You are on page 1of 9

PAGSISIYAM SA MAHAL NA BIRHEN NG GATAS

AT MATIWASAY NA PANGANGANAK
Ang tanda ng Santa Krus, ipag-adya Mo kami Panginoon naming Diyos,
sa mga kaaway namin. Sa Ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.

Buksan Mo Panginoon, ang aking mga labi,


At pupurihin Ka ng aking dila.

Pagsakitan Mo Diyos ko, ang pag-aampon at saklolo Mo sa akin,


At iadya Mo ako sa aking mga kaaway.

Luwalhati sa Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo,


Kapara noong una, ngayon at magpakailanman, magpasawalang-hanggan. Amen. 

Maria, Ina ng Biyaya, ng Kabaitan at ng Awa, ipagtanggol mo kami at ampunin,


ngayon at sa oras ng aming kamatayan.  Siya nawa.

PAGSISISI
Mahal naming Ina, natatalastas ko ang walang kaparang hirap na iyong dinanas,
bilang Ina ng Diyos, at ng aming Mananakop na si Jesus.  Walang kapara ang lumbay
na tumagós sa masintahin mong Puso, nang ang Inyong buong mag-anak ay kinailangang
lumisan patungong Ehipto, upang mailigtas ang búhay ng nag-iisa mong Anak.
Ang pagdurusang ito ay muling tumímo, at nagdulot ng kapait-paitang sakít sa iyong Puso,
nang sa loob ng ilang araw ay nangulila Ka sa iyong ginigiliw na si Jesus, nang Siya ay mawalay
sa inyo sa templo.  Ito ay naging ganap sa kapait-paitang landas patungong Kalbaryo, hanggang
sa Kanyang kamatayan at libingan.  Pinagsisisihan ko ang lahat, at bawat kamalian
at pagkukulang ko, at minamatamis kong mamatay muna sana ako, bago muling magkasala
sa Kaniya.  Mula ngayon, kaibig-ibig na Ina, ay ipinangangako ko ang pagbabagong buhay,
at hindi na ako magkakasalang muli, sa tulong ng iyong mahal na Anak.  Sa iyo naman, Ina ko,
ipinagmamakaawa ko, na hingin Mo sa Kanya, na pakamtan sa akin ang biyayang ito. 
Ipakita at ipaalala mo, ang mga dinalita mo sa iyong pagiging Ina sa Kanya,
at sa buong sangkatauhan, upang lalong maantig ang Kaniyang Masintahing Puso.  Siya nawa.

1
UNANG ARAW: SI MARIA AY INA NG DIYOS
Mahal na Ina ng Diyos, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ipinaglihi at ipinanganak mo
ang aming Diyos na si Jesus.  Dahil sa iyong matimyas na pag-ibig sa Dakilang Lumikha,
Nagkatawang-Tao Siya, upang ipakita at ipadama ang Kanyang Dakilang Pag-ibig,
para sa aming lahat.  Dahil sa iyong walang pagmamaliw na pananampalataya,
buong kapakumbabaang-loob mong hinayaang maganap ang Kanyang Salita. 
Nawa, sa iyong halimbawa, matuto kaming mabuhay sa pananampalataya,
at buong kapakumbabaang-loob na tanggapin ang Kalooban ng Diyos para sa amin. 
Nawa, mabuhay kami sa pag-ibig, upang aming masuklian ang wagas Ninyong pagmamahal,
na buong puso Ninyong inalay sa pagkakatawang-tao ni Jesus.  At kung matutungkol
sa lalong Kapurihan Niya, at sa kagalingan ng aming kaluluwa, ay ipagkaloob mo po sa amin,
ang biyayang ninanasa sa pagnonobenang ito.  Siya nawa.

Humingi ng biyayang ibig kamtan at magdasal ng tatlong Aba Ginoong Maria, at isunod ang...

MEMORARE
Alalahanin mo, O lubhang mahabaging Birheng Maria, na kailanma’y di narinig,
na may dumulog sa iyong pag-aampon, humingi ng iyong tulong, at nagmakaawa
ng iyong pamamagitan, na iyong pinabayaan.  Dala ng pag-asang ito, dumudulog ako sa iyo,
O Birhen ng mga birhen, aking Ina, sa iyo ako’y lumalápit, sa iyo ako’y humaharap
na makasalanan at namimighati.  O Ina ng Verbong Nagkatawang-Tao, huwag mo nawang
siphayuin ang aking pagluhog, bagkus, sa iyong habag, dinggin at tugunin mo ako. Siya nawa.

