You are on page 1of 6

Pakibahagi po mga kaibigan!

Hinggil pa rin ito sa Bagani

***
Hinggil sa Aking "Mapanlagom na Pagbabawal sa Paggamit ng Salitang Bagani" o Ang Aking
Pangayaw Laban sa Kultural na Pagnanakaw at Iba Pang Kasangkapan ng Kolonyalismong
Kanluranin na Ipinagpapatuloy ng mga Nakolonya at Nagpakolonyang mga Pilipino

Bago ang lahat, taimtim akong nananalangin sa Inyo, Makapangyarihan at Dakilang Migbaya na
siyang nagkaloob sa lahing Higaonon ng wikang Higaonon na siyang naging daluyan ng
kapangyarihan ng mga salita na ipinagkaloob din Ninyo sa aming lahi. Dagidagi ha ulawitan,
buong pagpakumbaba akong nagpapasalamat sa pagbibigay lakas at tining sa aming tinig na
siyang naging tagapagbigkas sa mga salitang Inyong ipinagkaloob.Buong puso akong
nagpapasalamat at nagbibigay pugay sa Inyong kabutihan at pagtuturo sa amin sa mga lihim at
kahalagahan ng mga salitang Inyong ipinagkaloob nang sa gayon makakapagbuo kami ng
lipunang may pagkakaunawaan at may paggalang sa kapwa tao at sa iba pang nilalang,
nakikita man o hindi nakikita, sa mundong ibabaw.

1. Una, nais kong linawin na wala akong personal na interes sa aking pahayag hinggil sa isyu
ng mali at hindi karapatdapat na paggamit ng salitang bagani ng ABS-CBN at iba pang
tinamaan ng binansagang mapanlagom kong pagbabawal. Bilang isa sa mga pangunahing
tagapamandila ng kultura at diwang Higaonon, likas lamang sa akin na punahin, tuligsain at
ituwid ang anumang nakikita kong hindi nararapat at maling paggamit ng iba hindi lamang sa
kung anong mga salita kundi sa lahat na bagay na may malalim na pagkakaugnay sa
kakanyahan ng kulturang Higaonon at iba pang kapatid na tribu.

Ibig kong sabihin, hayaan nating magtagisan ang ating mga pananaw, ideya, argumento at
panunuligsa nang walang bahid ng paghamak sa katauhan ng kapwa. Sasabihin ko ang mga
saloobin ko na nakaugat sa aking pagiging Higaonon. Nabasa ko na rin ang kalakhan sa inyong
mga posisyon, at nakita kongt napakababaw ng inyong pagkakilala sa gaya namning mga
katutubo kaya nagpasya na rin ako na maglahad pa ng mas malawak at mas malalim na
pagpapahayag nang sa gayon ay mabawasan ang nakita kong makitid din ninyo na pang-
unawa kung bakit ganito ang aming posisyon bilang mga katutubo. At kung anuman ang inyong
tugon, iyon ay uunawain kong mabuti. Kahit pa isang malaking katatawanan para sa gaya
namin na makitang tila ba kayo na ang eksperto at awtoridad sa isang salitang ni hindi ninyo
alam ang kasaysayan ng pagkakabigkas. At lalong isang malaking katatawanan na tila ba kayo
ang dapat na may huling sabi kung paano dapat tumugon kaming mga katutubo sa isyu ng mali
at hindi karapatdapat na paggamit ninyo sa salitangt para sa amin ay mahigpit na nakatali sa
aming kultura sapagkat kultura namin ang nagluwal nito.

Sa kahibangan ng iba sa inyo na ako ay nasa mali, ginawa pang batayan na hindi ako
nanonood ng TV kaya hindi ko dapat husgahan ang palabas dahil lamang sa kanyang trailer.
Nakakatawa ito. Sapagkat nakatitiyak ang mga gaya ko na walang ni isang kaluluwa riyan ang
nakakaalam hinggil sa salitang bagani, kung kaya hindi ko na kailangang mag-aksaya pa ng
panahon sa mga ganyang palabas dahil tiyak namang mali at hindi karapatdapat angt paggamit
nito ng salitang bagani.

