You are on page 1of 36

Isinulat ni Susan C.

Bardinas
Iginuhit ni Emy Padua
Inilapat ni Ervin Rey Abao
PAUNANG SALITA
Ang kuwentong ito ay alay sa mga mag-
aaral sa ikatlong baitang. ito ay kapupulutan ng
aral upang maiwasan ang pagiging matigas
ang ulo, mapagmataas at mapamintas.
Tumatalakay ito sa isang suso na walang
pakialam sa nararamdaman ng kapwa suso.
Paano kaya siya namulat tungo sa mabuting
pagbabago?
Naaayon ang kuwentong ito sa K to 12
kurikulum na humihikayat sa mga mag-aaral na
tangkilikin ang pagbabasa upang mas
mapaunlad ang kaalaman. Ito ay maaaring
gamitin ng mga guro sa pagtuturo sa
asignaturang Filipino(F3WG-III-CD-4)at Science
(S3MT-Ia-b-1) sa Ikatlong Baitang.
Sana ay makapagdulot ito ng magandang
aral at makatulong sa mga guro at mga mag-
aaral sa pagpapayaman ng kanilang
kaalaman.

Ang May-akda
Ang Susong
si Kuholita
Treasury of Storybooks
This storybook is a product of the National Competition on Storybook Writing 2017 (Division Level) of the
Department of Education.

Pursuant of the Intellectual Property Code of the Philippines, No copyright shall subsist in any work of the
Government of the Philippines. However, prior approval of the government agency or office wherein the work is
created shall be necessary for exploitation of such work for profit. DepEd may, among other things, impose as a
condition the payment of royalties. No prior approval or conditions shall be required for the use of any purpose of
statutes, rules and regulations, and speeches, lectures, sermons, addresses, and dissertations, pronounced, read or
rendered in courts of justice, before administrative agencies, in deliberative assemblies and in meetings of public
character.
For the purpose of citation, the following is recommended:
Surname, First Name Middle Initial, Title of the Storybook, DepEd – BLR, 2018

DEVELOPMENT TEAM
Writer: Susan C. Bardinas
Illustrator: Emy Padua
Editors: Salimar M. Mijares
Layout Artist: Ervin Rey Abao
Learning Resource Team: NEIL EDWARD D. DIAZ – Project Development Officer II
CHARLINE V. UDANI – Librarian II
REBECCA C. SAGOT - LRMDS Supervisor, DepEd Davao del Norte

DR. JANETTE G. VELOSO - CLMD Chief, Region XI

LRMDS - DAVAO DEL NORTE


REGION XI
Sa isang malawak na bukirin ay may maliit na
lawa. Sa hindi kalayuan ay may magandang hardin.
Sa lugar na ito, nakatira ang maraming suso. Makikita
sila sa mga malalaki at maliliit na bato. Ang iba ay
nakadikit sa mga dahon malapit sa tubig habang ang
iba naman ay nasa lupa o hindi kaya ay nasa tuyong
mga dahon at putol na mga kahoy. Iba’t iba ang
kulay, hugis, laki at tigas ng kanilang mga talukab.
Ang ibang talukab ay may katamtamang tigas
habang ang iba naman ay talagang manipis.
Isa sa kanila ay namumukod-tangi ang ganda.
Walang hindi nakakikilala sa kanya dahil tunay na
kakaiba ang kanyang hitsura. Siya ay si Kuholita.
Si Kuholita ay kakaiba dahil siya ay may
pinakamatigas at pinakamatingkad na kulay ng
talukab. Halos perpekto ang ikot at pabilog na hugis
ng talukab niya. Bukod dito, naiiba ang kanyang
malambot na katawan sapagkat ito ay kulay rosas. Sa
lahat ng oras palaging nakalabas ang kanyang
katawan, kung kaya talagang mapapansin siya.
Kahit ang kanyang mga magulang ay nahihiwagaan
kung kanino siya nagmana. Pinupuri ang angking ganda
ni Kuholita.

