You are on page 1of 56

Ang Aklatang Bayan Online

at ang Paglalathala ng/sa Kasalukuyan

Noong 1989, pinagtibay at ipinatupad sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) ang Patakarang


Pangwika na naglalayong gamitin at hustuhin ang wikang Filipino bilang midyum ng
pagtuturo, pananaliksik, at paglilimbag. Itinatag ang Sentro ng Wikang Filipino sa parehong
taon upang tuparin ang mandatong ito. Bukod sa pagtalima sa probisyong pangwika ng
Konstitusyon ng Pilipinas, ang Patakarang Pangwika ng UP ay pagsandig at pagtindig na
pinakamabisa at pinakaangkop ang sariling wika upang isulong at palakasin ang makabayan,
makatao, siyentipiko, at makatarungang oryentasyon ng edukasyon.

Unang hakbang ang pagkakaroon ng Patakarang Pangwika sa UP. Sa pamamagitan


ng Sentro ng Wikang Filipino, pinagyayaman at pinauunlad ang produksyon at distribusyon
ng kaalaman gamit ang wikang Filipino. Noong 1994, sinimulan ang proyektong Aklatang
Bayan na naglalayong maglimbag sa wikang Filipino ng mga aklat at pananaliksik sa iba’t
ibang disiplina.

Sa panunungkulan ng dating direktor na si Dr. Rommel B. Rodriguez, pinalawak ang


maaabot ng Sentro ng Wikang Filipino – UP Diliman (SWF-UPD) sa ilalim ng proyektong
e-Bahagi o Aklatang Bayan Online. Sinimulan ito bilang pag-a-upload sa seksyong e-Bahagi
ng website ng SWF-UPD ng mga PDF (portable document format) na bersiyon ng isina-
aklat na mga piling tesis at disertasyon sa UP, anuman ang disiplina, na gumagamit ng
wikang Filipino. Malaya rin itong nada-download ng sinumang interesado.

Sa ika-30 taon ng Sentro ng Wikang Filipino noong 2019, sa simula ng


panunungkulan ng bagong direktor ng SWF-UPD na si Dr. Mykel Andrada, katuwang ang
tagapamahalang patnugot ng proyekto na si Gng. Maria Olivia O. Nueva España at ang iba
pang mananaliksik at kawani ng SWF-UPD, higit na ibinukas ang proyektong Aklatang
Bayan para sa paglilimbag gamit ang plataporma ng internet. Pormal na tinaguriang Aklatang
Bayan Online, inililimbag online ang mga PDF na bersiyon ng mga aklat, pananaliksik, pag-
aaral, at malikhaing produksyon para sa libreng pag-download at pamamahagi. Tumugon sa
panawagan ang maraming mga guro, iskolar, mananaliksik, at manunulat upang magsumite
ng kanilang mga manuskrito sa layuning maibahagi ito sa pinakamalawak na mambabasa.
Sinuportahan at pinondohan ito ng dating Tsanselor ng UP Diliman na si Dr. Michael
L. Tan. Ibinukas rin ang nasabing proyekto para sa print-on-demand na posibilidad ng
paglilimbag. Nagpapatuloy pa rin sa pangangalap ng mga manuskrito ang SWF-UPD para
sa Aklatang Bayan Online.

Bahagi ito ng masidhing paninindigan para sa pagpapalakas at pagsusulong ng


wikang Filipino at ng makabayang edukasyon. Dahil naninindigan ang pamunuan at
opisina ng SWF-UPD na dapat malaya at mapagpalaya ang kaalaman – na hindi ito dapat
nahahadlangan ng elitistang ekonomiya, hindi dapat para sa iilan lamang, at hindi dapat
nagsisilbi sa mga diyos-diyosan. Dapat naaabot nito ang pinakamalawak na hanay ng
mamamayan. Dahil para saan pa ang kaalaman kung mabubulok lamang ito sa malalamig at
inaagiw na espasyo ng kahungkagan.

