You are on page 1of 9

UNANG BINYAG

Ni Homer a.k.a. Ernie Yang

Walang mabuong tutule sa nakabibinging ingay ng mga makina rito sa pabrika.


Mga makinang walang pagod sa pagbuo ng mga aksesoryang pangsasakyan.
Napakabilis ng oras. Hindi ko pa nasusungkit ang mga tingang nagsabit sa
ngipin ko, ala-una na. Pero nakatanga pa rin ako, iniisip ko pa ang tanghaliang
kinain ko sa karinderya. Panay ang mura ng tiyan ko sa lutong lasa ni Aling
Kulasa. Wala naman akong ibang puwedeng kainan nang utang kundi sa kanya
lang. Mahirap magtrabaho nang nanghihina. Malakas makapagod. Ang nanay
naman kasi, kung bakit nakikiuso rin lang, sa sakit pa. Hinawahan pa ako.
Kailangan ko talaga ng pera kaya kahit kagagaling ko lang sa sakit at nanlalata,
kumayod pa rin ako.

Paano ang gagawin ko, kailangan ang gamot ni Inay? Mga singkong bulaklak
lang ang laman ng bulsa ko. Kailangan ko talagang makabale. Pero, nakaiinis!
Makipag-usap ka nang matino para bumale, gagaguhin ka. Sesermunan kang
kesyo panay raw ang bale. Pero wala naman palang ibibigay na pera. Sermon
lang. Hindi raw nila obligasyon ang magpabale. Magnakaw ka naman, sasabihin
kriminal ka. Masama ka.

“Magaling! Hindi ka binabayaran dito para tumanga!”

Nagulat ako sa boses na kilalang-kilala ko. Boses na laging galit ng amo ko, si
Pogi. Siya ang pinakamagandang lalaki sa amin kapag araw ng suweldo, kahit
panot na ang kanyang ulo. Gaano katagal na ba akong nag-iisip? Hindi ko na
tuloy namalayang hindi pa pala umaandar ang motor ng tornong hinahawakan
ko.

“E… pa-pasensiya na ho kayo, Hindi na ho mauulit.”

Iyon lang ang salitang lumabas sa labi ko, sabay kamot sa aking hindi naman
kumakating ulo.

“Tarantadong ‘to, ulitin mo ‘yan… tatanggalin na kita!” At sinabayan niya ng


talikod na iiling-iling. Iiling-iling din ako dahil wala akong magawa. Binuhay ko na
lang ang motor ng torno.

Nang wala na si Pogi, nilapitan ako ni Mang Andoy na tornero ring tulad ko.
Halos ay magkatabi lamang ang aming puwesto. Siya ang pinakamatagal at
pinakaantik na sa pabrika. Siya ang nagturo sa aking magtorno.

“Nadale ka ni Pogi, ha?” Walanghiya talaga ‘yan, laging nakamura. Laging mainit
ang ulo.”

“Okey lang” sabi ko. “Masyado kasi akong nalibang sa pag-iisip, e.”
“Ang hirap sa ‘yo, masyado kang malamig. Kinikuyom mo ang nasa loob mo.
Hindi naman tama iyong mumurahin ka pa,” ang malakas-boses niyang sagot sa
akin, habang nararamdaman ko sa aking leeg at bisig ang mainit pang tilamsik
ng kanyang laway. Hindi na ako kumibo para huwag nang humaba ang usapan
namin. Pinasadahan ko ng talim ang tubong nakasubo sa tsak ng torno.

Sabay sa mabilis na ikot ng tsak, umikot rin ang takbo ng utak ko. Naisip ko ang
katayuan naming manggagawa. Sa munting pagkakamali ay minumura,
hinahamak; ginigising ang kahihiyang itinatago na namin sa ilalim ng aming puro
kalyong talampakan. Doon madalas paglambingan ng galit si Mang Andoy.

