You are on page 1of 11

PALAGIANG PAGNONOBENA SA MAHAL NA BIRHEN

NG SOLEDAD
NG PORTA VAGA DE CAVITE PUERTO

Imprimatur:Lubhang kagalang-galang LUIS ANTONIO G.


TAGLE, D.D.
Obispo ng Diyosesis ng Imus, Oktubre 12, 2004
Pambungad na Awit:
OH PURISIMA FLOR
Oh Purisima Flor, dulce Madre
Que a Cavite de luz iluminas
Ha tres siglos que vió Filipinas
En su cielo tu rostro brillar.

Y es la voz amorosa del hijo.


La que vuelve otra vez a cantarte
Y en su canto quisiera expresarte
Su tristeza..su gozo...su afan.

Porta Vaga tu Trono querido


Fue por siglos, Señoram tu anhelo
Al tender esos ojos de cielo
Sobre aqueste tu pueblo sin par...

Y hoy tus hijos te ofrecen con celo


Otro Templo, Señora, otro Altar.

Ang tanda ng Santa Krus, ipag-adya Mo kami Panginoon naming Diyos, sa mga kaaway namin. Sa
Ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.

PAGPUPURI
Amang mapagmahal, pinupuri, sinasamba at pinasasalamatan Ka namin. Sa Iyo kami nabubuhay,
kumikilos at umiiral. Nilikha Mo ang daigdig at pinagkalooban Mo kami ng mga biyayang
kinakailangan namin upang ipamalas ang Iyong pagmamahal. Ipinagkaloob Mo si Hesus upang
tubusin at iligtas kami sa lahat ng aming mga kasalanan. Isinugo Mo ang Banal na Espiritu upang
pabanalin at gabayan ang aming buhay. Itinatag Mo ang Simbahang Katolika bilang tanda at daan ng
pagliligtas Mo sa amin. At hinirang Mo ang mga banal lalo’t higit ang Mahal na Birheng Maria upang
samahan kami sa aming paglalakbay patungo sa Iyong Kaharian. Nawa ang mga biyayang ito’y
aming alalahanin, pag-ingatan at pahalagahan.

Luwalhati sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo. Kapara noong unang-una, ngayon,


magpakailanman at magpasawalang-hanggan. Amen.

PAGSISISI
O Maawaing Hesus, aming Panginoon, kami’y dumudulog sa Iyo at humihiling ng Iyong awa
sapagka’t alam namin na kami’y mahihina at nagkakasala. Nais naming gunitain ang Iyong
pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus, ang kahoy ng buhay. Batid din namin na ang aming
kasamaan at pagwawalang bahala ang naging dahilan ng Iyong paghihirap. Kaya’t kami ay lumalapit
sa’yo taglay ang pagsisisi at kababaang-loob upang magbayad-puri sa aming mga kasalanan at
humingi ng Iyong kapatawaran. Sa tulong ng Iyong biyaya ay sisikapin naming maging tapat sa Iyo
katulad ng katapatan ng Mahal na Birhen ng Soledad upang maisakatuparan din namin ang
kalooban ng Ama. Pawiin Mo ang kasamaan sa aming puso’t isipan upang kami’y maging kalugod-
lugod sa Iyo, Ikaw na aming Panginoon magpasawalang hanggan. Amen.

Awit:
MADRE MIA
Madre mía que estás en los cielos
Envia consuelos a mi corazón;
Cuando triste y llorando te llamo
Tu mano de rame feliz bendición.

Mientras dure en el mundo mi vida


Tu, Madre querida, mi vida serás
Y olvidando del mundo las glorias
Tus dulces memorias tendré, nada mas.

Y olvidando del mundo las glorias


Tus dulces memorias tendré, nada mas.