Ngayong 2020, sa gitna ng pagharap sa pagpaslang sa wikang Filipino sa kolehiyo, sa gitna


ng pandemya at sa krisis sa pamahalaan, sa gitna ng banta sa kalayaan at karapatan, at sa gitna
ng hindi normal na “new normal,” higit na naninindigan ang Sentro ng Wikang Filipino –
UP Diliman na ang wikang Filipino bilang wikang malaya at mapagpalaya ay napakahalaga
para sa pagtatanggol at pagpapagaling ng bayan.

Ang Aklat Sanyata ng Sentro ng Wikang Filipino – UP Diliman ay


serye ng mga akda at pananaliksik sa panitikan, malikhaing pagsulat
at produksyon, wika, sining, komunikasyon, midya, pamamahayag
at humanidades. Sa wikang Iloko nagmula ang salitang “sanyata,” na
nangangahulugang “liwanag” o “ganda.”
Awit ng Bakwit
Mga Tula para sa Bata

Vijae Orquia Alquisola

Sentro ng Wikang Filipino - UP Diliman


Awit ng Bakwit
©2019 Vijae O. Alquisola
at Sentro ng Wikang Filipino-UP Diliman

Hindi maaaring kopyahin ang anumang bahagi ng aklat na ito sa alinmang paraan – grapiko,
elektroniko, o mekanikal – nang walang nakasulat na pahintulot mula sa may hawak ng
karapatang-sipi.

The National Library of the Philippines CIP Data


Recommended entry:

Alquisola, Vijae Orquia.


Awit ng bakwit : mga tula para sa bata / Vijae Orquia Alquisola. -- Quezon City :
Sentro ng Wikang Filipino-UP Diliman, [2019], ©2019.
pages 54; cm 21.59 x 27.94

Ikatlong gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards 2016, Tula para sa Bata.
1. Children’s poetry, Filipino. I. Title.

899.21110834 PN6109.97 P920190208

ISBN 978-971-635-067-8

Vijae Orquia Alquisola Kinikilala ng Sentro ng Wikang Filipino-


May-akda UP Diliman ang Opisina ng Tsanselor ng
Unibersidad ng Pilipinas para sa pagpopondo
Maria Sol Taule ng proyektong ito.
Ilustrador
Inilathala ng:
Adia Pauline Lim Sentro ng Wikang Filipino-UP Diliman
Disenyo ng Aklat at Pabalat 3/Palapag Gusaling SURP, E. Jacinto St.,
UP Campus, Diliman, Lungsod Quezon
Michael Francis C. Andrada Telefax: 8924-4747
Pangkalahatang Patnugot ng Telepono: 8981-8500 lok. 4583
Proyektong Aklatang Bayan

Maria Olivia O. Nueva España


Tagapamahalang Patnugot ng
Proyektong Aklatang Bayan
i Pasasalamat
ii Introduksiyon nina Rius Valle
iii at China Pearl Patria De Vera
1 Mahiwagang Balutan
3 Alitaptap
5 Mina
7 Walang Pasok
9 Sa Puso ng Balita
11 Abo ng Aming Paaralan
13 Sa Lungsod
15 Bagong Taon sa Lungsod
17 Ang Katahimikan ni Lolo
19 Balyan
21 Kalabaw
23 Hele
25 Hindi Namin Gusto ng Digma
27 Malayang Hugis
29 Dalawang Sigaw
31 Kung ang Kapayapaan ay Pananim
33 Hinahanap din Nila Kami
35 Sa Muling Pagbilog ng Buwan
37 Pag-uwi sa Yutang Kabilin
29 Liham sa Mambabasa
Pasasalamat
Daghang salamat sa Sentro ng Wikang Filipino (SWF) ng Unibersidad ng Pilipinas-
Diliman at kay Dr. Michael Francis Andrada, direktor ng SWF-UP Dilliman,
para sa pagkupkop sa aking koleksyon ng mga tula para sa bata. Sa kalakaran ng
“panitikang pambata” ngayon na hinuhulma ng panlasa ng malalaking komersyal
na imprenta—hindi ito mabibigyan ng espasyo sa paniniwalang maliit ang
tumatangkilik sa tula, at ang tema ng aking sinulat ay “hindi” pambata. Kahit ang
totoo’y, walang edad na kinikilala ang karahasan.