Si Mang Andoy ang pinakatatay at lolo namin sa pabrika. Puro pileges na ang
kanyang butuhang mukha. Dimpols daw iyon, sabi niya. Kulay puti at abo ang
kanyang buhok na parang brutsang ginamit ng mga metro eyd sa pagpipinta ng
kalburo sa mga pader, bulok na ang lilimang ngipin niyang naninilaw sa itaas na
itinakwil na ni Eric Baines. Mabait sa akin si Mang Andoy. Siya ang takbuhan ko
sa lahat ng bagay. Sa mga problema ko sa pabrika hanggang sa nagdidiliryo
kong bulsa’y lagi ko siyang karamay. Para ko na rin siyang tatay. Madalas niya
tuloy akong biruin – ‘ampunin na kaya kita. Puwede, sabi ko, kung papayag
siyang isama ko si Nanay at dalawang kapatid kong tumataob ang kaldero kapag
kumakain. Bakit hindi raw ako mag-aral, minsa’y nasabi niya sa akin; na sinagot
ko naman ng hampas sabay baligtad ng aking dalawang butas na bulsa. Natawa
siya. Natawa rin ako noon dahil namintana sa kanyang maitim na nguso ‘yung
lilimang ngipin niyang naninilaw. Matapang si Mang Andoy kahit patpatin ang
kanyang kaha. Siya lang ang malakas ang loob na sumasagot sa amo namin
kapag napapagalitan. Katulad ko rin si Mang Andoy na maraming hinanakit sa
mga amo ng pabrika. Kaya lang, nagtitiis na rin siya. Alam niya na sa eded
niyang iyon ay wala nang iba pang kukuha sa kanya para magtrabaho.
Nakamuhon sa utak ko ang madalas niyang sabihin: ‘Ayokong maparis ka sa
akin. Matanda na ay ******** pa. Ayokong danasin mo ang mga hirap na tinitiis
ko. Ang maging parang bilanggo nitong pabrika dahil sa edad.’

Si Mang Andoy, natatandaan ko pa isang araw, oras ng trabaho, sumabit ang


mahabang tubong nakaipit sa umiikot na tsak ng kanyang torno. Humampas iyon
sa braso niya. Bali ang kanyang mga buto, naging dalawa ang kanyang siko.
Nadaig ng kanyang daing ang maingay na ugong ng mga makina. Nagkagulo
kaming manggagawa sa pagsalo sa kanya. Dumating si Pogi na hindi awa kundi
galit ang nasa mukha. Galit kay Mang Andoy na maputla’t halos ay wala nang
malay. Minura ko noon nang katakut-takot si Pogi. Hindi nga lang lumabas sa
dila ko. ******-ina, sino ba ang gustong masaktan at madisgrasya? Sino ba ang
gustong magutom ang pamilya? Wala naman kaming sik lib na makababawas sa
kanyang bulsa. Ano ang ipinagpuputok ng butse niya? Suwitik talaga. Nang
lumabas buhat sa ortopedik hospital si Mang Andoy, matapos ang kulang na
isang buwan dahil sa pagkakaopera, siningil ni Pogi ang nagastos niya. Inawas
nang unti-unti sa maliit nang kita ni Mang Andoy. Kawawang Mang Andoy!
Nadisgrasya na, nagkautang pa! Nagreklamo si Mang Andoy sa Lebor. Naayos
naman ang kaso. Nakuha sa mabuting usapan at nagkapalagayang-loob si Pogi
at ilang buwisit na tauhan ng Lebor.

Pumalakpak ang aking tenga nang mamuno si Mang Andoy at itatatg niya ang
unyon sa pabrika. Pakiramdam ko’y bumaba ang langit at nakipagsaya sa amin
ang mga anghel. Akala ko’y matatapos na ang paghihirap ng kalooban naming
lahat, lalo na si Mang Andoy. Akala ko’y mauubos na ang aming mga buntung-
hininga, ang aming sama-samang buntung-hininga pero hindi pa pala. Ayaw
kilalanin ng kumpanya ang unyon. Ayaw pakinggan ang aming mga problema.
Kayhirap talaga ng maging mahirap, walang pinag-aralan. Alam namin ang
tamang katwiran pero ayaw naman kaming pakinggan. Lalo pa kaming
hinihigpitan. Lalo pa kaming pinag-iinitan.