PANALANGIN
Kaibig-ibig na Ina, Mahal na Birhen ng Gatas at ng Matiwasay, Maluwalhati, at Matagumpay
na Panganganak, mapagmahal na Ina ng aming Manunubos na si Jesukristo, pakinggan mo
ang aking panalangin. Batid ng puso mo ang bawat kahilingan at pangangailangan ko.
Ako'y nananalig, Mahal na Ina, na ako ay iyong tatangkilikin sa ilalim ng iyong pangangalaga,
tulad nang ginawa mo sa iyong Anak. Mamagitan ka sa Kanya, upang ako ay magkaroon
ng tapang at lakas, na mapagtagumpayan ang anumang kinakaharap ko. Bigyan mo ako
ng biyaya, na manatiling tapat sa iyo, sapagkat ikaw ang aking maningning na inspirasyon,
ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.

(Magwawakas araw-araw sa litanya,  pangwakas na panalangin)

2
IKALAWANG ARAW: SI MARIA AY INA NI KRISTO
O Ina ni Kristo, Ina naming lahat!  Anong hirap at pasákit ang tiniis mo, bilang Ina ng aming
Tagapagligtas na si Kristo Jesus. Walang kaparang lumbay ang nadama mo, nang ang Inyong
buong mag-anak ay kinailangang lumisan patungong Ehipto, upang mailigtas ang búhay
ng iyong Anak. Gayundin, lubos na pangungulila ang naramdaman mo, nang mawalay sa iyo
si Jesus, nang Siya ay mawala sa templo.  At kasunod nito, ang walang-kapantay
at walang kasing pait na dalamhati, nang mamalas ng sarili mong mga mata ang Paghihirap,
at Pagkamatay ng nag-iisa mong Anak.  O Mahal na Ina, nawa’y makintal sa aming puso,
ang walang maliw na pagmamahal Ninyong mag-ina para sa aming lahat.  Nawa, ang Inyong
tiniis na mga dalamhati’t pasákit, ay magturo sa amin ng daan, tungo sa búhay na kasiya-siya,
at ganap, sa piling ng Ama. Hingin mo sa iyong Makapangyarihang Anak, na ipagkaloob sa amin
ang katapangan ng loob, sa pagyakap ng krus ng mga kahirapan, at makamtan namin
ang korona ng Kaluwalhatian ng Diyos, at kagalingan ng aming kaluluwa, at ipagkaloob sa amin
ang biyayang ninanasa naming kamtan dito sa pagnonobena.  Siya nawa.

Aba Ginoong Maria (3x), Memorare, Panalangin, Litanya, Pangwakas na Panalangin

IKATLONG ARAW
SI MARIA AY INANG MAPAGKALINGA:“MATER OMNIUM, NUTRIX OMNIUM”
Maria, ikaw ay Inang Mapagkalinga.  Sa Iyong pagpapasuso at pagkalinga kay Kristo,
kinalinga at inaruga mo rin kaming mga anak mo.  Sa pamamagitan ng pagbabahagi mo
ng iyong sarili sa iyong Anak, naging ganap ang pag-aalay Niya ng Kanyang Sarili sa amin,
kung kaya’t ang aming kaligtasan at búhay na walang hanggan ay naging posible. 
Ang pag-aalay mo ng iyong sarili ay nagbigay ng daan, upang ang pag-aalay ni Jesus,
ng Kanyang Sarili sa Kalbaryo, at sa Banal na Eukaristiya, ay maging ganap, at tunay na laan
para sa amin.  Salamat, Mahal na Ina, sa dakilang biyayang ito.  Dahil sa Inyong pagiging
bukas-palad, kami ay nailigtas.  Turuan mo kaming maging tulad Ninyo, at kung magiging
marapat sa Kapurihan Niya, at sa kagalingan ng aming kaluluwa, ay ipagkaloob naman sa amin
ang biyayang ninanasa sa pagnonobenang ito.  Siya nawa.

Aba Ginoong Maria (3x), Memorare, Panalangin, Litanya, Pangwakas na Panalangin

IKAAPAT NA ARAW: SI MARIA AY INA NG MGA INA


O Ina ng mga ina, pinababanal at pinadadakila mo ang pagiging Ina.  Sa iyong mga halimbawa,
ikaw ay gabay at huwaran ng bawat ina, upang maging ganap ang kanilang pagiging ilaw,
ng kanilang sariling pamilya. Ang pamilya, na siyang saligan at pinakamahalagang bahagi
ng aming Simbahan at pamayanan.  Tulungan mo ang bawat ina, na mamuhay nang ganap
at kasiya-siya sa Diyos, upang mahubog nang wasto sa pag-ibig, ang bawat kabataan
sa daigdig, tungo sa isang Simbahan at pamayanang nagkakaisa, nagmamahalan,
at nagtutulungan. 