PANALANGIN NG KAHILINGAN SA MAHAL NA


BIRHEN NG SOLEDAD
Oh kabanal- banalan at nahahapis na Birhen ng Soledad, ikaw na nagbantay sa may paanan ng Krus
at nakamasid sa paghihingalo ng Iyong Anak, Ikaw na nag-iisa at nangungulila samantalang buong
pagmamahal kang nakatunghay sa koronang tinik at mga pako na siyang gamit sa pagpapakasakit at
pagkamatay ng Iyong Anak. Kami ay abang nakaluhod sa Iyong harapan upang magbigay galang sa
Iyong mga hapis at maghandog ng kahilingan, puno ng pananalig sa santuwaryo ng Iyong sugatang
puso. Ihandog mo, isinasamo namin, ang kahilingang ito kay Hesukristo alang-alang sa mga
kapakinabangan ng Kanyang banal na pagpapakasakit, kalakip ang Iyong mga hapis sa paanan ng
Krus, at sa buong bisa nito ay ipagtamo sa amin ang biyayang hinihiling namin.
(dito titigil sumandali at babanggitin ang mga kahilingan))

Kanino pa ba kami dudulog sa gitna ng aming mga pangangailangan at paghihirap kundi sa Iyo, o
Ina ng awa? Ikaw na lumagok sa kalis ng Iyong Anak at may pusong maawain sa mga hinaing ng mga
naglalakbay pa sa bayang ito ng hapis. O Mahal na Ina, na ang kaluluwa’y pinaglagusan ng sundang
ng hapis sa pagkakita sa pagpapakasakit ng Iyong Anak, ipanalangin mo kami at ipagkamit sa amin
mula kay Hesus ang aming mga kahilingan kung nauukol sa lalong ikararangal at ikaluluwalhati Niya
at sa kagalingan ng aming kaluluwa. Siya nawa.

LITYANYA AT PAGDULOG SA MAHAL NA BIRHEN NG SOLEDAD

Panginoon, maawa Ka sa amin. Panginoon, maawa Ka sa amin.


Kristo, maawa Ka sa amin. Kristo, maawa Ka sa amin.
Panginoon, maawa Ka sa amin. Panginoon, maawa Ka sa amin.
Kristo, pakinggan Mo kami. Kristo, pakinggan Mo kami.
Kristo, pakapakinggan Mo kami. Kristo, pakapakinggan Mo kami.

Diyos Ama sa Langit, Maawa Ka sa amin.


Diyos Anak na tumubos sa Sanlibutan, Maawa Ka sa amin.
Diyos Espiritu Santo, Maawa Ka sa amin.
Banal na Santatlo, iisang Diyos, Maawa Ka sa amin.

Santa Maria, Ipanalangin mo Kami.


Santang Ina ng Diyos, Ipanalangin mo Kami.
Birhen ng Soledad, Ina ng Hapis, Ipanalangin mo Kami.
Birhen ng Soledad, Inang Nag-iisa, Ipanalangin mo Kami.
Birhen ng Soledad, Inang Nananalangin, Ipanalangin mo Kami.
Birhen ng Soledad, Ina ng Pagkahabag, Ipanalangin mo Kami.
Birhen ng Soledad, Ina ng Pananampalataya, Ipanalangin mo Kami.
Birhen ng Soledad, Ina ng Pag-asa, Ipanalangin mo Kami.
Birhen ng Soledad, Ina ng Pagmamahal, Ipanalangin mo Kami.
Birhen ng Soledad, nakatunghay sa mga bagay na
ginamit sa pagpapahirap kay Hesus, Ipanalangin mo Kami.
Birhen ng Soledad, huwaran ng pagtitiis, Ipanalangin mo Kami.
Birhen ng Soledad, takbuhan ng mga nagsisisi, Ipanalangin mo Kami.
Birhen ng Soledad, pag-asa ng mga maralita, Ipanalangin mo Kami.
Birhen ng Soledad,
mapang-aliw sa mga nalulumbay, Ipanalangin mo Kami.
Birhen ng Soledad,
lakas ng mga mahihina, Ipanalangin mo Kami.
Birhen ng Soledad, iningatan sa puso ang mga
pangyayari sa buhay ni Hesus, Ipanalangin mo Kami.
Birhen ng Soledad, makalangit na tagapagtangkilik
ng Lalawigan ng Kabite, Ipanalangin mo Kami.
Kami ngayo’y naninikluhod at dumudulog,
Mahal na Birhen ng Soledad, tulungan Mo kami!

