Sa mundo natin ngayon kung saan madaling mapaikot ang mga tao nang hindi man lang
lumalaban, nagniningning ang mga kataga ni Frantz Fanon. “Each generation must discover its
mission, fulfill it or betray it, in relative opacity.” Ang obligasyon ng bawat henerasyon, lalung-lalo
na ng mga kabataan sa mga bansang nilapastangan ng mga buktot, ganid at walang kahabag-
habag na panginoon ng kolonyalismo ay buksan ang mata sa mga nangyayari sa kanilang
kapaligiran, pag-aralan ang kanilang pulitika, ekonomya at kultura at alamin ang dapat nilang
gawin. Walang isa mang henerasyon ang may karapatang magsabi na hindi nila alam ang
nararapat nilang gawin para sa ikabubuti ng bayan nila at sa ikapagbabago kahit papaano ng
mundo.

Sa dinami-dami ng mga bayang nasakop dito sa mundo, ang kabataan na sa Pilipinas na siguro
ang pinakamanhid at pinakamababaw ang kaalaman pagdating sa pagkatao nila at sa sarili nilang
pananagutan sa bayan. Ang kabataang Pilipino na siguro ang pinakakawawa dahil hindi nila
namamalayan kung paano sila nalilinlang sa mga pinapanood at binabasa nila na sa kalaunan
ay nagagamit sila sa lalong pag-atras ng bayan at buhay nila. Sa Pilipinas, ang mga kabataan ay
napapalaking puspusan na binabalutan ng kalyo ang mga puso kaya hindi sila marunong
makaramdam. Di lang ‘yun. Lumalaki pang may pirmihang takot. Takot sa pagbabago, takot sa
paghahangad ng marangal na pamumuhay at takot manindigan at maging iba sa kabuktutan ng
lipunan kahit na sila ay nasa katuwiran. Hindi marahil madaling intindihin ang kalungkutan ng mga
nakakaunawa sa tuwing nakikita nila ang mga kabataang Pilipino, na kadalasan pa nga siguro ay
ipinapangalandakan ang atrasado nilang kamalayan. Sa ganoong uri ng kamalayan ay marahil
wala nang pagkakaiba ang mga batang galing sa mga paaralang eksklusibo at di eksklusibo.
Tunay na nakakalungkot. Ngunit hindi natin masasabing walang pag-asa.

Nais pag-isipin kayo ng sanaysay na ito tungkol sa kakila-kilabot na kinahantungan ng hindi natigil
na kolonyal na pag-iisip pagdating sa pagsasakatuparan ng edukasyon ng Pilipinas simula nang
ilipat ng kolonyal na pamahalaan ng mga Amerikano sa mga Pilipino ang pamumuno nito noong
1935. Kung hindi madaling lunukin ang puntong ito, inaanyahan ko ang bumabasa nito na
magtanong sa mga mag-aaral sa kung saan mang high school at kolehiyo sa bansa tungkol sa
kung anong pwedeng gawin na pagpaparangal nila kay Jose Rizal at sa mga kasama niyang
nagmulat sa mga mamamayan na malao’y naghangad ng kalayaan ng Pilipinas na hindi
requirement sa paaralan. At di lang yun. Patanong na rin kung ano rin ang kinalaman ng mga
ipinaglaban ng mga tinaguriang bayani sa dinadaanan nating kahirapan ngayon. Anong sagot
ang nakuha nyo?
Magpakatotoo tayo at pag-isipan natin kung papaanong nagmistulang isang bayan tayo ng mga
kabataang walang kamuwang-muwang sa mga bagay na may halaga sa hangaring itayo ang
bansa, tulad kunwari sa pag-aaral tungkol sa tinaguriang pambansang bayani natin. Tignan natin
ang isa pang sistema na malaki ang impluwensiya sa paghubog ng isipan ng kabataan bukod sa
edukasyon. Pagmasdan natin ang mga sikat na pelikula at palabas sa telebisyon. Simula noong
dekada 90s na ata ay ilan ang mga pinapalabas ng may naiaambag sa pagtaas ng kamalayan at
kakayahang mag-isip ng mga kababayan natin, lalo na ng mga kabataan natin? Karamihan ba
sa mga napapalabas ay nagbibigay ng palatandaan ng pag-usbong ng pagtuklas at pagtalakay
ng mga bagay na makakabukas ng isip ng mga kabataan ukol sa buhay at kapaligiran nila? Iilan
naman ang nagtuturo sa mga kabataang nanonood na manood na lang, tumawa na lang at
gumaya na lang ng hindi na kailangang mag-iisip? At sila, ang ating mga kabataan, ang unang-
unang sinesentensyahan ng malungkot na sistemang ito. Nahihirapan tayong makakita ng
katapatan at kagalingan mula sa mga ito na makakapagmulat sa kaisipan ng mga kabataan natin
na habang lumalaki sila ay pirmeng naghahanap ng puwede nilang paniwalaan tungkol sa sarili
nila at sa batis ng kanilang nakaraan. Hangga’t sumuko na lang sila dahil wala nga silang makita.
Magtataka pa ba tayo na nakakapagpalaki tayo ng mga kabataang bastos at walang galang sa
mga nakakatanda sa kanila na ang tanging hangad lamang ay ang hindi na sana maramdaman
ng mga susunod na henerasyon ang kahirapan ng buhay na inabot nila?

