You are on page 1of 5

BULALAKAW

Ni German Villanueva Gervacio

Hindi na abot ng isip ko kung kailan tayo nagkakilala at nagsimulang maging magkakaibigan.
Tayo nina Ding at Mara. Hindi pa tayo nag-aaral na dalawa ay magkakalaro na tayong apat. Grade two na
si Ding at Grade one naman si Mara. Inggit na inggit pa nga tayo kapag umuuwi silang may kinaka ing
iskrambol at kulangot-ng-Intsik. Si Ding ang malakas mang-inggit. Uukitin niya ng hinliliit ang kulangot-
ng-Intsik, sabay dila rito nang sa atin nakasulyap. Si Mara naman ay pinatutunog pa ang pagsipsip sa
iskrambol. Siyempre pa, maiinggit tayo at hihingi. Lalung-lalo na ako. Kapag nakita nila akong may luha
na sa mata ay saka pa lamang nila tayo bibigyan. O kaya naman ay yaong mga teks mo at gagamba ang
kapalit ng kinakain nila. Ganoon lang naman tayong apat e, pero paglatag ng dilim, tayo pa rin ang
magkakasama.

Sa lungsod tayo lumaki. Wala tayong matambayang bukid, sagingan o nakatumbang puno
kayang mauupuan. Kaya sa may bubungan namin tayo nagpapalipas ng oras. Dalawang palapag ang
bahay namin. May maliit na bintana sa may kuwarto ko sa ikalawang palapag na nakatapat sa may
bubungan. Ito ang dinaraanan ni Mama kapag nagsasampay siya ng mga nilab han. Ito rin ang
dinaraanan natin papunta sa bubong. Gawing-gawi mo pa nga noon, bago ako umupo ay papalisan mo
ng iyong sumbrero yung parte ng yero na uupuan ko at sasabihin mong: "O, ayan. Puwede nang umupo
si Prinsesa Aya." Susulyap sa akin sina Ding at Mara pero hindi ko pa maintin dihan noon ang kahulugan
ng sulyap na iyon. Gen, nami-miss ko na ang pagtawag mo sa akin ng Prinsesa Aya.

Ang bubungan namin ang nagsilbing munting daigdig ng ating kamusmusan. Doon tayo
nagpipiknik, nagtutuksuhan, nagkukuwentuhan, naghaharutan at nagtatakutan. Si Ding ang magaling
manakot pero siya rin yung patakbo laging umuwi lalo na't inabutan tayo ng lalim ng gabi. Pagdating sa
tuksuhan, si Ding pa rin ang bida. Hindi iilang beses niya kaming napaiyak ni Mara. Pero kapag siya
naman ang tutuksuhin, de primerong bugnutin. Ano nga yung tukso natin sa kanya? Ding Saging? Hi-hi-
hi-hi. Pero pagdating sa kuwentuhan, bida ka na. Kahit mas matanda sa iyo sina Ding at Mara, mas
magaling ka at mas maraming alam na kuwento. Pero minsan, para kang yung mga kuwento mo,
mahirap maunawaan.