Na tulad Mo, maging handa kaming tanggapin


ng buong kapakumbabaan ang kalooban ng Diyos,
Mahal na Birhen ng Soledad, tulungan Mo kami!

Na tulad Mo, buong tapang kaming maka-iwas sa tukso


at maglakbay sa buhay na ito kasama si Hesus,
Mahal na Birhen ng Soledad, tulungan Mo kami!

Na tulad Mo, huwag naming hayaang mawala si


Hesus sa aming buhay,
Mahal na Birhen ng Soledad, tulungan Mo kami!

Na tulad Mo, makita namin ang mukha ni Kristo


sa aming kapwa,
Mahal na Birhen ng Soledad, tulungan Mo kami!

Na tulad Mo, makintal sa aming mga puso ang


pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus na siyang
tanda ng lubos na pagmamahal Niya sa amin,
Mahal na Birhen ng Soledad, tulungan Mo kami!

Na tulad Mo, bukas-palad naming tanggapin ang aming


kapwa lalo’t higit ang mga nawawalan ng pag-asa,
Mahal na Birhen ng Soledad, tulungan Mo kami!

Na tulad Mo, walang sawa kaming makiisa sa aming


kapwang nangangailangan ng pagkalinga, lalo’t
higit ang mga nalulumbay at nananangis,
Mahal na Birhen ng Soledad, tulungan Mo kami!

Na tulad Mo, kami nawa’y makasama ng Iyong Anak


na si hesus sa buhay na walang hanggan,
Mahal na Birhen ng Soledad, tulungan Mo kami!

V. Ipanalangin Mo kami,
O Mahal na Birhen ng Soledad ng Porta Vaga,
R. Nang kami’y maging dapat na makinabang
sa mga pangako ni Hesukristong aming Panginoon.

PANALANGIN
O Panginoong Diyos, tulad ng inihula ni Propeta Simeon na sa Iyong Pasyon ay tumimo sa katamis-
tamisang kaluluwa ni Maria, na Iyong maluwalhating Birheng Ina, ang sibat ng hapis, buong awa na
ipagkaloob Mo sa amin na mapitagang nag-aalala ng Kanyang mga sakit, na makamtan nawa namin
ang masaganang bunga ng Iyong Pasyon. Ikaw na nabubuhay at naghaharing kasama ng Diyos
Ama, kaisa ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan. Siya nawa.

PAGTATALAGA NG SARILI SA MAHAL NA BIRHEN NG SOLEDAD

(Ang panalanging ito ay darasalin tuwing unang Sabado ng buwan.)

O Mahal na Birhen ng Soledad, dahil sa lubos na pagmamahal ni Hesus sa amin, hindi lamang Niya
inihandog ang kanyang buhay upang tubusin ang aming mga kasalanan, ipinagkaloob Ka rin Niya sa
amin upang aming maging Ina. At kahit na kami ang dahilan ng pagpapakasakit ni Hesus ay
inihabilin Niya kami sa Iyo. Nawa kami’y Iyong tanggapin, kalingain at kahit na hindi karapat-dapat
ay ituring Mong anak. At dahil sa pagmamahal namin sa Iyo, Mahal na Ina, kung kaya’t mula sa araw
na ito ay buong puso’t kapakumbabaan na itinatalaga namin ang aming puso, gawain at buong
pagkatao sa Iyo. At dahil sa Kami ay Iyo, aming Ina, turuan Mo kaming laging tumalima sa kalooban
ng Diyos at handang sambitin na tulad Mo ang “fiat” bilang pagsasariwa sa mga ipinangako ng kami
ay binyagan at upang patuloy na lumalim ang aming pananampalataya, maging matatag ang aming
pag-asa at lalong mag-alab ang aming puso sa pagmamahal sa Diyos at kapwa. Mahal na Ina, bilang
Iyong anak, lagi rin nawa naming alalahanin ang Iyong tagubilin: “Gawin niyo ang anumang sasabihin
Niya sa inyo.”, upang ang abang pagtatalagang ito ay maging mabunga at maging daan upang
papurihan at paglingkuran ang Diyos at maging karamay ng aming kapwa. At sa pagsapit ng wakas
ng aming paglalakbay sa buhay na ito, ay maging ganap ang pagtatalagang ito sa piling Mo at ni
Hesukristong aming Panginoon sa buhay na walang hanggan. Siya nawa.