Sa aking pamilya: Madonna Orquia, aking nanay; Edgardo Alquisola, aking tatay.
Sa mga kapatid: Kevin, Jade, at Jewel. Kay Lerry, aking bayaw; Donna, aking
hipag. Sa mga pamangkin: Winter Khen, Summer Khyle, at Himig. At kay Prince,
aking anak, na ang halakhak ay laging paalala na may sandaling banayad pa rin ang
mundo.

Sa mga kasamahan at kaibigan sa Departamento ng Panitikan ng De La Salle


University-Taft Manila. Sa aking mga kapwa manunulat sa Taftique. Sa College
Editors Guild of the Philippines, noon at ngayon.

Sa mga kaibigan: Einstein Recedes, Karla Ujano, Heidi Sarno, Trina at Charles
Ramota, Biboy Depasucat, Ina Abuan, Em Mendez, Johann Espiritu, Richie
Garcia, Cris Regadio, Rexter Calub, at Charo Descallar.

Sa Save Our Schools network lalo na kina Rius, Ma’am Junance, at Sir Rj—sa
pagbibigay-pagkakataon upang makapagbahagi ako at makilala ang mga estudyante
sa bakwit school noon. Kina Bibi, Bait, Raymond, Ryan, Indang, at Donna—mga
estudyante sa bakwit school na ako ang higit na natuto ukol sa buhay.

Kina Kevin Aguayon, China De Vera, Tom Estrera III, at Maria Sol Taule—sa
laging kahandaang tumulong.

Kay Adia Pauline Lim, sa walang-keme-kemeng pagtugon para i-layout ang aklat na
ito, ilatag nang maganda sa kabila ng maiksing panahon. (Mabuhay ang Konoha!)

Higit sa lahat, sa mga Lumad at lahat ng napilitang magbakwit, bata man o


matanda, para sa lagi’t laging pagpapaalala na may pag-ibig at pag-asa sa paglaban
nang sama-sama.

i
Introduksiyon
Hindi talaga nasusukat ang epekto ng pagbakwit sa bilang ng mga taong
apektado. Ang katotohanan, mas malala pa ang karanasang hindi nakikita
hangga’t hindi nailalathala. Ang kuwentong ibabahagi ng librong ito ay
magdadala sa mga mambabasa papunta sa mundo ng mga ‘bakwit.’ Mabigat at
nakakapanlulumo sa simula dahil dala nito ay ang masakit na karanasan ng mga
lumilikas. Hindi lang tahanan ang nawawala, naiiwan at nawawasak. Maging ang
kultura, pangarap at kinabukasan din ay nanganganib na mabaon sa mga guho.
Ang mga tulang naisulat dito na hango sa karanasan lalo na ng mga Lumad sa
Mindanao ay huni lamang sa umaalingawngaw na naratibo ng mga pagkawalay,
pangungulila at karahasan.

Ngunit gaya ng karanasan ng mga batang lumad sa ‘bakwit iskul,’ ang


librong ito ay magdadala sa inyo, hindi lang sa mga kuwento ng karahasan
at paglisan. Ibabahagi nito higit sa lahat ang hindi kailanman mamamatay
na pag-asa. Ibabahagi ng librong ito ang pananabik na muling makaapak sa
lupang tinubuan. Ang pagpapatuloy sa nasimulang laban.

Mayabong na ang noo’y mga mumunting binhi. Ang karahasang


nagresulta sa kanilang pagbakwit ay isang bagyong magbibigay sa kanila ng
oportunidad na ipakita ang kanilang lakas at katatagan.

Sa huli, ang saknong na magbubuklod sa librong ito at sa hinaharap ay


ang tiyak na pagpapatuloy sa laban, kahit saan man sila dalhin ng kanilang
mga paa.