Nagpayl ng notis sa Lebor si Mang Andoy para makapagwelga. Pero nagngitngit


ang loob niya sa tagal daw ng ipaghihintay namin. Puro ******-ina ang naririnig ko
sa bunganga niya. Galit na galit sa tatlumpung araw na palugit na ibinibigay ng
Lebor. Sabi niya, tiyak daw na paghahandaan ng mga hayupak na amo namin
ang aming gagawing pagwewelga. Doon ako madalas kabahan. Kapag naiisip ko
na ang araw na iyon, nangangatog na ang mga tuhod ko.
Ako raw ang problema ni Mang Andoy sa aming magkakasama. Masyado raw
akong malamig. Iyon ang madalas kong marinig na sinasabi niya sa akin.
Malamig. Duwag. Iyan din ang madalas kong tinatanong sa aking sarili. Sa tulad
kong walang natapos, mahirap ang humanap ng trabaho. Hindi raw ako
puwedeng dyanitor dahil wala naman akong diplomang ipapakita na tapos ako
ng komersiyo o iba pang kurso sa kolehiyo. Hayupak talagang buhay ‘to!
Kailangan pala ngayo’y digri holder ang isang tagalinis lang ng kubeta. Mahirap
ipakipagsapalaran ang mga umaasang sikmura ni Inay, nina Totoy at Nene.
Ayokong matulad sa akin si Totoy, gusto kong makatapos siya ng kaleyds.
Ayokong maging **** ang aming bunsong si Nene, ang siya’y maging isang
“Nena” tulad ng marami pang ibang “Nena”. Minsan nang kinatakutan ko at
ayoko nang maulit pa ang isang gabi ng pag-iyak ni Nene habang sapo ang
humahapding sikmura, ang pagkabalisa ni Totoy na nagugutom, ang di
pagkatulog ni Inay na may sakit sa pag-iisip kung kanino mamalimos ng awa,
habang ang malalakas na halakhakan ng mga bisita ng aming kapitbahay na
mayaman ay nangingibabaw sa tugtog ng maharot na disko. Takot na ako sa
sobrang hirap at gutom.

Lumaki akong ang pagkatao ay iginapos na yata sa kahirapan, kapos sa lahat ng


bagay. Naalala ko pa noong maliit pa ako, sa ilang dangkal na dating kulungan
ng bulugan ng aming kasera na diningdingan ng pinagtagpi-tagping kahon ng
gatas at sabon, ay natuto akong mangarap. Marami akong inipong pangarap na
hindi puwedeng ihulog sa alkansiya at ipanggastos pagkatapos. Mga pangarap
na kung tatanggapin lamang sa banko’y sapat na para ako’y maging bilyonaryo.
Mabibili ang lahat ng gusto ko. Mga pangarap na siguro’y epekto na rin ng
madalas kong pagkalipas ng gutom, ng madalas kong pagkahibang. Tulad
ngayon.

Nag-aral naman ako pero natigil. Hindi ko natapos ang ikatlong grado sa pablik
hay iskul, hindi na kaya ng nanay kong naging masakitin. (Sino ba naman ang
hindi magkakasakit sa ganoong takbo ng pamumuhay, hindi pa man nakukuhang
maghilamos ng araw sa langit, batya at palupalo na ang almusal ni nanay; hindi
pa nailalatag ang banig ng buwan, plantsa at kabayo na ang kanyang
karomansa.) Ang tatay naman, aapat na taon pa lamang ako nang magsimba
nang nakahiga at may pasak ng bulak sa ilong. May naiwan namang pamana si
Itay. Isang kasulatang nagpapatunay na may utang siya kay Aling Idad, isang
usurerang nagpapapayb-siks. Natatandaan ko pa nang ipakita iyon ni Aling Idad
kay Inay sa harap ng mga naglalamay sa unang gabi na nakaburol si Itay.
Napunding bigla ang bombilya ng aking pag-asa. Lumipad ang pangarap kong
makatuntong ng kaleyds at kumuha ng karera. Pero hindi nagtagal, nakakuha rin
naman ako, kubrador nga lang sa karera. Iyon ang pansamantalang naitulong ko
kay Inay, ang kinikita ko sa pangungubra. Hanggang sa sinuwerte ako (o mas
eksakto yata ang minalas), napasok ako rito sa pabrika.