Kapag sawa na tayong magkuwentuhan, bababa na tayo sa bubungan, pero hindi pa iyon uwian.
Maglalaro pa tayo sa aming bakuran. Malimit ay taguang pung ang ating nilalaro. Madalas na ikaw ang
taya noon. Pero bakit ba kapag ikaw ang taya, hindi mo yata ako binu-bung? Kapag ako naman ang taya,
ay kung bakit ikaw lagi ang una kung nabu-bung? Nagpapa-bung ka bang talaga noon, Gen? Minsan
namang taya si Ding ay na-bung ka niya habang nagsisiksik sa kulungan ni Watcher. Sa pag-uunahan n'yo
para ma-save ay nasabit ang braso mo sa nakalaylay na yero ng kulungan. Ako ang naglagay ng merthio
late sa sugat mo. Hangang-hanga nga ako sa iyo dahil hindi ka man lang umaray. Hindi tulad ni Ding na
mapuwing lang para nang kinakatay na baboy kung makangawa, hi-hi-hi-hi. Hanggang sa mag-aral na
tayo ay wala pa ring pagbabago. Taguan sa bakuran; piknik, tuksuhan at kuwentuhan sa bubu-ngan. Isa
lamang ang nadagdag. Ang pag-aaral at paggawa ng asaynment. Mahusay ka sa Math kaya't sa iyo ako
nagpapaturo. Ang ganda mo ngang masdan kapag nag-iisip ka. Salubong ang iyong kilay at ang kamay
mong may hawak na lapis ay nakasalo sa iyong baba. Pagkatapos ay iaabot mo sa akin ang may sagot
nang asaynment at sasabihin mong: "Ayan na po, Prinsesa Aya." Gen, nami-miss ko na ang pagtawag mo
sa akin ng Prinsesa Aya.

Kung minsan naman, kapag tapos na lahat ang asaynment natin, lalo na kung nagsusungit ang
langit, kukuha tayo ng tsok at magdodrowing ng araw sa bubong namin para hindi matuloy ang ulan.
Yung araw mo ang pinakamaganda, dahil nilalagyan mo pa ng mata at bibig na nakatawa. Yung sa amin
naman ni Mara, ang lilinggit. Tinutukso nga kami ni Ding na hindi raw ito makapapatay ng ulan. Inggit
lang siya dahil yung kanya ay hindi mukhang araw kundi parang bukul-bukol na higad. Nahihirapan kasi
siyang magdrowing sa alun-along latag ng yero. Kung minsan ay hindi nga tumutuloy ang ulan at
lumulukso-sumasayaw tayo sa ibabaw ng ating mga araw. Pero kadalasan, wala tayong nagagawa kundi
panoorin kung paano burahin ng ulan ang ating mga araw at ihalo sa putik at kalawang ng bubong.

Parang isang kalabit lamang ang elementarya. Hayskul na tayo at nagsisimula nang mawalan ng
pang-akit sa atin ang taguan, piknik, iskrambol at kulangot-ng-Intsik. Nagsisimula na ring humiwalay sina
Ding at Mara sa atin. Madalas ay lumalabas silang hindi tayo kasama. Nakaiinis sila. Hindi ba't ako naman
ngayon ang nagsususpetsa na may milagrong nagaganap sa dalawa? Pero kung anumang himala iyon,
nakaii nis man ay natutuwa na rin tayong dalawa para sa kanila.

Maraming pagbabago. Halos sunud-sunod at nahihirapan akong makaagapay. Hindi lamang mga
pagbabagong pisikal kundi sa isip at damdamin. Mga pagbabagong hindi ko mawari kung ikalulungkot o
ikatutuwa ko. Lalo ka na, Gen. May napansin akong malaking pagbabago sa pagsasalita at pagkukuwento
mo. Mas malalim kang magsalita ngayon. Mas malalim.

Tayo lang ang nasa bubungan noon. Katatapos lang ng ulan at basa ang bubungan. Sinapinan mo
ng sumbrero ang uupuan ko at yung sinelas mo naman ang iyong inupuan. Wala kang imik at nakatingala
sa maaliwalas na kalangitan. Tahi mik ang gabi. Ang walang ingay na pagpikit at pagdilat ng mga bituin
ang pinagmamasdan mo. Kinalabit mo ako at pinatingala.

"Masdan mo ang mga bituin. Andami-dami nila. Kumpul-kumpol at maniningning. Pero parang
hindi sila nakapagbibigay ng liwanag sa daigdig. Parang nandiyan lamang sila para purihin at hangaan.
Parang kapag lalo mong hinahangaan, ay lalong nagniningning, nagmamagaling...lalong nagyayabang"

Hindi kita maintindihan, Gen.