Hindi maikakaila na talagang dinadayo siya ng


maraming kalalakihang suso. Pati nga ang mga
kababaihang suso na galing pa sa kabilang ibayo ay
pinupuntahan siya, masilayan lamang ang kanyang
ganda.
“Puntahan natin iyong sinasabi nilang kakaibang suso sa
kabilang bukid,” sabi ng isang lalaking suso sa kaibigan niya.
“Sige, dahil gusto ko rin siyang makita,” sagot naman ng
isa pang lalaking suso.
“Hindi ba delikado ang pagpunta roon?” Tanong ng
babaeng suso.
“Gusto rin naming sumama!” Sigaw ng dalawa pa sa
may likuran nila.
Pinuntahan ng magkakaibigan si Kuholita sa kanilang
lugar at nabighani sila sa kanilang natunghayan. Namalas
nila ang angking kagandahan at kakaibang katangian ni
Kuholita.
Habang lumalaki mas lalong naging magiliw siyang
tingnan. Mas tumigas at tumingkad ang kulay ng talukab
nito. Maraming gustong makipagkaibigan sa kanya sa
lugar nila.

Ang mga bagay na ito ay lubos namang ikinasisiya


ng mga magulang ni Kuholita. Walang mga magulang na
hindi naghahangad ng kabutihan para sa anak. Palagi
silang nagdarasal na mailayo sa kapahamakan ang
nag-iisang anak.
Minsan, habang naghahapunan ang mag-anak ay
napatanong si Kuholita.

“Inay, itay bakit may mga suso na madalang lamang


lumalabas sa talukab nila?”

Nagkatinginan ang mag-asawa. Alam na nila na


darating ang araw na magtatanong ng ganito ang
kanilang anak.
“Kuholita anak, marahil nahihiya at natatakot silang
makita ng mga tao at iba pang organismo ang kanilang
anyo dahil manipis lamang ang kanilang mga talukab.
Posibleng ikapahamak nila ito,” ang sagot ng kanyang
ina.

“Hindi kasi pare-pareho ang tigas ng talukab natin.


Mabuti na lang at tayo ay nabiyayaan ng matitigas na
talukab,” ang dagdag na sagot ng ama.
“Ganoon po ba?” ang sabi ni
Kuholita. “Napansin mo rin ba anak na
iba-iba ang hugis, laki at kulay ng ating
mga talukab?” sabi ng ina.

“Oo nga po,” ang sagot ni Kuholita. “Napansin ko rin


na karaniwang iisang kulay lamang ang katawan nila ka-
gaya po ng sa inyo. Hindi katulad ng sa akin,” dagdag niya
pang sabi.
“Kaya anak, malaki ang
pasasalamat namin sa Panginoon sa
kakaibang biyayang ipinagkaloob sa
iyo” ang tugon ng ama.

“Gusto namin ng inay mo na ikaw ay maging


mapagkumbaba at hindi mapamintas sa iyong kapwa,”
dagdag na sabi ng ama.
“Sana anak, palagi kang magpapaalam kung saan ka
pupunta. Hangga’t maaari ay palagi kang may kasama”
dagdag na payo ng ina sa anak.
“Huwag kang maging kampante na may matigas kang
talukab dahil posible ka pa ring mapahamak kapag nakita
ka ng mga tao o ng iba pang organismo,” ang dagdag na
paalala ng ama kay Kuholita.

“Maasahan ka ba namin, anak?” Ang halos sabay na


tanong ng ama at ina ni Kuholita sa kanya.
“Opo Inay, Itay,” ang tanging sagot ni Kuholita.
Habang dumaraan ang mga araw ay may napapansin
na kakaibang gawi ang kanyang mga magulang kay
Kuholita. Walang araw na hindi nila pinapangaralan at
pinapaalalahanan ang anak.
“Kuholita anak, di ba gusto namin ng itay mo na lumaki
kang may kaaya-ayang ugali?” Paalala minsan ng ina sa
anak.
“Napapansin naming madalang na lamang kayong
maglaro ng iyong mga kaibigan,” ang sabi ng ama. “Ano ba
ang nagyayari, bakit hindi mo na sila kasama?” Ang tanong
ng ama.
Hindi umimik at umismid lamang si Kuholita sa tanong ng
kanyang ama.
Dahan-dahang nawala ang mga malalapit na kaibigan
ni Kuholita.
Hindi naman makikitang apektado siya, sapagkat may
isa pa siyang natirang itinuring na matalik na kaibigan, si
Susona.
Pangkaraniwan lamang ang anyo ni Susona.
Magkapitbahay sila at halos sabay silang ipinanganak kung
kaya naging malapit sila sa isa’t isa.