Isang tapik sa balikat ang nagpahinto sa tumatakbong isip ko. Tapik ni Mang
Andoy.

“Baka wala ka na naman mam’yang gabi sa miting. Siguraduhin mo lang na


darating ka. May bisita tayong mga estudyanteng taga U.P. Aayusin daw ang
gagawin nating pagwewelga.”

Pinatay ko muna ang swits ng torno.

“Darating ho ako,” paniniyak ko.

Bumalik na sa kanyang puwesto si Mang Andoy. Binuhay kong muli ang swits ng
torno. Sabay ng pag-andar ng makina, umandar muli ang isip ko. Iniisip ko kung
pupunta ako sa miting mamaya, pero nakasagot na ako kay Mang Andoy. Isa pa,
naroroon uli ‘yong mga estudyanteng taga U.P. Buti pa sila, mga totoong tao,
pinakikialaman ang mga problema namin. Sila ang pumapanday sa kaisipan
namin. Pero ang mga hayup-hayupang amo namin, kinukulit na namin sa
kadaraing, wala pa ring mangyari. Nalagay sa diyaryo na mayroong tertin mant
pay, may alawans, hiningi namin sa amo ko. Ang sagot ng amo ko, bakit daw
hindi kami sa diyaryo humingi. Petsa lang daw ang totoo sa diyaryo.

Makalaglag tutule talaga ang ingay ng mga makina sa pabrika. Sabi ko nga sa
sarili ko, masuwerte ako at iba pang katulad kong manggagawa ng aksesoryang
pansasakyan sa pabrikang ito, buhay pa ay tinutugtog na ang punebre sa oras
ng aming libing. Sa sandaling may bulak na sa aming ilong tiyak na hindi na
namin maririnig ang musikang (?) ito. Marumi ang hanging may kasamang
alikabok at mga pinung-pinong metal na nanggagaling sa nilikha’t minulyong
isteynles at bakal, na sa tuwing manunulay sa sinag ng araw na nagbubuhat sa
luma na’t butas na galbanisadong bubong ay kumikislap-kislap na parang mga
bubog habang inililipad ito ng hangin. Kailangan pa ang pinakapal na katsang
pantakip sa nasarat na naming ilong upang kahit paano ay masala ang
maruming hangin na aming nalalanghap. Tuwina, matapos ang maghapong
paggawa ay natuyong kulangot ang binubutingting ng aming malilikot na daliri sa
butas ng aming ilong. Sayang, kung may bumibili lamang ng kulangot, tiyak
mayaman na rin kami.

