You are on page 1of 36

Kuwento ni: Guhit ni:

Mariel G. Balacuit Neil J. Arado


Ang Bag ni Inang Kuwago
Maikling Kuwento sa Filipino Para sa Ikalawang Baitang

Mga Kasanayang Nakapaloob sa Kuwento:


AP2PKK-IVa-2 • Natutukoy ang iba pang tao na naglilingkod at ang kanilang kahalagahan
sa
komunidad (e.g. guro, pulis, brgy. tanod, bombero, nars, doktor, tagakolekta ng basura,
kartero, karpintero, tubero, atbp.)
EsP2P- IIg – 12 • Nakatutukoy ng mga kilos at gawaing nagpapakita ng pagmamalasakit sa
mga kasapi ng paaralan at pamayanan.
Treasury of Storybooks

This storybook is a product of the National Competition on Storybook


Writing 2018 of the Department of Education.

Pursuant to the Intellectual Property Code of the Philippines, no copyright


shall subsist in this work of Government of the Philippines. However, prior
approval of the Department of Education shall be necessary for exploitation
of such work for profit. DepEd may, among other things, impose as a condition
the payment of royalties. No prior approval or conditions shall be required
for the use for any purpose of stutues, rules and regulations, and speeches,
lectures, sermons, addresses, and dissertations, pronounced, read or
rendered in courts of justice, before administrative agencies, in collaborative
assemblies and in meetings of public character.

For the purpose of citation, the following is recommended.

Balacuit, Mariel G., Ang Bag ni Inang Kuwago, DepEd-BLR, 2019.

DEVELOPMENT TEAM

Writer: Mariel G. Balacuit


Illustrator: Neil J. Arado

Learning Resource Managers: Avelina C. Duquesa


Maripaz F. Magno

AGUSAN DEL NORTE


CARAGA REGION
Ang Bag ni
Inang Kuwago
Hindi pa lumalabas si haring araw
at tahimik pa ang paligid ngunit dinig
na ni Hugo ang kaluskos sa kanilang
kusina. Amoy na amoy na niya ang
masarap na luto ni Inang Kuwago.
Alam na ni Hugo na aalis na naman
nang maaga ang kaniyang Ina.
Dali-daling bumangon si Hugo at
pumunta sa kusina. Tapos nang
magluto si Inang Kuwago. Nakaligo
na rin ito at nakabihis na. Bitbit na
niya ang kaniyang malaki at kulay
pulang bag. “Inay, ano na naman
ang laman ng iyong bag? Bakit ba
tuwing umaalis ka ay punong-puno
itong maraming gamit?” tanong ni
Hugo.
“Ito ay mga bagay na kailangan
ko sa aking trabaho,” nakangiting
sagot ni Inang Kuwago.
“Gusto ko pong sumama Inay.
Nais kong makita ang lugar na
pinupuntahan mo araw-araw,”
nagmamakaawang sambit ni Hugo.
“Hindi ka pa puwedeng sumama.
Maliit ka pa, hindi mo pa kayang
lumipad nang tatlong oras at
tumawid sa dalawang ilog,” sabi ni
Inang Kuwago.
Maliit pa ang mga pakpak ni
Hugo at hindi pa niya kayang
lumipad nang malayo at matagal.
Umalis na si Inang Kuwago at
malungkot na naiwan si Hugo sa
kanilang bahay. Hindi niya
maintindihan kung bakit ayaw siyang
isama ng kaniyang Ina.
Mula sa kanilang maliit na bintana
ay tanaw ni Hugo ang pag-alis ng
kaniyang ina. Napapaisip siya kung
bakit kahit malayo ang nilalakbay
ni Inang Kuwago ay matiyaga pa
rin nitong binibitbit araw-araw ang
malaki nitong bag.
Magtatakipsilim na nang umuwi si
Inang Kuwago. Magulo ang buhok
nito at halatang pagod na pagod.
Dali-dali siyang sinalubong ni
Hugo, nagmano ito sabay abot ng
isang basong tubig at kinuha ang
malaking pulang bag nito na walang
laman.
Naibsan ang pagod ni Inang
Kuwago sa matatamis na ngiti at
lambing ni Hugo.
“Inay, tara na at maghanda na
tayo ng hapunan,” wika ni Hugo.
Tinulungan niya si Inang Kuwago sa
pagluto ng masarap na hapunan.
Pagkatapos kumain ay naghanda
na si Inang Kuwago ng mga gamit
na kaniyang dadalhin kinabukasan.
Isa-isa niya itong ipinasok sa
kaniyang bag. Nagtaka si Hugo dahil
puro pintura ang laman ng bag ni
Inang Kuwago.
“Inay, para saan po iyang
maraming pintura sa loob ng iyong
bag?” tanong ni Hugo.
“Gagamitin ko ito sa aking trabaho
Hugo,” sagot ni Inang Kuwago.
“Aha! Malamang isang pintor si

