You are on page 1of 6

ANG DALAGINDING

Inigo Ed. Regalado

Kahambing ng isang bagong bumubukad na kampupot, na sa halik ng hamog at ngiti ng


araw ay lalong naghahalimuyak ng iniwing bango, si Ireneng taga Libis ay nagiging hantungan ng
pagkalugod at paghanga ng kaniyang mga kanayon.
Ineng, ang malambing at magiliw na palayaw sa kaniya.
Gaya ng lahat ng mabait na anak na laki sa kahirapan, si Ineng ay tumutulong sa
magulang sa lahat ng gawain sa pamamahay at gayon din naman sa ano pa mang pagsisikap ng
kaniyang irog na ina na maaaring pagkakitaan ng salapi upang kahit paano’y makatulong sa
pinaghahanapbuhayan ng ama.
Sa isang maliit na dampang nakatayo sa may tabi ng munting ilog na tinatakbuhan ng
malinis at malinaw na tubig nakatira sina Irene. Ang maliit na dampang yaon ay nalilibiran ng
isang bakurang sa loob ay may mga sarisaring pananim na sa isang maayos na panulukan ay
may malalagong sampagita na dahil sa kagaanan di-umano ng kamay na nag-aalaga ay
kinapipitasan ng masaganang bulaklak. Ang bila-bilaong napupupol ni Irene ay matiyagang
tinutuhog, ginagawang kuwintas, nilalagyan ng palawit na kundi dahon ng malbarosa ay
sariwang bulaklak ng ilang-ilang at pagkatapos ay nagtutungo sa kabayanan at inilalako ang
kaniyang mga tinuhog.
Kung panahon ng bulaklakan ay nakikilala si Irene sa tawag na “Ang Magsasampagita.”
Noo’y nasa katamtamang gulang na si Ineng wika nga sa mga nayon ay “pinamimitakan
nan g araw.” Ang gulang na iyan ay lalong kilala sa tawag na “dalaginding” n gating matatanda.
Kung bagaman hindi gaanong kagandahan, si Ineng ay kinagigiliwan namang lubos, palibhasa’y
nakatatawag ng loob sa lahat ang pungay ng kaniyang mata, ang kulay na kayumangging
kaligatan, ang magandang tabas ng mukha, na sa bilugang pisngi’y may biloy na sa kaniyang
pagngiti’y binubukalan mandin ng pag-ibig, ang malagong buhok na sa karaniwang pusod na
pahulog sa batok, na sa kinis ay nakikipag-agawan sa nagmamaniblang na manga, saka ang mga
labi’t ngiping nagkakatugunan sa pag-aalay ng luwalhati’t pangarap.
Kung napasasa-bayan si Ineng ay baon ang buong pagtitiwala ng ina. Para sa mabait na
matanda, bukod sa kabaitang katutubo sa anak, ay isa pa lamang siyang walang malay sa takbo
ng panahon. Ang dalaginding naman ay sadyang wala pang malay sa mga likaw-likaw na
suliranin ng puso.
Kapag umuuwi si Ineng ay gayon na lamang ang pagkakatuwa ng mag-ina, pagkat ang
maraming kuwintas na kaniyang tinuhog ay naipagbiling lahat at nagiging piso kung minsan at
kung minsan ay nagiging tatlong salapi pa. Sa gayon nang gayon ay mag-ina ay nakaiipon nang
hindi nalalaman ng naghahanapbuhay na lalaki, kaya’t nitong mga huling araw, si Ineng ay
nagiging maayos sa pagtungo sa bayan, palibhasa’y sinikap na maibili ng mga bagong damit.
Kung ang malinis na suot ni Ineng ay nahihiyasan pa ng magkaugnay na kulay na tapis at
panyong isinasalampay sa bilugang batok, lalo siyang nagiging maganda’t lalong kinagigiliwan
ng kanyang mga suki.
Hindi nalalaman ni Ineng na may isang binatang tagabayan na sa kaniya’y humahanga’t
nangangarap.
Isang araw ay tuwang-tuwang umuuwi si Irene. Babahagya pa lamang nakapapasok ng
bayan ay ubos na ang sampagitang kaniyang lako. Mangyari pa nga bang di sa madaling
pagbabalik ng anak ay mapapataka ang ina.