Pag-isipan nating mabuti: Mayroon bang nakikinabang at kumikita sa pagpapalaganap ng


ganitong pamamalakad ng pagpapabaya sa kaisipan at damdamin ng kabataang Pilipino? Sino
at papaano? Kung kaya ganoon na lamang ang sindak na mararamdaman ng mga ito kapag
tuluyang mabulabog ang mga manhid at mga pusong hindi na natututong mahabag at sadyang
mag-apoy ang panibagong sigla na puno ng pag-asa at sa kalaunan ay sumiklab sa buong
kapuluan ang karapatang magmahal sa sarili at sa kapwa na sadyang ipinagkait sa kanila.
Sapagkat ito ang nagawa ni Jose Rizal: ang bulabugin ang nabubulok na sistema at gisingin ang
diwa at isip ng mga kababayan niya na tila narararamdaman hanggang ngayon.

Kung kaya’t dito ay nais kong ilahad ang sa nakikita ko’y kaugnayan ng mga desisyon ni Jose
Rizal nung nabuhay siya bilang kabataan ng Pilipinas noong mga panahong paralisado ang
bayan dahil sa pananaig ng takot. Nakayanan niyang tugunan ang hamon nang siya ay
ipinanganak na kayumanggi, probinsyano, Asyano, at indio, Pilipino, na saklaw ng paghahari ng
Espanya. Malalim ang pinanggalingan ng pagnanasa ni Jose Rizal na tulungan ang mga
kababayan niya na mapalaya ang kanilang mga isip. At kung maintindihan lamang ng mga
kabataan natin at ng mga gumagabay sa kanila ang diwa ni Jose Rizal at hindi lamang tumigil sa
mga panaka-nakang nakakaaliw na katha ukol sa buhay niya, wala na sigurong iba pa tayo na
palusot na maibibigay sa pag-aambag sa pagbangon ng bayan. Kayumanggi? Nakayanan nya.
Lumaki sa kulturang hindi makatarungan? Nakayanan niya. Lumaki sa Pilipinas? Nakayanan
niya. Kung kaya’t ano pa nga ang saysay ni Jose Rizal sa mga kabataan ngayon? Maghahandog
po ako ng limang nakita kong katangian niya at taus-puso ko pong iniimbitahan ang mambabasa
na suriin at pag-isipang mabuti kung sadyang wala na ngang kabuluhan ang patay na bayani sa
buhay natin ngayon o mayroon pa.
Una, sa pagsisikap ng mga kaibigan at ng pamilya niya ay naipadala siya sa iba’t ibang
bansa at sa halip na talikuran ang bayan at maging makasarili ay lalo pa niyang pinatingkad
ang pagmamalasakit sa kahabag-habag na katayuan ng mga kababayan sa iniwang
Pilipinas at pinaigting ang hangad na maiahon ang bayan mula sa kadiliman ng
kamangmangan at karuwagan.

