You are on page 1of 8

SCRIPTURE GUIDE FOR MUSIC MINISTRIES (Chair of St.

Peter Parish)

READINGS FOR JULY 5, 2020 – Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)


UNANG PAGBASA, Zacarias 9, 9-10

Ito ang sinasabi ng Panginoon:


“Sion, magalak ka at magdiwang!
Umawit ka nang malakas, O Jerusalem!
Pagkat ang hari mo ay dumarating na,
mapagwagi at mapagtagumpay.
Mapagpakumbaba siya
at nakasakay sa isang bisirong asno.
Ipaaalis niya ang mga karwahe sa Efraim,
gayun din ang mga kabayong pandigma ng Jerusalem.
Babaliin niya ang mga panudla ng mandirigma
at paiiralin ang pagkakasundo ng lahat ng bansa;
ang hangganan ng kaharian niya’y dagat magkabila,
mula sa Eufrates hanggang dulo ng daigdig.

SALMONG TUGUNAN, Salmo 144, 1-2. 8-9. 10-11. 13kd-14


Tugon: Diyos ko at aking Hari, pupurihin kitang lagi.

Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag,


di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat,
aking pupurihi’t pasasalamatan siya araw-araw,
di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman. (T)

Ang Panginoong D’yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag,


banayad magalit, ang pag-ibig niya’y hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi. (T)

Magpupuring lahat sa iyo, O Poon, ang iyong nilalang;


lahat mong nilikha ay pupurihin ka’t pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan. (T)

Di ka bibiguin sa mga pangako pagkat ang Diyos ay tapat,


ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat.
Siya’y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
yaong inaapi’y inaalis niya sa pagkagupiling. (T)
IKALAWANG PAGBASA, Roma 8, 9. 11-13
Mga kapatid:
Hindi na kayo namumuhay ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu, kung talagang nananahan sa
inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung ang Espiritu ni Kristo’y wala sa isang tao, hindi siya kay Kristo.
Kung nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Hesukristo, ang
Diyos ding iyan ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang mamamatay, sa
pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.

Mga kapatid, hindi na tayo alipin ng likas na hilig ng laman, kaya hindi na tayo dapat mamuhay
ayon sa laman. Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo ayon sa laman ngunit kung
pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang mga gawa ng laman, mabubuhay kayo.

MABUTING BALITA, Mateo 11, 25-30


Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa,
sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino at inihayag sa mga
may kaloobang tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayun ang ikinalulugod mo.
Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama,
at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.
Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y
pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako’y maamo
at mababang-loob at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa.
Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”
SUGGESTED COMMUNION SONG(S):
Halina, Lumapit sa Akin (TBOHH) As the Deer (Martin Nystrom)
Pagkakaibigan (Paulo Tirol, Hangad) How Lovely is Your Dwelling Place (TBOHH)

READINGS FOR JULY 12, 2020 – Ika-15 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
UNANG PAGBASA, Isaias 55, 10-11
Ito ang sinasabi ng Panginoon:
“Ang ulan at niyebe
paglagpak sa lupa’y di na nagbabalik,
aagos na ito sa balat ng lupa’t nagiging pandilig,
kaya may pagkai’t butil na panghasik.
Ganyan din ang aking mga salita,
magaganap nito ang lahat kong nasa.”

SALMONG TUGUNAN, Salmo 64, 10abkd. 10e-11. 12-13. 14


Tugon: Nagbunga nang masagana, binhi sa mabuting lupa.
Umuulan sa lupain, ganito mo kinalinga,
umuunlad ang lupait tumataba yaong lupa;
patuloy na umaagos ang bigay mong mga batis,
sa halamang nasa lupa, ay ito ang dumidilig;
ganito ang ginawa mo na hindi mo ikinait. (T)

Sa binungkal na bukirin ang ulan ay masagana,


ang bukirin ay matubig, at palaging basang-basa;
sa banayad na tag-ulan ay lumambot yaong lupa,
kaya naman pati tanim ay malago at sariwa. (T)

Nag-aani nang marami sa tulong mong gumagawa,


at saanman magpunta ka’y masaganang-masagana.
Ang pastula’y punung-puno ng matabang mga kawan,
naghahari yaong galak sa lahat ng kaburulan. (T)