Napakainit sa loob ng pabrika, naalala ko pa isang umaga ang mga pukpok ng


martilyo ni Mang Andoy nang minsang pumapel na karpintero. Tinanong ko siya
na may kasamang pag-uusisa kung bakit niya tinatakpan ng playwud ang mga
bintana. Utos daw ng matanda, ni Pogi. Nagrereklamo raw ang mga katabing
bahay (ang pabrika ay nakatayo sa isang residensiyal na sabdibisyon) sa
maruming hanging lumalabas sa mga bintana. Mapanganib daw ito sa
kalusugan, kaya pinatatakpan sa kanya ng playwud. Halata ko noon sa kanyang
mga mata ang pagtutol ngunit wala na nga lang magawa kundi ang sumunod sa
utos ni Pogi. Nang hindi pa tinatakpan ng playwud ang mga bintana ay malayang
nakapaglalabas-masok ang hangin buhat sa labas. Ngayon, bukod sa dumilim
na ay wala pang labasan ang maruming hangin sa loob ng pabrika. Ang
pakiramdam ko sa sarili ko’y pandesal akong hinurno sa pugon. Hindi rin kami
naiiba sa mga presong ikinulong sa isang bartolina. Ang pagtakip na iyon sa mga
bintana ay dagdag pang parusa sa aming mga manggagawa. Naging mistulang
impiyerno sa init ang loob ng pabrika, minsan nga ay nagbabakasakali akong
makakita rito ng demonyo, pero ang madalas kong makita ay ang mukha ng amo
ko, si Pogi. Impiyerno talaga sa init ang loob ng pabrika. Marahil, ang arkitektong
nagplano ng gusaling ito ay may ambisyon ding maging panadero. Biro ko sa
mga kasama kong manggagawa ay magbaon sila ng itlog na sariwa at tiyak
pagsapit ng tanghalian mayroon na silang itlog na nilaga.

Ang magkasamang init, maruming hangin at alikabok, at ang nakabibinging ingay


ang ilan sa mga berdugo ni kamatayang unti-unting humihila sa amin sa hukay.
Kinutuban tuloy akong gustong magnegosyo ni Pogi ng punerarya. Kay-hirap
talaga ng buhay ng isang manggagawa, sa nagpuputik naming katawan ay iilan
lamang ang humahanga, sila iyong mga bibig na umaasa sa kakarampot naming
kinikita. Sila iyong mga asa-asawa, anak, nanay, at tatay namin. Sa dami ng
alikabok na bumalot at naging libag sa pawisan naming mga katawan, kung
hihilurin at pagsasamahin ay sapat nang ipantambak sa mga hukay ngayon ng
kalsada.

Marami kaming hinanakit sa mga amo ng pabrika. Sa kanilang madalas na


panggagago sa aming mga manggagawa. Mangatwiran ka ng alam mong tama,
mali ka pa rin sa kanila. Ibig nilang palitawing hindi sila puwedeng magkamali, na
mga **** kaming manggagawa lamang na dapat sumunod sa bawat naisin nila.
Magreklamo ka naman, pag-iinitan ka. Katakut-takot na mura ang isasaksak sa
iyong tenga.
“Ikaw na ******-ina mo, e, naghahanap talaga ng sakit sa katawan.”

Napaangat ang namamanhid nang puwit ko sa pagkakaupo. Patay na naman.


Yari na naman sa amo ko. (Ganoon naman talaga ang mga amo rito. Puro
salaula ang bibig. Puro mabaho sa tenga ang mga sinasabi.) Si Temyong palang
kasamahan ko na sepilyador ang nahuli at hindi ako na nakatunganga. Nahuli ni
Kamandag (siya ang anak ni Pogi na isang karatista at sadista, na pantsing bag
ang tingin sa aming mga katawang hindi naman pangromansa) si Temyong na
may supalpal na sigarilyo. Bawal sa amin ang manigarilyo kapag oras ng
trabaho, pero galing naman sa mabahong kubeta iyong tao at nanabe. Nakita ko
pa nga siya kanina, hindi ko lang pinanpansin dahil abala ako sa pag-iisip. Naku,
Temyong, mag-ama namin ka na! Nakita ko sa porma ni Kamandag ang bangis
habang mabilis na lumalapit kay Temyong. Para namang ibinabad sa suka ang
namumutlang si Temyong. Parang isang dagang nakorner, nakapinta sa
kanyang mukha ang malaking takot. Dinampot ni Kamandag ang maigsi nang
sigarilyong Peak na itinapon ni Temyong.
“E, kung ipakain ko ngayon sa iyo ‘to. Nganga!”