PANALANGIN PARA SA MGA MAYSAKIT


AT SA MGA DUMARANAS NG IBA’T IBANG PAGDURUSA

O Mahal na Birhen ng Soledad, takbuhan sa aming mga pangangailangan. Ikaw na laging


nakaantabay sa pangangailangan ng Iyong Anak na si Hesus, lalo’t higit ng Siya ay naghihirap at
nakabayubay sa Krus. Ipinapanalangin namin ang aming kapwang maysakit, na sa mga oras na ito
ay dumaranas ng matinding paghihirap. Isinasamo naming sila’y Iyong tulungan upang matamo ang
ganap na kagalingan. Iyong pagpalain ang kanilang mga katawan at kaluluwa. Ngunit idalangin Mo
rin na kanilang matanggap ang kalooban ng Diyos sa kanilang paghihirap upang sa karamdaman at
kagalingan, patuloy silang magpuri’t magpasalamat sa Diyos.

Gayundin, minamahal na Ina, ipinapanalangin namin ang aming mga kapwang may mga suliranin sa
buhay, mga nalulumbay, mga nawawalan ng pag-asa, mga itinakwil, at ang mga nag-iisa. Ikaw
na “tinarakan ng sundang ang kaluluwa”, Ikaw na nakitang nagdurusa ang Iyong Anak, Ikaw na
nagdanas ng kapighatian at pangungulila, maging liwanag ka nawa sa kanila at samahan sila sa oras
ng pag-iisa. Manumbalik nawa sa kanila ang pag-asang hindi sila pinababayaan ng Diyos. At sa
kabila ng paghihirap ng puso, kanilang matanto na darating din ang isang kaligayahang inihahanda
ng Diyos. Siya nawa.
PANGWAKAS NA PANALANGIN SA MAHAL NA
BIRHEN NG SOLEDAD
Namimighating Ina, pahintulutan Mo kaming manatili sa Iyong harapan, bagamat nalalaman naming
kami ay hindi karapat-dapat sapagkat kami ang dahilan ng Iyong mga kalungkutan. Minamahal na
Ina, takbuhan ng mga makasalanan, dinggin Mo kami sa aming pagsisisi at paghingi ng tawad.
Patuloy Mong patnubayan ang Inang Simbahan sa kanyang mga tungkulin, kalingain ang aming
pamilya at mga mahal sa buhay, dinggin ang mga pagsusumamo ng lahat ng mga nagsasagawa ng
pagnonobenang ito, makaranas ng Iyong paggabay ang mga taong nangangailangan ng panalangin
at alalahanin Mo rin ang mga kaluluwang naghihintay ng pagpapala sa purgatoryo. Nawa’y
mapabilang kami sa Iyong mga tapat na lingkod na nakikiisa sa Iyong kalungkutan upang mabago
ang masama naming buhay. Tulungan mo kami sa habang panahon lalung-lalo na sa oras ng
kamatayan upang magpuri at magpasalamat sa Iyo at sa kamahal-mahalan Mong Anak,
magpasawalang-hanggan. Siya nawa.

Pangwakas na Awit:

REINA DE CAVITE
Reina de Cavite por siempre serás:
Es prenda tu Nombre de júbilo y paz.
Reina de Cavite por siempre serás;
Es prenda tu Nombre de júbilo y paz.

