You are on page 1of 3

Aralin 2

Ang mga Sinaunang Filipino:

Pinagmulan ng mga Lumang Akdang Panitikan

Mga Layunin: Pagkatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay dapat na:

1. nakilala ang mga sinaunang Filipinong pinagmulan ng mga akdang panitikan;


2. naihanay nang tama ang mga ambag na akdang panitikan ng mga sinaunang Filipino; at
3. nailahad nang malinaw ang mga naubong ideya hinggil sa mga sinaunang Filipino.

Ang mga Negrito o Ita

Ang kauna-unahang mga nanirahan sa Filipinas ay ang Negrito o Ita. Sinasabi ng


kasaysayang ang mga taong ito’y dati-rating nanirahan sa Tsina ngunit nang magkaroon ng
pagsabog ang mga bulkan sa ilalim ng dagat ay nagkawatak-watak ang mga gilid ng lupa ng
Tsina at ang sumabog na lupa’y naging Filipinas. Kaya’t noon, ang lupang Filipinas ay bahagi
ng Tsina. Mapapatunayan daw na magkatulad na magkatulad ang mga unang Ita sa Filipinas at
ang mga nuno ng mga Intsik. Sila’y naninirahan na sa Filipinas mula pa noong 25,000 taon.
Walang sariling kulturang masasabi ang mga Ita. Walang silang nalalaman sa agham, sa
paghahanapbuhay, sa pamahalaan, sa sining, sa pagsulat at sa pamumuhay. Sa panitikan ay
wala silang nalalaman kundi ilang awitin at pamahiin. Ang kanilang kasangkapan ay busong at
panang ginagamit sa paghanap ng makakain. Sa ngayon, sila’y sa mga bundok naninirahan
ngunit natuto na rin ng ilang bahagi ng kulturang Filipino.

Ang Pagdating ng mga Indonesyo

Ang mga Indonesyo ay nakarating sa Filipinas may 8,000 taon na ang nakaraan. Ang
unang sapit ng mga Indonesyo ay may lahing Mongol at Kaukaso kaya’t sila’y mapuputi at
manila-nilaw ang mga balat. Matatangkad at balingkinitan ang kanilang katawan. Walang
masasabing gaanong kultura ang kanilang dinala dito liban sa sila’y marunong nang mamahay
nang sarili, marunong magtanim ng mga halaman at marunong nang mangisda. Pagkaraan ng
4,000 taon ay dumating naman ang ikalawang sapit. Iba ang mga hitsura nito kaysa mga unang
Indonesyong nandarayuhan sa atin. Ang mga ito’y mabubulas at matipuno ang mga katawan
ngunit maiitim sapagkat bago sila nakarating dito’y nagdaan muna sila sa Papua, ang bansa ng
mga Negro at sila’y napangasawa ng mga ito. Tumira sila roon ng may isang libong taon. Ang
mga Indonesyong ito’y nakahihigit ng kalinangan kaysa doon sa una. Sila’y may sarili ng
sistema ng pamahalaan, may mga hanapbuhay, marunong magluto ng pagkain at may dalang
panitikang gaya ng epiko, kwentong bayan, mga alamat, mga pamahiin at pananampalatayang
pagano. Sila ang mga ninuno ng Ifugao.
Ang Pagdating ng mga Malay

Tatlong pangkat ng mga Malay ang nakarating sa Filipinas. Ang unang pangkat ay
nakarating dito noong humigit-kumulang sa 200 taon bago namatay si Kristo at 100 taon
pagkamatay ni Kristo. Ang mga Malay na ito’y nagdala ng kanilang pananampalatayang pagano
at mga awiting panrelihiyon. Sila’y nangatira sa kabundukan ng Luzon at sila ang mga ninuno
ng mga Igorot, Buntok at Tinguianes.

Ang ikalawang pangkat ay dumating dito mula noong 100 hanggang 1,300 taon
pagkamatay ni Kristo. Sila ang mga ninuno ng mga Tagalog, Bisaya, Ilokano, Pangasinan,
Ibanag, Kapampangan, Bikolano at iba pa. Sila’y may dalang wika alpabeto, awiting bayan,
kwentong bayan, mga alamat at mga karunungang-bayan. Ang mga ito bagamat mga tubong
Malaysia ay kung saan-saan nanggaling na mga kalapit bansa gaya ng Borneo, Malacca at
Indonesya at pagdating sa Filipinas ay kumalat sila sa iba’t ibang lalawigan ng Luzon at Bisaya.
Sila ang nagdala ng barangay.

Ang ikatlong pangkat ay ang mga Malay na Moslem. Nagsidating sila rito noong 1,300
taon at 1,500 taon at sila ang mga ninuno ng mga Moslem. Nanggaling sila sa Malaysia at
nanirahan sa Mindanao at Sulu. Nagdala sila rito ng epiko alamat, kwentong bayan at ng
pananampalatayang Moslem.

