You are on page 1of 3

PANALANGIN SA MAHAL NA BIRHEN NI PAPA FRANCISCO SA

PANAHON NG COVID-19

Sa kahilingan ng Papa Francisco para sa buwan ng Mayo, ang alinman sa dalawang panalangin ay
idurugtong sa pagwawakas ng pagdarasal ng Santo Rosaryo

I.

O Maria,
patuloy kang nagniningning sa aming paglalakbay
bilang tanda ng pag-asa at kaligtasan.
Ipinagkakatiwala namin ang aming sarili
sa iyo, Kagalingan ng Maysakit,
na sa paanan ng Krus,
nanatili kang kaisa niHesus sa pagpapakasakit
at nagtiyaga sa pananampalataya.

“Sanggalang ng mga Romano”


batid mo ang aming mga pangangailangan,
at iyo itong pagbibigyan
tulad nang ginawa mo sa Cana, Galilea,
upang manumbalik ang galak at pagdiriwang
matapos itong pagsubok sa kasalukuyan.

Ina ng Banal na Pag-ibig,


tulungan mo kaming makiisa sa kalooban ng Ama
at gawin ang mga habilin ni Hesus.
Inako niya ang aming mga pasakit,
at binata ang aming mga pighati
upang sa pamamagitan ng krus
dalhin kami sa kagalakan ng pagkabuhay.
Amen.

Kupkupin mo kami sa iyong pagkakandili,


O Mahal na Ina ng Diyos.
Huwag mo kaming siphayuin sa aming pagluhog,
bagkus ipag-adya mo kami sa mga panganib at kasamaan.
O maluwalhati at pinagpalang Birhen. Amen.

II.

“Kupkupin mo kami sa iyong pagkakandili, O Mahal na Ina ng Diyos.”

Sa kasalukuyang nakalulungkot na sitwasyon,


na ang mundo ay pinaghaharian ng hirap at takot,
kami’y napaaampon sa iyo,
Mahal na Ina ng Diyos at amin ding Ina,
at napakukupkop sa iyong pagkakandili.

O Birheng Maria, itunghay mo sa amin


ang mga mata mong maawain
sa gitna ng pandemya ng coronavirus.
Aliwin mo ang mga namimighati
sa pagyao ng kanilang mahal sa buhay,
na kadalasa’y naililibing
nang di man lamang nila nasilayan.
Samahan mo ang mga nag-aalala
sa kanilang mga maysakit na mahal sa buhay,
na hindi man lamang nila masamahan
para hindi sila mahawahan.
Punuin mo ng pag-asa ang mga nababagabag
sa walang katiyakang kinabukasan
at bunga nito sa ekonomiya at hanapbuhay.

Ina ng Diyos at amin ding Ina,


ipanalangin mo kami sa Diyos Ama ng awa,
na ang laganap na pighating ito ay matapos na
at muling sumilay ang kapayapaan at pag-asa.
Isamo mo sa iyong mahal na Anak,
tulad ng ginawa mo sa kasalan sa Cana,
na aliwin ang mga pamilya ng mga maysakit
at mga biktima upang buksan ang kanilang mga puso
sa pagtitiwala at pananalig.

Ipagsanggalang mo ang mga doktor, nars,


ang mga tagapangalaga ng kalusugan
at ang mga nagkukusa sa pagtulong,
na nasa unahan ng laban na ito,
na sinusuong ang panganib
maging sa kanilang buhay
para sa kaligtasan ng buhay ng iba.
Itaguyod mo sila sa kanilang pagpupunyagi
at panatilihin mo silang malusog, malakas at mapagbigay.

Manahan ka sa mga nag-aalaga sa maysakit,


araw at gabi,
at sa mga paring tumutulong at nagmamalasakit sa lahat
dahil sa gampanin ng pagpapastol at pagsunod sa Mabuting Balita.

Mahal na Birhen, liwanagan mo ang isipan


ng mga nagsusumikap na tuklasin ang lunas
para puksain ang virus na ito.

Nawa ang mga namumuno sa mga bansa,


taglay ang karunungan, pagmamalasakit at pagkamapagbigay
ay tulungan ang mga lubhang nangangailangan
at bumuo ng panlipunan at pang-ekonomiyang lunas
na isinasaalang-alang ang hinaharap at ang ikabubuti ng lahat.

Maria na Lubhang Banal,


pukawin mo ang aming budhi,
upang ang inilalaan naming malaking pondo
para sa pagtuklas at paggawa ng mga mapamuksang armas
ay mailaan sa makabuluhang pagtuklas kung paanong
sa hinaharap ay maiwasan ang ganitong mga trahedya.

Minamahal naming Ina, tulungan mo kaming mapagtanto


na kami ay nabibilang sa isang malaking pamilya
at kilalanin na may nagbubuklod sa amin
upang sa diwa ng kapatiran at pagkakaisa,
matighaw namin ang laganap na kahirapan at pangangailangan.
Gawin mo kaming matatag sa pananampalataya,
matiyaga sa paglilingkod at marubdob sa pananalangin.

Maria, Kaaliwan ng mga Nagdurusa,


yapusin mo ang iyong mga nasisiphayong anak
at ipanalangin mong hanguin kami ng Diyos
at palayain sa kasalukuyang salot
upang manumbalik ang mapayapang takbo ng amingbuhay.

Sa iyo na nagniningning sa aming paglalakbay


bilang pag-asa nami’t kaligtasan,
ipinagkakatiwala namin ang aming mga sarili,
O maawain, at maalam at matamis na Birheng Maria.
Amen.

You might also like