"Kaya ako, ayoko ng mga bituin. Kung nagbibigay man sila ng liwanag, kailangan namang suklian
mo ng iyong pagha-nga."

"E ano naman ang gusto mo?"

"Nakakita ka na ba ng bulalakaw? Iyon ang gusto ko. Maaaring saglit lang siyang magbigay ng
liwanag pero katumbas naman iyon ng kanyang buhay. At bigla-bigla na lamang siyang maglalaho, na
para bang nahihiyang mapasalamatan. Maaaring sa isang dulo ng kalawakan siya hihimlay ngunit
makaaasa kang siya'y babalik. Bukas? Sa isang taon? O sa iba pang pana hon. Babalik siya habang
nabubuhay ang daigdig sa dilim ng mga bituin."

Hindi talaga kita maunawaan noon, Gen.


Hanging dumampi ang panahon. Parang kahapon lang ay sina Ding at Mara ang nagtapos.
Ngayon ay tayo naman. Isang sumbrerong pambeysbol ang regalo ko sa iyo. Napansin ko kasing lumang-
luma na ang sinusuot mong sumbrero. Bakit nga ba ang hilig-hilig mong magsumbrero? Isang kard
naman ang handog mo sa akin. Mas nahihiya kaysa nagmamagaling ka nang sabihin mong sariling gawa
mo iyon, sabay sa pagbibirong wala ka kasing pambili. Paalala mo rin na doon ko na sa bahay namin
basahin dahil nahihiya ka. Umoo naman ako. Pero dahil sabik na rin akong mabasa ang laman nito,
kunwari ay nagpa-alam akong pupunta sa C.R. Noon ko uli napatunayang magaling ka talagang
magdrowing. Sa pambungad ng kard ay dibuho ng dalawang batang nakaupo sa damuhan at nakasandal
sa puno. Tinitingala nila ang isang bulalakaw na humihiwa sa madilim na kalawakan. Oo, Gen. Alam ko
na ngayon kung ano ang bulalakaw. Binuksan ko ang kard at nabasa ko roon ang iyong pagbati at
dalangin na sana'y maabot ko kung anuman ang aking pangarap. Nasa akin pa rin hanggang ngayon ang
kard na iyon, Gen.

Nag-usap tayo kung ano'ng kurso ang kukunin natin sa kolehiyo. Medicine ang gusto ko. Ikaw,
gusto mo sanang mag-Fine Arts pero Engineering naman ang gusto ng father mo. Okey lang naman 'yon,
sabi ko, dahil magaling ka naman sa Math. Tumangu-tango ka lang. Napagkasunduan din natin na
parehong unibersidad ang ating papasukan.

Nagbukas ang klase. Walang Gen akong nakita sa kampus. Hindi ka rin nadadalaw sa bahay. Pero
makipot pa rin ang mundo natin. Sa may kanto sa abangan ng sasakyan tayo nagkita. Nagulat ka pa nang
kalabitin kita mula sa likuran. Nakasumbrero ka ngunit hindi iyon ang bigay ko sa iyo nung graduation.
Sabi mo ay ayaw mo iyong maluma, kaya hindi mo isinusuot. Pinuri mo ang uniporme kong puti at
sinabing: "Ang Prinsesa Aya ay isa na ngayong pinakamagandang doktora." Inirapan lang kita subalit sa
loob-loob ko'y siyang-siya ako. May sukbit kang knapsack no'n. Sabi ko pa nga ay ang labo mo naman
dahil napagkasunduan nating parehong unibersidad ang papasukan pero bakit eto ngayon at sa ibang
eskwelahan ka pumasok. Natigalgal ako nang sabihin mong hindi ka naman nag-aaral at nagtatrabaho
ka. Sabi mo pa nga na mas okey magtrabaho. Kumikita ka na, wala pang homework at proyektong
gagawin pagdating sa bahay. Pero Gen, alam kong sa kaloob-looban mo'y mas matimbang pa rin sa iyo
ang pag-aaral. Hindi ko na nalaman ang tunay na dahilan kung bakit hindi ka nakapagpatuloy ng pag-
aaral. At madalang na kitang makita buhat noon.