Muli nilang itatayo hindi na lang kanilang mga tahanan,


kundi ang buong bayan. Tatayo sila sa tuktok ng
tagumpay at sabay-sabay na sisigaw sa
harap ng bandila ng paglaya: handa, awit!

Rius Valle
Tagapagsalita
Save Our Schools Network

ii
Narito ang koleksyon ng mga tula para sa bata na sumasalungat sa itinakdang
pamantayan ng pamilihan—wala itong pagtatangkang maging komoditi na ikakalakal
sa mga magulang, guro, librarian at bookstores. Hindi naka-empake rito ang pagtanaw
sa bata na walang muwang, krisis at uri. Tumugon ito sa pangangailangang kumatha
ng mga bihira sa panitikang pambata. Ayon kay Dr. Ramon Guillermo, “Bihira sa
panitikang pambata ang pinag-uugnay ang mga problema ng bata sa kalagayan at
kasaysayan ng kaniyang pamilya, komunidad at bansa.”

Kung gayon, ano ang pakay ng koleksyon? Koleksyon ito na nagpapasingaw sa danas ng
mga dinahas at patuloy na dinadahas ng estado. Paglalapit ito sa mga bata at matatanda
sa reyalidad ng mga batang Lumad. Maririnig sa mga tula ang kapirasong naratibo ng
mga batang Bakwit na nakaugnay sa matanda nang pakikipaglaban ng kanilang mga
ninuno kung saan mahigpit na nakatali ang kanilang kultura at buhay. Ito ang kanilang
kahimtang kung sa wikang Bisaya, kene kung sa T’boli, kagka sa B’laan, kabutang sa
Mandaya, ko-ingumannan sa Manobo Tinananon at kalagayan sa Tagalog. Binaligtad
ng mga tinig sa tula ang kumpas na ang bata ay tagatanggap lang at di aktibo sa lipunan
at pagbabago sa kaayusan nito.

Doon sa mga kabundukan, malayo sa playground na plastic at bakal, may mga


batang sistematikong pinagkakaitan ng kanilang batayang karapatan na
makapaglaro at makapag-aral nang walang takot sa kanilang lupang ninuno.
Sa kanilang pag-eempake ng mga balutan sa pagbabakwit, marami silang
iniwan at naiwan pero hindi ang kanilang mga pangarap na matuto at
kagustuhang makabalik sa kanilang naiwang yutang kabilin.
Ang mga tula ni Vijae Alquisola ay hindi lang natatapos sa
pagsalungat, hulagway ito sa hangarin ng mga batang Lumad at
paalala sa mga tulad nating mambabasa, ang pagkatuto ng mga
batang Lumad ay pagtutol at ang pananatili nila sa Lumadnong
paaralan at paaralang Bakwit ay pagsaulo sa talinghaga at awit ng
pagkahiwalay, paglakaw at pakikibisog.

China Pearl Patria De Vera


Guro at awtor ng Kapit, Kapit, Bahay, Bahay

iii
1
Kung pagbibigyan ng buwan
ang aking kahilingan—
gusto ko’y mahiwagang balutan.

Balutan na puwede kong isilid


ang aming bahay, munting bukid.
Pero mas magaan, sa ‘sang timbang tubig.

Balutan na puwede kong itago


ang gubat, bukid at mga kalaro.
Pero ‘di maghahalo, ‘di maglalaho.

Balutan na puwede ring paglagyan


ng mga pangarap namin at karanasan
nang malaman ng lahat—aming kasaysayan.

Balutang ‘pag binuksan sa gabi ay umaawit,


pumapawi sa pagod para himbing na managinip.
At ‘di muna maisip: Bakit? Bakit? Bakit bakwit?

2
3
Nang dumating ang mga mamang sakay ng trak,
natahimik pati kuliglig sa gabi-gabing putok ng armalayt!
Diklap ng kanilang baril, hatid sa lahat ay sindak.