Katulad ng mga magulang ni Kohuita, palagirin siyang


pinapaalalahanan ni Susona.
Ngunit, hindi katulad ni Kuholita, si Susona ay lumaking
mabait at mapagkumbaba.
Taliwas na taliwas ang kanilang pag-uugali. Ang kaibigang
si Susona ay umaasang balang araw ay magbabago si Kuholita
sa kanyang pakikitungo sa kapwa suso.
“Alam mo bang walang mabuting maidudulot sa iyo ang
pagiging mayabang?” Ang sabi ni Susona sa kaibigan.
“Wala naman akong ipinagyayabang, ah! Totoo namang
maganda ako hindi tulad ng ibang mga suso na kapitbahay na-
tin,” ang sagot ni Kuholita. “Mas maganda nga ako sa iyo, eh,”
dagdag pa niya.
“Oo, tanggap ko naman ang
hitsura ko at sa simula pa lang
alam kong ikaw na ang pin-
akamagandang suso sa lugar
natin,” ang tugon ni Susona sa
kaibigan.

“ Pinapaalalahanan lamang kita dahil baka hindi ako


makatiis ay iiwan din kita,” pabirong sabi ni Susona.
“Eh di, iwanan mo rin ako tulad nila. Kaya ko namang mag-
isa,” ang pabalang na sagot ni Kuholita sa biro ng kaibigan.
Isang araw, habang namamasyal sa hardin ang
magkakaibigan, may nakasalubong silang kambal na suso.
Talagang parehong-pareho ang hitsura ng mga ito. Kulay
dalandan ang katawan nito ngunit hindi kagandahan ang
kanilang talukab. Mukhang nilulumot na.
“Tingnan mo nga ang hitsura ng kambal na iyan,” sabi ni
Kuholita sa kaibigan na si Susona sabay turo nito sa dalawa
habang tumatawa.
“Kung ako sa inyo, huwag na kayong lumabas ng bahay.
Nakakahiya ang hitsura ninyo!” Pasigaw na dagdag ni Kuholita.

“Tama na Kuholita, kawawa naman sila,” ang nabigla at


nahihiyang sabi ni Susona. “Tumigil ka na sa kakatawa,” dagdag
pa niya.
Dali-daling nagtago sa kanilang mga talukab ang kambal.
Hindi sila nakaimik sa sobrang hiya. Hinintay na lamang nila na
lumagpas sa kanila sina Kuholita at Susona saka sila dahan-
dahang umuwi pabalik sa kanilang tirahan.
Habang papauwi ay nagsalita ang isa sa kambal na suso.

“Kung anong ganda ng kanyang panlabas na anyo ay


ganoon naman kapangit ang kanyang pag-uugali” sabi ng isang
kambal sa kanyang kapatid.

“Oo nga, sayang ang natatanging ganda niya,” sagot


naman ng isa bilang pagsang-ayon.
Palaging ganoon ang eksena sa tuwing may makakasalu-
bong si Kuholita na mga suso sa daan o sa pasyalan nila.