“Bakit kay dali-dali mo?” ang may pananabik na tanong.
Si Ineng ay napangiti.
“Bukas, Inang, ay tulungan mo ako sa pagtutuhog,” ang nakatawang tugon ni Irene,
“dumarami ang aking suki at kung gaya ngayon ang mangyayari sa araw-araw ay kaawa-awa
naman ang ibang nagsisi paghintay sa akin.”
“At nabili na bang lahat ang lako mo?” ang tanong pa rin ng Ina.
“Pinakyaw ng isang mayamang lalaki. Bukas ay nagbiling magdala ako ng marami pa
kaysa dala ko kanina. Mayroon daw siyang mga pagbibigyan.”
“A!” anang ina, “marahil ay isang binatang may nililigawang dalaga.”
Kinabukasan ay tinulungan ng ina ang anak. Kay damiw ng natuhog ng mag-ina. Kaya’t
nang pumasok sa kabayanan si Irene ay halos hindi magkandadala.
“Sampagitaaaa!...” ang matinis na sigaw ni Irene nang papalapit na sa bahay ng
pumakyaw kahapon.
Siya’y muling tinawag.
“Magkanong lahat iyan, ineng? Ang itinanong ng lalaki.
Gayon na lamang kalaking pagtataka ang sumagi sa kalooban ni Irene pagkarinig sa
“Ineng” na namilaylay sa labi ng mamimili. Akala’y binabanggit ang kaniyang pangalan.
Tiningnan niya ang lalaking yaon na noon naman ay nakatitig sa kaniya at buong pananabik na
naghihintay ng sagot.
“Magkano nga bang lahat iyan, ineng, ha?” ang ulit na tanong.
Ang dalaginding ay lalo pang napamangha.
Bakit po ninyo nalaman ang aking pangalan?” ang pangiting usisa ng maytinda.
“At ano ba ang pangalan mo, ha?” ang pataka, ngunit nakangiting tanong ng lalaki. “Ano
nga ba, ineng, ha?”
“Ineng nga po e…”
“A!...”
“Bakit nga ba ninyo nalaman?”
“Wala, hinulaan ko lamang.”
“Naku, manghuhula pala kayo.”
“E magkano nga bang lahat iyan?”
“Aba! Di ba’t manghuhula kayo?”
“Kung minsan lamang.”
“E di hulaan naman ninyo…”
Isang nangungusap na tingin ang ipinako ng bumibili sa mapupungay na mata ng
dalaginding.
“Tingnan ko ang palad mo,” ang wikang sabay hawak sa dalawang daliri ni Irene.
Bagaman hawak na ang mga daliri ay iniurong pa rin ni Irene at itinago sa likuran ang
kamay. Sa mga mata ng lalaki ay waring nakikita ang dalaginding. Sa loob naman ng kaniyang
dibdib ay mayroon siyang naramdamang kung ano.
“Ayoko nga po!” ang wikang tila nahihiya. “Huwag na ninyong hulaan.”
Ang lalaki ay natawa.
“Bagaman hindi mo nalalaman,” ang wika, “ay nalalaman ko na kung magkanong lahat
iyan.”
Kinuhang lahat ang sampagita at pagkuwa’y iniabot kay Irene ang limang piso. Halos
napalukso sa tuwa ang ating dalaginding. Hindi niya akalaing maipagbili niya sa gayong halaga
ang mga kuwintas na pinagtulungan nilang gawing mag-ina.
“Sus!” ang natutuwang wika, “manghuhula nga pala kayo.” At maliksing katulad ng pipit
ay patakbong nanaog, matapos bukhin sa mga labi ang isang magalang na “Salamat po.”
“Ineng… Ineng…” ang nananabik na tawag na paurong-sulong na ibig habulin ang
magandang magsasampagita.
“Dadalhan ko rin po ba kayo bukas?” ang itinatanong ng dalaginding.
“Oo, lalo pang marami.”
“E sa makalawa po?”
“Araw-araw…”
Nang umuwi si Irene nang hapong yaon, bagaman galak na galak ang loob ay abalang-
abala naman ang isip dahil sa mga di-karaniwang pintig na nararamdaman niya sa puso.