Sa bawat alingawngaw,
sina nanay at bunso’y napasisigaw.
Dapa! Dapa! utos naman ni tatay.

Nabutas ang bubong ng aming bahay.


Nadaplisan ang kabayo kaya napilay.
Kayrami nilang utos, kayrami ding bawal!

Sabi ni tatay, kailangan naming lumayo.


O kaibigang alitaptap, ‘wag magpaiwan dito!
Baka tamaan ka’t liwanag mo’y maging pundido.

Alitaptap, kaibigan kong kikislap-kislap.


Bawal ang liwanag pagkatapos ng hapunan.
Baka hulihin ka, at ‘di na rin namin matagpuan.

4
Bakit dumarating ang mga sundalo
kapag may malaking pagmiminang plano?

kapag hinukay ang lupa


nang malalim
na malalim
na malalim

makikita nila
ang maraming
maraming
maraming yaman

na nagpapahirap
nagpapahirap
nagpapahirap
kanilang mina sa amin.

Kapag may malaking pagmiminang plano


bakit dumarating ang mga sundalo?

5
6
Gusto kong maging reporter balang-araw

tulad ng kumausap sa ‘min noong ‘sang araw.

Kahit walang kuryente, may maliwanag s’yang ilaw.
Pagkatapos magkuwento’y may mauuwiang bahay.

At ‘pag ako na ang nasa TV, ganito ang balita:



mga kabayan, ang balita’y ‘di lang po nagbabaga.
Sumasabog po ito— sa mga bahay ay sumisira.
Sumusugat sa katawan— kumukuha ng bata’t matanda.

Mga kabayan, nagpapasalamat po kami sa damit at delata.


Pero sabi ng aming mga magulang, solusyo’y ‘di pagpila.
Hindi pag-iimpake ng gamit, hindi paglikas ng pamilya.
Bata pa lang daw sila—mayroon nang gera.

Huwag naman pong isiping matigas, aming mga ulo


kung bumabalik–balik pa rin kami sa aming baryo.

Nando’n po ang aming bahay, nando’n ang aming buhay.
Ang aming komunidad na sagana sa tubig at gulay.

Nag-uulat mula sa puso ng balita: kaba-kaba-kabayan!

7
8
9
Walang Pasok
Bawal ang mag-aaral sa ‘ming paaralan.
Silid-aralan nami’y ginawang tambakan
ng bala, ng baril, ng granada’t mga bomba.
Sa flag ceremony, mga sundalo ang kumakanta.

‘Di ko alam kung kailan ulit may pasok,


kung kailan mauubos ang mga putok.
Hindi ko alam kung saan nagbakwit
ang mga kaibigang lagi kong naiisip.

Si Abdul, na paboritong kulay ay asul.


Pambato sa talumpati dahil ‘di nabubulol.
Lagi, sa mga tao’y maraming kuwento.
Pangarap niya, maging isang abogado.

Si Liway, na kilala ang mga halaman,


mga dahong lumulunas sa mga karamdaman.
Lagi, kwintas niya’y batong makukulay.
Gusto n’yang maging doktor, magligtas ng buhay.

Si Kristian, na maingat sa mga aklat.


Inaamoy, mga pahinang binubuklat.
Lagi, tinitipid ang papel kaya maliliit ang sulat.
Maging guro naman, ang kaniyang pangarap.

Sabi ng aming guro, taasan ang pangarap.


Kaya nangarap akong abot hanggang ulap.
Pero ngayong naging kampo ang aming paaralan—
pagiging reporter ko’y tila ibong nadaplisan.

10
11
Abo ng
Aming Paaralan
Marunong na akong magbasa.
Pahiram ng libro mo, kukwentuhan kita.
Marunong na rin akong magsulat.
Tutula ako, kung may papel ka’t panulat.
Umaawit din kami sa aming paaralan.
Nagsasayaw, nagtatanim—nagtataguan.

Ha? Ipasyal kita sa paaralan namin sa baryo?