Ayoko mang isipin, pero nararamdaman kong unti-unti na tayong nagkakalayo, Gen. At
nahihirapan ako. May kahulugan ka sa akin na hindi ko maipaliwanag. At ito ang lalong nagpapahirap sa
akin. Nais kong mabatid kung ano ka talaga sa akin ngunit nawalan na ako ng lakas at pagkakataong
malaman iyon. Madalas ay naroroon ka sa aking panaginip ngunit hindi bilang isang kalaro o kaibigan
kundi isang katuwang sa pag tuklas ng isang misteryo sa buhay--ng kadalisayan ng kaloo ban--ng
karurukan ng damdamin. At nalulungkot ako kapag namumulat sa katotohanang wala ka sa aking tabi.

Nasundan ko ang kalagayan mo sa pamamagitan ng tagni-tagning mga balita na paniwalaan ko't


dili. Iniwan daw kayo ng father mo kaya malaki na raw ang ipinagbago mo. Kung ano ang ibig sabihin ng
"iniwan," hindi ko na nilinaw. Natuto ka na raw manigarilyo, maglasing at may nakapagsabi pa sa akin na
nagda-drugs ka pa raw. Noong una ay pinili kong huwag maniwala dahil kung meron mang higit na
nakakikilala sa iyo, ay ako iyon. Ngunit isang beses na pauwi ako galing sa eskwela ay nadaanan kitang
mag-isang umiinom sa restawran sa may kanto. Lalapitan sana kita ngunit nang mamataan mo ako ay
bigla kang tumayo at pumasok ng C.R. Nainip ako sa paghi hintay sa paglabas mo kaya't umalis na lang
ako. Hindi ko maintindihan ang nangyayari sa iyo, Gen. Hindi mo man lamang ako binigyan ng
pagkakataong maunawaan ka. Kaya hindi ko man kagustuhan, nagsisimula na akong magdamdam sa iyo.

Minsan ay ginabi ako nang uwi dahil inabot ako ng ulan sa U-belt. Umaambon-abon pa nang
dumating ako sa may atin. Namataan kita sa tapat ng bahay namin at nakatitig sa maliit na bintana sa
aking kuwarto. Nami-miss mo rin pala ang bintanang dinaraanan natin papunta sa bubungan namin.
Natuwa ako. Nilapitan kita. Iiwas ka sana ngunit huli na dahil nasa harapan mo na ako. Amoy alak ka
ngunit hindi ako nagpa halatang naiilang ako sa iyo. Kinumusta mo ako at kinumusta kita. Parehong ang
sagot natin ay "Mabuti." Pinipilit mong huwag ipahalata sa akin na nakainom ka. Pinipilit ko ring huwag
ipahalata sa iyo na nahahalata ko. Pinapapasok mo na 'ko sa amin dahil baka kamo maputikan pa ang
puti kong uni porme. Pinadadaan muna kita sa bahay pero ayaw mo. May ibibigay ka lang kamo sa aking
sulat. Isang linggo na lang ay debut ko na no'n. Inimbita kita ngunit sabi mo ay may trabaho ka at hindi
ka pa pupuwedeng umabsent. Gusto kitang yakapin nang gabing iyon, Gen. Parang nasa mga bisig mo
ang ibang bahagi ng aking katawan. Parang ikaw ang nawawalang bahagi ng kaakuhan ko. Gusto kitang
yakapin ngunit babae ako. Nais kong damhin ang init ng iyong dibdib at hininga ngunit hindi ko nagawa.
Hindi ako nakakain at nakatulog nang gabing iyon.