Ang lalaking iyon ay si Daniel.
Siya’y isang binatang nasa kasikatan. Laki palibhasa sa kasaganaan ay sunod ang lahat ng
hilig sa takbo ng pagkakasulong. Magtatapos na siya ng pag-aaral ng panggagamot.
Palibhasa’y taga sa bagong panahon si Daniel at palibhasa’y may salaping ikinasusunod
sa lahat, ang kaniyang mga kilos at bihis ay naaalinsunod sa lakad ng kabihasnan.
Sapol nang unang hapong makabili si Daniel ng sampagita kay Irene ay kung bakit ang
larawan ng magandang dalaginding na ito ay di maalis-alis sa kaniyang gunita. Gabi’t araw ay
kaniyang napapangarap. Oras-oras ay kinasasabikan niyang makita. Lahat ng ganda at gara ay
nagdaan na sa mga paningin ni Daniel, buhat sa ibaba hanggang sa matataas na lipunan, ngunit
ang katutubong ganda ni Irene ay siyang tila bukod tanging napasulat sa kaniyang
mgabalintataw. Sa mga unang sandali pa lamang na mamalas ni Daniel ang larawan ng mabait
na dalaginding ay ganap nang napg-unawa na yaon ang gandang kaniyang hinahanap,
tumutugon sa kaniyang mga pangarapin at naaalinsunod sa tibukin ng kaniyang puso. Yaon ang
tunay na gandang-Tagalog, hindiw magdaraya, likha ng katalagahan!
Di maubos-isipin ni Daniel kung hanggang saan hahangga at kung ano ang ibubunga ng
nararamdaman niyang pag-ibig na ibininhi ng larawan ni Irene sa kaniyang puso, ngunit
pinanata na sa kaniyang loob na ang magandang dalaginding na yaon ay pagpapalain ng
kaniyang pagmamahal, aalagaan ng kaniyang malinis na layunin at paghahandugan ng kaniyang
maningning na hinaharap.
“Siya ang aking paraluman,” ang parang nahihibang na nasabi niya nang hapong mahipo
ang dalawang daliri. “O, maganda kong Paraluman!” ang wika pa, “kapag natarok mong ikaw
ang aking pangarap at ikaw ang pag-uubusang handugan ng lahat kong makakaya, marahil ay
hindi ka magiging isang ibong mailap na tatalilis pagkarinig sa dalisa’y na pag-ibig na aking
ihahandog.”
Hapon-hapon, si Daniel ay nagbibihis ng magagara niyang damit at sa may hagdanang
libid ng maririkit na rehas ng maganda nilang chalet ay hinihintay ang magandang dalaginding.
Kung ginagabi ito sa pagdating, siya’y hindi matahimik.
Habang gayon ang nangyayari sa binata, si Irene’y madalas na hindi rin naman
napapalagay. Hindi niya matulusan kung bakit. Alam niyang tila may gumugulo sa kaniyang
isipan, may mga di-karaniwang pintig na nararamdaman sa kaniyang puso, may tuwa kung
minsan sa kanyang dibdib, at may lungkot na kung minsa’y nagpapasungaw ng luha sa kaniyang
mga mata, madalas na parang may ligalig sa panimdim at madalas na para rin namang may
luwalhati sa gunamgunam; ngunit ang totoo ay hindi niya malaman kung bakit, kung ano yaon,
at kung bakit gayon…
Ang tangi niyang natitiyak ay nagsimula ang gayon niyang mga nararamdaman noong
ikalawang hapong pakyawin ng lalaking nakahula ng kaniyang pangalan at nakahula sa halaga
ng kaniyang lakong mga kuwintas ng sampagita.
Isang tanghaling nagtutuhog silang mag-ina, ang dalaginding ay di nakatiis.
“Inang,” ang wika, “di ba’t wika mo’y nagtinda ka rin ng sampagita noong ikaw ay bata?”
“Oo!” ang masuyong sagot ng ina.
“Kung may iba bang nakapapayakyaw sa iyong sampagita ay ano ang iyong
nararamdaman?”
“Tuwa,” ang lalo pang nakangiting tugon ng ina.
“Pagkatapos mong matuwa ay hindi ka ba naman nakararamdam ng lungkot?”