‘Di ko alam kung kailan muling maitatayo ito.
Hindi ko rin alam kung hanggang kailan
kami mananatili sa bakuran ng simbahan.
Alam ko na! Pumikit ka’t makinig sa mga sasabihin ko.
Buuhin sa ‘yong isip— paaralan namin na naging abo.

12
13
Uma-umaga, tumatawid-tumatakbo ang mga tao.
Hapon-hapon, tumatakbo-tumatawid ang mga tao.
Kung tanghali, hangi’y tila nakapapaso.
Kung gabi, pinapawisan kahit kaliligo.
Kapag nauhaw, binibili ang tubig.
Kapag nagutom, bulsa’y nasasaid.
Tuwing umuulan, basura’y lumulutang.
Ang paligid, humihingang parang kanal.
Madalas, ako’y sinisipon, inuubo, at nahihilo.
Kaya pakiramdam ko, pinauuwi na ako ng baryo.

14
Sumasabog ang tuwa ng mga tao
sa sayaw ng mga kulay sa langit
at usok ng mga paputok sa lupa.

Sumisigaw sila at nag-iingay


para daw itaboy ang malas
sa amoy pulburang bagong taon.

May dagundong sa aking dibdib.


May kirot at ugong sa aking ulo.
Parang may mga sundalo sa paligid.

15
16
17
Ang Katahimikan ni Lolo
Hindi na muling nagkuwento si lolo
matapos bombahin nang bombahin ang aming baryo.
Lagi lamang siyang nakatingin sa malayo.
Parang naghihintay. Naghihintay kaya kanino?
Kay Dagau? ‘Yung diwatang lagi n’yang kinukuwento?

Pabali-balikwas siyang matulog.


Siguro’y dahil sa mga umuubo o malilikot na tuhod.
Isang buwan na kami sa ebakweysyon senter ngayon.
Isang buwan na rin, pagtitig lang ang kaniyang tugon.
Kahit noong kantahan ko siya ng lagi kong biro:
Ang aking lolo na magaling mag-araro.
Kahit matanda na, kaibigan pa rin ni Dagau.
Dahil pawis ang idinidilig sa lupa, hindi dugo.

Kaya kahit yakap ko siya ngayon,


parang ang layo—ang layo-layo ni lolo.
Sinlayo siguro ng bahay
ng diwatang nasa ilalim ng mundo.
Sinlayo siguro ng naaabot
ng nanginginig na galit ni Dagau.

*Dagau- Ayon sa saliksik ni Rosario Cruz-Lucero sa kaniyang libro na Ang Bayan sa Labas ng Maynila,
si Dagau ang diwata sa ating mito na nakatira sa ilalim ng mundo, kung nasaan ang apat na haliging
pinagpapatungan ng daigdig. Sa mga haligi, may mga higanteng ahas na nakapulupot. Kung may mga
digmaan at maraming namamatay, at kapag sinipsip ng lupa ang dugo ng mga nasawi at matuluan
sa mukha si Dagau— nagagalit siya kaya niyuyugyog ang mundo na nagiging dahilan ng lindol. At
ang paggalaw naman ng mga nagising na ahas ang nagiging sanhi ng tinatawag nating “aftershock”.
18
Balyan
Hmmm
naaamoy ko
ang bukid. Hanging
kay gaan-gaan sa dibdib.
Naaamoy rin ng mga
ibon at daga ang
palayan.
Kaya’t
tulong-tulong
kaming gumawa ng balyan.
Balyang nakadipa’t may telang sumasayaw sa hangin.
Bumubugaw sa hayop na umaagaw sa ‘ming pagkain.
Pero nang dumating,
helikapter na parang
higanteng tutubi at
umuugong tulad ng
maraming tambol:
nangamoy pulbura
ang hangin. Natumba
ang mga puno, nasira
ang aming pananim.
Hmmmmmmmmm
naaamoy ko kahit
sa alaala lang
ang palay
na dapat
aanihin
namin;
iniingatan
ng balyan
na hindi
nabugaw:
tutubing-
tambol
na nag-
taboy
sa ‘min

19
20
Ipinagbili ni tatay ang kalabaw,
ang katulong niya sa bukid araw-araw.