Ang katangiang ito ni Jose Rizal ay hindi maikakailang weird ng mga kabataaan natin lalung-lalo
na sa naitaguyod na kultura natin ngayong na mistulang naging diyos at sagot sa lagat ng
problema ang salitang abroad. Sa panahong iyon ay marahil kinailangan niyang maglakbay para
mapalawak ang kanyang kaalaman at ito ay hindi niya sinayang. Inaral niya ang iba’t ibang wika,
sinuri niya ang kultura at progresibong pamumuhay sa mga lugar na ito at sa lahat ng kanyang
pinuntahan, dama niya ang kirot para sa kanyang mga kababayan na sana ay mamulat na rin sa
tunay nilang kalagayan. Sa sulat niya sa kanyang kapatid na babae ay iminungkahi niya na
gayahin ang pagiging matatag ng mga “fraulein” sa Alemanya. Kahit nga ang kaugalian sa Sparta
ay nakayanan niyang maintindihan at gamiting halimbawa para sa Pilipinas. At di n’ya
kinailangang manood ng pelikulang “300” para gawin ‘yun.

Hindi nga ba nagsulat siya ng dalawang buong nobela at maraming mga sulat sa mga minamahal
niya at mga sanaysay sa “La Solidaridad” para itaguyod ang pagbubukas ng isip ng kanyang mga
kababayan? Si Rizal ay nagpakita ng sense of urgency na kailangang tulungang imulat ang
kaisipan ng mga kababayan niya at wala siyang oras na sinasayang. Naintindihan niya na hindi
siya galing sa isang mayaman at malayang bayan kaya bakit siya magpapanggap na ganun? Dito
natin makikita na ang pagkatao at pag-unawa ni Rizal sa kung sino siya at saan siya galing ay
mas malalim pa kaysa sa mga kabataang Pilipino nating modern ngayon. Hindi nga ba na ito ay
pwedeng magsilbing hamon sa atin ngayon?

Pangalawa, nangahas ang isang probinsyanong indio at isang mababang uri na “colonial
subject” na si Jose Rizal na makalikha at makapag-edit ng mga sanaysay na sa sobrang
kasiningan at kahusayan ay hinahangaan pa rin hanggang ngayon, bukod pa sa
pambihirang pagpapamalas ng pagtanaw sa hinaharap ng mga Pilipino nang hindi
ginagamit ang internet, laptop o cellphone.

Sa katunayan, kapag nakakasalamuha ng ibang kabataang Pilipino ang mga sanaysay niya sa
labas ng paaralan, nagugulat sila sa kakaibang saysay nito kapag napag-aralang mabuti at
naaasar sila na hindi man lang ganoon ang pagkaturo sa kanila sa paaralan. Sabi sa “Letter to
the Young Women of Malolos” na ang “talaga” (itinakda) ng Diyos ay iba sa “talaga” ng mga tao
at ang nanay na kaya lang magpalaki ng mga sipsip sa pari at duwag ay magkakaroon lang ng
mga anak na sipsip at duwag habambuhay. Sabi naman sa “The Indolence of the Filipino,”
maraming kadahilanan kung bakit naging “tamad” ang mga Pilipino at hindi raw ganito ang mga
ninuno natin bago dumating ang mga Kastila. Nagbago na lang sila dahil sa 300 taon na pagsira
ng sistemang kolonyal sa kaluluwa ng mga Pilipino. Nagawa niyang isulat lahat ‘yan at may mga
libro pa siyang ginamit para patunayan ang mga sinulat niya nang hindi man lang siya gumagamit
ng internet. Sa “The Philippines, a Century Hence,” isang matapang na hula ang ginawa niya
hinggil sa kinabukasan ng Pilipinas at sinulat niya rito na marahil magiging interesado ang
Amerika na sakupin ang Pilipinas. Walong taon pagkatapos ng pinakahuling parte ng sanaysay
na ito na lumabas sa “La Solidaridad,” nagkatotoo nga. Paano nagawa ni Jose Rizal ‘yun kung
probinsyano lang siya? Kung indio lang siya? Kung Pilipino lamang siya? Alam ni Rizal kung sino
s’ya sa mata ng mundo at puspusan niyang hinarap ‘yun lahat at binasag niya ang lahat ng
stereotype. Pinapatunayan lang niya na hindi ipinanganak na talunan o duwag ang Pilipino. At
hindi ba kahanga-hangang matutunan yan ng mga kabataan natin tungkol rin sa kanila?