“Hindi.”
Ang mabait na ina ay walang kamalak-malak sa itinatanong ng kaniyang bunso.
“Noon bang nagtitinda ka,” ang patuloy na tanong ni Irene, “ang Tatang ba’y pumakyaw
na minsan sa tinda mo?”
“Madalas.”
“Natuwa ka noon?”
“Mangyari pa!”
“Nalungkot ka pagkatapos?”
“Tila…ewan ko… hindi ko natatandaan.”
“Kumaba ba ang iyong dibdib?”
“……………………………….!”
Saka na lamang unti-unting nagsaloob ang tinatanong na ina ng mga bagay na marahil
ay nararamdaman noon ng kaniyang anak. Gayunman ang kawalang-malay ng anak na
dalaginding ay di niya hinangad na makabanaag ng anumang tanda ng pagkakilala sa takbo ng
kapanahunan. Ang mga tanong ni Irene ay kaniyang ipinagwala-wala at sinabi na lamang na:
“Sa tuwi nang may papakyaw ng tinda mo ay magpapasalamat ka na lamang nang buong
puso, magmadali ka nang pag-uwi sa piling ko, huwag mo silang pansinin pagkatapos.”
Ngunit isang hapon ay nagtanong na muli si Irene.
“Inang,” aniya, “noon bang makilala mo si Tatang ay madalas na kakaba-kaba ang iyong
dibdib?”
Hindi rin nagpahalata ang ina, ngumiti lamang, at…
“Itong batang ito a!” ang wika, “kung ano-anong kaululan ang ipinagtatatanong!”
Si Daniel at si Irene ay patuloy sa pagbibilihan.
Isang araw, matapos na pakyawing muli ang mga sampagita ni Ineng, ay hindi na nakatiis
ang binata.
“Ineng,” ang simula ni Daniel, “wala ka bang nababasa sa aking mga mata?”
“Hindi po ako marunong bumasa,” ang walang malay na sagot ng babae…
“Wala ka bang nahahalata sa akin?”
“Wala po…”
“Hindi mo ba nalalamang…”
“Hindi po,” ang tuyot at pabiglang putolw ni Irene, at nagtangkang tumakbo; ngunit
siya’y nahawakan sa kamay ni Daniel.
“Hintay ka muna, may ibubulong ako sa iyo.”
At bagaman nagpipiglas si Irene ay ibinulong nga rito nang buong lambing at suyo ang
dalawang salita, dalawang salita lamang, ngunit para sa kaniya, sa bumulong na binata, ay
kasinlawak ng daigdig ang kahulugan at kasintamis ng pukyutan ang ibig sabihin.
“Iniibig kita!”
Bagaman hindi nauunawaan ni Irene ang tunay na kahulugan ng dalawang salitang ito
na ibinulong sa kaniya ni Daniel ay biglang nagpumiglas, tumakbo at tumawa.
Sinundan lamang siya ng mga mata ng binata.
“Babalik ka uli,” ang habol na salita ni Daniel.
“Opo.”
“Magdala ka ng sampagita.”
“Opo.”
“Maraming-marami.”
“Opo.”
May sasabihin pa sana si Daniel, ngunit si Irene ay malayo na.
Humihingal, namumutla at parang balisa, nang dumating si Ineng sa kanilang bahay. Ang
gayong ayos n gating dalaginding ay hindi napansin ng kaniyang ina, na noo’y nagsisiga sa ilalim
ng isang balag. Ang tanging nakapupuna sa gayong tila ligalig na kalagayan ay si Irene rin,
pagkat higit sa lahat ng araw ay lalong sumasal ang mga di pangkaraniwang tibok na
nararamdaman niya sa dibdib. Nang iabot sa ina ang anim na pisong ibinayad sa kaniya ni
Daniel ay sinikap na maging mahinahon at nang kakaba-kaba sa may tapat ng puso ay huwag
mahalata.
“Pinakyaw na naman?” ang tanong ng ina.
“Oo, Inang” ang mahinay na sagot. “Ang lalaki ring yaon ang pumakyaw.”
“Sino bang lalaki yaon, ha?” ang mausig na tanong ng ina.