Hindi tumitinag si Temyong, nakayuko ang ulo. Para itong rebultong bato sa
pagkakatayo habang akmang isusupalpal ni Kamandag ang maigsi nang
sigarilyo. Nakabitin ang paghinga ko. Umurong sa nerbiyos ang kuyukot ko.
Nang hindi tumitinag si Temyong, isang kadyot sa sikmura ang nagpangiwi sa
kanyang namumutlang mukha.
“Minsan pang mahuli kita, hayup ka, gagawin kong tatlo ang butas ng ilong mo!”,
sabay hugot sa kuwarenta’y singko na laging nakasukbit sa kanyang baywang.
Nakikiramdam kung papalag si Temyong. T*nga si Temyong pero hindi g*go
para lumaban nang sandaling iyon.

Nang paalis na si Kamandag kunwari’y nagtatrabaho ako. Delikadong makita


niya na nakatunganga ako sa kanila. Ayoko pang mabudburan ng pasa ang
katawan ko. Nakatalikod na si Kamandag at papalabas na sa may pinto nang
muling maglagalag ang utak ko. Lintik na isip ‘to, napakalayas.

Alam ko, magdedemanda si Temyong. Pero wala ring mangyayari riyan. Tulad ni
Eseng. Iyong dating may hawak nitong torno ko. Iyong pinalitan ko, mas masahol
pa riyan ang nangyari. Talagang binudburan ng pasa ang katawan nang
mahuling nagpapahinga sa oras ng trabaho. Nang magdemanda si Eseng,
nagkaroon naman ng unang hiring sa piskalya pero wala nang sumunod pa.
Wala na rin si Eseng sa pabrika. Permanente na ang kanyang pahinga.

“Ano ba! Alas-singko na, a. Hindi ka pa uuwi?”

Natsapter na naman ang mga iniisip ko sa sigaw na iyon ni Mang Andoy. Muli,
pinindot ko ang swits para tumigil ang motor ng torno. Nagpunas ako ng mga
kamay sa nakasabit na marumi na ring basahang kamiseta. Humarap ako sa
basag nang salamin para ayusin ang nagulong buhok ko. Huminto na ang
nakakukunsuming mga ingay. Pansamantalang natahimik ang mga tutule ko.
Habang nasa pila at naghihintay para pumindot sa bandiklak, nakita ko si
Simang sa may geyt. Si Simang (pinaiksi naming simangot) ay ang anak na
babae ni Pogi. Magbuhat nang mapasok ako sa pabrika ay iisang beses ko pa
lamang siyang nakitang tumawa, noong mapatid ako at madapa dahil sa
pagmamadali kong mahabol siya para bumale. Maganda si Simang, mestisahin,
tipong artista ang kanyang porma. Mamula-mula ang kanyang buhok dahil sa
pagkakaluto sa gamot, matangos na ang dating pango niyang ilong, maputi at
makinis na ang dating katulad lang namin niyang balat. Pero mabaho at malakas
pa rin ang kanyang utot. Hindi puwedeng takpan ng makapal niyang mek-ap ang
tunay niyang mukha. Ang pangit niyang ugali ay hindi kailanman maitatago ng
peyk niyang kagandahang panlabas. Ang tingin niya sa aming manggagawa ay
mga tsimoy, mga hindi gagawa ng mabuti, laging nakasigaw kapag nag-uutos,
parang titili nang titili.

“Isa-isa lang. Huwag kayong mag-unahan sa pila”, bati sa amin ni Sikyong


guardiyang gustong magpalapad ng papel kay Simang. Lalong pinaghusay ang
pagkapkap sa amin, sa dibdib, sa beywang, sa aming bulsa. Minsan nga iyong
basa sa pawis naming itlog ang kanyang nakakapa. Akala ko’y pipilitin pa kaming
ilabas ‘yon.

Umentra si Simang, binulyawan si Sikyong guardiya.

“Ano ka ba Sikyo! ‘Yang mga bag nila, bubuksan mo. Huwag kang *******-***** at
baka kung anu-ano ang nakasingit diyan!”