Gumagala yaong tupa sa gitna ng kaparangan,


at hitik na hitik man din ang trigo sa kapatagan;
ang lahat ay umaawit, sa galak ay sumisigaw! (T)

IKALAWANG PAGBASA, Roma 8, 18-23


Mga kapatid, sa ganang akin, ang mga pagtitiis sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa
ihahayag ng kaluwalhatiang sasaatin. Nananabik ang sangnilikha na ihayag ng Diyos ang
kanyang mga anak. Nabigo ang sangnilikha, hindi sa kagustuhan nito, kundi dahil sa ito ang
niloob ng Diyos. Gayunman, may pag-asa pa, sapagkat ang sangnilikha ay palalayain sa
pagkaalipin nito sa kabulukan, at makakahati sa maluwalhating kalagayan ng mga anak ng
Diyos. Alam natin na hanggang ngayon ang sangnilikha ay dumaraing sa paghihirap. Hindi
lamang sila! Tayo mang tumganggap ng Espiritu bilang unang kaloob ng Diyos ay
napapahimutok samantalang hinihintay natin ang pag-ampon sa atin ng Diyos, ang pagpapalaya
sa ating mga katawan.

MABUTING BALITA, Mateo 13, 1-23


Noon ding araw na iyon, si Hesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa.
Pinagkalimpumpunan siya ng makapal na tao, kaya sumakay siya sa isang bangka at doon
naupo. Nasa dalampasigan naman ang mga tao. At nagturo siya ng maraming bagay sa
pamamagitan ng mga talinghaga.

“May isang magsasakang lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may binhing
nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May binhi namang
nalaglag sa kabatuhan. Sapagkat manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang binhing iyon,
ngunit nang mapabilad sa matinding sikat ng araw ay natuyo, palibhasa’y walang gaanong ugat.
May binhi namang nalaglag sa dawagan; lumago ang mga dawag at ininis ang mga iyon. Ngunit
nalaglag sa mabuting lupa ay nag-uhay: may tigsasadaan, may tig-aanimnapu, at may
tigtatatlumpung butil ang bawat uhay. Ang may pandinig ay makinig!”
Lumapit ang mga alagad at tinanong si Hesus: “Bakit po ninyo dinadaan sa talinghaga ang
inyong pagsasalita sa kanila?” Sumagot siya, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim
tungkol sa paghahari ng Diyos, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. Sapagkat ang mayroon ay
bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa.
Nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga, sapagkat tumitingin sila ngunit hindi
nakakikita, at nakikinig ngunit hindi nakaririnig ni nakauunawa.

Natutupad nga sa kanila ang hula ni Isaias na nagsasabi:


‘Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo makauunawa,
at tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakikita.
Sapagkat naging mapurol ang isip ng mga ito;
mahirap makarinig ang kanilang mga tainga,
at ipinikit nila ang kanilang mga mata.
Kung di gayun, disin sana’y nakakita ang kanilang mga mata,
nakarinig ang kanilang mga tainga,
nakaunawa ang kanilang mga isip,
at nagbalik-loob sa akin,
at pinagaling ko sila, sabi ng Panginoon.’

“Mapalad kayo, sapagkat nakakikita ang inyong mga mata at nakaririnig ang inyong mga tainga!
Sinasabi ko sa inyo: maraming propeta at matutuwid na tao ang nagnasang makakita sa inyong
nakikita, ngunit hindi ito nakita at makarinig sa inyong naririnig, ngunit hindi ito napakinggan.”

“Pakinggan nga ninyo ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik. Ang mga nakikinig
ng Salita tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi nakauunawa nito ay katulad ng mga
binhing nahasik sa tabi ng daan. Dumarating ang Masama at inaagaw ang nahasik sa kanilang
puso. Inilalarawan ng binhing nahasik sa kabatuhan ang nakikinig ng Salita at masayang
tumatanggap nito kaagad. Ngunit hindi ito tumitimo sa puso nila kaya’t hindi sila nananatili.
Pagdating ng mga kapighatian o pag-uusig dahil sa Salita, agad silang nanlalamig. Inilalarawan
naman ng naghasik sa dawagan ang nakikinig ng Salita, ngunit naging abala sa mga bagay ukol
sa mundong ito, at naging maibigin sa mga kayamanan anupat ang Salita’y nawalan na ng
puwang sa kanilang puso, kaya’t hindi makapamunga. At inilalarawan ng naghasik sa matabang
lupa ang mga nakikinig ng Salita at nakauunawa nito. Sila’y namumunga: may tigsasandaan,
may tig-aanimnapu, at may tigtatalumpu.”