Inay,” sabi ni Hugo sa sarili.


“Naalala ko isang araw ay
umuwi siyang maraming pinturang
kulay berde sa kaniyang mukha.
Kahit ang bag niyang pula ay may
bahid din ng pintura.”
Sa sumunod na araw ay nakita
na naman ni Hugo na naglalagay ng
maraming tinapay, gatas, kendi, at
biskuwit si Inang Kuwago sa bag nito.
“Aba! Inay, ang daming masasarap
na pagkain. Para saan po ito?”
nagtatakang tanong ni Hugo.
“Gagamitin ko ito sa aking trabaho
Hugo,” sagot ni Inang Kuwago.
“Aha! Malamang isang tindera si
Inay,” sabi ni Hugo sa sarili. “Siguro
ay ibebenta niya ang lahat ng tina-
pay, gatas, kendi, at biskuwit sa kani-
yang pinagtatrabahuhan. Kawawa
naman si Inay, sana ay puwede ko
siyang tulungan sa pagbebenta ng
mga ito.”
Sa sumunod na araw ay nakita
na naman ni Hugo na naglalagay ng
maraming basahan, walis
tingting at daspan si Inang Kuwago
sa kaniyang malaking bag. “Inay,
para saan po iyang maraming
basahan, walis tingting, at daspan sa
loob ng iyong bag?” tanong ni Hugo.
“Gagamitin ko ito sa aking trabaho
Hugo,” sagot ni Inang Kuwago.
“Aha! Malamang ay isang
dyanitor si Inay,” sabi ni Hugo sa
sarili. “Kaya pala napakalinis at
napakaayos din ng mga gamit sa
loob ng aming munting tahanan.
Kumikintab ang aming mga
kubyertos, na tila maraming salamin
sa aming kusina.
Sa sumunod na araw ay sinilip ni
Hugo ang laman ng bag ni Inang
Kuwago. Nagtaka siya dahil puro
gamot ang laman nito. “Inay, para
saan po iyang mga gamot sa iyong
bag?” tanong ni Hugo.
“Gagamitin ko ito sa aking
trabaho Hugo,” tanging sambit ni
Inang Kuwago.
“Aha! Malamang ay isang doktor
si Inay,” sabi ni Hugo sa sarili sabay
tingin sa ulap. “Naalala ko noong
ako ay nagkasakit at nilagnat,
dinala ako ni Inay sa doktor at nakita
ko ang kaparehong gamot doon.”
Patuloy sa pagtataka si Hugo
kung ano nga ba talaga ang
trabaho ng kaniyang Ina. Nais
niyang sumama kay Inang
Kuwago upang masaksihan ang
pinagkakaabalahan nito. Ngunit
maliit pa siya at hindi pa sapat ang
laki ng kaniyang mga pakpak.
Dumaan ang ilang buwan,
unti-unting lumalapad ang mga
balikat ni Hugo. Lumalaki na ang
kaniyang mga pakpak, sapat nang
makalipad sa malalayong lugar.
Sa wakas! Maaari na siyang
sumama kay Inang Kuwago gaya
nang ipinangako nito.
Isang magandang umaga ang
bumungad kay Hugo. Ramdam niya
ang haplos ng simoy ng hangin.
Nalalasap rin niya ang sarap ng
amoy ng luto ni Inang Kuwago. Sabik
siyang bumangon at inunat-unat ang
kaniyang mga pakpak. “Sa wakas ay
makakasama na rin ako sa inyo,”
masayang sabi ni Hugo sa Ina.
Maaga silang umalis ng bahay at
dala-dala pa rin ni Inang Kuwago
ang malaki nitong bag. “O, hali ka
na Hugo simulan na natin ang ating
paglalakbay,” sabi ni Inang Kuwago.
“Sundan mo lamang ako upang hindi
ka mawala,” dagdag ng Ina.
Aliw na aliw si Hugo sa kaniyang
nakikita. Napakalawak ng
himpapawid, kay puti ng mga ulap
na tila sumasabay sa kanilang
paglipad.
Tanaw niya mula sa ibabaw ang
agos ng ilog at ang mga punong
sumasayaw sa tugtog ng hangin.
Sa kalagitnaan ng kanilang
paglipad, naramdaman ni Hugo ang
pangangawit ng kaniyang mga
pakpak. Napatingin siya sa kaniyang
Ina at nagtaka kung bakit hindi
bakas sa mukha nito ang kapaguran.
Sa halip ay ngumingiti pa ito at mas
binilisan pa ang paglipad.
Mataas na ang sikat ng araw
nang masilayan ni Hugo ang telang
parihaba na para bang sa kanila ay
kumakaway. Sa likod nito ay isang
maliit na kubo na napapalibutan
ng makukulay na bakod. “Inay,
ito na po ba ang lugar na iyong
pinagtatrabahuhan?” namanghang
tanong ni Hugo.
“Oo Hugo, tara kanina pa sila
naghihintay sa aking pagdating,”
sagot ng kaniyang Ina.
Pumasok sila sa kubo at namangha
si Hugo sa kaniyang nakita. Bumungad
sa kaniya ang isang berdeng pisara,
sa gilid nito ay may maliit na kahong
lalagyan ng mga gamot at sa isang
sulok naman ay nakahanay ang
mga gamit panlinis. Iba’t-ibang uri
naman ng mga batang hayop ang
nakaupo sa loob na matiyagang
naghihintay sa pagdating ni Inang
Kuwago.
“Magandang Umaga Gurong Ku-
wago!” sabay-sabay nilang bati.
“Magandang umaga rin mga
bata, mabuti naman at nandito na
kayong lahat. Kasama ko nga pala
ang aking anak na si Hugo. Sa
susunod na taon ay magsisimula na
rin siya sa pag-aaral,” wika ni Gurong
Kuwago.
Maya-maya ay inilabas ni Gurong
Kuwago ang lamang mga pagkain
mula sa kaniyang bag. Isa-isa niya
itong ibinigay sa kaniyang mga
mag-aaral. Nahaplos ang damdamin
ni Hugo nang napagtanto niya ang
trabaho ng kaniyang Ina. Nasagot
na rin sa wakas ang mga tanong sa
kaniyang isipan. “Ipinagmamalaki ko!
Isang guro ang aking Ina.”
Ang May-Akda