Ang iniabot mong sulat ay isa palang tula. Paulit-ulit kong binasa ang tulang iyon kahit hindi ko
maunawaan. Paulit-ulit kong binasa ito dahil sa ganitong paraan ko lamang muling nadarama na malapit
ka na namang muli sa akin. Malalim ang tula mo para sa akin. Malalim, tulad mo. At sa pagpipilit kong
maabot ang kalalimang iyon ay nasasaktan ako.

Nagsisimula na akong magalit sa iyo, Gen. Hindi kita mauna waan at pipilitin kong limutin ka.

Nagkalat ang makikisig sa kampus. At ang sapot ng pag-ibig ay laging nakahandang bumilot sa
mga pusong may hapis. At si Ron ay isang gagambang totoo. Biglang nagliwa nag ang aking daigdig.
Ngunit bakit gayon na sandali lamang? Isang umaga ay nagising ako na hindi ko na siya mahal, na hindi
ko pala siya minahal. At ikaw, Gen. Ang mga alaala mo ang nagwawasak sa sapot na pinipilit naming
mabuo. Dumating sa buhay ko si Emil at nawala. Dumating si Pete. Minahal niya ako. Sinamba. Subalit
parang sumpang hindi nila maibigay ang liwanag na hinahanap ng aking puso. Hanggang sa bantaan pa
nga ako ni Pete, na kung hindi rin lang ako mapa pasakanya ay mabuti pang hindi na ako pakinabangan
ng iba. Sila ba ang sinasabi mong mga bituin, Gen? Kung mayroon lang sanang isang bulalakaw...

Isang gabi'y bumuhos ang napakalakas na ulan. Naalim pungatan ako sa langitngit ng nabuksang
bintana. Bumangon ako upang isara ito nang biglang may humaltak sa akin. May itinapal siyang kung ano
sa sakop ng bibig ko't ilong. Naupos ako sa sangsang nito. Hindi ko nagawang manlaban ngunit buhay
ang diwa ko't kamalayan. Walang banta ng pagti la ang ulan.

Nang makabawi ako ng lakas kinaumagahan, ikaw agad ang naisip kong puntahan, pero ang
balita naman ng pagkamatay mo ang gumimbal sa akin. Natagpuan kang laslas ang magkabilang pulso at
putok ang ulo sa pagkakauntog sa dingding ng iyong kuwarto. Iyon ang araw na nagmistulang itim na
lamang ang kulay ng mundo.

Tatlong buwan na ang nakalilipas mula nang pangyaya-ring iyon. Okey na 'ko ngayon, Gen.
Naririto ako sa bu bungang naging saksi sa ating kabataan. Kahuhupa lang ng isang napakalakas na ulan.
Sori, Gen. Malinggit lang uli kasi ang nagawa kong araw kaya hindi nito napatay ang ulan. Basa pa ang
yero pero sinapinan ko ng sumbrero mo. Oo, Gen. Sa pagmamadali mo siguro nung gabing iyon ay
naiwan mo itong sumbrerong gift ko sa iyo. Ang sarap-sarap dito sa bubong--malamig. Pinabababa ako
ni Mama pero ayaw ko. Iyak nga siya ng iyak, e. Pero hindi ko siya pinapansin. Nakata naw ako sa
kalangitan at pinagmamasdan ang pagpikit at pagdi lat ng mga bituin habang dinarama ang pumipintig
na buhay sa aking sinapupunan. Pero huwag kang mag-alala, Gen. Walang makaaalam nito, tayo lang
dalawa. Pinagtitinginan nga ako ng mga taong nagdadaan, e. Buhat daw nang mawala ka ay naging
ganito na ako. Bakit Gen? May mali ba sa ginagawa ko? Pati nga si Mama at Papa, narinig ko minsang
may kausap na lalaki. Sabi nung salbaheng mamang iyon sa kanila na baliw raw ako. Hi-hi-hi, nakakatawa
'no? Si Prinsesa Aya, baliw? Bakit Gen, baliw ba ang tawag nila sa isang buntis na gabi-gabi'y nasa
bubungan at naghihintay sa pagbagsak ng bulalakaw?

You might also like