Madre Inmaculada, prez del Serafín,


Luz de Filipinas, protégenos sin fin.
Madre Inmaculada, prez del Serafín,
Luz de Filipinas, protégenos sin fin.
Luz de Filipinas, protégenos sin fin.

Sa Ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.


PAGSISIYAM SA MAHAL NA BIRHEN NG SOLEDAD NG PORTA VAGA DE CAVITE PUERTO

REIMPRIMATUR: Artemio G. Casas

Episcopus Imusensis

Hulyo 15, 1967

Sa ngalan ng + Ama, ng +Anak, at ng +Espiritu Santo. Siya nawa.

PAGSISISI

Namimighating Ina, nababatid ko ang walang katulad na kalungkutan at smaa ng loob na dulot ng
tatlong araw na pagkalayo sa iyo ng iyong Anak na si Hesus, nang Siya ay mamatay at ilibing upang ako
ay mahango at magsisi sa aking mga kasalanan.

Pinagsisisihan ko ang lahat at alin mang kasalanang nagawa ko at nanaisin ko pa ang mamatay muna
bago muli akong magkasala sa kanya. Mula ngayon, Mahal Na Ina, ako ay nangangakong magsusumikap
na makapagbagong-buhay at tuloy maiwasan ang mga kasalanan sa tulong ng iyong Anak na dahil sa
akin ay hindi natakot na magpakasakit at mamatay. Hinihiling ko rin, Mahal na Ina, na nawa’y
matanggap ko ang mga biyayang ito alang-alang sa iyong mga dinanas na pagpapakasakit. Siya nawa.

UNANG ARAW

Namimighating Ina ng nagpakasakit na Anak, nababatid ko ang hirap na iyong nadama, nang ilagak sa
libingan at takpan ng mga taong nagmalasakit ang sugatan at walang buhay na katawan ng Iyong Anak.
Alang-alang sa iyong mga pagpapakasakit ay pagkalooban mo ako, Mahal na Ina, ng mga biyayang
kakailanganin sa tunay na pagsisisi. Loobin mong ang makasalanang kong sarili ay malibing kasama ng
Iyong Anak at muling mabuhay alang-alang sa Kanyang kaluwalhatian na ngayon ay hinihiling ko sa
pamamagitan ng nobenang ito. Siya nawa. Ilahad ang mga biyayang hinihiling at magdasal ng tatlong
Aba Ginoong Maria at isunod ang MEMORARE atPAKIKIRAMAY- Panalangin Sa Araw-araw.

MEMORARE

Alalahanin mo, oh lubhang mahabaging Birhen Maria na, kailan ma’y di narinig na may dumulog sa iyong
pagaampon, humingi ng Iyong tulong at nagmamakaawa ng Iyong saklolo, na Iyong pinabayaan. Dala ng
pag-asa na ito, dumudulog ako sa Iyo Oh Birhen ng mga birhen, Ina, sa Iyo ako’y lumalapit, sa Iyo ako’y
humaharap na makasalanan at namimighati. Oh Ina ng walang hanggang berbo, wag mo akong
siphayuin, ang aking pagluhog, bagkus, sa Iyong habag, pakinggan mo ako at pakapakinggan. Siya nawa.
PAKIKIRAMAY SA BIRHEN SA KATAHIMIKAN NG KANYANG PAG-IISA

PANALANGIN SA ARAW-ARAW

Namimighating Ina, pahintulutan mo akong manatili sa Iyong harapan, bagamat nalalaman kong ako’y
hindi karapat-dapat sapagka’t ako ang dahilan ng iyong mga kalungkutan. Minamahal na Ina ng mga
makasalanan, dinggin mo ako sa aking pagsisisi at paghingi ng tawad. Patuloy mong patnubayan ang
Inang Simbahan sa kanyang mga tungkulin at alalahanin mo rin ang mga kaluluwang naghihintay ng
pagpapala sa purgatoryo. Nawa’y mapabilang ako sa iyong mga tapat na lingcod na nakikiisa sa iyong
kalungkutan upang mabago ang masama kong buhay. Tulungan mo ako sa habang panahon lalung-lalo
na sa oras ng kamatayan upang magpuri at magpasalamat sa Iyo at sa kamahal-mahalan mong Anak
magpasawalang hanggan. Siya nawa.