Nagkatinginan kaming mga nasa pila. Ang hagupit niyang ginawa kay Sikyo ay
sa amin lumatay! Gusto kong magsisigaw, gusto kong magwala, gusto kong
sabihin sa kanya, kayo ang mandurugas at hindi kami. Kayo, ang mga tulad
ninyo ang nagnanakaw ng dignidad ng manggagawa. Pero walang nabuong
salita ang napiping dila ko.
Araw ng aming welga. Mainit ang sikat ng araw na pumapaso sa aming mga
balat. Doon sa labas, nagkatipon-tipon kaming hawak ang mga plakard. Nadoble
ang bilang ng mga guardiya. Nakabilad kami sa mainit na sikat ng araw.
Tumatagatak ang pawis sa nagbubulas naming katawan. Nangingintab an
gaming mga mukha. Hawak ko ang isang plakard. Hawak ni Temyong ang isang
dulo ng istrimer. Si Mang Andoy naman, parang hilong pagala-gala. Panay ang
hithit sa sigarilyo. Lakad. Balik. Lakad. Balik. Alalang-alala. Parang iniisip na
baka manganak pa ang kanyang lola. Ako naming si ***** sunod ng sunod sa
kanya. Hindi ko alam, wala na pala ako sa linya. Magkahawak ang kamay ng iba
kong kasama. Binarahan ng aming mga pagod at humihingal na katawan ang
geyt ng pabrika. Kailangang walang makapasok sa mga iskirol. Matapang na raw
ako sabi ni Mang Andoy, pinatapang na raw ako ng panggagago ng mga amo
ko. Tinanong ko naman ang sarili ko, pumiyok at nanginig bigla ang mga tuhod
ko. Ang totoo’y pinalakas lamang ang loob ko ng aming pagkakaisa at ng hindi
ko na pag-inom ng kape.
Nagtalumpati si Mang Andoy. Napatingin kaming lahat sa kanya. Magaling
siyang magsalita. Bilib talaga ako sa kanya. Kahit greyd siks lang ang natapos
niya ay kayang pataubin sa pagtatalumpati ang ilang pulitiko na kadalasa’y hindi
nagsasabi ng totoo. Puro pambobola lang at kumumpas-kumpas ang alam. Si
Mang Andoy, kahit na sumasabog ang laway pag nagsasalita, buong-buo
naming pumapasok sa utak naming ang bawat letrang kanyang sinasabi. Kulang
na nga lang pati ‘yung laway niya’y ipasok din namin sa aming kukote. Nagsalita
din ‘yung mga estudyanteng taga-U.P., namigay pa ng mga polyeto. Una’y hindi
ko sila maintindihan, gusto ko ngang bitiwan ‘yung plakard na hawak ko dahil sa
init sa pag kakabilad namin sa araw. Pero nang matagal na, nakuha ko na ang
ibig nilang palabasin. Tungkol pala sa mga problema naming ang tinutumbok ng
mga salita nila. Kesyo hindi raw ayos ‘yung wala kaming sik lib, tertin mant pey,
alawans at saka ‘yung sobrang init at dumi ng hangin sa loob ng pabrika.
Natutuwa ako sa kanila, hindi naman nila nararanasan ‘yung nangyayari sa amin
pero nag-aalala sila. Hindi katulad ng mga hayupak na amo ko, ayun ang mga
hayup-hayupan at ngingisi-ngisi lang. (Natatanaw ko sila sa di kalayuan sa may
pinto ng upisina sa loob ng kompawnd.) Nakapamewang pa si Pogi at
pinaglalaro ang sigarilyo sa kanyang bibig. Si Simang naman, nakatingin lang sa
amin at panay ang bras doon sa mamula-mula niyang buhok na niluto lang
naman sa gamot. Si Kamandag ay napansin kong doon nakatingin sa tindahan ni
Aling Kulasa, sa mga matong nag-iinuman ng isteynles (bansag naming sa dyin).
Mapupula na ang kanilang mga mata at parang bilasang isda na ang mga mata.
Makukulit na. Pinagtatawanan din ang aming ginagawa. Ang sarap
pagbabatukan pero baka naman gumanti at lumpuhin ako, pinabayaan ko lang.