SUGGESTED COMMUNION SONG(S):


Dunong ng Puso (Marius Villaroman) Seed, Scattered and Sown (Dan Feiten)
Hangarin ng Puso ko (TBOHH) Maging Akin Muli (Arnel Aquino)

READINGS FOR JULY 19, 2020 – Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
UNANG PAGBASA, Karunungan 12, 13. 16-19
Lahat ng bagay ay nasa ilalim ng iyong pangangalaga,
at walang ibang diyos na dapat mong pagsulitan ng iyong mga hatol.
Sa iyong lakas nagmumula ang iyong katarungan,
at maaari kang magpakita ng habag kaninuman
sapagkat ikaw ang Panginoon ng lahat.
Ipinamamalas mo ang iyong lakas sa nag-aalinlangan sa iyong ganap na kapangyarihan,
at pinarurusahan mo ang sinumang nakatatalastas nito ngunit nangangahas na di ka pansin.
Walang hanggan ang kapangyarihan mo ngunit mahabagin ka kung humatol.
Maaari mo kaming parusahan kailanma’t ibigin mo,
ngunit sa halip ay pinamamahalaan mo kami nang buong hinahon at pagtitimpi.
Sa pamamagitan ng ginawa mong iyan ay itinuro mo sa mga taong makatarungan
na dapat din silang maging maawain.
At binigyan mo naman ng pag-asa ang iyong bayan,
sa pagkakaloob sa kanila ng pagkakataong sa kanila ng pagkakataong makapagsisi.

SALMONG TUGUNAN, Salmo 85, 5-6. 9-10. 15-16a


Tugon: Poon, ikaw ay mabuti sa lahat ng nagsisisi.

Mapagpatawad ka at napakabuti;
sa dumadalangin at sa nagsisisi,
ang iyong pag-ibig ay mananatili.
Pakinggan mo, Poon, ang aking dalangin,
tulungan mo ako, ako’y iyong dinggin. (T)

Ang lahat ng bansa na iyong nilalang,


lalapit sa iyo’t magbibigay galang;
sila’y magpupuri sa ‘yong kabutihan.
Pagkat ikaw lamang ang Diyos na Dakila
na anumang gawin ay kahanga-hanga! (T)

Ngunit ikaw, Poon, tunay na mabait,


tapat at totoo, wagas ang pag-ibig;
lubhang mahabagi’t banayad magalit.
Ibaling sa akin ang awa mo’t habag,
iligtas mo ako at bigyan ng lakas. (T)

IKALAWANG PAGBASA, Roma 8, 26-27


Mga kapatid, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin
nang wasto, kaya’t ang Espiritu ang lumuluhog para sa atin, sa paraang di magagawa ng
pananalita. At nauunawaan ng Diyos na nakasasaliksik sa puso ng tao, ang ibig sabihin ng
Espiritu, sapagkat ang Espiritu’y lumuluhog para sa mga banal, ayon sa kalooban ng Diyos.

MABUTING BALITA, Mateo 13, 24-43


Noong panahong iyon, inilahad ni Hesus ang talinghagang ito sa mga tao. “Ang paghahari ng
Diyos ay katulad nito: may isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. Isang gabi,
samantalang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway at naghasik ng
masasamang damo sa triguhan. Nang tumubo ang trigo at magkauhay, lumitaw rin ang
masasamang damo. Kaya’t lumapit ang mga alipin sa puno ng sambahayan at sinabi rito, ‘Hindi
po ba mabuting binhi ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?’ Sumagot
siya, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Bubunutin po ba
namin ang mga iyon?’ ‘Huwag,’ sagot niya. ‘Baka mabunot pati trigo. Hayaan na ninyong
lumago kapwa hanggang sa anihan. Pag-aani’y sasabihin ko sa mga tagapag-ani: Tipunin muna
ninyo ang mga damo at inyong pagbigkis-bigkisin upang sunugin, at ang trigo’y inyong tipunin
sa aking kamalig.’”