AWITIN ang REINA DE CAVITE – Salve.

Sa ngalan ng + Ama, ng +Anak, at ng +Espiritu Santo. Siya nawa.

REYNA NG KABITE

Reyna ng KabiteLaging tawag ng lahat

Kapayapaan at galak

Ngalan mo’y siyang pugad.

Reyna ng Kabite

Laging tawag ng lahat

Kapayapaan at galak

Sa iyo’y nagbubuhat

Inang kalinis-linisan

Mahal ng Serafin

Ilaw ka ng Pilipinas

Tunay kang tanglaw namin!

Ilaw ka ng Pilipinas

Ika’y tanglaw namin!


REINA DE CAVITE

Reina de CavitePor Siempre Seras;

Es prenda tu nombre

De Jubilo y Paz. (2x)

Madre Immaculada,

Prez del Serafin;

Luz de Filipinas,

Protegenos sin fin. (2x)

IKALAWANG ARAW

Nahahapis na Ina, nababatid ko ang hirap na iyong nadama nang sa Iyong paguwi sa Iyong tahanan ay
naraanan mo ang kinatirikan ng Krus na kung saan ang iyong Anak na si Hesus ay nabitin at namatay.
Ang Krus na yaon ang kinatampukan ng Kaniyang walang-hanggang pagliligtas. Ang kahoy ng buhay na
buong puso mong pinarangalan, sapagka’t sa pamamagitan noon, matatamo ang buhay at kaligayahang
walang hanggan. Nababatid ko na ang aking pagwawalang bahala ay nakararagdag sa kabigatan ng Krus
at kahirapang iyong nadarama. Nagsusumamo ako ngayon, Mahal na Ina, na tulungan mo ako sa
paghingi sa Iyong Anak ng sapat na tapang, upang maipagpatuloy ko ang aking mga tungkulin at
maiwasan ko ang mga kasamaan. Ipagkaloob rin nawa sa akin ang aking mga kahilingan sa pamamagitan
ng Nobenang ito kung ito’y karapat-dapat sa Iyong kaluwalhatian. Siya Nawa.Ilahad ang mga biyayang
hinihiling at magdasal ng tatlong Aba Ginoong Maria at isunod ang MEMORARE atPAKIKIRAMAY-
Panalangin Sa Araw-araw.

IKATLONG ARAW

Lubhang namamanglaw na Ina ng lalong nagpakasakit na Anak, nadarama ko ang kapighatiang Iyong
naranasan nang ikaw ay manaog sa bundok ng Kalbaryo, na kung saan sinundan mo ang Iyong
nagpapakasakit na Anak. Nais kong tangisan ang mga kasamaang dulot ng pakikitungo ko at pakiki-isa sa
mga masasamang barkada --- mga kasamaang nagwalay sa akin sa pagpapala ng Iyong Ama. Tulungan
mo akong makamtan ang kaliwanagan ng pag-iisip upang maunawaan ko ang aking mga kamalian at
makatahak sa tamang landas ng buhay. At kung magiging marapat sa kapurihan Niya, at sa kagalingan ng
aking kaluluwa, ay ipagkaloob nawa sa akin ang biyayang ninanasa ko dito sa pagnonobena. Siya
Nawa.Ilahad ang mga biyayang hinihiling at magdasal ng tatlong Aba Ginoong Maria at isunod ang
MEMORARE atPAKIKIRAMAY- Panalangin Sa Araw-araw.
IKAAPAT NA ARAW