Ang mga Intsik

Ang mga Intsik ay nakarating sa Filipinas sa pagitan ng ikatlo hanggang ikawalong siglo.
Marami sa kanila ang mga nanirahan sa baybayin ng Batangas, Quezon, Sorsogon, Samar,
Silangan Mindanao, Palanan, Marinduque at Mindor. Ang mga Intsik ay nagdala ng kanilang
wika, kaya’t mahigit sa 600 salitang Intsik ay bahagi na ng wikang Filipino. Ang mga salitang
gusi, susi, mangkok, talyasi, kawali, inso, kuya, diko, sangko at mga iba ay nanggaling sa Intsik.
Ang ilang kaugaliang sosyal ay galing din sa kanila gaya ng panggalang, pagkakalapit at
pagkakaisa ng pamilya at katipiran. Ang paglalagay ng bangkay sa gusi bilang kabaong ay
isang kaugaliang dinala rito kaya’t sila’y tinawag na manggugusi. Ang Filipinas ay nasakop ng
mga Intsik noong taong 1405 hanggang 1417 noong panahon ni Yonglo. Si Cheng Ho, ang
mananalakay na Intsik ang sumalakay sa Pangasinan, Mindoro, Sulu at Maynila at ang
Filipinas ay nagbayad ng buwis noon sa Tsina. Nang mamatay si Cheng Ho ay nanghina ang
kapangyarihan ni Yonglo. Kaya’t napabayaan na ng Tsina ang Filipinas. Sila ang nagbigay ng
pangalang Luzon o Lusong sa pinakamalaking pulo sa Filipinas.

Impluwensiya ng mga Bumbay

Ang mga Bumbay o Hindu ay nakarating sa Filipinas noong ikalabing dalawang siglo.
Sila’y nandarayuhan muna sa Indonesya bago nakarating sa Filipinas. Ang unang sapit ng mga
Bumbay ay nanggaling sa Borneo at sila’y nagdala ng pananampalatayang Budismo, epiko, at
mahiya. Ang ikalawang sapit ay nanggaling sa Java at Borneo din noong ikalabing-apat na
siglo, noong panahon ng Imperyo ni Madjapahit. Nagdala sila ng pananampalatayang
Bramanistiko at panitikang epiko, awiting bayan, at liriko. Marami ring salitang Bumbay o Hindu
na bahagi na ng wikang Filipino. Ang mga ito’y guro, bansa, mukha, likha, hukom, dukha at iba
pa.

Mga Arabe at Persiyano

Dumating ang mga mangangalakal na Arabe sa Filipinas noong ika-12 siglo, ngunit ang
nagdala ng pananampalatayang Muslim ay ang tinatawag na “Hadramaut Sayyids”, mga
misyonerong Arabe na nanggaling sa Malaysia at dumating sa Filipinas noong ika-16 siglo.
Kasama nila ang maraming mga nangangalakal na Arabe at Persiyano, sila’y nanirahan sa
Mindanao at Sulu. Nagdala rin sila ng mga epiko, alamat, kwentong bayan at dula.

Impluwensiya ng Imperyo ng Madjapahit.

Ang Imperyo ng Madjapahit na ang pinakasentro ay Java sa Indonesyo ay naging


napakamakapangyarihan at maraming mga kalapit bansa ang nasakop. Kabilang dito ay Indo
Tsina, Cambodia, Siam, Anma, Tonkin at Filipinas. Ang mga bansang ito’y nagkalapit-lapit at
nagkapalitan ng mga kalakal at kultura. Kaya’t ang Filipinas ay nagkaroon ng impluwensiya ng
mga bansang nabanggit lalo na sa panitikan. Ang mga kwentong bayan ng Cebu, Panay,
Negros at Palawan ay katulad ng mga kwentong bayan ng mga nabanggit na mga bansa.

Ang Imperyo ng Malacca

Sa pagbagsak ng Imperyo ng Madjapahit ay ang Imperyo naman ng Malacca ang


naging makapangyarihan sa Silangan. Ito’y imperyong Muslim na lumaganap sa Borneo, Luzon
at Mindanao. Nagtatag sila ng pamahalaang pinamumunuan ng mga Sultan o Rajah. Tumagal
ang kapangyarihan ng Malacca ng may 20 taon mula noong 1430 hanggang 1450. Sa mga
baybayin ng mga lalawigan Batangas, Rizal, Mindoro, Laguna, Quezon at Lanao, naninirahan
ang mga Muslim na ito. Sinasabing ang karaniwang pahayag na “Allah-eh” sa Batangas ay
impluwensiya ng Imperyo ng Malacca.

You might also like