Tumatagatak na ang pawis ko, sari-saring amoy na ng kilikili ang nasisinghot ko


nang biglang magkagulo. May nagdatingan mga iskirol. Galit kami sa iskab. Sila
ang buwisit sa buhay namin. Nagpipilit silang pumasok sa loob ng kompawnd.

Pilit binibuwag ang aming linya ng mga guwardiyang alipin ng maimiso ni Pogi.
Namalo na ang mga guwardiya. Naglapitan na rin ang mga matong alipin pala ng
bulasa ni Kamandag. Nakihalo na sa pagkakagulo namin. Nambanat na ang mga
hayupak na maton. Nagtatakbo na ako. Nagsiksik ako sa ilalim ng mesang
kainan ni Aling Kulasa. Nangangatog ang baba ko at nanginginig pati tuhod ko.
Nakita kong duguan ang nguso ni Temyong, sabog sa pagkakasapak ng isang
maton. Putragis, bakit ba ako nagsisiksik dito? Sugod! Sigaw ng utak ko pero
ayaw naman ng tuhod ko. Kaya sinunod ko yong tuhod ko.

Isang putok ng baril ang narinig ko, na sinundan ng isa pa… at isa pa. Lalong
hindi ako nakakilos. Lalong nag-umpugan ang mga tuhod ko. Isang duguang
ktawan ang nakita kong bumagsak sa pagtakbo ng mga maton. Isang kumikislap
nab aril ang napansin kong hawak ng isa sa kanila. Pinukol ko ng tingin ang
duguang katawan. Si Mang Andoy!

Grabe ang kanyang tama. Dumaraing. Parang agaw-buhay. Nasisigaw ako.


Hindi ko na matandaan kung gaano kabilis ang ginawa kong paglapit sa kanya.
Binuhat ko ang patpatin niyang katawan, ang kanyang naglilibang na katawang
salat sa karangyaan na ngayo’y puno ng kanyang mapulang dugo. May dugong
umagos sa aking nanginginig na katawan. Itinaas ko nang bahagya ang kanyang
ulo. Maputla na ang kanyang butuhang mukha. Kinakapos na ang kanyang
paghinga. Hirap at nanginginig, pilit na ibinuka ang kanyang bibig.

“B-Boy…It…Ituloy n’yo…”

Tinitigan niya ako. Mariing pinisil ng kanyang labas-ugat na kamay ang kaliwang
balikat ko. Tumango ako. May nalaglag na luha mula sa aking nanlalabong mga
mata. Gusto kong sabihin sa kanya na matapang na ako. Hindi na ako duwag.
Hindi na tayo paapi. Hindi na paapi ang mga manggagawa. Pero hindi na niya
ako maririnig. Bingi na ang kanyang tenga. Tikom na ang kanyang bibig. Pikit na
ang kanyang mga mata. Wala na ang kinakapos na paghinga.
Wala na si Mang Andoy. Tulad ni Itay, nawala siya sa panahong kailangang-
kailangan ko siya. Namatay siyang kasama ang prinsipyong pilit niyang
binubuhay, pinag-aapoy sa damdamin ng bawat kasamang manggagawa.
Sumisigaw ang kanyang dugo sa paghingi ng ipinagkait na karapatan. Mga
sigaw na sinisipsip at nilamon lamang ng malamig at kongkretong kalye.

Ipinatong ko ang duguan at wala nang buhay niyang katawan sa ibabaw ng


mesang kanina’y pinagsisiksikan ng aking kumakatog na katawan. Hindi ko
mapigil ang galit na naghuhumiyaw sa katauhan ko. Hindi ko masikmura ang
kahayupang ginawa nila kay Mang Andoy. Sagad hanggang buto ang kirot ng
kaapihang nararamdaman ko. May apoy na nagliliyab sa buong katawan ko.
Napatitig ako sa dugong pumuno sa suot kong damit. Kulay pula na ang dati’y
puti kong kamiseta.

You might also like