2. Ngunit bago magkainitan, marapat lamang na ako'y magpakilala muna bago ko tuluyang
ihapag ang ilang katangian ng binabaybay kong landas sa panulat man o sa aking buhay.
Tanda ito na nais kong magkaroon ng tunay at makabuluhang diskurso hinggil sa isyung
nagpainit sa ating mga tainga.

Alinsunod sa batas ng republika, binigyan ako ng pangalang Kristiyano na Telesforo S. Sungkit


Jr. Binansagan ako ng palayaw na Jun. At kapag dumating na ang tamang panahon, at kapag
ako'y nakitang karapatdapat, ipagkakaloob din sa akin ng Dakilang mga Tumanud ang
pangalang Higaonon sa harap ng banal na bangkasu ng aking mga ninuno.

Pagsasaka ang ikinabubuhay ko. Nagtatanim ako ng palay, mais, saging, kape at mga punong
naga.

Iisa pa lamang ang aking asawa at dadalawa ang mga anak.

Naging manunulat ako alinsunod sa itinakda ng mga tumanud at tagbaya ng mga Higaonon na
panindigan ko at ipagtanggol nang buong husay ang purong alaala ng aking mga ninuno hinggil
sa kalayaan.

3. Nais ko ring ilahad ang maikling pagsusuma sa kasaysayan naming mga Higaonon. Ayon sa
mga salimbibig na salaysay ng aming mga ninuno, ang pangalan ng isla ng Mindanaw ay mula
sa katagang Higaonon na Amin Danaw. Nang manganak na ng iba pang tribu ang unang
nanirahan sa isla, ang mga nanatiling tumawag sa sarili nila bilang mga Higaonon ang siyang
nagmana sa Lambak ng Tagolowan na sumasaklaw sa Hilagang Mindanaw hanggang sa isla
ng Kamiging. Hindi pa marunong maglayag sa malawak na karagatan ang mga kolonyalistang
Europeo nang maglabay paroo't parito sa Vietnam, India, Thailand, at Tsina ang mga ninuno
naming Higaonon upang makipagkalakalan at makipag-ugnayan sa ibang lahi. Gamit nila ang
malalaking balangay. Pinatutunayan ito ng mga nahukay na mga labi ng mga balangay sa
Butuan at nang iba't ibang mga labi ng mga kalakal na nahukay din sa iba't ibang dako ng
Mindanaw.

Kung anuman ang nangyari sa maunlad na pamumuhay noon ng aming ninuno kung kaya hindi
naging matagumpay ang lahat na pakikihamok nila laban sa mga kanluraning kolonisador, wala
na kaming malinaw na datos hinggil doon. Ang malinaw lamang, nang manalasa ang mga
pesteng dayuhan kasama ang mga naging kampon nila mula sa Visayas at sa Luzon, naitaboy
kami sa mga kabundukan at inangkin ng mga mapangamkam na dayuhan ang aming mga
teritoryo at lupain. At nang dumating ang panahong hindi na mapanghawakan ng ganid na
Kastila ang sinakop niyang mga lupain, isinama niya sa iligal na bentahan sa Paris ang isla
namin na sinunggaban agad ng ganid na mangangamkam din sa Hialagang Amerika.

Mahalagang mabatid nang lahat na malinaw sa aming mga katutubo na sa lahat na gawain ng
kolonyalismong dayuhan, lagi silang tinutulungan ng lokal na kasapakat nila - ang mga nagmula
sa Visayas at Luzon na nasakop o di kaya'y kusang nagpasakop sa mga dayuhan. Hindi namin
ito nalilimutan at kailanman ay hindi makakalimutan. Ito ay matingkad na alaala na aming
minana at ipapamana rin sa lahat naming salinlahi.

