You are on page 1of 6

PAMIMINTUHO SA MAHAL NA BIRHENG

MARIA INMACULADA DE SALAWAG

PAMBUNGAD NA AWITIN

O INANG MARIA NG SALAWAG


O Inang María, Birhen kang sintang liyag
Ina ng Diyos ng sambayanang Saláwag,
Mga samo nami'y iyong pakinggan,
Kalinisan ng puso't isipa'y makamtan.

Kaming mga abang anak ay tulungan


Makasalana't sa kasamaa'y nananahan.
Iyong katangian lubos nawang matularan,
tulad din nang sa iyong Anak na tangan.

KORO: SA IYONG RINGAL AT GANDA KAMI AY TINGNAN,


AT SA AMI'Y IPAMALAS, PAG-IBIG NA MATAMAN
SUMISIBOL KAY HESUS, PANGINOON NG TANAN
BUKAL NA DALISAY NG AWA AT KATARUNGAN.

Singliwanag ka ng araw, singrilag ng buwan


Inang naluluklok sa kanan ng kalangitan
Birheng walang anumang bahid-kasalanan,
Idalangin mo kami magpakailanpaman! (Koro)

CODA: O Inang Maria Inmaculada.

TAGAPAMUNO: Sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo


Lahat: Amen

TAGAPAMUNO: Mga minamahal na kapatid, tayo ngayon ay nagkakatipon ngayon bilang isang sambayanan
sa harap ng mapag-himalang Imahen ni Maria Inmaculada, upang papurihan at pasalamatan ang Banal na
Santisima Trinidad sa mga biyayang ipinagkalooban sa atin. Upang maging karapat-dapat tayong lumapit sa
kanya, alalahanin natin ang ating mga kahinaan at mga kasalanan at humingi tayo sa Diyos ng Awa at
Kapatawaran.

LAHAT: O Diyos ko: Ama, Anak, at Espiritu Santo, pinagsisisihan kong lubos ang pagkakasala ko sa iyo dahil
ikaw ang Diyos ko na ubod ng kabutihan at karapat dapat sa buo kong pag-ibig. Nagtitika akong lubos, sa
tulong ng iyong biyaya at patnubay ng Mahal na Inang Inmaculada, na iwasan ang mga kasalanan at ang mga
pagkakataon ng pagkakasala at tuparin ang Utos mo. Amen.

(pagkatapos ng Pagsisisi ay papaupuin ang lahat, at dito babasahin, kung mayroon man, ang mga liham pasasalamat, patotoo
sa mga milagro, o kahilingan)

1
MARIA INMACULADA, TALA NG UMAGA

Maria Inmaculada, Tala sa Umaga


Noon pa man ay itinangi ka.
Ang ‘yong liwanag
ang takdang lulupig
kay Satanas, kami’y iadya.

KORO: IYONG TUNGHAN


KAMING SAYO’Y NAMIMINTUHO
RITO SA LUPANG MINSAN ‘YONG GINALAWAN.
TULONG MO’Y ILAWIT
SA ‘MING TANAN.
MARIA INMACULADA,
PATRONA NAMIN.

Ang kalinisan mo’y iginagalang


Naming mahina’t makasalanan
Awa ng Diyos
ang aming kahilingan
Birhen ng Salawag,
kami’y tulungan. (Koro)

(NAKALUHOD) PANALANGIN KAY MARIA INMACULADA

LAHAT: O MARIA INMACULADA, minsan pa kami ay lumalapit sa iyong kandili at kalinga, dala ang pag-
asang hindi mo kami bibiguin kung ito ay makabubuti sa amin. Sa iyong pagmamahal at habag na sa Diyos
nagmula, O magiliw na Ina, sumasamo kami na sa pama- magitan mo ay maipagkaloob ang mga biyayang aming
hinihiling.