Pangatlo, sa panahong puspusan ang pamamayagpag ng pag-iisip at patakarang kolonyal


at limitado ang paggalang sa karapatan ng mga indio sa sarili nilang bansa, nagsumikap
siya na di lamang mapagbuti kundi abutin ang kahusayan sa pag-aaral niya.

Sa kabanata ng El Fili tungkol sa paaralan ni Basilio at sa kung gaano kabulok ang patakaran at
pagtuturo doon ay makikita na natin ang bukas niyang isip pagdating sa edukasyon. Makikita rin
natin sa mga nasulat tungkol sa buhay niya na malaki ang pagtulong ng kuya niyang si Paciano
sa desisyong mag-aral sa Espanya. Nakapag-aral siya sa Ateneo, sa UST at noong nakita nila
na panahon na para lumipat ng pag-aaral sa ibang bansa, na ang mga lugar na iyon ay di na
gaanong maabot ng mga kadenang nakakabit dito sa Pilipinas, hindi siya nag-atubiling
magpasiya na subuking mag-aral sa ibang bansa. Sa Madrid na s’ya nakatapos ng medisina at
dahil sa pagkakataon na makapag-aral, sinikap rin niya na mag-aral pa nang mag-aral. Ano ang
ibig sabihin nito? Isang Pilipino, isang probinsyano na halos matalo ang iba pang mga Kastilang
manunulat sa mga contest sa pagsulat sa Kastila. Isang indio, isang Pilipino na nakatapos ng
pag-aaral sa Europa at hindi man siya nag-aksaya ng pera o panahon sa mga bagay na alam
niyang hindi makakatulong sa kanya. At kahit na noon ay hindi madali sa kanya ang pera. Pero
nakayanan niya nang hindi nalulong sa pagbabarkada, nang hindi nasira ang buhay sa pag-inom,
sa sugal at sa babae. Matino ang kaisipan ni Jose Rizal at kahit siya man ay dumaan sa pagiging
teenager at hindi rin siya exempted sa mga gimik, alam niya kung sino siya bilang Pilipino at alam
niya na hindi niya makakayanan ang magloko dahil may pananagutan siya kahit papaano sa
bayan niya at ang kagalingan niya, na alam niyang bigay sa kanya ng Diyos, ay hindi lang dapat
para sa kanya kundi pati na rin sa ikabubuti ng bayan niya.

Pang-apat, ginamit niya ang wika ng panginoong kolonyal at ng mga elitista upang
magtaguyod ng kaisipang mapagpalaya na nakatuon sa paglalantad ng kabulukan ng
lipunang Pilipino nang magising at maitaas ang kamalayan ng mga kababayan niya.