3
Aliwin mo sila sa mga oras ng kalungkutan at pangungulila, at ingatan mo sila, sa bawat yugto
ng kanilang búhay.  Nawa, sa mabisa mong pamamagitan, mapanibago ang aming mundo,
para sa Kaharian ng ating Diyos, at kung nararapat sa lalong Kaluwalhatian Niya,
at sa kagalingan ng aming kaluluwa, ipagkaloob mo naman sa amin ang ligayang ninanasa
sa pagnonobenang ito. Siya nawa.

Aba Ginoong Maria (3x), Memorare, Panalangin, Litanya, Pangwakas na Panalangin

IKALIMANG ARAW: SI MARIA AY INANG MAPAGMAHAL


O Inang Mapagmahal, sa iyong halimbawa, ipinakita mo sa amin ang tunay at wagas
na pagmamahal, sa pamamagitan ng walang pasubali at bukas-pusong pagbabahagi ng sarili
sa Diyos, at sa lahat ng Kanyang mga anak.  Ipinadama mo sa amin, kung paano suklian,
ang walang pagmamaliw na pag-ibig ng Diyos. Tulungan mo kaming maging bukas-palad,
sa pagbabahagi ng aming mga sarili, lalo’t higit sa aming mga kapus-palad na kapatid,
at tulad mo, ay walang hinihintay na kapalit, kundi ang maipadama ang mainit na pag-aaruga
sa atin ng Maylikha.  At kung nararapat sa lalong Kapurihan ng Diyos, at kagalingan
ng aming kaluluwa, ay ipagkaloob mo naman sa amin ang ninanasa naming kamtan dito
sa pagnonobena.  Siya nawa.

Aba Ginoong Maria (3x), Memorare, Panalangin, Litanya, Pangwakas na Panalangin

IKAANIM NA ARAW: SI MARIA AY INA NG BIYAYA


O Mahal na Birhen, aming Ina, ikaw ang aming Mediatrix  – ang aming tagapamagitan
kay Kristong Anak mo. Ikaw ang tagapamagitan ng sangkatauhan, at tanggulan
ng bawat Kristiyano.  Ikaw ay katulong, kaagapay, at kasalo sa pagliligtas ni Kristong
aming Manunubos.  Dahil dito, sa iyo Niya ipinagkaloob, na maging daluyan ng masagana,
at walang pagmamaliw na biyaya, mula sa Kanyang Masintahin at Maawaing Puso. 
Tulungan at pakinggan mo kami, sa aming mga karaingan at pangangailangan. 
Batid ng malinis mong kalooban, ang aming abáng kalagayan.  Huwag mo kaming siphayuin,
bagkus, ilingon mo sa amin ang mga mata mong maawain, upang aming tamasahin,
ang ligayang walang kapara, na inilaan sa amin ng Ama.  Hingin mo sa Diyos,
na habang panahon ay wala kaming gawin, kundi ang inaasal at ginagawa ng mga mapapalad
mong anak, at kung nararapat sa lalong Kapurihan Niya at kagalingan ng aming kaluluwa,
ipagkaloob Mo naman sa amin ang biyayang ninanasa sa pagnonobenang ito. Siya nawa. 

Aba Ginoong Maria (3x), Memorare, Panalangin, Litanya, Pangwakas na Panalangin

4
IKAPITONG ARAW: SI MARIA AY INANG KALINIS-LINISAN
O Inang ipinaglihing walang bahid ng kasalanan, ikaw ay bukod na itinangi ng Diyos,
upang maging Ina ng Kanyang Bugtong na Anak.  Upang pagindapatin ang iyong pagganap,
sa natatanging kasaysayan ng pagliligtas sa amin, ikaw ay ibinukod sa babaeng lahat,
at ngayo’y itinatampok bilang Inang Kalinis-linisan, Inang Walang Malay sa Kahalayan. 
Tulungan mo ang bawat ina, na mamuhay nang tapat at kasiya-siya sa Kalooban ng Diyos,
upang higit na mapabanal ang bawat pamilya, na bumubuo ng aming Simbahan,
at pamayanan.  Nawa, sa iyong gabay at halimbawa, mapanatili ng mga ina,
ang kanilang kabanalan, upang magsilbing maningning na gabay sa kanilang mga anak,
at sa bawat táong nakakasalamuha nila.  At kung nararapat sa lalong Kapurihan ng Diyos,
at kagalingan ng aming kaluluwa, ay ipagkaloob mo naman sa amin ang ninanasa
naming kamtan dito sa pagnonobena.  Siya nawa.