(tahimik nating sambitin ang ating mga pansariling kahilingan)

Sa simula pa lamang ng daigdig, O mahal na Birheng Maria, ipinan- gako nang Diyos na isang babae ang dudurog
sa ulo ng ahas na walang iba kundi ang kasamaan sa lupa. Dahil sa kalinis linisang paglilihi at pagsilang sa iyo at
sa iyong banal na pamumuhay, ikaw ay kinalugdan ng Diyos at sa iyo ay natupad ang pangakong inaasam.

Sa pamamagitan mo Birheng Maria, ikaw ang nagbigay daan upang maganap ang aming kaligtasan. Sa payak
mong pamumuhay kasama ng iyong Anak, isang magandang halimbawa ang iyong ipinamalas.
Kaya nga kalinis-linisang Maria, aming Patrona, akayin mo kaming ma- layo sa tukso at umiwas sa kasalanan.
Sa aming pamimintuhong ito, nawa’y matulad kami sa iyong mga halimbawa ng pananalig at pag-ibig, bilang
huwarang disipulo. Ikaw na Ina at unang tagasunod ni Kristo.

O Maria Inmaculada, Patrona ng sambayanang Salawag, ipana- langin mo kami at ipamagitan sa iyong anak
upang sa pagsasama nating ito bilang katawang mistiko ni Kristo, ay magkasama tayo sa kaluwalhatian sa langit
na minimithi ng aming bayan. Amen.

(MANATILING NAKALUHOD) PAGTAWAG KAY MARIA INMACULADA

Panginoon, Kaawaan mo kami,


-Panginoon, Kaawaan mo kami

2
Kristo, Kaawaan mo kami
-Kristo, Kaawaan mo kami

Panginoon, Kaawaan mo kami


-Panginoon, Kaawaan mo kami.

Santa Maria Inmaculada *Ipanalangin mo kami


Maria, itinakdang ika’y maging Inmaculada*
Maria, sa paglilihi sa’yo ni Sta. Ana, ika’y Inmaculada*
Maria, pagkapanganak, Inmaculada*
Maria Inmaculada , Masunuring anak ng Ama*
Maria Inmaculada, Masintahing Ina ng Diyos Anak*
Maria Inmaculada, Katamis-tamisang Esposa ng Espiritu Santo*
Maria Inmaculada, luklukan ng Banal na Santatlo*
Maria Inmaculada, larawan ng Karunungan ng Diyos*
Maria Inmaculada, bukang-liwayway ng Araw ng Katarungan*
Maria Inmaculada, buhay na sisidlan ng Katawan ni Kristo*
Maria Inmaculada, rosas sa angkan ni David*
Maria Inmaculada, daan patungo kay Hesus*
Maria Inmaculada, nagtagumpay laban sa kasalanang mana*
Maria Inmaculada, niyurakan ang ulo ng demonyong serpente*
Maria Inmaculada, reyna ng langit at lupa*
Maria Inmaculada, pintuan ng makalangit na Herusalem*
Maria Inmaculada, tagapamagitan ng mga biyaya*
Maria Inmaculada, kabiyak ng puso ni San Jose*
Maria Inmaculada, huwaran ng kabanalan*
Maria Inmaculada, dahilan ng ating kasiyahan*
Maria Inmaculada, haligi ng ating pananampalataya*
Maria Inmaculada, huwaran ng banal na pagdaralita*
Maria Inmaculada, tahanan ng kalinisan at kababaang-loob*
Maria Inmaculada, modelo ng pagtalima sa kalooban ng Diyos*
Maria Inmaculada, Ina ng Bokasyon*
Maria Inmaculada, Sandigan ng mga Pari at mga relihiyoso*
Maria Inmaculada, tagapagkandili ng mga kabataan*
Maria Inmaculada, takbuhan ng mga makasalanan*
Maria Inmaculada, kinatatakutan ng mga Erehe*
Maria Inmaculada, Liwanang ng mga Anghel*
Maria Inmaculada, Korona ng mga Patriarka*
Maria Inmaculada, luwalhati ng mga Propeta*
Maria Inmaculada, Reyna ng mga Apostoles*
Maria Inmaculada, kalakasan ng mga Martir*
Maria Inmaculada, patnubay ng mga nagpapahayag ng pananampalataya*
Maria Inmaculada, Diyadema ng mga Birhen*
Maria Inmaculada, Luningning ng mga Banal*
Maria Inmaculada, iniakyat sa langit*
Maria Inmaculada, pintakasi ng mga pamilya*
Maria Inmaculada, Tala ng Kapayapaan*
Maria Inmaculada, Reyna at Ina ng Salawag*

Kordero ng Diyos na nagaalis ng mga kasalanan ng sanlibutan. Patawarin mo po kami, Panginoon.