Ipinagbili ni tatay ang alagang humila


sa aming mga gamit noong magkagera.

Ipinagbili, para daw may maisaing na bigas


at madagdagan ang aming mga sardinas.

Huwag daw mag-alala, makakaraos din kami.


May awa ang buhay, kaya lahat daw ay bubuti.

Kagabi, narinig kong nag-uusap ang aking ina’t ama:


‘di pa raw tapos ang gera pero paubos na ang pera.

Sa bahay ng kamag-anak na lang daw muna si ate.


Tutulong sa pagtitinda ng isda sa palengke.

At ang nakababatang kapatid na babae,


ipakikiusap na lang daw muna sa mga madre.

Ako’t si kuya, kailangan daw kami sa pag-uwi.


Tuyot ang lupang naghihintay sa mga binhi.

Mula sa basketbol kort na aming tinutulugan,


nasisilip ko—parang sungay ng kalabaw ang buwan.

Parang balat naman nito ang madilim na langit—


pinaitim ng hampas at paglusong sa putik.

21
22
23
Hele
1.
Nanay, tatay, sa ‘king dantay
maglaho sana ang lumbay.
Maubos man ang tinapay,
di iiyak sa paglakbay.

Nanay, tatay, sa ‘king dantay


maglaho sana ang lumbay.
Malayo man ating bahay
di papakalong sa lakbay.

2.
Tulog na, guro kong mahal.
Bukas, tuloy ating aral.
Sarhan man ang paaralan,
magbabasa kahit saan.

Tulog na, guro kong mahal.


Bukas, tuloy ating aral.
Sarhan man ang paaralan,
isipa’y laging bubuksan.

24
Hindi Namin Gusto ng Digma
dahil bahay namin ay nasisira
kapamilya’t kaibiga’y nawawala
paaralan namin ay nagigiba
pananim nami’y nangungulila

pinaiiyak nito, tulad kong bata


sundalong magulang nila
sa telepono lang nakukumusta
sa litrato lamang nakikita

pero kung wala nang magagawa


sa pangayaw, magulang nami’y handa
ipagtanggol ang minana naming lupa
kahit hindi namin gusto ng digma

25
*Pangayaw- Salita ng mga Lumad para sa pakikidigma ng buong tribu upang
protektahan ang kanilang komunidad. Ang Lumad ay ang pangkalahatang
politikal na katawagan sa mga etno-linggwistikong pangkat sa Mindanao na
hindi Muslim at hindi rin Kristiyano. Kabilang rito ang Ata, Bagobo/Ubo,
Banwaon, B’laan, Kalagan, Kaulo, Dibabawon, Higaonon, Mamanwa, Mandaya,
Mangguwangan, Manobo, Mansaka,Matigsalog, Subanen, Talaandig, Tiboli, 26
at Tiruray.
Malayang Hugis
Tulad ng buwan
na nagbabago-bago
minsa’y isang duyan
minsa’y kalahating plato.
Tulad ng ulap
parang asong tulog
at sa muling sulyap
naging isang bubuyog.
Tulad ng dahon sa puno
minsa’y parang mga labi
minsa’y parang puso
sumasayaw, dilaw man o lunti
Tulad ng mga hugis nila
buhay namin sa baryo
kahit pa magpakurba-kurba:
magkakahubog, mag-iibayo.

27
28
29
30
Kung ang Kapayapaan ay Pananim
Tulad ng kalabasa sa aming taniman
aalagaan para mamulaklak at gumapang.

At kung ito’y parang pechay o mustasa


ihahalo sa sabaw—ipahihigop sa iba.

Halimbawang ito’y aguloy na bungi-bungi


ilalaga’t pagsasaluhan pa rin nang may ngiti.