Ayaw marahil ng mga namumuno dito noon na turuan ng Kastila ang mga indio dahil siguro baka
biglang makapagbasa ng mga libro, magsimulang magtanong at mabuksan ang isip. Kabilang si
Rizal sa mga ilustradong nakapag-aral at nakakabasa at nakakasulat sa Kastila. Noong panahon
na ‘yun ay tinaguriang wika ng mga elitista ang Kastila. “Sosi”, sa madaling sabi. At hindi nga ba
ganoon din ang tingin sa wikang Ingles dito ngayon? Ngunit ang naging ugali ni Rizal ay iba sa
nakakahabag na kayabangan na makikita sa mga kabataang lumaki sa Ingles dito ngayon.
Sinikap ni Rizal na gamitin ang wikang pinaka-alam niyang gamitin sa pagsusulat ng mga libro at
sanaysay na makakatulong sa pagbukas ng isip ng kababayan niya. Sa kabilang dako, ang mga
bata ngayong marunong mag-Ingles ay tipo bang mataas ang tingin sa sarili na akala nila ay hindi
nilang katulad na tao ang mga kababayang hindi nag-Iingles dito. At pinapagtawanan pa ang mga
kababayang nagsisikap na matuto at magsalita ng Ingles. Hindi ganyan ang pagkatao ni Rizal.
Matingkad pa nga ang istorya sa kanya nung nasa bapor siya pauwi ng Pilipinas na nakita niya
na marunong siya makipag-usap sa mga dayuhan ngunit hindi niya maintindihan ang kababayan
niyang Bisaya sa bapor. At marahil ay hindi niya pinagtawanan ang mga kababayan niyang
Bisaya sa harap ng mga kausap niyang dayuhan. Si Rizal ay nakapagsilbi at nakapagturo at
nakapagpabago ng bayan niya sa pamamagitan ng paggamit niya ng wika ng mga elitista. At ang
mga kabataan ngayong nahahangal sa kayabangan nila – para saan nila ginagamit ang
kakaibang katayuan nila sa bayan nila?

Panglima, si Jose Rizal ay isang tao na marami ring kahinaan ngunit pinag-aralan niya
kung sino siya at kung saan siya nanggaling nang hindi nakinabang sa mga aklat na
tinaguriang self-help.

Sa “Letter to the Young Women of Malolos,” napakalinaw ng mga sinabi niya tungkol sa pagiging
maka-Diyos na hindi dapat tingnan na pareho sa pagiging relihiyoso. Ang pagiging maka-Diyos
ay hindi nakikita sa pagiging sunud-sunuran. Aniya, ang pagkakakilala kay Kristo ay hindi makikita
sa paggamit ng rosaryo o pagbibigay ng pera sa simbahan. Ang pagiging maka-Diyos ay makikita
sa pagkatao, sa pagiging marangal at sa paggawa ng tama at makatarungan. Hindi nalilito si
Rizal sa pagkakakilala niya sa Diyos. Kilala niya ang Diyos na sinasamba niya at hinihikayat niya
ang mga kababaihan sa Pilipinas na palakihin ang mga anak nilang bukas ang isip at
nagmamahal sa tama at sa katarungan.

Sa paggamit niya sa mga tauhan na gaya nina Ibarra, Elias, Tasio, Isagani, Simoun at Padre
Florentino sa Noli at El Fili, napakalinaw na ipinapakita niya na nasa puso dapat ng bawat Pilipino
ang nais na makatulong sa pagpapabuti ng bayan. Masalimuot minsan, tulad ng kinahantungan
nina Elias at Simoun kung kaya’t kailangang magkaroon ng sapat na pang-unawa sa kadilimang
bumabalot sa bayan para malaman kung paano makikita ang liwanag. At makikita rin sa ibang
tauhan ang nananaig na pag-iisip na makasarili at pirmihang takot. Ipinakita niya sa katauhan ni
Dona Victorina at ni Señor Pasta ang kahiya-hiyang ugaling kolonyal nating mga Pilipino. Ipinakita
niya ang kapangyarihan ng lipunang corrupt sa “pagpatay” sa mga pamilyang Pilipino, una sa
pagpatay kay Crispin, sa pagkabaliw ni Sisa at sa pagiging malamya ng paninindigan ni Basilio
na tinagurian ni Simoun na kuntento na sa pagiging alipin.