Kordero ng Diyos na nagaalis ng mga kasalanan ng sanlibutan.. Paka-pakinggan mo po kami,
Panginoon.

3
Kordero ng Diyos na nagaalis ng mga kasalanan ng sanlibutan. Maawa ka sa amin.

TAGAPAMUNO: Ipanalangin mo kami, O Maria Inmaculada de Salawag


LAHAT: Nang kami ay maging dapat makinabang ng mga pangako ni Hesukristong Panginoon.

MANALANGIN TAYO: Ama naming makapangyarihan, para sa iyong Anak ay inilaan mong maging marapat
na tahanan ang Mahal na Birheng ipinaglihing walang minanang kasalananan at siya’y ibinukod mo para huwag
madamay sa pagkamasuwayin ng lahat pakundangan sa kamatayang aakuin ng iyong Anak. Bilang tugon sa
kanyang panalangin, loobin mong kami’y maging dalisay upang kami’y maging dapat na makadulog sa iyong
harapan sa pamamagitan ni Jesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

(NAKATAYO) PAGHAHANDOG NG PUSO KAY MARIA INMACULADA

LAHAT: O Maria Inmaculada, Ina ng Diyos at amin ding Ina, itinatalaga namin ang aming sarili, at lubos na
ipinagkakatiwala at iniaalay sa Panginoon. Sa iyo, kami ay aakayin mo kay Kristong iyong Anak at bugtong na
Anak ng Ama, at sa kanya naman at kasama niya, sa Diyos Amang walang hanggan. Puspos ng banal na Espiritu,
maglalakbay kami sa liwanag ng pananampalataya, ng pag-asa at ng pag-ibig upang ang sanlibutan ay manalig
na si Kristo ang isinugo ng Ama upang ihatid ang kanyang Salita at kami, na kanya namang isinugo, ay
ipahahayag ang kanyang aral at pag-ibig hanggang sa dulo ng daigdig. Kaya’t sa ilalim ng iyong pagkandili kami
ay magiging isang sambayanan kay Kristo, tinubos ng kanyang kamatayan at mga saksi ng kanyang pagkabuhay,
sa pamamagitan niya, aakayin patungo sa Ama para sa ikadarakila ng Banal na Santatlo na aming sinasamba,
pinupuri at pinagbubunyi magpasawalang hanggan. Amen.

PANALANGIN PARA SA BOKASYON


LAHAT: O Diyos, Panginoon ng habag, tagapagtustos ng isang masaganang ani, biyayaan ninyo po lahat ng
tinawag niyo para tipunin ang iyong ani; Sila ay iyong panatilihin at palakasin sa kanilang panghabang-buhay na
paglilingkod sa iyo. Buksan ninyo po ang mga puso ng mga kabataan para mabatid nila ang iyong banal na
kalooban; mapukaw nawa sa kanila ang pagnanasang isuko ang sarili sa paglilingkod sa kapwa sa pangalan ng
iyong na Anak na si Hesukristo. Turuan mo ang lahat ng iyong mga anak na sumunod sa kanilang sari-sariling
landasin sa buhay, gabay ang iyong banal na salita at katotohanan. Sa pamamagitan ng mga panalangin ni Maria
Inmaculada, aming ina at patrona, paka-pakingan mo po ang aming mga panalangin para sa mga
pangangailangan ng iyong Simbahan, sa pamamagitan ni Kristo, aming Panginoon. Amen

PANALANGIN PARA SA BEATIPIKASYON AT KANONISASYON NG KAPITA-PITAGANG


PADRE JOSE FRASSINETTI, TAGAPAGTATAG NG SONS OF HOLY MARY IMMACULATE.

