Pagsusuri sa paksa ng tulang “Kung Sakali” ni Ysai Carinio:
Ang tulang ito na pinamagatang “Kung Sakali” ni Ysai Carinio ay ukol sa isang taong nagmahal, nasaktan, patuloy na nagmamahal, at patuloy pa ring umaasa sa kabila ng sakit na kaniyang nararamdaman. Ito ay inihahandog niya sa kaniyang iniirog na ayon sa tula, masakit man, ay iniwan na siya. Sa mga unang taludtod, mababasa kung paano niya inihalintulad sa mga bagay sa kaniyang paligid ang mga nais niyang iparating at ipahayag. Sa puntong iyon, madadama ang labis niyang pangungulila at paghahangad sa kaniyang sinisinta. Kaakibat ng pagnanais niyang manumbalik ang kanilang pagsasama ay ang takot na baka hindi na muling masuklian pa ang pagmamahal na kaniyang buong pusong inaalay. Kaya naman, habang tumataas ang emosyon sa kaniyang tula, mararamdaman din ng mambabasa, tulad ko, kung paano nagiging desperado ang kaniyang tono ukol sa kaniyang nadarama. Mababatid na ang teoryang pampanitikan na ginamit dito ay halong teoryang Romantisismo na Tradisyunal at Klasismo. Ang tulang ito ay naglahad ng pangyayaring ukol sa pag-iibigan at ang pagkakalahad ay laging nagtatapos nang may kaayusan. Ngunit ito ay puno ng emosyon at tila isinalaysay ng may kaakibat na inspirasyon, partikular ay ang inspirasyon na mula sa pagmamahalan. Ginawang instrumento ang tulang ito upang mapahayag ng manlilikha ang nakakubling nararamdaman niya patungo sa kaniyang minamahal. Ibinalik niya ang mga pangyayari sa kanilang nakaraan na tila ginamit niyang paraan upang makumbinse na bumalik na sa kaniya ang taong tanging minamahal niya. Ang pagsasalaysay niya patungkol sa kanilang nakaraan ay simbolo ng hindi niya paglaya pa mula roon. Siya ay nakakulong pa rin sa ideya ng taong wala na at sa mga panahong kasama ang taong ngayo’y iniwan na siya. Ang tula na ito ay may halong lungkot, saya, sakit, at higit sa lahat, pagmamahal na walang katumbas. Mabigat man sa simula ang damdamin at mensahe na kaniyang ipinahayag, sa kalauna’y nanaig pa rin ang sining ng pag-ibig. Para sa manlilikha ng tulang ito, pag-ibig ang siyang sagot sa lahat; pag-ibig lamang ang kayang humilom ng sakit ng nakaraan. Walang galit o problema ang siyang kayang manaig kung pag-ibig na ang patuloy na aawit. Sa puntong ito mararamdaman ng mambabasa ang pagka-romantisismo ng panitikan na ito sapagkat dito mababatid ang pagdakila sa halagang pantao sa pamamagaitan ng paghugot ng inspirasyon mula sa pag-ibig. Bibigyan ng tulang ito ang mga mambabasa ng isang palaisipan ukol sa pag-ibig na kayang hamakin ang lahat, manatili o bumalik lamang. Tulad ko, bilang mambabasa, napaisip ako kung tama pa bang umasa siya sa kabila ng sakit na kaniyang naranasan, o mali na ba na humawak pa sa kadahilanang ang nakaraan ay dapat binabaon na sa limot sapagkat ito ay isa na lamang lumang tugtuging nakalipas na. Dito mapagtatanto na ang tulang ito ay hindi lamang tungkol sa isang taong nais makuha o makasamang muli ang minamahal niya, sa halip, ito ay patungkol din sa isang taong may matibay na loob at may paninindigan na hinding hindi niya basta susukuan. Tunay ngang ang panitikan na ito ay umikot sa kwento ng pagmamahalan na puno ng nag-aalab na emosyon. Sa kabuuan ng tulang ito, masasabi kong nagbigay ito ng bisang pangkaisipan, pandamdamin, at pangkaasalan. Ang mambabasa ay hindi lamang maaantig sa mensahe ng tulang isinalysay, kung hindi matututo rin na maibsan ang anumang pait na pananaw sa pag- ibig. Ang puso ng sinumang matagal nang naging bato, ngayo’y unti-unti nang lalambot dahil sa mga bagay na mapagtatanto sa tulang ito. Ngunit, ang tula na ito ay nagsilbi ring aral sa mga umiibig upang maging mas maingat at mapili sa kanilang mamahalin. Dahil ang sakit mula sa pagkawasak ng puso ay walang katumbas at walang tiyak na salita ang makapaglalarawan. Sa personal kong naramdaman, aking napagtanto na ang pagmamahal o ang pag-ibig ay isang bagay na kailanma’y hindi ko makakayang alisin sa aking buhay, pero ito ay isang bagay din na dapat laging pinag-iisipan. Ang tula ring ito ay nagsilbing daan upang maniwala ulit ako sa pagmamahal na akala ko’y matagal nang ipinagkait sa akin ng Poong Maykapal. Pag-ibig, paninindigan, pagtitiwala, at pag-asa. Ito ang mga bagay na nais ipahiwatig ng tulang ito.