Lumaban si Rizal sa kaugaliang baluktot kahit na hirap na hirap silang lahat noong panahon niya.
Hindi niya nilisan ang bayan niya. Umalis nga siya para mag-aral ngunit kahit nasa ibang bansa
siya, wala siyang pagod na mag-aral, magsulat at magsalita para sa ikabubuti at ikatutulong niya
sa bayan niya. Sa huli, bumalik siya dito dahil pakiwari nya nandito ang “frontline” ng
pakikipaglaban. Siya na mismo ang unang sumagot sa nilagay niyang makabagbag-damdaming
tanong ni Padre Florentino habang hawak ng pari ang malapit nang mamatay na Simoun.
Sa lahat ng mga sulat, sanaysay, tula at nobela niya, ipinakikita nya na kahiya-hiya ang panatilihin
natin ang pagsamba sa mga dayuhan na wala nang itinirang respeto para sa atin, sa kung sino
tayo at sa lupang sinilangan natin na bumuhay sa atin at sa mga magulang natin. Kung hindi natin
makayanan makita ang mga sarili natin na may karapatang mabuhay ng maginhawa at marangal
sa sariling bayan, mananatili tayong alipin dahil wala nang ibang gagawa nun para sa atin. Hindi
tayo pwedeng umasa na lang parati sa ibang bansa. Kailangang gawin natin para sa sarili natin
ang pwede nating magawa at gawin natin ng maayos. Gamitin ang talino, pagmamahal at
pagtitiyaga sa ganitong mabuti at maayos na paraan. Pag nakita ng ibang bansa na tayo mismo
ay may respeto sa mga sarili natin at ipaglalaban natin ito, makukuha na rin natin ang respeto
nila. Pero kailangan mauna tayo magkaroon ng respeto sa sarili at sa bayan. Lahat ng ito ay
naintindihan niya at tinuro niya sa atin ng walang tulong ng self-help books.

At kung pop culture lang naman and pag-uusapan, bago pa man lumabas ang “Spiderman,”
isinabuhay na ni Rizal ang katagang “With great power comes great responsibility.”

Sa pagbalewala natin kay Jose Rizal at sa mga kagaya niyang walang humpay na nagsakripisyo
para sa isang malayang Pilipinas at sa kapabayaan natin na lumaking hindi marunong kumilala
sa mga nauna sa kanila ang mga kabataan natin, tayo na rin ang sumisira sa sariling kinabukasan
natin. Sapagkat kapag nakayanang lasunin ang puso at isip ng mga kabataan laban sa sarili
nilang bayan, kababayan, pamana ng mga ninuno at ng kanilang pinanggalingan, asahang wasak
na ang bayan na iyon.

Nagsulat si Carmen Guerrero-Nakpil ng isang sanaysay noong ika-12 ng Hunyo noong 1998
tungkol sa kung ano sana ang pwedeng mapatunayan ng mga Pilipino kung sila lang ay mulat at
marunong parangalan ang mga katulad nina Andres Bonifacio, Apolinario Mabini, Emilio
Aguinaldo at Jose Rizal sa pamamagitan ng muling pagtindig ng Republika na tunay na para sa
mga Pilipino, kung saan ang masa ay mayroon halaga. Sa sanaysay, ang apat na bayani ay
nanonood ng mga nakakabaliw na pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan at nagkukulitan sila sa mga
nagawa at hindi nagawa ng isa’t isa. Sa huling parte ay sinabi ni Bonifacio na sana mabigyan ulit
sila ng pagkakataong magsilbi sa bayan upang sa pagkakataong ito ay magawa na nila nang
tama kung ano man ang dapat gawin. Maikli ang sagot ni Rizal ngunit malalim ang pahiwatig ni
Carmen Guerrero-Nakpil: Isang beses lang tayo pwedeng dumaan dito at ngayong tapos na ang
panahon natin at nagawa na natin ang kinailangan nating gawin, ngayon, sila naman dahil
panahon na nila.

Sino ang magtuturo nito sa mga kabataan natin?

Sanggunian:
Rizal ng Bayan. (w.p). Kinuha noong Agosto 06, 2020 mula sa
https://www.facebook.com/Rizal.ng.Bayan/

You might also like