You are on page 1of 7

Eko-tula

Ang panulaan o tula ay isang uri ng sining at panitikan na kilala sa malayang paggamit ng wika sa iba't
ibang anyo at estilo. Pinagyayaman ito sa pamamagitan ng paggamit ng tayutay. Ang mga likhang
panulaan ay tinatawag na tula. Madaling makilala ang isang tula sapagkat karaniwan itong may batayan
o pattern sa pagbigkas ng mga huling salita.

Binubuo ang tula ng saknong at taludtod. Karaniwan itong wawaluhin, lalabindalawahin, lalabing-
animin, at lalabing-waluhing pantig. Matalinghaga at ginagamitan din ng tayutay. May tugma at sukat.
Kung minsan ay maiksi o kaya naman ay mahaba.

Mga Elemento ng Tula

Saknong - isang grupo ng mga salita sa loob ng isang tula na may dalawa o higit pang taludtod.

Sukat - bilang ng pantig ng tula.

Tugma - pinag-isang tunog sa hulihan ng mga taludtod.

Talinghaga - tumutukoy ito sa paggamit ng matatalinhagang salita at tayutay.

Halimbawa ng mga Tula Tungkol sa Kalikasan

1. Isang Punungkahoy
2. Ulap
3. Gubat
4. Sa Paglubog ng Araw
5. Lupa
6. Kalikasan – Saan Ka Patungo?
7. Kalikasan
8. Puno at Ikaw
9. Tubig, Tubig, Tubig
10. Trahedya
11. Pag-ahon
12. “Na-Ondoy, Na-Pepeng”
13. Paglalanggas

Ulap

Tula ni Jose Corazon de Jesus

Dati akong panyo ng mahal na birhen

Na isinalalay sa pakpak ng anghel;


Maputi, malinis, maganda, maningning,

Ang lahat sa langit, nainggit sa akin.

At ako’y ginamit sa kung saan-saan,

Pamunas ng noo ni Bathalang mahal;

Kung gabi’y kulambo’t kung araw’y kanlungan,

Lalong pampaganda sa bukang-liwayway.

Kung umaga ako’y ginto sa liwanag,

Karong sinasakyan ng Araw sa sinag;

At kung gabi namang tahimik ang lahat,

Dahilan sa Buwan, nagkukulay pilak.

Dati akong puti, busilak ang ganda,

Sa Dios pamunas sa tuwi-tuwi na;

Sa Birhen ay panyong pamahid sa dusa,

At sa mga tala ay kulambo nila.

Dahilan sa ganyang dami kong gawain,

Ako ay dumumi, lumungkot, umitim,

At ang katawan kong ibig kong basain,

Kapag lumitaw na, ulan ay darating.

At ngayon sa aki’y sawa na ang lahat,

Di na nagunita ang lahat kong hirap,


Dios ang may sabi: Ang aking pamunas

Nang marumihan na’y tinawag kong ulap.

Gubat

Tula ni Moises Santiago

Malawak na dibdib

ng sangkalikasan

may pusong maliblib

ng kahiwagaan;

madawag sa tinik

ng kasiphayuan;

mababa, matarik

ang mga halaman;

may mahalumigmig

na himig ng buhay.

May sapa at batis

na umaaliw-iw

sa kristal na tubig

ang buntong-hinaing;

sarisaring tinig

ng galak at lagim;

may lamig at init

ng dusa at aliw.
Anupa’t kinapal

na napakalawak

ang kahiwagaang

hindi madalumat;

sa sangkatauhan

ay guhit ng palad

ng bawat nilalang

ang nakakatulad;

ganda’t kapangitan

ang buhay sa gubat.

Puno at Ikaw

Tula ni Jasonhamster mula sa jasonhamster.wordpress.com

Nakalimutan mo na bang ako’y iyong itinanim

Nang minsan ikaw ay walang makain?

Kay tagal mong nag-intay ikaw man ay nainip

Panahon na lumipas ako’y di mo man lang sinilip.

II

Ako ay mag-isang lumalaki na ayon sa kapalaran,

Ikaw ay nainip, bumaling sa ibang halaman.

Hindi ko kaagad naihandog sayo ang aking prutas

Ikaw ay nagtampo, sa ibang puno ka namitas.


III

Marami kami ngayon na naglipana sa gubat,

Tignan mo muna ang hawak mong patpat.

Sa akin ba galing yang hawak mo?

O napapaisip lang ako ng todo-todo.

IV

Ang sa akin lang naman munting kaibigan

Maaari sana’y mga kababayan mo ay pagsabihan.

Putulin man nila kami ng walang habas

Palitan naman ng bagong punlang pupungas-pungas.

Inalagaan ka ng iyong inay tama ba ako?

Sana’y madama mo na ganoon din ang nais ko.

Mumunti ako noon sa iyong paningin,

Sa paglipas ng panahon ako’y iyong titingalain.

Trahedya

Ang tulang ito ay mula sa panitikanatbp.wordpress.com

1.
Literal na paliligo sa dagat ng basura

Pagkaanod ng sariling bangkay

Sa rumaragasang ilog, bukal at sapa.

Ang tubig na noo’y bumubuhay

Sumisingasing, bumubugso, pumapatay

Uli-uling lumalamon sa sangkatauhan!

2.

Lupang pinagmulan ng lahi ni Adam

Lupang kayumangging biyaya ng buhay

Lupang paglilibingan ng lupang katawan.

Alog ng daigdig, badya ng trahedya

Bitak na animo’y bungangang nagnganga

Matibay na muog ay panlaman sa sikmura.

3.

Araw na siyang liwanag sa umaga

Araw ding sumusupok sa gubat at lupa

Patalim na balaraw sa bawat hininga.


Hanging hininga ni Inang Kalikasan

Hanging kailangan ng tao para mabuhay

Hangin ding lasong sa’yo ay papatay!

4.

Ano itong nangyayari sa daigdigan?

Sino ang sisihin sa bangis ng Kalikasan?

Ano nga ba ang trahedyang tunay:

Pagkabog ng lupa’t pagkatuyo ng dagat

Alulong ng hangi’t pagkaagnas ng gubat—

O kasakiman ng taong ugat ng lahat?

You might also like