Kung kaya sa matagal na karanasan naming mga katutubo sa pakikitungo sa mga binansagan
naming Dumagat (dahil dumating sila mula sa dagat), napag-aralan na rin naming mabuti ang
kanilang mga kilos at gawi. Mula rito, ang aming mga matatanda ay nakapagbalangkas na ng
mga aral na ipinamana nila sa amin. At isa sa mga aral na ito ay "huwag na huwag mong
ipagkatiwala sa Dumagat ang mga bagay na mahalaga sa iyo". Ang mapait na kalagayan ng
mga binnsagan ninyong lumad ngayon ay malaking patunay sa pagkakamali ng mga nauna sa
amin na nagtiwala sa mga taong kumamkam ng lahat na mahalaga sa aming buhay.
Malawak at malalim na rin ang naging karanasan namin hinggil sa pakikitungo sa iba't ibang uri
at lahi ng mga mananaliksik. At kalakhan ng aming karanasan sa bagay na ito ay hindi naging
kaaya-aya. Sa dinamidami ng mga pag-aaral at pananaliksik na isinagawa sa aming mga
banuwa, isa lamang ang malinaw, hindi tinitingnan ng mga mananaliksik na mahalagang mag-
iwan o magbigay sila ng kopya ng kanilang pananaliksik kahit man lang sa mga institusyong
pang-akademiko na nakasasaklaw sa mga lugar kung sila nananaliksik. Lumalabas na
ginagawa lamang apakan ang mga kagaya namin upang makakuha ng mga digring masterado
o kaya'y doktorado ang mananaliksik. O kaya naman ay upang makakuha ng pondo ang isang
NGO. At ang iba pang pananaliksik ay ginagawang batayan ng mga ganid at sakim upang
kamkamin ang mga likas yaman sa mga banuwa namin. Alam naming ang ibang mananaliksik
ay hindi malay na nagagamit sila ng mga sakim na interes. At alam din namin na may mga
mananaliksik na malay na sila ay ginagawang galamay ng mga interes na mapaminsala sa mga
buhay at ariarian namin.

Mula sa mga karanasang nabanggit, nagkaroon noon ng kaisahan ang aming pinuno na
ipagbawal ang pagbahagi ng maraming kakanyahang kultural lalo na iyong may kaugnayan sa
aming mga lihim na tradisyon at mga paniniwalang espiritwal. Marahil dala ito ng kanilang
kagustuhang maipagtanggol ang huling larangan ng paglaban na maaari naming depensahan -
ang aming kolektibong alaala bilang may kakanyahang pangkat ng mga tao.

4. Ang mga kalagayang nabanggit na sa unahan ang lunsaran ng aking pahayag hinggil sa
paggamit ng iba sa salitang bagani. Ang nauunawaan ko, ikinakahon lamang ito ng mga
gumamit sa pagiging isang salita lamang at tila ba pilit na pinuputol ang tiyak na
pagkakadugtong nito sa kakanyahang kultural ng mga tribung may tradisyon ng pagbabagani.
Oo, hindi maaring ariin ang salita ng isang tao sapagkat ito ay produkto ng isang tiyak na
kultura ng isang tiyak na grupo ng tao. Hindi ako bilang ako ang aking ipinangangalandakan
kundi ang ako bilang kinatawan sa kolektibong mithiin ng mga Higaonon at iba pang katutubong
tribung kapatid namin na labanan ang lahat na anyo ng pangangamkam sa mga bagay na para
sa amin ay mahalaga at itinuturing na banal. Sa ganoong konteksto, tinitingnan ng mga kagaya
ko na walang karapatan ang sinumang tao o entidad na labas sa aming kultural na komunidad
na gamitin ang mga salitang kagaya ng bagani na para sa amin ay hindi lamang isang salita
kundi isang buhay na entitad na ipinagkaloob sa amin ng aming dakilang Migbaya para sa
kapakanan ng aming mga salinlahi.

Kung mamamatay man ang aming pagsusulat, paglikha, pagharaya at ang mismong mga
salitang nais naming ipagbawal na gamitin ng iba ayon sa nais nilang paggamit sa mga ito, iyon
ay amin at aming pananagutan lamang. Kung mamatay man ang aming kultura dahil dito, iyon
ay amin at aming pananagutan din. Magiging pangunahing pananagutan iyan ng mga kagaya
kong tumanggap sa hamon na panindigan at isulong ang lahat na nasimulan na ng mga nauna
sa akin. At oo, kung nais mong maglista ng mga salitang nais mong ipagbawal sa iba ayon sa
iyong pagkaunawa sa pinagmulan mong tradisyon, iyon ay iyo at iyong pagpapasya.