Aba Ginoong Maria (3x), Memorare, Panalangin, Litanya, Pangwakas na Panalangin

IKAWALONG ARAW: SI MARIA AY INANG MAPAGTIIS


O Inang nagtiis ng hapis, ikaw na lumagók sa Kalis ng Paghihirap ng Iyong pinakamamahal
na Anak, pinagindapat mong makisálo sa mga hírap na binatà ni Kristo, upang samahan Siya
at agapayan sa kapait-paitang landas, patungong Kalbaryo.  Mula sa Kanyang Kabataan,
hanggang sa Kanyang Libingan, hindi mo Siya nilubayan, bagkus ay nakipagtiis ka,
sa Kanyang Dakilang Misyon ng Pagliligtas.  Pinili mong manatili, at hindi Siya iwan,
dahil sa dakila mong pagmamahal sa Kanya at sa amin, na iyo ring mga anak. 
Tulungan mo kami, lalung-lalo ang lahat ng mga ina, na maging matatag sa pagharap namin
sa búhay. Palakasin mo ang aming mga loob, upang tulad mo, ay manatili kaming mapagtiis,
sa bawat luha at hilahil na aming kakaharapin, at tanggapin nang maluwag sa aming loob
ang Kalooban ng Ama. Ipamagitan mo kami sa Diyos ng Kapatawaran, at isang lubhang
matibay na pagtitika, na piliin muna namin ang kamatayan, bago magkasala sa Diyos,
at kung nararapat sa lalong Kaluwalhatian Niya, at kagalingan ng aming kaluluwa,
ay ipagkaloob mo naman sa amin ang ninanasa naming kamtan dito sa pagnonobena. 
Siya nawa.

Aba Ginoong Maria (3x), Memorare, Panalangin, Litanya, Pangwakas na Panalangin

IKASIYAM NA ARAW: SI MARIA AY INA NG AWA


Ipakita mong ikaw ay Ina, Ina ng Diyos na si Kristo, at Ina naming lahat. Sa iyong habag at awa,
ilingon mo sa amin ang iyong mga mata.  Punó ng pag-asa, kami ay nananalig,
na kami’y ipamamagitan mo.  Gaya nang ginawa mo sa kasalan sa Cana, pukawin mong muli,
ang puso ng iyong Anak na si Jesus, upang igawad sa amin ang Kanyang Kapatawaran,
at Pagkalinga. Sa loob ng siyam na araw, pinagbulay-bulayan namin ang iyong pagiging Ina. 
Ina ng Diyos, Na sumakop sa amin, at Ina na sa ami’y inihabilin.  Sa paanan ng Krus,
inihabilin ka sa amin ni Kristo, at inihabilin Niya naman kami sa iyo. 
5
At yayamang ikaw ay amin, at kami’y iyung-iyo, tangkilikin mo kami ngayon,
at sa habang panahon, at ariin mong iyong mga tunay na anak.  Tulungan mo kaming
mabuhay nang naaayon, sa Kalooban ng Ama, ayon sa mga turo at halimbawa mo,
at ni Kristo.  Patnubayan mo ang Inang Simbahan sa kanyang pagganap, sa mga tungkuling
iniwan sa kanya ng iyong Anak.  Patuloy ka nawang maging halimbawa sa kanya,
sa pagyakap at pagkalinga sa bawat Kristiyano, saan mang panig ng mundo. 
At kung nararapat sa lalong Kaluwalhatian ng Diyos, at kagalingan ng aming kaluluwa,
ay ipagkaloob mo sa amin ang biyayang ninanasa namin sa pagnonobenang ito.  Siya nawa.

Aba Ginoong Maria (3x), Memorare, Panalangin, Litanya, Pangwakas na Panalangin

LITANYA SA MAHAL NA BIRHEN DE LA LECHE Y BUEN PARTO


Panginoon, maawa Ka sa amin.             Panginoon, maawa Ka sa amin. 
Kristo, maawa Ka sa amin.                     Kristo, maawa Ka sa amin.
Panginoon, maawa Ka sa amin.           Panginoon, maawa Ka sa amin.
Kristo, pakinggan Mo kami.                 Kristo, pakinggan Mo kami. 
Kristo, pakapakinggan Mo kami.           Kristo, pakapakinggan Mo kami.