Isang araw, pinuntahan ni Kuholita ang kumpol ng mga suso


sa may maliit na putol ng kahoy, at sinabihang…

“Hoy, bakit ba ayaw ninyong lumabas sa mga talukab


ninyo!” Natatakot kayo ano? Alam niyo bang mas lalo kayong
papangit niyan, dahil ayaw niyong lumabas!” Ayaw niyo bang
maging masaya katulad ko? Kawawa naman kayo,” ang paulit-
ulit na pangungutya ni Kuholita.
Walang nagawa si Susona kundi ang awatin na lamang ang
kaibigan.
Hindi na makatiis si Susona. Nang makakita ng tiyempo,
isinumbong niya sa mga magulang nito ang mga pinaggagawa ni
Kuholita, sa tuwing namamasyal sila.
Labis na nasaktan at nalungkot ang mga magulang ni Kuholita
sa kanilang nalaman. Hindi nila akalain na sa kabila ng mga
pangaral at paalala nila sa kanilang anak ay naging masama pa rin
ang ugali nito sa kanyang kapwa.
Natatakot sila sa masamang epekto na maidulot nito sa kanilang
anak. Ayaw nilang mapahamak ito. Pero anong gagawin nila?
Paano nila ito pipigilan? Ginawa na nila ang lahat ng kanilang
makakaya.
Naging usap-usapan ang ugali ni Kuholita sa kanilang lugar
at nakaabot pa ito sa ibang bukirin.

Kaya si Kuholita ay kilala na ngayon na isang suso na ubod


ng yabang at mapamintas sa kapwa. Maraming nagtataka kung
saan niya nakuha ang masamang pag-uugali, dahil kilala
naman na sobrang mabait at matulungin sa kapwa ang kanyang
mga magulang.
Marami ang nalungkot sa pagbago ng ugali ni Kuholita. Ang
iba naman ay nagalit sa kanya. May mga naghahangad na sana
ay dumating ang araw na siya ay magbago.
Isang umaga, naisipang mamasyal ni Kuholita sa kabilang
hardin. Hindi siya nagpaalam sa kanyang mga magulang. Alam
naman niyang hindi rin siya mapipigilan ng mga ito.

Hindi niya kasama ang kaibigang si Susona. May lakad si


Susona kasama ang mga kapatid. Hindi na niya mahintay ito Sa
unang pagkakataon, mag-isa siyang umalis.
Tuwang-tuwa siya sa mga bagong halaman at dahong
nakikita.
Tulad ng nakagawian, ganoon pa rin ang kanyang
pinaggagawa. Kung may nakasasalubong siyang ibang suso,
pinipintasan niya ang mga ito, pinagtatawanan at kapag hindi
nakapagpigil, binabato pa ang mga talukab nito. Ang malupit pa
nito ay pinapaalis pa niya ang mga ito sa dahon kapag natipuhan
niya.
“Ang sarap palang mamasyal mag-isa. Nagagawa ko lahat
ng gusto ko na walang kumukontra,” naisip ni Kuholita habang siya
ay pauwi na.
“Uulitin ko ito,” usal niya sa sarili.
Dahil sa tuwa hindi niya namalayan na takip-silim na pala.
Ito ang unang beses na naabutan siya ng dilim sa daan. Hindi niya
kabisado ang daan dahil ibang hardin ito.

Sa paghahanap ng daan, bigla siyang may narinig na


malaking boses. Boses ito ng tao hindi siya maaring magkamali.

“Ano na naman ang ginagawa ng mga suso sa halaman ko!”


Ang sigaw na narinig niya.
Dali-daling nagtago si Kuholita sa isang dahon. Alam niyang
hinahanap na siya ng kanyang mga magulang sa mga oras na
iyon.

Samantala sa kanilang bahay, alalang-alala na ang kanyang


ama at ina. Hindi na sila mapakali sa kaiisip kung ano na ang
nagyari kay Kuholita. Ganoon din ang kanyang kaibigang si Suso-
na. Hindi nila alam saan siya hahanapin. Wala ni isang makasagot
sa lahat ng pinagtanungan nila. Walang makapagsabi kung
nasaan si Kuholita.

Madilim na at wala pa rin si Kuholita.


Kinaumagahan, may isang suso na pumunta sa bahay nina
Kuholita at ibinalita ang nangyari sa kanya.

Walang pag-aatubiling lumakad kaagad ang mga magulang


nito at ang kaibigang si Susona upang puntahan si Kuholita.

Kalunos-lunos ang kalagayan ni Kuholita nang madatnan nila.