Lipos ng Pighating Ina ng lalong nahirapang Anak, sino kaya ang makakaunawa ng kahirapang Iyong tiniis
ng lumakad ka sa lansangang dinaanan ng Iyong pinahirapang Anak. Pagpapahirap, mga
katampalasanan, pagpapako sa Krus, ang mga gunita nito ang nagdulot sa Iyo ng matinding hapis.
Nawa’y tumimo sa aking isipan ang mga pagpapakasakit at mga kahirapang ito ni Kristo upang sa mga
sandali ng aking panghihina at panlalamig, ang mga ala-alang ito ang magsilbing gabay tungo sa wastong
pag-ibig sa Iyo at sa aking mga Kapatid. At kung magiging marapat sa Kanyang kaluwalhatian, at sa
kagalingan ng aking kaluluwa, ay ipagkaloob nawa sa akin ang biyayang hinihingi ko sa pagnonobena.
Siya Nawa.Ilahad ang mga biyayang hinihiling at magdasal ng tatlong Aba Ginoong Maria at isunod ang
MEMORARE atPAKIKIRAMAY- Panalangin Sa Araw-araw.

IKALIMANG ARAW

Tigib ng hapis na Ina ng lalong nagdurusang Anak, muli mong nadama ang kalungkutan at sama ng loob
nang ikaw ay muling pumasok sa lungsod ng Herusalem, ang sambayanang nagtakwil at nagpahirap sa
Iyong Anak, ang Dakilang Mananakop. Sa katahimikan ng Iyong damdamin, ay muli mong nabigkas ang
saloobing ng Iyong Anak: “Kahabag-habag na Herusalem, bakit mo sinayang ang iyong kapalaran? Anong
kasalanan ang ginawa sa iyo ng Aking Anak at siya’y iyong pinahirapan at pinatay?” Mahal na Ina,
tulungan mo akong makamtan ang nararapat na kaliwanagan ng pag-iisip upang makilala ko ang aking
mga kasalanan gayon din naman ang kaparusahang nararapat sa akin upang ang mga ito ay
mapagsisihan ko ng buong katapatan. At kung sa kaluwalhatian ng Diyos, at kagalingan ng aking
kaluluwa, ang mga kahilingan ko sa pamamagitan ng nobenang ito ay karapat-dapat, nawa ang lahat ng
ito ay aking makamtan. Siya Nawa.Ilahad ang mga biyayang hinihiling at magdasal ng tatlong Aba
Ginoong Maria at isunod ang MEMORARE atPAKIKIRAMAY- Panalangin Sa Araw-araw.

IKAANIM NA ARAW

Inang nahahapis sa pagpapakasakit ng Anak, hindi kaya lalong maragdagan ang Iyong pamamanglaw sa
pagpasok sa bahay ng senakulo, sapagka’t naaalala mo nang sinundang gabi ang iyong Mahal na Anak,
ay kasama at kausap mo subalit ngayon ay wala na at naiwang nakalibing sa lupa? Ano ang dapat kong
gawin upang maaliw ang Iyong kalungkutan? Sa bahay na ito ng Senakulo nagpaalam sa Iyo si Hesus
noong Huwebes ng gabi sapagka’t nalalaman niya na kinabukasan ay ihahahbilin sa Iyo na ariin mong
Anak ang lahat ng tao. At yayamang ako ay isa sa kanila, tanggapin mo akong anak bagama’t ako ay hindi
karapat-dapat. Tulungan mo akong maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng Ama, gayon din, nawa’y
matanggap ko ang aking mga kahilingang karapat-dapat sa Kanya sa pamamagitan ng nobenang ito. Siya
nawa.Ilahad ang mga biyayang hinihiling at magdasal ng tatlong Aba Ginoong Maria at isunod ang
MEMORARE atPAKIKIRAMAY- Panalangin Sa Araw-araw.