Magandang maunawan ninyo na ang aking pahayag ng di pagsang-ayon sa inyong paggamit


sa salitang manipestasyon ng aming kultura ay hindi nakaugat sa anumang personal na
konsiderasyon o paghuhusga sa kalidad ng inyong panulat o estilo o pamamaraan ng paglahad.
Ito ay nakaugat sa katangian ng pagiging Higaonon - ang tumayo sa sariling mga paa at huwag
umasa sa tulong ng iba. Ang maging mabangis sa pagtatanggol ng mga bagay na itinuturing
naming mahalagang pamana ng aming mga ninuno. Kung mababa man ang inyong pagtingin
sa mga Higaonon na ipinagpapalagay ninyong sub-altern sang-ayon sa kanluraning mga
pagtaya, iyon ay problema na ninyo dahil kailanman hindi namin nakitang kami ay mababa
kaysa sa iba. Nananatili kaming taas noo sapagkat kung mahirap man ang aming kalagayan
ngayon, iyon ay hindi dahil kami ay likas na mahirap kundi dahil sapilitan kaming ginawang
mahihirap nang kamkamin ng mga kolonisador, dayuhan man o ang mga kampon nilang mga
kolonisado, ang aming mga teritoryo at mga lupain.

Bilang manunulat na Higaonon, hindi ko maaaring tingnan ang lahat na mga salita bilang salita
lamang na gagamitin upang isulong ang mga pansariling adhikain. Sapagkat ako ay tinuruan ng
aking mga ninuno na igalang ang salita sapagkat ito ay tanda ng kapangyarihang ipinagkaloob
ng mga dakilang tumanud at mga tagbaya. At sa paggalang sa salita, naroon ang iba't ibang uri
ng pagbabawal. Hindi ba't ito ay likas sa lahat na kultura lalo na sa konteksto ng mga relihiyon?
May mga salitang hindi maaring basta gagamitin, may mga pangalang hindi maaring banggitin
at iba pa nasa tingin ko ay karaniwan lamang sa iba't ibang mga kultura sa daigdig.

Marahil sasabihin ninyo ng ang mga kagaya ko ay hindi nakikiisa sa hangaring labanan ang
mga nakikita ninyong salot ng lipunan gaya ng mga ganid na politiko at mayayaman. Subalit
dapat unawain din ninyo na sa aming karanasan, ang mga salot na sumalanta sa tiyak na
lipunan ng mga kiatutubo ay may iba't ibang mukha. Oo, kasama diyan ang mga ganid na
pulitiko at mga mga mayayaman. Ngunit nakita din namin na kabahagi din doon ang maraming
institusyon ng lipunang Pilipino na habang nag-aakala na nagsusulong ng kabutihan para sa
lahat (sakop daw ang mga katutubo), ay puspusan palang tagapamandila ng nagpapatuloy na
kolonyalismo na patuloy ding pumapatay sa aming mga lider at unti-unting pumapatay sa aming
kultura sa pamamagitan ng paggamit ng mga kaisipan at mga salitang kagaya ng bagani.

Parang ganito yan, ang kolonyalismo ay tinitingnan namin na isang busaw na mapanlapa. At
ang busaw na iyan ay may kanan at kaliwang kamay. Ang kanang kamay ang nagdadala ng
pandarahas at pang-aapi samantalang ang kaliwa naman ang ginagamit upang utuin kami,
upang iligaw ang aming mga pakikibaka. Malinaw na iyang naunawaan ng mga nauna sa akin
at siya ring nauunawaan ko ngayon. Ang kanang kamay, iyon ang kamay ng estado at mga
kasapakat nito. At ang kaliwang kamay ay kasama kayo riyan, kayo na nagpupumilit na gamitin
sa mali at hindi karapatdapat na paggamit ang mga bagay na ayaw naming ipagamit sa iba.
Kasama ninyo riyan ang iba pang institusyon na ginagamit ng busaw upang iligaw ang aming
atensyon.