Isa na namang talinghaga ang inilahad ni Hesus sa kanila. “Ang paghahari ng Diyos ay katulad
nito: may isang taong nagtanim ng isang butil ng mustasa sa kanyang bukid. Pinakamaliit ito sa
lahat ng mga binhi, ngunit kapag natanim na at lumago ay nagiging pinakamalaki sa lahat ng
puno ng gulay. Ito’y nagiging punongkahoy, anupat napamumugaran ng mga ibon ang mga
sanga nito.”

Nagsalaysay pa siya ng ibang talinghaga. “Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng lebadura na


inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, at umalsa ang buong masa.” Sinabi ni Hesus sa
mga tao ang lahat ng ito sa pamamagitan ng talinghaga at wala siyang sinabi sa kanila nang
hindi gumagamit ng talinghaga. Ginawa niya ito upang matupad ang sinabi ng propeta:

“Magsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga,


ihahayag ko sa kanila ang mga bagay na nalilihim mula nang likhain ang sanlibutan.”

Pagkatapos, iniwan ni Hesus ang mga tao at pumasok sa bahay. Lumapit ang kanyang mga
alagad at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag po ninyo sa amin ang talinghaga tungkol sa masasamang
damo sa bukid.” Ito ang tugon ni Hesus, “Ang Anak ng Tao ang naghahasik ng mabuting binhi.
Ang bukid ay ang sanlibutan. Ang mga taong pinaghaharian ng Diyos ang mabuting binhi at ang
mga taong pinaghaharian ng diyablo ang masasamang damo. Ang kaaway na naghasik ng mga
iyon ay walang iba kundi ang diyablo. Ang pag-aani ay ang katapusan ng daigdig, at ang mga
anghel ang mga tagapag-ani. Kung paanong iniipon ang mga damo at sinusunog, gayun din ang
mangyayari sa katapusan ng daigdig. Susuguin ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel, at
iipunin nila mula sa kanyang pinaghaharian ang lahat ng nagiging sanhi ng pagkakasala at ang
lahat ng gumagawa ng masama, at ihahagis sa maningas na pugon. Doo’y mananangis sila at
magngangalit ang kanilang ngipin. At magliliwanag na parang araw ang mga matuwid sa
kaharian ng kanilang Ama. Ang mga pandinig ay makinig!”

SUGGESTED COMMUNION SONG(S):


Pagsibol (TBOHH) I Love the Lord (Arnel Aquino)
Maging Akin Muli (Arnel Aquino) The Seed (MC2)
READINGS FOR JULY 26, 2020 – Ika-17 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
UNANG PAGBASA, 1 Hari 3, 5. 7-12
Noong mga araw na iyon, ang Panginoo’y napakita kay Solomon sa panaginip. “Ano ang ibig
mong ibigay ko sa iyo? Sabihin mo!” wika sa kanya. Sumagot si Solomon, “Panginoon, aking
Diyos, ginawa mo akong hari bilang kahalili ng aking amang si David, bagaman ako’y bata pa’t
walang karanasan. Pinapamuno mo ako sa iyong bayan, sa bayang ito na hindi na mabilang sa
dami. Bigyan mo ako ng isang pusong maunawain at marunong kumilala ng masama at
magaling. Sapagkat sino ang maaaring maghari sa bayan mong ito na napakalaki?” Ikinalugod
ng Panginoon ang hiling ni Solomon. Kaya’t sinabi sa kanya: “Yamang hindi ka humiling para sa
iyong sarili ng mahabang buhay, o kayamanan, o kamatayan ng iyong mga kaaway, kundi ang
hiniling mo’y pagkaunawa at katalinuhang humatol, ipinagkaloob ko sa iyo ang hiniling mo.
Binibigyan kita ng karunungan na walang kapantay, maging sa mga nauna, maging sa mga
susunod pa sa iyo.”