Si Mariel Galeon Balacuit ay ipinanganak at lumaki


sa Butuan City. Nagtapos ng Batsilyer ng Edukasyon
sa Elementarya sa Father Saturnino Urios University
bilang Magna Cumlaude. Siya ay kasalukuyang guro
sa Elementarya. Nagwagi ng 2nd Place sa kauna-
unahang National Competition on Storybook Writing for Kinder-
garten Category sa libro nitong pinamagatang “Sa Bukid ni Bebot.”

Ang Tagaguhit

Si Neil Jovellar Arado ay ipinanganak at lumaki sa


Butuan City. Nagtapos ng Bachelor in Early Childhood
Education sa Father Saturnino Urios University noong
ika 27 ng Marso taong 2015. Siya ay kasalukuyang
guro sa Paaralang Elementarya ng Kahayagan, Las
Nieves District 2, Division of Agusan del Norte. Siya ang gumuhit sa
librong “Sa Bukid ni Bebot” na Nagwagi ng 2nd Place sa kauna-
unahang National Competition on Storybook Writing for Kinder-
garten Category.
Gaya ng ibang bata si Hugo
ay palaging naiiwan ng Ina sa
bahay upang magtrabaho.
Ngunit palaging nagtataka si
Hugo kung ano ba talaga ang
trabaho ng kaniyang Ina.
Alamin natin ito sa kuwentong
Ang Bag ni Inang Kuwago.

You might also like