LAHAT: Amang nasa langit, kam’y nananalangin na ang iyong lingkod, ang kapitapitagang Padre Jose
Frassinetti ay maparangalan, kung ito ay para sa iyong ikaluluwalhati. Minahal niya ng lubos ang iyong anak na
si Hesukristo, ang walang-hangang punong Sacerdote, at sa grasya ng Espiritu Santo, siya’y naging saksi ninyo
sa kanyang buhay, pananalita at mga isinulat niya. Buong puso niyang itinaguyod ang pamumuhay ng banal,
umalalay sa mga banal na bokasyon sa buhay konsagrado at sa pagpapari, pinangalagaan ang maka-taong at
kristiyanong paghuhubog sa mga kabataan. Pinalaganap ang debosyon sa Eucharistiya at sa Mahal na Birhen
kaisa ang Santo Papa. Sa iyong habag, at pakundangan sa meritong natamo ni Maria Inmaculada, at sa
pamamagitan ng mga panalangin ni Padre Jose, nananalangin kami na ang biyayang aming ninanais ay
ipagkaloob sa amin. Amen.

4
DALIT KAY MARIA INMACULADA DE SALAWAG

Aba po, Birheng marilag


Inang sa ami'y natanyag:
*IKAW SA AMI'Y MAHABAG
INMACULADA DE SALAWAG.

1. Pinaglihing walang sala


ni Ana, Santang Matriarka
Inihanda ka ng Ama
kay Kristo ay maging Ina.

Bayan mo ay naghahayag
ngalan mo'ng itinatawag: (*)

2. Sa Templo ay inialay
niyong magulang na taglay
sa Diyos na nga naibigay
kabataan ng 'yong buhay.

Alipin ng Diyos na mahal


Esposa ng Diwang Banal: (*)

3. Anghel ng Diyos binati ka


ng Gabriel sugo ng Ama
ikaw nama'y hinirang N'ya
sa Poong Hesus ay Ina

Biyayang sa'yo nalahad


ay Manunubos ng lahat: (*)

4. Pagdatal ng Manunubos
Kristong tao't totoong Diyos
naging Ina ka't apostol
sa Evangelio napuspos.

Kaming simbahan mong anak


sa'yo kami'y naliliyag: (*)

5. Pagtungo mo sa Golgota
tangis ay di-makalara
nguni't napatiwala ka
sa muling-pagkabuhay niya.

Puso mo noo'y nabagbag


di-mapigil ang pag-iyak: (*)

6. Pagkabuhay niya’t pag-akyat,


naging Ina ka ng lahat
sa mga kasing alagad
ay tanggulan kang matapat.

5
Kami sa'yo, kaming lahat,
pag-ibig ang nilalahad: (*)

7. Sa pag-ibig ng ‘yong Anak


ika’y sintang iniakyat
sa lupa't langit nang lahat
nabunying Reynang marilag.

Korona mong maliwanag


puso nami'y dinaragdag: (*)

8. Sa langit kang tumatanaw


huwag mong tulutang maligaw
Bayang Salawag ay ikaw
pinupuri't sinisigaw.

Araw at buwan mong sagisag,


Singliwanag mo't singrilag: (*)

9. Sa mga huwad na pantas,


ereheng mga propetas,
kami'y iyong iniligtas
sa diwa mong ubod-lakas.

Simbahan mong lumalakad


hingi sa Kaniya'y patawad: (*)

10. Nawa sa dalit na ito


madakila kang totoo
ng bawat Salawagueño
at ng bayang Pilipino.

Birheng kang ubod ng rilag


Ina't Reina naming lahat: (*)

Coda:
Aba po, Birheng marilag
Inang sa ami'y natanyag:
*IKAW SA AMI'Y MAHABAG
INMACULADA DE SALAWAG.

You might also like