Kaya hinding hindi namin maaaring pabayaan na bigyan ninyo o ninuman ng ibang kahulugan
ang mga salitang para sa amin ay imbakan ng aming katubusan. Sapagkat iyon ay bahagi ng
aming patuloy na pakikihamok sa kolonyalismo. Sapagkat ayaw naming mahaluan ng ibang
pakahulugan ang salitang kagaya ng bagani na malinaw namang binigyan na nga ninyo ng
ibang pakahulugan sa pamamagitan ng paggamit nito na hindi naaayon sa taal na kahulugan
nito ayon sa aming kultura. Makita man ninyong katawatawa ang gayon subalit, sa araw na
muling lalakas at mabubuhay ang kultura namin ng pagkakaroon ng mga bagani, baka doon
ninyo maintindihan kung bakit gayon na lamang ang bangis ng pagtatanggol kong ito sa
salitang inaangkin ng namin bilang mga katutubo. Oo, ang mga kagaya ko ay naniniwala na
darating ang araw na iyon. At sa pagdating niyon, titiyakin kong mauunawaan inyong lahat at
makikita kung ano ang totoong ibig sabihin ng mga salitang gaya ng bagani.

5. Ang mapait na karanasan ng mga katutubo sa buong mundo ang naging lunsaran kung bakit
nagkaroon ng mga batas upang tulungan silang ipagtanggol ang kanilang kultura. At kahit hindi
man ako personal na kumbinsido sa sinseridad ng IPRA o RA 8371, ihaharang ko pa rin sa inyo
ang mga probisyon nito na nagsasabing ang mga manipestayon ng aming kultura ay protektado
ng batas at hindi maaring gamitin ng iba nang walang kaukulang free and prior informed
consent. Kung mayroong hindi naniniwala sa mga batas na ito, sabihin ninyo nang tuwiran na
mali ang deklarasyon ng UN at mali ang mga probisyon ng RA 8371 ng republikang ito. At
isulong na ninyo sa kongreso ang apag-amyenda ng batas upang walang maging ligal na
balakid sa inyong paggamit, sa paraang gusto ninyo, sa mga salitang nais naming ipagbawal sa
inyo. Ngunit isa lang tiyak ko, magkagayunman, hindi magbabago ang aming paninindigan.

Patuloy man kaming dinadahas ng estado, hindi kailanman masusugbahan ang aming mga
adhikain. At patuloy man kayong kumilos ayon sa programa ng kolonisasyon, batid man ninyo
ito o hindi, hindi kami mananahimik at patuloy ring tutuligsain ang lahat ninyong pagtatangka na
makilabolabo sa aming kultura. Ang mga ganoong pagtatangka ay hindi kaiba sa ethnography
ng mga kanluranin upang maunawaan ang mga banuwa na nais nilang sakupin at ipaloob sa
kanilang mga imperyo. Ganoon din ang lunsaran ng mga pagtatangka ginagawa ninyo
alinsunod sa konsepto ng pagkabansa na madalas ninyong kulayan ng mga salitang
pagkakaisa at kapayapaan. Malinaw para sa mga kagaya ko na ang mga pagtatangka ninyong
gamitin ang mga salitang partikular sa aming kultura, ang paggamit nito na hindi naaayon sa
taal na kahulugan nito, ay mga hakbang na magbubura sa aming kultura. Hindi ito kaiba sa
ginawa ng mga pesteng Amerikano sa St. Louis Fair na ngayon ay nakikita pa rin sa mga kung
ano anong festival na ang esensya ay pagbalahura sa katutubong kultura.