SALMONG TUGUNAN, Salmo 118, 57 at 72. 76-77. 127-128. 129-130.


Tugon: Iniibig ko nang lubos tanang utos mo, Poong D’yos.

Ikaw lamang, Panginoon, ang lahat sa aking buhay,


kaya ako’y nangangakong susundin ang kautusan.
Higit pa sa ginto’t pilak nitong buong sanlibutan,
ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan. (T)

Aliwin mo sana ako niyang pag-ibig mong lubos,


katulad ng binitiwang pangako sa iyong lingkod.
Sa akin ay mahabag ka, at ako ay mabubuhay,
ang lubos kong kasiyaha’y nasa iyong kautusan. (T)

Mahigpit pa kaysa ginto, pag-ibig ko sa ‘yong aral,


mahigpit pa kaysa gintong binuli at dinalisay.
Kaya iyang tuntunin mo ang siya kong sinusunod,
pagkat ako’y namumuhi sa anumang gawang buktot. (T)

Lubos akong humahanga sa bigay mong mga turo,


iya’y aking iingata’t susundin nang buong puso,
ang liwanag ng turo mo’y nagsisilbing isang tanglaw,
nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan. (T)

IKALAWANG PAGBASA, Roma 8, 28-30


Mga kapatid:
Alam nating sa lahat ng bagay, ang Diyos ay gumagawang kasama ang mga nagmamahal sa
kanya, ang mga tinawag ayon sa kanyang panukala, sa kanilang ikabubuti. Sapagkat sa mula’t
mula pa’y alam na ng Diyos kung sino ang sa kanya; ang mga ito’y itinalaga niyang maging tulad
ng kanyang Anak, at sa gayun, naging panganay natin siya. At ang mga itinalaga niya noong una
pa ay kanyang tinawag. Ang mga tinawag niya ay kanya ring pinawalang-sala, at ang kanyang
mga pinawalang-sala ay kanya namang binigyan ng karangalan.

MABUTING BALITA, Mateo 13, 44-52


Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: “Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng
kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao at tinabunan uli. Sa laking tuwa,
siya’y humayo at ipinagbili ang lahat ng ari-arian niya at binili ang bukid na iyon.

Gayun din naman, ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: may isang mangangalakal na
naghahanap ng mamahaling perlas. Nang makakita ng isang perlas na napakahalaga, siya’y
humayo at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon.

“Ang paghahari ng Diyos ay katulad din ng isang malaking lambat na inihagis sa dagat at
nakahuli ng sari-saring isda. Nang mapuno ay hinila ito sa pampang. At naupo ang mga tao
upang pagbukud-bukirin ang mga isda: tinipon nila sa mga sisidlan ang mabubuti, ngunit
itinapon ang mga walang kuwenta. Gayun din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig.
Darating ang mga anghel at ihihiwalay ang mga makasalanan sa mga banal, at ihahagis ang mga
makasalanan sa maningas na pugon. Doo’y mananangis sila at magngangalit ang kanilang
ngipin.

“Nauunawaan na ba ninyo ang lahat ng ito?” tanong ni Hesus. “Opo,” sagot nila. At sinabi niya
sa kanila, “Kaya nga, ang bawat eskriba na kumikilala sa paghahari ng Diyos ay tulad ng isang
puno ng sambahayan na kumukuha ng mga bagay na bago at luma sa kanyang taguan.”

SUGGESTED COMMUNION SONG(S):


Tanging Yaman (Manoling Francisco) Prayer of St. Francis (Ryan Cayabyab, MFP)
Dunong ng Puso (Marius Villaroman) Prayer for Generosity (TBOBP2)

LEGEND:
TBOHH – The Best of Himig Heswita MC2 – Misa Collection 2
TBOBP2 – The Best of Bukas Palad Vol.2 MFP – Mass for Peace

N.B. Communion songs were provided to help the choirs determining the appropriate song in
relation to the Scriptures. In case of doubt, you may sing a song with a Christo-centric theme
and (or) a song based on the Eucharist.

Prepared By:
Kristian Edsel S. Amarante

You might also like