You are on page 1of 2

Sosyedad at Literatura

“MGA AGOS SA DISYERTO”


nina Abueg, et al.
Reaksyong papel

Ang mga maiikling kwento sa Mga Agos sa Disyerto ay inakda nina Efren Abueg,
Dominador Mirasol, Rogelio Ordoñez, Edgardo Reyes at Rogelio Sikat. Ang layunin ng mga
manunulat ay ang magbukas ng bagong yugto ng panitikang Pilipino na nakabatay sa totoong
kalagayan ng nakararami sa lipunan - ang mga manggagawa, magsasaka, maralita,
kababaihan at kabataan.

Pinaksa nila sa kanilang mga akda ang buhay ng karaniwang tao, lalo na ang mga
manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan, at kabataan. Sa usapin ng uring
manggagawa, nariyan ang mga kwentong "Mga Aso sa Lagarian" at "Makina" ni Dominador
Mirasol, "Dugo ni Juan Lazaro" at "Buhawi" ni Rogelio Ordoñez, at “Daang Bakal” ni
Edgardo M. Reyes. Sa paksa ng magsasaka, nariyan ang kwentong "Tata Selo" ni Rogelio
Sikat, "Lugmok na ang Nayon" ni Edgardo Reyes, at "Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya"
ni Rogelio Ordoñez. Sa paksang maralita, nariyan ang "Impeng Negro" ni Rogelio Sikat, na
siyang una kong nabasa nang ako'y nasa high school pa. Sa usaping kababaihan, nariyan ang
"Ang Lungsod ay Isang Dagat" ni Efren Abueg, "Isang Ina sa Panahon ng Trahedya" ni
Dominador Mirasol, at "Ang Gilingang-Bato" ni Edgardo Reyes. At sa usaping kabataan ay
ang "Mabangis na Lungsod" ni Efren Abueg at "Di Maabot ng Kawalang Malay" ni Edgardo
Reyes.

Batay sa mga totoong pangyayari at may mabisang paglalarawan ng tunggalian ng uri, ang
mga akda sa aklat na Mga Agos sa Disyerto ay sadyang taga sa panahon, mga paglalarawan
ng mga pangyayaring hanggang ngayon ay umiiral pa, lalo na ang kahirapan at pagmamalupit
ng mga kapitalista sa mga manggagawa. Gayunpaman, bagamat mabisa ang mga
paglalarawan, kulang upang kumbinsihin ang mambabasa upang baguhin nila ang api nilang
kalagayan, baguhin ang bulok na sistema, baguhin ang mapagsamantalang lipunan. Marahil,
hindi sakop ng panitikan ang ideyolohikal na pakikibaka. Ngunit may pangangailangang
gamitin ang panitikan upang ilarawan ang masahol na kalagayan ng mahihirap sa ilalim ng
kapitalistang sistema, at kasabay nito’y makapangumbinsi at manawagan ang panitikan ng
pagwasak sa pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon dahil ito ang ugat ng
kahirapan, paksain kahit pampulitikang ekonomya, kung bakit sosyalismo at di unyonismo
Sosyedad at Literatura
ang landas ng paglaya, bakit walang dapat magmay-ari ng lupa’t pabrika, bakit kailangan ng
sosyalistang rebolusyon, atbp.

Ito ang kailangan ngayon ng bayan upang makatulong sa pagmumulat tungo sa sosyalismo.
Mula sa Mga Agos sa Disyerto ay durugtungan natin ito ng mga kwentong magmumulat sa
masa patungo sa ating sosyalistang adhikain.

Sa panahong disyerto pa ang panitikan, unti-unti natin itong tatamnan at didiligan upang
maging lupaing masasaka, na mapapayabong ang mga tanim upang balang araw ay maani
natin ang isang totoong lipunang makatao. Hanggang sa ito’y di na disyerto kundi isa nang
lupaing sagana dahil wala nang panginoong maylupa't kapitalistang nag-aangkin ng likas
yaman at huhuthot sa lakas-paggawa ng manggagawa. At sinisimulan na ito ngayon.

You might also like