Alam kong may ibang magsasabi riyan, kagaya ng pambansang alagad ng sining na si F. Sionil
Jose, na hindi uunlad ang Mindanaw kung hindi dahil sa mga setler mula sa Luzon at Visayas.
Bagay ito na pinatotohanan niya ng empirikal na datos ayon sa kanyang limitadong karanasan.
Subalit marapat niyang pagnilayan na kung ang mga ninuno namin noon ay nakagawa ng
malalaking balangay, nakapaglayag sa karagatan at nakapagkalakalan sa ibat ibang imperyo sa
ibayong dagat, ay hindi malayong magiging mas maunlad ang aming mararating ngayon. At
bakit nga ba hindi kami umunlad? Aba, ikaw ba naman ang agawan ng teritoryo at lupain,
uunlad ka kaya? Ikaw ba naman ang tuluytuloy na pagpapatayin mula noon hanggang ngayon,
uunlad ka kaya nang mabilis? Ngunit kung kayo talaga ay seryoso sa ganoong komento, simple
lang naman para mapatunayan iyan. Umalis ang lahat na setler sa Mindanaw, isauli sa mga
katutubo ang lahat na mga lupain at hayaan kaming patakbuhin ang aming teritoryo ayon sa
aming sariling pamamahala. Pero alam nating lahat na hindi kayo papayag.

6. Hindi ko minamaliit ang pakikiisa ng ilan sa inyo sa aming mga katutubo. Hanggang ngayon
nga'y may mga NGO, indibidwal at iba pang organisasyon kaming nakakatuwang sa
pangangalaga sa aming mga interes at kapakanan. Hindi namin kinakalimutang magpasalamat
sa lahat na kusang tumutulong sa amin. Subalit ang mga panakanakang tulong ay hindi sapat
upang mabigyang lunas na matagal na naming idinadaing - ang makakamit ng katarungan
matapos ang daantaong kawalang-katarungan. Sapagkat ang mga tulong, lalo na ang mga
dole-out na tipo, ay hindi makakatugon sa aming paghingi ng katarungan sa dinanas ng aming
mga salinlahi.

Noon, may sarili kaming pamahalaan, teritoryo at mga lupain. Inagaw ang lahat na iyon sa
amin. Marami sa amin ang pinatay dahil doon. At marami pa rin sa amin ang pinapatay ngayon
dahil pa rin doon. Ngayon may dagdag na kaming kinakaharap, sapilitan nang inaagaw sa amin
kahit ang mga bagay na ayaw naming bitawan. Kahit ang aming alaala ay patuloy nang
sinasalakay gamit ang mga kagaya ninyo, malay man kayo nito o hindi. sapagkat ang
kasukdulan ng programa ng kolonyalismo ay burahin kami sa balat nang lupa. At marami sa
inyo ang nakikibahagi sa programang iyon, malay man kayo o hindi.

7. Ang mga nabanggit ko sa itaas ang maikling pagsusuma ng aking angas kung angas man
itong matatawag. Ngayon, nais kong marinig ang inyong mga sagot. Kayo, ano ang angas nyo?
Huwag ninyo akong bigyan ng sagot na pagpapaunlad sa sining at pagpapanday ng bansa.
Dahil ang totoong makasining ay may malalim na paggalang sa lahat ng bagay, nakikita man o
di nakikita. At tiyak may mataas na paggalang sa kapwa tao maging siya man ay katutubo. Sa
isyu ng pagpapanday ng bansa, matagal na naming alam na kasingkahulugan lang iyan ng
pagwasak sa banuwa naming mga katutubo batay sa aming karanasan. Sa lahat na nais
sumagot, sumagot kayo. At gaya ng ginawa ko, ilahad ang lahat ninyong mga baraha. Tayo ay
magdiskurso nang tayo ay magkaunawaan.

Malugod kong hihintayin ang inyong mga sagot. Matagaltagal na rin na walang ganitong
diskurso sa lipunang ito na kalakhan ay kuntento na sa tatak ng pagkakaalipin at bulag na
sumusunod sa kolonyalismong hanggang ngayon ay namamayani ngunit inaakalang tapos na.

*Siyanga pala, humihingi ako ng kaunting pabor sa lahat na makakabasa nito. Galit ka man sa
akin o hindi. Pakibahagi po ito sa lahat ninyong kakilala at kaibigan. Napapanahon nang
mabigyang linaw ang mga ganitong usapin. Paunlarin natin ang diskurso at baka sakali, dito
magmumula iyang hayop na pagkakaisang mailap pa sa mga musang ng Kitanglad at Sierra
Madre.

You might also like