“Hu…! Isang kung sino,” ang parang pagpawalang halagang tugon ng dalaginding na sa
loob ay tila may isang katotohanang ibig na itago. “Isang kung sino, Inang.”
“Anong ayos mayro’n, sabihin mo?”
“Huwag mo nang tanungin Inang, Itsura lamang ng taong yaon!”
Hindi na kumibo ang ina. Samantala, matapos masabi ang lahat nang yaon ay muling
nagtatakbo sa itaas si Irene. Naupo sa ibabaw ng isang takba, tinakpan ng dalawang palad ang
mukha at sa gayong pinakiramdaman kung ang mga sinabi niyang yaon sa ina ay totoo o hindi.
Sa gayong anyo nanatiling matagal ang dalaginding at sa gayon ding ayos naakyatan ng
ina.
“Bakit Ineng?” ang pagulat na tanong ng ina, “may dinaramdam ka ba?”
“Wala, Inang” ang mabanayad na sagot,
“E bakit tila ka nalulungkot?”
“Mangyari’y…”
Napauntol si Irene samantalang nananabik ang ina.
“Ano…?”
“May ibig pa akong itanong sa iyo, Inang.”
“Ano nga ang ibig mong itanong?”
“Noon bang makilala mo si Tatang ay nagsinungaling ka sa iyong Inang?”
Ang matanda ay hindi nakasagot. Babae palibhasa at ina ng nagtatanong na dalaginding,
ay natarok na kapagkaraka ang lagay ng kalooban ng kaniyang anak. Si Irene ay hindi nga
sasalang ginugulo noon ng mga suliranin ng puso. Umiibig, di-sasalang siya’y umiibig.
“Hindi,” ang tiyak na sagot.
“Nang makilala mob a si Tatang,” ang patuloy na tanong, “ay may naramdaman ka bang
pintig sa loob ng dibdib?”
“Oo!”
“Ipinagtapat mo ba sa iyong Inang?”
“Oo!”
“E ano ang sinabi sa iyo?”
“Nagalit, kinagalitan akong mabuti at sinabing di sasasalang ako’y may iniibig na lalaki.
Ako’y kanyang pinagbalaan. At pinagsabihang kapag ako’y nag-asawa ay kaniyang papatayin.”
“Ay ano ang nagging sagot mo?”
“Ako’y nangako, sinabi kong ang lalaking aking nakilala ay aking isusumpa.”
“Kung gayo’y bakit mo nagging asawa si Tatang?”
“Sapagkat… ang pag-ibig ay isang damdaming sintigas ng bato na di nadudurog sa
hampas ng alon, hindi natitinag sa kinalalagyan, mamatay…mabuhay, lagging sariwa.”
“A, kaya pala!”
“Kaya palang ano?”
“Kaya pala lagi nang kakaba-kaba ngayon ang aking dibdib.”
Ang ina ay nahagulgol ng iyak nang ganap na maunawaan ang ibig sabihin ni Irene.
“Bakit ka umiiyak, Inang?” ang masuyong tanong ni Irene.
“Sapagkat napagkilala kong ikaw’y umiibig at ibig mo na kaming iwan.”
Si Irene naman ang lumuha.
“Hindi, Inang… hindi ako umiibig; ang lalaking yaon ay hindi ko iniibig… ayoko!
At tinutop ang puso, pinakiramdaman ang mga tibok, at pagkuwa’y muling tumanong sa
ina. “Hindi ba’t pagkatapos mong mangako sa iyong Inang na hindi ka umiibig ay nagging asawa
mo ri si Tatang?”
Ang huling tanong na iyon ay hindi na nasagot ng ina.
At pagkaraan ng ilang araw ay nawala ang dalaginding. Kaya pala’y sumama rin sa
lalaking “itinutulak ng bibig ay kinakabig ng dibdib.” At sa ganyan ay natapos ang kasaysayan ng
magsasampagitang walang ginawa kundi manunton lamang sa nagging bakas ng kaniyang ina.
Noo’y walang nasabi na lamang ang naiwang matanda, nang malayo na nga ang butihing
si Ineng, pagkatapos na pagbalikan ng hinahon ang kalooban, kundi ang ganito: Sadyang
makapangyarihan ang pag-ibig! Pagpalain Mo nawa sila, Diyos ko!..

You might also like