Sakaling ito ay isang… hay… ampalaya


pag-aaralan kong kainin dahil masustansya.

Kung ito’y talong na mukhang tandang-pananong,


‘di lang isa ang isasagot: paksiw, torta, prito’t bagoong.

Kahit ano’ng mangyari, araw-araw itong dadalawin:


bubunutan ng damo, didiligan, at kakausapin.

Lalagyan ng pataba: balat ng gulay o prutas,


dumi ng hayop o tuyong mga dahong nalagas.

Babantayan sa salakay ng insekto’t langgam


Para ani’y sagana—bawat pinggan ay magkalaman.

*Aguloy- Tawag ng mga Lumad para sa mais.


31
32
33
34
Sa Muling Pagbilog ng Buwan
Hugis bangkang walang sagwan ang buwan

noong sintahimik ng pusa kaming biglang lumisan.
Hay... kaldero lamang ang aking nadala.

Ilang damit kay nanay; si tatay, kapatid ko ang karga.

Gumapang kami noong sunod-sunod ang putok.


Gapang-takbo. Takbo-gapang sa madilim na bundok.
Nagpahinga, noong malayo na ang tunog ng pagsabog.

Wala nang takip ang kaldero, ‘di ko alam kung saan nahulog.

Bilog ang buwan ngayon, wala ang aking mga kalaro.



‘Di ko alam kung saang ebakwesyon senter sila nagtago.
Sana’y kumakanta’t nagtatakbuhan kami: tagu-taguan
maliwanag ang buwan. Magtago na kayo sa ‘king pagbilang!

Bilog ang buwan ngayon, parang malaking holen o bola


na aming nilalaro noon pagkatapos sa eskuwela.

Para ding plato o parang bunganga ng aming kaldero

na madalas, kumukulong tubig ang ngayo’y niluluto.

Sa susunod na kabilugan, sana’y puwede nang magtaguan.


Puwede na ring magsaing, kahit iba ang takip ng kaldero sa kalan.
Puwede nang mag-aral, at makasama ang mga kaibigan—

at muling mabuo ang baryo tulad ng bilog na bilog na buwan.

35
36
Uuwi kami. Uuwi kami,
ano man ang mangyari.
Bahay ma’y abo nang daratnan;
taniman ma’y naging damuhan.

Hindi man bukas o sa isang araw.


Uuwi— kahit pa balang-araw.

Uuwi kami. Uuwi kami,


bahay ay muling bubuuhin.
Bukid, muling bubungkalin.
Tulong-tulong na magtatanim.

Hindi man sa susunod na linggo o buwan.


Uuwi—ilang tag-init o tag-ulan pa man.

Uuwi kami. Uuwi, sa yutang kabilin


dahil nasa loob ng tahanan namin,
hinahanap-hanap na kapayapaan—
kasalo sa lamesa, kadantay sa higaan.

Kasabay sa pag-awit, sa paghimig ng hangin


doon, doon sa yutang kabilin.

*Yutang kabilin- Ang tawag sa lupang ninuno


ng mga Lumad.
37
38
39
Liham sa
Mambabasa
Sana kapag nabasa mo ito,
nakauwi na kami sa ‘ming baryo.
Malinis na muli ang aming bahay;
wala nang kandado, aming paaralan.
Kalaro na muli ang mga kaibigan,
kasamang nagtatanim at nag-aaral.
Kumakain ng sinungkit na mga prutas;
naliligo sa talon na lumalagaslas.
Gabi’y kumiskislap sa alitaptap,
hinehele ng kuliglig, pagaspas ng gubat.
Umaawit hanggang sa panaginip,
gumigising sa himig ng paligid.

Sana kapag nabasa mo ito,


mga sundalo’y di na bumalik sa baryo.
Para sakaling ako’y kumustahin mo
masasabing mabuti naman ako.
Ikaw? Sana’y ganoon din sa lugar n’yo.
Sana’y ganoon—sa buong mundo.

40
ISBN 978-971-635-067-8

You might also like