Basag ang talukab nito. Nanlalamig at halos tuyong-tuyo na ang
balat. Hindi makapagsalita dahil paos na ito sa kaiiyak at
nanghihina pa ang katawan dahil sa uhaw at gutom.
“Diyos ko anong nagyari sa anak ko!” Napasigaw sa hinagpis
ang kanyang ina.
Napahagulgol na lang ang ama ni Kuholita sa sinapit nito.
Umiiyak din sa awa si Susona sa kanyang kaibigan.
Umiiyak na ikinuwento ni Kuholita sa mga magulang ang
nagyari sa kanya.
Sa takot na makita siya ng may-ari ng halamanan ay nagtago
nang husto si Kuholita. Subalit natabig ng may-ari ang isang paso
kung saan siya nagtatago kaya siya ay nahulog. Matindi ang
kanyang pagkabagsak na ikinabasag ng kanyang talukab.

Labis ang pagsisisi ni Kuholita. Kung hindi lamang naging


matigas ang kanyang ulo at sinuway ang kanyang mga magulang
ay hindi niya sasapitin ang ganito.

Kung hindi lamang siya naging mayabang at maraming


sinaktan sana ay may nakapagsabi kaagad sa kanyang sinapit.
Gumagaling na ang kanyang sugat. Dahan-dahan na ring
tumutubo ulit ang talukab niya. Hindi na gaya ng dati ang tigas at
tingkad ng kulay at ang perpektong paikot na hugis nito. Hindi na
rin katulad noon ang katawan niya.
Maraming nalungkot sa sinapit ni Kuholita. Kung sana ay hindi
siya naging mayabang at mapagmataas, hindi sana siya
napahamak.

Mula noon naging mabait na sa kanyang kapwa suso si


Kuholita. Marahil natuto na siya, sabi naman ng iba.
Learning Competencies:

FILIPINO 3- Nakapaglalarawan ng mga tao,hayop, bagay at

lugar sa pamayanan. (F3WG-III-CD-4)

SCIENCE 3-Describe different objects based on their

characteristics (e.g. shape, weight, volume) (S3MT-Ia-b-1)

Paghawan ng balakid:

Talukab- matigas na balat ng mga suso, kuhol, at iba pang mga

kauri nito.

Trivia:

“Kapag nabasag ang talukab ng mga suso at masira

ay maari pa rin itong tumubo.”

(https;//www.quora.com)

Mga Katanungan:

1. Sino ang pangunahing tauhan sa kuwento?

2. Ano-ano ang mga katangian ni Kuholita?

3. Bakit namumukod tangi ang ganda ni kuholita sa ibang suso?

4. Ano ang nangyari kay Kuholita? Bakit?

5. Anong aral ang mapupulot natin sa kuwento? Bakit?


Karagdagang Gawain:

I-Ilarawan ang mga katangian ni Kuholita:


SUSAN CALABIO BARDINAS, PhD

Kasalukuyang Teacher III sa Mababang Paaralan ng Tanglaw Elementary School,


Brauilo E. Dujali District, Division ng Davao del Norte. Siya ay 34 taong gulang.
May asawa at nakatira sa Block.3,Lot 3.,Sol Street, Via-Vida Subdivision, Panabo
City. Natapos niya ang kanyang kursong Bachelor of Elementary Education sa
North Davao Colleges, Panabo City noong March 2005. Ang kanyang Master of
Arts in Elementary Education sa University of Immaculate Conception, Davao
City noong April 2015. Ang kanyang Doctor of Philosophy major in Educational
Leadership ay natapos naman sa University of Immaculate Conception, Davao
City noong April 2018. Siya ay 9 taon na sa pagtuturo at 7 taon nito ay iginugol
niya sa pagtuturo ng mga bata sa Unang Baitang.
Sa isang bukurin na may malawak na hardin,
nakatira ang napakaraming suso na may iba’t ibang
kulay. Ngunit may isang suso na namumukod-tangi sa
kanilang lahat, ito ay si Kuholita.

You might also like