Diyos Ama sa Langit,                                      Maawa Ka sa amin. 


Diyos Anak Na Tumubos sa Sanlibutan,    Maawa Ka sa amin.  
Diyos Espiritu Santo,                                       Maawa Ka sa amin.  
Banal na Santatlo, Iisang Diyos,                  Maawa Ka sa amin.
Mahal na Ina, * Ipanalangin mo kami.
Malinis na anak ng Ama, *
Malinis na Kabiyak ng Espiritu Santo, * 
Malinis na Ina ng Anak ng Diyos, * 
Santa Maria, *                                                        
Santang Ina ng Diyos, *                                     
Sisidlan ng Karunungan, * 
Luklukan ng Banal na Kaharian, *
Tabernakulo ng Banal na Salita, *
Kopa ng Banal na Búhay, *
Ina ni Kristo,  *                                                
Ina ng Grasya ng Diyos,  *                                 
Inang kasakdal-sakdalan, *                             
Inang walang malay sa kahalayan,  *         
Inang di malapitan ng masama, *                 
Inang kalinis-linisan,  *                                    
Inang ipinaglihing walang kasalanan *   
6
    
Inang kaibig-ibig, * Ipanalangin mo kami.
Inang kahanga-hanga, *     
Ina ng mabuting kahatulan, *                          
Ina ng Maylikha, *                           
Inang mapag-adya, *
Virgen de la Leche, Pag-asa ng lahat ng kababaihan, *               
Virgen de la Leche, Huwaran ng lahat ng kababaihan, *                     
Virgen de la Leche, Huwaran ng lahat ng ina, *                           
Virgen de la Leche, Pinagpala sa iyong pagiging ina, *              
Virgen de la Leche, Pagpapala ng lahat ng mga ina, *                  
Virgen de la Leche, Itinaas ang pagiging ina, *                            
Virgen de la Leche, Pinababanal ang pagiging ina, *                  
Virgen de la Leche, Pinababanal ang mga ina,  *                          
Virgen de la Leche, Inspirasyon ng pagiging ina, *         
Virgen de la Leche, Aliw ng mga ina,  *        
Virgen de la Leche, Tanggulan ng mga ina, *                             
Virgen de la Leche, Tagapag-ingat ng mga ina, *                        
Virgen de la Leche, Gabay ng mga ina, *     
Virgen de la Leche, Ina ng mga ina, *           
Virgen de la Leche, Ina ng maluwalhating pagluluwal,  *     
Reyna ng Kabanal-banalang Pamilya, *                        
Reyna ng malinis na buhay pamilya, *         
Reyna ng mga ina,  *                                                   
VIRGEN DE LA LECHE Y BUEN PARTO,  *  

Kordero ng Diyos Na nag-aalis 


     ng mga kasalanan ng sanlibutan,         Patawarin Mo kami, Panginoon namin. 

Kordero ng Diyos Na nag-aalis


     ng mga kasalanan ng sandaigdigan,         Pakapakinggan Mo kami, Panginoon namin.

Kordero ng Diyos Na nag-aalis


    ng mga kasalanan ng santinakpan,       Kaawaan Mo kami, Panginoon namin.

Ipanalangin mo kami, Santang Ina ng Diyos.


Nang kami’y maging dapat makinabang sa mga  pangako
ni Jesukristong Panginoon namin.

7
MANALANGIN TAYO
Katamis-tamisang Birhen, Reyna ng Langit, pinili sa lahat ng babae,
upang maging Ina ng Anak ng Diyos, Maria, aking Ina, sa iyong pagiging Ina,
ay pinabanal ang kalagayan ng lahat ng mga ina, lumuluhog akong lumalapit sa iyo;
pakumbabang nagsusumamo ako sa iyo; ako'y nananalig sa iyo.
Naniniwala akong, matutulungan mo ako sa aking mga kailangan. Sa iyo, Mahal na Birhen,
ako'y lumalapit. Abá at nangangailangan, ako'y tumatakbo sa iyo, at buong tiwalang,
ipinauubaya sa iyong mga kamay ang lahat. Tanggapin mo ang aking tiwala,
pakinggan ang aking mga dalangin, at tulungan ako, Mahal na Ina ng mga ina.  Amen.

Narito ang alipin ng Diyos,


Maganap nawa sa akin ang ayon sa Kalooban Mo. Amen!

VIRGEN DE LA LECHE Y BUEN PARTO, ipanalangin mo kaming lumalapit sa iyo.

Sa Ngalan ng +Ama, at ng +Anak, at ng +Espiritu Santo. Amen.

   

You might also like