IKAPITONG ARAW

Oh nangungulilang Ina ng pinaka mamahal na Anak, minarapat mong manahimik sa Iyong kalungkutan
bagamat nalalaman mong kaisa mo ang mga alagad ni Hesus, pahintulutan mong ako’y makidalamhati
sa Iyo. At habang tinatangisan mo ang kamatayan ng Iyong Anak, bayaan mong tangisan ko sa piling mo
ang aking mga pagkukulang at kasalanan. Ipamagitan mo ako sa Diyos na sa mga kahirapan at karalitaan
ng buhay na ito’y huwag akong magnasa ng labag sa kanyang pagpapakasakit. At kung mamarapatin sa
Kanyang kaluwalhatian, at kagalingan ng aking kaluluwa, ay ipagkaloob mo nawa sa akin ang biyayang
hinihiling ko sa pagnonobenang ito. Siya nawa.Ilahad ang mga biyayang hinihiling at magdasal ng tatlong
Aba Ginoong Maria at isunod ang MEMORARE atPAKIKIRAMAY- Panalangin Sa Araw-araw.

IKAWALONG ARAW

Namimighating Ina ng lalong pinasakitang Anak, naririyan ka at nag-iisa sa mapanglaw na silid. Ang
mapanglaw na gabi ay nagpapahiwatig sa Iyo na lumubog na ang araw ng katuwiran, si Hesus, na ngayon
ay pinanawan na ng buhay sa bundok ng Kalbaryo. Ang masasayang araw na nagdudulot ng kaliwanagan
ay natapos na. Ibang-iba ang mga sandaling ito kaysa sa nang mapusopos ka ng Espiritu Santo at naglihi
sa Kanya, gayon din nang Siya ay isilang sa Bethlehem. Paano ko magiging marapatin ang aking sarili
gayong natatalos kong ako at ang aking mga kasalanan ang sanhi ng lahat ng kalungkutang ito?
Nangangako ako Mahal na Ina, pagsusumikapan kong maituwid ang aking mga pagkukulang at
pagsusumikapang mamuhay sa katarungan upang maki-isa sa Kanya sa Kanyang kaluwalhatian. At
nawa’y ang mga kahilingan ko sa pamamagitan ng nobenang ito ay aking makamtan. Siya nawa.Ilahad
ang mga biyayang hinihiling at magdasal ng tatlong Aba Ginoong Maria at isunod ang MEMORARE
atPAKIKIRAMAY- Panalangin Sa Araw-araw.

IKASIYAM NA ARAW

Nagungulilang Ina ng lalong marilag na Anak, napakatagal at napaka sakit ng tatlong araw na paghihintay
sa muling pagkabuhay ng Iyong namatay na Anak. Gaanong pananabik ang Iyong nadama habang
hinihintay mo ang pagsikat ng araw upang mamalas ang pagtatagumpay ng Iyong Anak sa
kaluwalhatian? Ang pananalig mo ang nagbigay sa Iyo ng lakas upang hinatyin ang katuparan ng Kanyang
pangako; ang pag-asa mo’y natupad sa muling pagkabuhay; ang pag-ibig mo ang nag-atas upang siya’y
lalo mong mahalin; ang pagiging matiisin mo ang nagbigay lakas sa Iyong pangungulila; ang Iyong
kababaang loob ang nagdala sa Iyo upang magpaka sakit alang-alang sa sangkatauhan.

Ang Iyong mga halimbawa, Mahal na Ina, ang nagbigay sa akin ng tapang upang ipanalangin ang Inang
Simbahan, gayon din ang iba’t ibang namumuno sa sandaigdigan, subalit higit sa lahat sa aming mga
pinuno dito sa lungsod ng Kabite at sa buong Pilipinas. Idinadalangin ko rin ang mga naririto ngayon
gayon din ang mga malayo sa aming piling, nawa’y sa pamamgitan ng Iyong pagpapakasakit at
pangungulila ay magkaroon ng katuparan ang aming mga kahilingan sa pamamgitan ng nobenang ito.
Siya nawa.

Ilahad ang mga biyayang hinihiling at magdasal ng tatlong Aba Ginoong Maria at isunod ang MEMORARE
atPAKIKIRAMAY- Panalangin Sa Araw-araw.

You might also like